Tila parang nanlalambot ang mga paa ni Sunshine nang umagang iyon, naroon ang kakaibang panghihina ng kanyang mga hita, na wari mo ay hindi nito kaya ang bigat ng buo niyang katawan. Ni hindi na siya nag-abala pang mag-ayos, kaya naman gulo-gulo pa ang kanyang buhok.
“Oh, ano nangyari sa interview mo Shine?”
Bati ni Layla nang tuluyan na siyang makababa ng hagdanan.
Nakaupo ito sa dining table, humihigop ng kape habang iwinawagayway sa kanya ang kapirasong pandesal na hawak nito.
“Please don’t ask.”
Wasiwas niya na lang ng kamay habang papalapit sa kaibigan.
Naupo na muna siya sa tabi nito, pasimpleng sumilip sa bintana para masigurong hindi pa sumisikat ang araw.
“Oh, bakit nanaman?”
Kunot noong turan ni Layla dahil na rin sa kanyang hitsura.
Naparolyo na lamang tuloy siya ng mata dito, lalo pa nang mapanguso pa ito habang isinusubo ang hawak na pagkain.
“Please, huwag mo na itanong.”
Paypay na lang ni Sunshine ng kamay para patigilin na ito sa pagtatanong ukol sa nangyari sa kanya, lalo pa at nais niya ng burahin iyon sa kanyang alaala.
Wala na rin naman siyang nakikitang rason para isipin pa ang naturang lalake, lalo pa at alam niyang impossible na naman siyang matanggap sa naturang trabaho dahil sa mga nangyari.
“Ikaw naman kasi, hindi ko maintindihan kung bakit kailangan mo pa na maghanap ng trabaho, kung tutuusin…”
Napabuntong hininga na lang si Layla habang sinasabi iyon, pero hindi na nito naituloy ang sasabihin nang makita ang pagsasalubong ng kilay ni Sunshine. Isang malalim na paglunok na lamang ang nagawa ng babae habang pilit na pinapalitaw ang ngiti nang mabatid ang talim ng titig niya.
“Layla, seryoso, huwag na nating pag-usapan.”
Diin niyang turan sa kaibigan. Batid niya na naman ang sasabihin nito kung kaya’t minarapat niya ng patigilin ang kaibigan. Sa lahat-lahat ng bagay, iyon na yata ang isang bagay na hindi niya na nanaisin pang ungkatin sa kanyang nakaraan.
Iminiwestra na lang ng dilag ang kamay na parang izi-ni-zipper ang bibig kasabay ng madiin na pagtitikum nito para sabihin na hindi niya na iyon babanggitin pa.
“Ito nga pala, bigay ni bongbong mo. Bayad niya raw sa renta para ngayon buwan.”
Turan na lang nito habang pinadudulas ang isang piraso ng sobre papalapit sa kanya.
Doon na nawala ang kunot sa kanyang noo dahil sa naturang bagay, nanlalaking matang napadilat na lang siya habang kinukuha ang naturang bagay.
“Hala, nakaalis na ba siya? Bakit ang aga naman?”
Isang malalim na paglunok ang tangi niyang nagawa, may kung anong kabog kasi ang bigla na lamang bumalot sa kanyang dibdib dahil doon. Pinalinga niya pa ang tingin sa palapag na iyon ng bahay, sarado na ang pinto na tinutuluyan ng lalake at wala na ngang ilaw ito.
“May lalakarin raw siya ngayon.”
Sagot na lang ni Layla habang pinapaikot ang daliri sa ere.
Isang tango na lamang ang nagawa niya habang binubuksan ang naturang bagay, nanumbalik ang pagkusot sa kanyang mukha nang mapansin ang nilalaman ng naturang lalagyan.
“Sandali, bakit parang sobra ito.”
Bulalas niya habang inilalabas ang bungkos ng pera na naroon.
Iyon kasi ang unang beses na nangyari iyon, at hindi niya nagugustohan ang pinatutunguhan ng naturang pangyayari. Mayroon kung anong tumutusok sa kanyang loob ng mga sandaling iyon dahil batid niyang may mali ng mga oras na iyon.
“Sabi ko na nga ba hindi niya sinabi sa iyo eh.”
Isang malalim na pagbuntonghininga na lamang ang nagawa ni Layla habang napapalinga ng ulo. Napahilot na lamang ito sa sintido nang mabatid makita kung paano maluha ang kaibigan.
“Ang ano naman?”
Nanginginig labing sambit ni Sunshine habang pinupunasan ang mga kumawalang butil sa kanyang mata. Nagsimula nanaman siyang malukob ng pangamba sa kaalaman na malalayo nanaman siya sa pinakamamahal.
“May nahanap siyang apartment na lilipatan sa kabilang kanto.”
Sagot ni Layla.
“Ha? Bakit, namamahalan ba siya sa upa? Sabi ko naman sa kanya pwede siyang tumira ng libre dito eh.”
Doon nanaman siya napabusangot, may bahagyang inis ang namuo sa kanya dahil na rin sa hindi niya makuha kung ano pa ba ang kailangan niyang gawin para mapanatili roon ang naturang lalake.
Halos lahat na yata ng bagay sinubukan, mula sa pagluluto ng mga paborito nitong pagkain, pagbibigay ng mga gamit, pagtulong sa negosyo nito, kahit ang kahilingan nito na bawasan na ang pangungulit ay ginawa niya na rin para lang huwag itong umalis.
Ngunit sa bawat pagkakataon ay palagi pa rin itong gumagawa ng paraan para magkaroon ng dahilan upang lumisan doon.
“Mag-eexpand yata siya ng business niya, kaya kailangan niya ng mas malaking space.”
Sambit na lamang ng babae sa kung ano ang kakapiranggot na nalalaman. Pilit na lang nitong pinanatili ang tuwid na mukha habang napa-ayos sa kinauupuan.
Dito na napatayo si Sunshine, madalian na itong napagpaikot-ikot sa buong lugar, habang napapataas ng kamay dahil sa pagkataranta.
“Malaki naman iyong space dito sa bahay ah. Pwedeng pwede niyang gamitin iyong buong lugar kung gusto niya.”
Pagpipigil na sigaw niya, ngunit sadyang tumataas na ang kanyang boses ng mga sandaling iyon. Hindi na rin siya matigil sa pagtataas ng kamay sa pagpipigil na mapasabunot sa sarili. Walang patid na rin ang pagpapaikot-ikot niya dulo’t ng mabilis na paglukob ng pangamba sa kanya.
“Ay malay ko. Never ko naman naintindihan iyong lalake na iyon. Ibinibigay mo na lahat pero hindi pa rin sapat.”
Pagkikibit balikat na ni Layla.
Sa pagkakataon iyon ay pinilit na ng babae na magpatay malisya ng mga oras na iyon. Lalo pa nang mapansin na nagsisimula nanaman ang panic attack ng kaibigan.
“Bakit hindi niya na lang sinabi sa akin?”
Pagpapadyak na lang niya ng paa dahil sa inis, ilang sandali rin siyang huminga ng malalim upang pahupain ang matinding nadarama.
Bandang huli ay hindi na niya napigilan ang sarili at nagtuloy-tuloy na siya patungo sa pinto. Walang paki-alam kahit tanging itim na night gown at maikling shorts lamang ang kanyang suot. Sinuklay niya na lang ng kamay ang buhok upang umayos pakadaan sa salamin, naninigurado na kahit papaano ay presentable pa rin naman siyang tingnan.
“Oh, saan ka naman pupunta?”
Nanlalaking matang bulalas ng kaibigan nang makita nito ang tuluyan niyang paglabas ng bahay.
“Kakausapin ko si bongbong na huwag na lumipat.”
Ngiting sambit na lang ni Sunshine habang isinusuot ang tsinelas.
Isinantabi na niya lahat ng alalahanin ng mga oras na iyon. Ipinapaulit-ulit ang mga kataga na palagi niyang sinasabi sa sarili. ‘Be positive.’ Ito ang paniniwala na matagal na niyang pinanghahawakan sa bawat pagkakataon na humaharap siya sa ganitong uri ng pagsubok.
“Hoy, Shine, sandali, may sasabihin pa ako!”
Pahabol ni Layla.
Subalit lutang na ang kanyang isipan ng mga sandaling iyon, lalo pa at ang tanging nasa isipan niya ay ang mga kailangan niyang sabihin upang mapapayag ang lalake sa nais.
Napangiti na siya nang lumitaw sa isipan ang ilang mga imahe ng kahihinatnan ng kanilang pag-uusap, kaya naman parang lutang na siya ng mga oras na iyon hanggang sa makarating siya sa lugar kung nasaan ang nasabing tindahan.
Tuluyan ng lumapad ang guhit sa kanyang mukha nang masilayan si bongbong, kaya naman mabilisan na siyang napakaway ng kamay upang magpapansin rito. Hindi alintana ang ilang nakaparadang sasakyan na nakaharan sa daan o ang mga taong kausap nito naroon.
Natigil lamang siya nang bigla na lang may humablot sa kanya buhok kasabay ng paghatak sa kanya, dahilan para mapaluhod siya sa daan sa lakas noon. Wala siyang nagawa kung hindi ang mapatili sa gulat kasabay ng mabilisan na kapit sa ulo upang protektahan ang sarili.
“Walang hiya ka! Ang kapal ng mukha mo na magpakita sa akin!”
Alingawngaw ng isang matining na boses na nagmumula sa humahatak sa kanya.
Aktong manlalaban na sana siya sa kung sino man kumakaladkad sa kanya, mabuti na lamang at nakilala niya kaagad ang boses kung kaya’t napigilan niya ang sarili na sipain ang naturang nilalang.
“Tita! Tama na po.”
Nangingiwing paki-usap niya na lamang, tinitiis ang matinding sakit na dinadanas ng mga sandaling iyon.
Doon na sila napansin ng mga ilang mga tao roon, kasama na rin ang ng taong sinadya niya talaga sa lugar. Ganoon na lamang ang panlalaki ng mata ni Bongbong nang masilayan ang nangyayari, kaya ganoon na lamang ang pagkaripas ng takbo nito papunta sa kanila.
“Ma, ano bang ginagawa niyo! Bitiwan niyo si Shine!”
Singhal nito nang sa wakas ay makalapit na sa kanila, mabilisan itong umawat sa ginagawa ng ina. Subalit inabot pa rin ng ilang sandali bago ito tuluyan na bumitaw.
Walang patid pa ang pagwa-wala nito nang mayakap ng ilan pang mga naroon, bago tuluyan pakawalan si Sunshine, ngunit nagawa pa nitong makahabol ng isang malakas na sipa na siyang dahilan para mapasubsob siya sa kalsada.
“Lumayas ka ritong salot ka! Lubayan mo na ang anak ko.”
Bulyaw ng ginang habang inilalayo na ng anak nito.
“Shine sige na, umalis ka na. Mamaya na tayo mag-usap.”
Saad na lamang ni Bongbong.
Kagat labing napatango na lamang siya rito, kahit hindi niya man gustong umalis ay minarapat niya na lang rin na sumunod sa nais ng lalake, lalo pa at mukhang nahihirapan na itong awatin ang ina.
Labag man sa kanyang loob ay agad na lang siyang tumayo, pasimple niya na lang na iniayos ang kasuotan at hitsura. Matapos pagpagin ang duming dumikit sa katawan ay yumuko na lamang siya sa ginang at anak nito tanda ng paghingi ng paumanhin.
“Pwe! Huwag na huwag mong mapakita-kita ulit ang mukha mo sa akin na babae ka, kung hindi makikita mo talagang hinahanap mo!”
Padurang sigaw ng matandang babae na walang patid sa pagduduro sa kanya.
Naroon man ang hapdi ng mga sugat at paninikip sa kanyang dibdib ay pinilit niya na lamang na ipagsawalang bahala ang lahat ng iyon. Isina-alangalang na lang niya ang sinabi ni Bongbong upang mapawi ang agam-agam.
Nakayukong kumaripas na lamang siya ng lakad papa-alis sa nasabing lugar, upang itago ang mukha at hitsura sa mga taong nakapaligid. Naroon na kasi ang todo-todo niyang pagpipigil sa pagnanais na pagkawala ng hikbi at luha sa kanya dahil sa dinanas.