◄Trenz's POV►
"Cairo, nasaan ba si Ellijah? Akala ko ba ay papunta na 'yon dito? Bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya dumarating?" inis kong ani. Isang oras na akong naghihintay dito, pero ang pinsan ni Josh na si Ellijah ay hindi pa rin dumarating.
"Baka hinahanap na naman niya si Abhie," sagot ni Helios, ang isa sa matinik na assassin ko. Pero si Ellijah ang pinaka-mahusay dahil sa natutuhan nitong kaalaman mula kay Josh. Kaya ipinagmamalaki ko ang husay niya na hindi nalalayo kay Josh Morin, ang pinsan ni Ellijah.
"Hindi ba at matagal ng sumabog ang sinasakyang bus ng Abhie Suarez na 'yon at dineklara ng patay ang lahat ng pasaheros ng bus? Bakit hinahanap pa niya? Nababaliw na talaga ang isang 'yan samantalang mahigit apat na taon na yata nangyaring 'yon, pero hanggang ngayon ay hinahanap pa rin niya? Kung buhay ang babaeng 'yon, sana ay matagal na nating nahanap o matagal na siyang nagpakita." wika ko sabay buntong hininga ko. "Baka guilty." Napapailing na lang ako sa isinagot sa akin ni Helios.
Si Abhie ay isa sa naging nobya ni Ellijah. Kaya lang, dahil sa pagiging babaero ng kaibigan ko, pinagsabay niya ang dalawang babae sa buhay niya. Kaya ayun at nilayasan siya ni Abhie Suarez ng marinig mismo nito sa bibig ni Ellijah na hindi siya gusto ng kaibigan kong may saltik sa utak, na pinaniwala lamang siya upang makuha sa kanya ang gusto ng kaibigan ko. Siguro nga ay nagi-guilty si Ellijah kaya kahit na dineklarang patay na ang lahat ng sakay ng bus ay umaasa pa rin ito na buhay pa ang babaeng pinaglaruan niya.
"Nandito na ako, ano ba ang importante ang ipapagawa mo sa akin? May misyon ba ako?"
Napalingon kami sa pintuan ng aking opisina ng iniluwa nito si Ellijah na seryosong nakatitig sa akin. Napabuga ako ng hangin at itinuro ko sa kanya ang isang folder na nasa ibabaw ng office desk ko.
"Your next mission," wika ko. Nilapitan niya ito at binuklat. Ngumisi ito at tumango lamang.
"Asahan mo na bukas ng umaga ay makikita mo na 'yan sa balita na wala ng buhay," wika niya kaya ngumisi ako. Sa tuwing bibigyan ko siya ng misyon. Para siyang si Josh na hindi ginagamit ang sariling mukha kaya walang nakakakilala sa tunay niyang pagkatao.
"Very good! Sige na at marami pa kaming gagawin," ani ko. Pero hindi naman siya umaalis sa harapan ko kaya nag-angat ako ng mukha at tinitigan ko siya.
"Lunch time, hindi pa ba kayo kakain? Nagugutom na ako, kanina pa kumakalam ang sikmura ko," wika niya kaya napatingin akong bigla sa orasan kong pambisig. Napasapo ako ng aking noo. Kung kailan ko nakita ang oras ay duon pa lamang nagsimulang kumalam ang aking sikmura.
"Let's go, sa mall na lang tayo kumain," ani ko, at kinuha ko na ang coat ko na nakasampay sa sandalan ng swivel chair ko at naglakad na ako papalabas ng aking opisina.
Pagdaan ko sa cubicle ng aking sekretarya ay sinabihan ko na lang din siya na kumain na ng tanghalian at baka hindi na rin ako makabalik pa dahil kilala ko ang mga kaibigan kong ito. Siguradong aayain na nila akong uminom sa bar after naming kumain ng lunch.
"Bro, kamusta si Mary? Bakit ayaw mo pang umamin na may pagtingin ka sa kanya? Akala mo ba ay hindi namin alam na 'yung kinanta mong Just the way you are nuong kasal ng kapatid mo, ay kay Mary mo naman talaga ito inaalay? Dude, halos maduling ka habang tinititigan mo siya ng gabing 'yon," wika ni Cairo kaya siniko ko siya sa tagiliran ng hindi ko siya nililingon. Napaigik naman siya kaya ngumisi ako ng pagak.
Pagbukas ng elevator ay gulat na gulat ako ng makita ko si Mary kasama si Celestina at si Amore. What the hell! Ano ang ginagawa nila dito? Napatingin ako kay Mary na may hawak na isang sandwich na may kagat na, at sa isang kamay niya ay may hawak siyang paper bag na may laman, pero hindi ko alam kung ano.
"Ano ang ginagawa ninyo dito, Celestina?" tanong ko habang diretso akong nakatingin sa aking kapatid.
"Galing kami sa opisina ng asawa ko, Kuya Trenz. Dayan lang sa kabilang building, alam mo namang sa kanya ang building na 'yon. Papunta na sana kami ng mall para kumain pero naisipan kong dumaan dito para tanungin ko kung kumain ka na, kasi kung hindi ay isasabay ka na namin," wika ng kapatid ko kaya bigla naman akong napatingin kay Mary at tumaas ang dalawa kong kilay.
"Hindi pa ba kayo kumakain sa lagay na 'yan? Ngumunguya na 'yang kaibigan mo, siguradong busog na 'yan," ani ko. Natawa naman ang kapatid ko at napatingin din sila kay Mary na sinusupladahan na ako. Pero ewan kung bakit kahit na malusog siya, maganda pa rin siya at sexy. Huh? Ano ba ang pumapasok sa isipan ko at nasasabi kong maganda at sexy ang cholesterol na 'to? Nasisiraan na yata ako ng bait. Kung ano-ano na ang pumapasok sa aking isipan. Baka kinukulam ako ni Mary.
"Hindi pa ito pananghalian noh! Meryenda lang ito dahil kanina pa kami hindi kumakain dahil nagkaroon ng meeting si Josh. Buti nga at ibinigay sa akin ni Marcus ang sandwich niya dahil pakiramdam ko ay mamamatay na ako sa gutom kanina,"wika ni Mary kaya napapailing ako ng ulo sa kanya.
Pagka-ubos ni Mary ng sandwich ay natawa ako. Maglalakad na lang sana ako ng matigilan ako ng makita ko na binuklat niya ang paper bag at dumampot ulit ng isang sandwich. Bigla kong tinignan ang loob ng paper bag, binilang ko ang plastic na wala ng laman at pangatlo na niya ang sandwich na hawak niya.
"Hindi naman kaya ma-empatso ka niyan sa dami ng kinakain mo?" ani ko at kinuha ko ang paper bag na may laman pang sandwich at ibinigay ko kay Ellijah. Agad namang kinain ni Ellijah ang natitirang sandwich kaya galit na galit si Mary. Pagkatapos ay kinuha ko ang kinagatan niyang sandwich at talagang inubos ko. Kagat-lunok yata ang ginagawa ko maubos ko lang para hindi na niya kainin pa.
"Kapal ng mukha mo! Pagkain ko 'yan, bakit mo inubos?" naiiyak niyang ani habang si Celestina at si Amore ay tawa ng tawa sa kaibigan nila.
"Kakain na lang tayo sa labas kaya sumunod kayo sa akin," wika ko at pinindot ko ang button ng private lift.
Pagkarating namin ng first floor ay pinauna ko na silang maglakad habang ako ay nasa likuran nila at mabagal lamang akong naglalakad. Hindi ko maintindihan kung bakit pinagmamasdan ko kung gaano ka-seksing maglakad si Mary.
"In love ka nga bro," bulong ni Cairo, kaya kunot-noo akong humarap sa kanya at sinuntok ko siya sa kanyang balikat, pero mahina lang, at sapat na 'yung pag-aray ni Cairo upang mapalingon sa amin ang aking kapatid, si Mary at si Amore.
"Anong nangyari?" tanong ni Celestina. Pero umiling lang si Cairo kaya pinagpatuloy namin ang aming paglalakad. Habang patungo kami ng parking lot ay nagsimula akong kumanta ng Just the way you are ni Bruno Mars, na sinimulan ko sa chorus kaya napalingon sila sa amin. Napatitig sa akin si Mary pero hindi ko tinitigilan ang pag-awit habang nakatingin din ako sa kanya.
"Cause you're amazing, just the way you are."
Nakatitig lamang siya sa akin hanggang sa hinila na siya ng aking kapatid kaya nagpatuloy na kami sa paglalakad. Shiit! Ano ba talaga ang nangyayari sa akin? Huh! Nagawa ko pa talagang kumanta. Napapailing na lamang tuloy ako sa aking sarili.
Pagkarating namin ng mall ay si Celestina na ang namili ng restaurant na kakainan namin. Isa itong Chinese restaurant kaya okay lang din sa amin dahil gusto rin naman namin ang Chinese food.
"Ellijah, Luke, okay lang naman sa inyo ang Chinese food, hindi ba?" tanong ni Helios. Pagkatango nilang lahat ay pumasok na kami sa loob at umorder na rin agad kami ng makakain. Pero nagulat kami ng umorder si Mary ng isang buong fried chicken. Napatingin ako kay Celestina, nagbibiro ba ang kaibigan niya? Isang buong fried chicken talaga ang order niya? Hindi lang 'yon, umorder din siya ng isang main course.
"Kuya, take out nya 'yan. After kasi nito ay pupunta kami ng Pangasinan upang bisitahin ang mga magulang niya. Pasalubong niya 'yan at binigyan na niya ako ng pera pambayad dahil ayaw niyang magpa-libre para sa pasalubong sa kanyang mga magulang. Ipapakilala din daw niya kami sa best friend niya duon sa probinsya na Nosgel Ladaj ang pangalan. Gusto niyang makilala namin ang kaibigan niya at kung pwede daw na mabigyan ng trabaho. Sabi naman ng asawa ko ay walang problema sa kanya, mabibigyan niya ito ng magandang trabaho sa company niya. Wala naman mamaya si Josh dahil may mahalaga silang lakad ni Marcus kaya sabi ko ay duon na lang kami matutulog sa probinsya nila Mary," wika ng kapatid ko. Bigla tuloy akong napatingin sa aking orasang pambisig. Masyado naman yatang late na para pumunta pa sila ng Pangasinan. Gagabihin na sila kaya sasamahan ko sila.
"Sasamahan namin kayo nila Cairo, masyado ng late para mag-travel kayo na kayo-kayo lang. Kung kasama ninyo kami, hindi kayo mapapahamak," ani ko kaya biglang napatingin sa akin ang aking mga kaibigan. Tinaasan ko sila ng dalawang kilay. Kapatid ko ang pinag-uusapan namin dito, natural lang na hindi ako makakapayag na umalis sila ng late, na hindi ako kasama.
"Ibang klase ka rin, dinamay mo pa kami," wika ni Cairo.
"Tawagan mo si Alice at Gerchelle, sabihin mo na gawin ang misyon nila na ipinag-uutos ko. Sabihin mo rin sa kanilang dalawa kung saan tayo pupunta mamayang gabi kung sakali na gusto nilang sumunod."
Hindi na kumibo pa si Cairo sa sinabi ko at tinawagan na lamang niya ang dalawang assassin kong babae. Napatingin akong muli kay Mary na masayang nakikipag-usap kay Amore at sa aking kapatid. Ang ganda niyang ngumiti, ang ganda niyang tumawa.
"Tunaw na!" bulong ni Ellijah kaya bigla akong humarap sa kanya sabay tawa niya. Inginuso niya ang baso ko na may lamang ice, tunaw na nga ang iyelo kaya tumawag ako ng waiter at pinapalitan ko ito. At pagkatapos ay muli akong napasulyap kay Mary sabay tawa ni Ellijah ng malakas.