-Biktima-
Ako si Mary, biktima ako ng isang illegal recruitment agency. Sampo kaming ipinadala dito sa France, pero ang mga kasama ko ay nakauwi na ng Pilipinas. Tatlong araw na ako sa lansangan at hindi ko alam kung saan ako pupunta. Natutulog lamang ako sa gilid ng kalsada kasama ang mga homeless na nakilala ko dito, at buti na lamang ay hindi pa ako napapahamak hanggang ngayon. Ipinag-papasalamat ko 'yon sa panginoon.
Hila ang aking maleta ay tila wala ako sa aking sarili na naglalakad sa kalye. Iyak na ako ng iyak at alam ko na masyado ng nag-aalala ang aking mga magulang. Para na nga akong mababaliw dahil sa nangyayari sa buhay ko.
Simpleng babae lang ako, mahirap man ang pamumuhay namin pero pinalaki naman ako na may mabuting puso. 'Yun nga lang minalas ako at dito pa talaga ako napadpad sa bansang France.
May nakakasama akong mga homeless dito sa gabi, binibigyan din nila ako ng makakain. Tinatanggap ko lang at hindi ko na inaalam pa kung saan ito galing. Ang mahalaga sa akin ay malamnan ko ang nagugutom kong sikmura. Nagawa ko ding manlimos dito, pero dahil mataba ako, walang nagbibigay sa akin kahit isang kusing.
Nakabalik na ako sa mga kasama ko. Wala akong nalimos kahit na ano. Hindi naman ako kinakausap ng mga nakakasama ko, binibigyan lang nila ako ng tinapay at pasta sa tuwing kakain sila sa gabi at ako ay nakatunganga.
"You can sleep in this tent tonight. I will sleep here," ani ng isang may katandaang babae kaya nagulat ako. Ngayon nya lang ako kinausap. Itinuro pa niya ang isang tent na kalalagay lang niya kaya nagpasalamat ako ng bonggang-bongga dahil hindi ako masyadong malalamigan ngayong gabi.
"Where are you from?" tanong niya sa akin.
"I'm originally from the Philippines. I had been scammed by an illegal recruitment agency that promised me a job but instead stole my money and abandon me here. I have no idea where to go and know nothing about this country," sagot ko. Nakita ko ang kalungkutan niya kaya heto na naman ako, iiyak-iyak na naman ako.
"Some people can be really evil at times, but rest assured that you are welcome to stay here as long as you need a place to lay your head. We may not be able to provide luxurious accommodations like you're used to due to our unfortunate circumstances, but we keep praying that someday soon, we will be blessed with opportunities to better our lives. Until then, we will ensure that you have access to the basic necessities, including food. Fortunately, we have a friend who owns a nearby restaurant and generously provides us with free food every day. This gracious man is not only charming but also quite attractive. I am not privy to his name, but I affectionately refer to him as 'handsome' due to his striking appearance," ani ng babae na sa tingin ko ay nasa mga edad lang na thirty-seven years old, at mukhang kinikilig pa yata ito habang nagkukuwento siya tungkol sa lalaking tinutukoy niya kaya natawa ako ng mahina.
"Thank you so much for your generosity." sagot ko. Maigsi lang ang sinagot ko at baka inglesin na naman ako eh tuluyan ng bumulwak ang dugo sa ilong ko. Nagpasalamat na lang ako para hindi na ako mahirapan pa na intindihin ang mga sinasabi niya, kulang ako sa enerhiya ngayon dahil dalawang beses lang ako kumakain sa isang araw. Tinapay lang at kung minsan ay may pasta galing sa kanila. Iyon siguro ang pagkaing tinutukoy nila. Mababait sila sa akin kahit hindi naman nila ako kilala, kaya talagang nagpapasalamat ako sa kabutihang loob nila.
Naiihi ako. Hindi ko alam kung saan ako pupunta kaya napatingin ako sa kausap ko at tinanong ko kung saan ako pwedeng mag banyo. Minsan kasi ay sa mall ako nagpupunta upang makapag toothbrush at makapag banyo, kasi sarado na ang mall kaya hindi ko alam kung saan ako pwedeng umihi, kaya nagtanong na ako sa kanya. Sabi niya ay sasamahan niya ako sa tinutukoy niyang restaurant. Duon daw ay hinahayaan silang dumaan sa likurang bahagi upang magamit ang banyo. Tuwang-tuwa naman ako kaya kinuha ko na ang maleta ko at hila-hila ko ito ng magsimula na kaming maglakad. Hindi naman pala kalayuan ang restaurant na tinutukoy nila, napakalaki nito at napakaganda. Hindi ako makapaniwala na ang may-ari nito ay everyday silang binibigyan ng pagkain. Kailangan ko yatang kaibiganin kung sino man ang may-ari nito upang mabigyan din ako ng daily food for free.
Madalas kaya akong gutom., Bibigyan nila ako isang tinapay tapos pasta na kaunti na lang ang natitira, tinatanggap ko naman noh kaysa mamatay ako sa gutom dito sa France. Nakakahiya, nagpunta ako ng France, tapos namatay sa gutom. Mas lalo akong mabubully ng mga nakakakilala sa akin kahit tsugi na ang beauty ko.
Nagtungo kami sa likurang bahagi ng restaurant. Kumatok siya sa pintuan at ilang saglit lang ay bumukas din agad ito. Nag-usap sila ng salitang French at pagkatapos ay tinawag na niya ako kaya lumapit agad ako sa babae. Ilang araw ko na silang kasama pero hindi ko pa alam ang kanyang pangalan. Nahihiya din kasi akong magtanong lalo pa at hindi naman niya tinatanong kung ano ang pangalan ko.
Pagpasok ko sa loob ay naiwan lang ang babae sa labas upang bantayan ang maleta ko. Mabait naman siya at ilang beses ko ng iniwanan sa kanya ang maleta ko at wala namang nawawala sa mga gamit ko. At dahil nandito na rin naman ako sa loob ng banyo ay dinala ko na rin ang toothpaste at toothbrush ko upang makapag sipilyo na ako. Naghilamos na din ako para naman mawala ang dumi sa mukha ko. At least bago ako matulog mamaya ay fresh na ang pakiramdam ko.
Pagkatapos kong magbanyo at gawin ang lahat ay lumabas na rin agad kami. Naglalakad na kami ng bigla akong makarinig ng isang magandang boses ng isang pinay na babae.
"Hoy besh, mamaya natin 'yan kakainin. Huwag ka ngang atat! Akina 'yan at ipapakita ko 'yan kay kuya para malaman niya na marunong na talaga akong magluto ng French food, hintayin mo ako diyan at ipapakita ko lang ito saglit," ani ng isang magandang boses at pinay nga. Tagalog na tagalog kaya nakaramdam ako ng pag-asa.
"Sige na, dalhin mo na 'yan sa kuya mo at hihintayin kita dito. After niyan ay dumaan tayo sa condo ko bago tayo bumalik sa mansyon ninyo," wika naman ng isang babae din. Bumilis ang pagtibok ng puso ko kaya agad akong lumingon sa paligid ko. Hinanap ko agad kung kanino galing ang boses na 'yon.
Nakita ko ang isang payat na babae na may ginagawa sa harapan ng isang kotse sa harapan ng restaurant. Pinagmasdan ko siya at busy siya na may kung anong kinakalikot sa phone niya.
"Hello po," ani ko na nangiginig ang aking boses ng nilapitan ko siya. Napatingin siya sa akin, nagulat siya dahil bumubuhos ang aking mga luha. Kasi ngayon lang ako nakakita ulit ng Filipina at ito na ang pagkakataon ko para makahingi ng tulong.
Pinapaalis ako ng ng isang waiter at halos itulak na nga niya ako palayo ng restaurant, pero ngumalngal na ako kaya agad akong nilapitan ng magandang babae na payat.
"Miss, bakit ka umiiyak? Sino ka at ano ang ginagawa mo sa kalye ng ganitong oras?" ani niya sabay tingin sa maleta kong dala.
"Ako po si Mary, biktima po ako ng illegal recruitment agency. Pinadala po nila ako dito sa France upang magtrabaho, pero wala pong trabahong naghihintay sa amin dito. Pinerahan lang po kami, sampo po kami na nagpunta dito at ako na lang ang natitira dahil lahat sila ay bumalik na ng Pilipinas. Wala po akong pera at kailangan ko ng matutuluyan, tulungan po ninyo ako kahit katulong sa bahay ay tatanggapin ko po. Tatlong araw na po akong naninirahan sa kalye at walang makain, tulungan po ninyo ako parang awa na ninyo," umiiyak kong ani at lumuhod pa ako sa harapan ng babaeng maganda pero payat.
"Oh my god, huwag mo akong luhuran, tumayo ka diyan. Willing akong tulungan ka, huwag ka lang lumuhod sa harapan ko," wika niya na itinatayo ako pero hindi naman niya ako maitayo.
"Hala ang bigat mo naman! Tumayo ka na diyan miss, huwag kang lumuhod sa akin please," ani niya. Isang babae naman ang narinig kong nagsalita sa likuran ko at ito ang boses na narinig ko kanina.
"Anong nangyayari dito?" bigla akong napalingon at nakakita yata ako ng isang anghel na bumaba sa lupa. Napakaganda niya at payat. Mas lalo akong umiyak kasi dalawa na ang pinay na kaharap ko na pwedeng tumulong sa akin.
"Siya daw si Mary at biktima siya ng illegal recruitment agency sa Pilipinas. Tatlong araw na raw siyang pagala-gala sa kalye at natutulog sa kalye. Halika at tulungan natin siya, nakakaawa naman siya," wika ng babaeng una kong kinausap.
"Naku miss, halika dito sa loob ng sasakyan para hindi ka lamigin. Ako si Celestina at siya naman si Amore. Tutulungan ka namin kaya tama na ang pag-iyak mo," wika ng nagpakilalang Celestina, kaya mas lalo tuloy akong napahagulgol ng bonggang-bongga, dahil sa wakas ay makakakain na ulit ako ng marami. Maraming-marami.