Gulat ang reaksiyon ng mga miyembro ng Kratos na nakasaksi kung paano halos kaladkarin na si Ireta ni Lukas paakyat ng makitid na hagdan upang makalabas na sila ng basement. Ang pinakamalapit na banyo ay nasa komedor, kaya nang bumungad silang dalawa sa komedor ay may mga miyembro pang kumakain sa pahabang mesa. Napalingon ang mga ito sa dako nila, nagtataka. Walang pakialam na hinigpitan lang ni Lukas ang pagkakapulupot ng palad nito sa palapulsuhan niya at ipinasok siya sa loob ng banyo. Hindi nito binigyang pansin ang mga matang naguguluhan na nakapukol sa kanila, lalo na nang dumaan sila sa gilid ng mga ito. Sa loob ng banyo ay itinulak agad siya ni Lukas sa ilalim ng shower. Malamig ang tubig na bumubuhos sa uluhan niya. Pero hindi na niya alintana ang lamig. Walang kibo lang siya,