“PARUSA nga raw dahil ayokong humingi ng tawad doon sa binugbog ko—Hello, Luciel? f**k, nawalan na ng signal!”
Napatigil ako sa paglalakad ko nang may makita akong van sa labas ng mansyon ng mga Benavidez dito sa Claveria. Matagal na kasing walang nagpupunta rito. Halos mapabayaan na nga ang farm nila rito. Kaya nakakagulat na may makitang van at nagbababa ng mga maleta. Bukod pa roon may lalaking nakatayo roon at may kinakausap sa kanyang cellphone. Sana lang alam niyang medyo mahirap ang signal dito.
“Mahirap ang signal dito. Kung may gusto kang tawagan ay kailangan mo pang magpunta ng plaza para hindi magputol-putol ang pakikipag-usap mo sa cellphone mo,” magalang kong sabi sa kanya.
Nilingon niya ako at isang busangot ng mukha ng gwapong lalaki ang bumati sa akin. Napanguso ako dahil sa busangot niyang mukha. Bakit naman ganyan? Ang gwapo pa naman niya.
Hindi niya ako pinansin at naglakad palabas ng gate upang maghanap ng signal. Naririnig ko pa ang sunod-sunod niyang pagmumura dahil hindi siya makasagap.
“Kakasabi ko lang na mahirap nga ang signal banda rito,” pag-uulit ko sa sinabi ko kanina, Ang suplado naman kasi ng isang ito. Sinabihan na nga.
Kagaya kanina ay hindi niya pa rin ako pinakinggan at naghanap pa rin ng signal. Napairap ako at humalukipkip habang pinapanood siya.
“Mister, ang sabi ko—”
“I heard you and I don’t freaking care. Shut the hell up!” bulyaw niya sa akin. Mabilis niya ako tiningnan at kaagad ding iniwasan. Panay ang kanyang pagmumura nang wala talaga siyang mahagilap na signal.
Naglakad siya at nang nasa tapat ko ay tumigil siya at tiningnan ako. Ngumiti ako kahit na hindi kagandahan ang mga lumalabas sa bibig niya kanina pa.
Pinagmasdan niya ako mula ulo hanggang paa at tumigil ang tingin niya sa may dibdib ko. Napawi ang aking ngiti nang mapagtanto ko iyon. Kaagad kong tinakpan ang aking dibdib upang hindi niya na iyon matitigan pa. Nakita ko ang pagngisi niya na para bang natatawa siya sa naging reaksyon ko.
“Bastos ka, ah! Tinitingnan mo ba ang aking dibdib?!” Hindi ko mapigilang sigawan siya dahil sa paninitig niya kanina.
Tumingin siya sa akin nang diretso. Kung kanina ay nakangisi siya, ngayon ay hindi na. Makikita mo na naman ang mala-iritado niyang ekspresyon.
“No,” sabi nito sa isang matigas na Ingles.
“Kung ganoon, bakit ka tumitingin sa dibdib ko? Bastos ka nga!” pauli-ulit kong sigaw sa kanya.
He scoffed and licked his lower lip. “I am not looking at your boobs, Miss. Tinitingnan ko iyang suot mong kwintas,” iritado niyang sabi sa akin. Huminga siya nang malalim bago muling magsalita. “Isa pa, hindi kita type. I saw a lot of boobs bigger than that. It will not fascinate me—”
Sa sobrang pagkairita ko sa sinabi niya ay sinampal ko siya. Hindi kaagad siya nakagalaw sa ginawa kong pagsampal sa kanya. Makikita mo rin ang mamumula ng pisngi niya dahil sa ginawa ko. Hindi ko alam kung saan ako mas maiinis. Sa pambabatos ba niya sa akin o sa sinabi niyang hindi siya maaakit ng dibdib ko.
“Alam mo bang anak ako ng mayor ng bayan na ‘to? Gusto mo ipadampot kita sa mga tauhan ng papa ko?!” sigaw ko sa kanya. Naiirita talaga ako sa kanya. Ang arogante niya talaga hindi ko pa man siya kilala.
Marahan niyang hinaplos ang pisngi niyang sinampal ko at tiningnan ko. Kita ko ang inis sa kanyang mukha ngunit hindi ako nagpatalo. Kung inis siya, gigil naman ako!
Hindi na siya nagsalita pa at walang pasabing tinalikuran ako para makapasok sa loob ng mansyon ng mga Benavidez. Inarapan ko naman siya. Sayang, gwapo pa naman.
“Serena!”
Napalingon ako sa tumawag sa akin at nakita ko kaagad Clarity, isa sa mga nagta-trabaho rito at anak siya ni Aling Susan, isa sa mga katulong. Mas matanda lamang siya sa akin ng ilang taon kaya nagkakasundo kami at magka-vibes.
“Kanina ka pa? Nakita mo na ba si Sir? Ang balita ko kahapon ay ngayon ang dating ng anak nina Sir Gio. Naandito na siya panigurado. Naandito na ang van, eh!” Kaagad niya akong ginitgit, halatang excited sa pagdating ng kung sino.
“Aba malay ko! Wala naman ako rito kahapon kaya hindi ako nakasagap ng chismis. Anyway, saan ka nga ba galing?” tanong ko sa kanya. Kaagad niya namang ipinakita ang mga pinamili niya.
“Inutusan ako ni nanay na mamalengke kaya ako na ang namalengke. Abala kasi silang lahat dahil nga sa pagdating ni Sir Gareth.” Humahagikgik pa rin siya sa aking gilid. Hindi na naman ako nagsalita pa.
Baka iyong supladong lalaki ang tinutukoy niya ang darating? Hindi na ako magtataka. Mukha naman talaga siyang Benavidez. Nakita ko na ang mga larawan ng ilan sa kanila at masasabi ko na pamilya sila ng mga magagandang lahi.
“Tara na sa loob. Magta-trabaho ka ba ngayon? Kahapon ay absent ka.”
Naglakad na kami papasok sa loob ng mansyon. Doon kami sa likod dumaan para diretso sa kusina ang pasok namin.
“Oo, kailangan ko ng pera. Lumalala ang sakit ni Mama. Kailangan ko ng pambili ng gamot.” Tumango si Clarity sa sinabi ko at ibinigay na niya sa nanay niya ang kanyang mga pinamili.
“Oh, Serena, naandito ka pala. Kumusta ang mama mo?” tanong sa akin ni Aling Leni na siyang katuwang ni Aling Susan sa pagluluto.
Hindi ako mayaman. Wala akong mga tauhan na kagaya ng sinabi ko sa lalaki kanina. Ayoko lang talagang magpatalo sa kanya, pero totoong anak ako ng mayor ng bayan namin. Anak sa labas.
“Mas okay na po siya ngayon kumpara kahapon pero…kailangan ko po nang pambili ng gamot kaya pumasok po ako ngayon. Narinig ko rin po na may darating na amo. Mas kailangan n’yo po ata ng makakatulong ngayon.” Ngumiti ako sa kanila at tumango naman sila sa sinabi ko.
Paminsan-minsan ay tumutulong ako rito sa mansyon ng mga Benavidez. Kung ilang araw akong pumasok ay iyon ang matatanggap kong sweldo. Kailangan ko rin talagang kumayod dahil malapit na ang pasukan at kailangan ko nang ipangtutustos sa mga gastusin. Tapos itong si Mama nagkasakit pa kaya lahat talaga ng maaari kong pasukang trabaho ay pinapatos ko.
“Serena, makikitawag naman si Sir Gareth. Sabihin mo ay kakain na. Nasa sala iyon. Kapag wala ay baka nasa silid niya.” Tumango ako kay Aling Leni at sinunod ang kanyang ipinag-uutos.
Hindi na naman ako nahirapan dahil nakita ko ang isang lalaki na nakaupo sa isang malaking sofa sa sala.
Huminga ako nang malalim at kaagad kinuha ang kanyang atensyon. “Hello, Sir Gareth? Pinapasabi po ni Aling Leni na handa na ang pagkain at makakakain na raw po kayo—” Natigilan ako sa aking sinasabi at nawala ang aking ngiti nang humarap siya sa akin.
Siya iyong lalaking suplado kanina! I mean, inaasahan ko nang baka siya nga iyong tinutukoy nilang Benavidez na titira rito pero umasa pa rin akong hindi at guni-guni ko lamang ang supladong lalaki.
Mabilis niya lamang akong pinasadahan ng tingin at tumayo na rin kaagad. Nilagpasan niya ako at nagtungo sa hapag-kainan. Napairap naman ako dahil umasta siyang hindi kami nag-usap kanina. Eh ‘di huwag!
Sumunod ako at halos itulak ko siya para lamang mailabas ang naipong inis sa kanya. Ewan, simula nang bastusin niya ako sa labas ay naiinis na ako sa tuwing nakikita siya.
“Ayan! Naandito na pala si Sir Gareth—Ali. Ano po bang itatawag namin sa inyo? Narinig ko po kasing tinawag kayo ni Sir Gio na Ali nang tumawag siya rito kahapon,” tanong ni Aling Susan nang makita niya iyong lalaking suplado.
Naupo na ito sa isang silya. Nang una ay akala ko hindi niya papansinin ang tanong ni Aling Susan ngunit nagkamali ako.
“Either Gareth, Allister, or Ali is fine po,” malamig na saad niya bago magsimulang uminom ng tubig at kumain. Ngumiti sina Aling Susan at tumango sa lalaki.
“Ang dami mo naman pa lang pangalan, hijo,” natutuwang sabi naman ni Aling Leni bago ilapag ang huling putahing niluto niya para sa lalaki.
Napatingin si Aling Leni sa akin at kaagad niya akong sinenyasan. “Kumain na rin kayong dalawa. Siguro naman ay okay lamang kay Sir Ali kung sasabay kayo sa kanyang kumain.”
“Okay lang po ako. Kumain ako ng kakanin sa palengke. Si Serena po, baka hindi pa nakain,” sagot ni Clarity bago ako mahinang sikuhin.
Pinagkunutan ko siya ng noo pero hindi naman ako umangal at lumapit ako roon. Hindi pa nga talaga ako kumakain.
Naupo ako sa isang silya malapit kay Ali—simula ngayon ay Ali na rin ang itatawag ko sa kanya. Masyado kasing intimidating iyong Gareth.
Hindi naman siya nagreklamo at nanatili pa rin ang atensyon sa pagkain. Napanguso ako at kumain na rin.
Nagpaalam muna sina Aling Susan at Aling Leni sa amin na pupunta muna sila sa kusina. Si Clarity naman ay magdidilig daw ng halaman. Kaya nang mawala sila ay sobrang tahimik naming dalawa.
“Benavidez ka pala. Wow! Nice meeting you, Ali. Ako nga pala si Serena.” Gusto kong maging friendly, okay? Sa liit ng bayan na ito, halos magkakakilala ang lahat ng tao. Hindi nga lang lahat ay nakakasundo ko.
Napatigil siya sa pagkain at tumingin sa akin. Nanatili naman ang ngiti ko kahit hindi ko man lang siya nakitaan ng kagalakan sa ginawa kong pakikipagkilala sa kanya.
“Gareth,” pagtatama niya sa akin. “Don’t call me Ali, we’re not close.”
Laglag ang aking panga sa sinabi niya. Halos matawa ako sa kahihiyang ipinaramdam niya sa akin. At talaga namang ubod ng kasupladuhan ang lalaking ito, ‘no? Nakakainis!