NAPAPAGITNAAN ako ng dalawang lalaki. Tahimik ang aming paglalakad pauwi sa mansyon ng mga Benavidez. Hindi rin naman kalayuan iyon sa bahay namin kaya’t alam ko na ilang minuto na lamang, mawawala na si Gareth sa paningin ko.
Mukha namang hindi pa siya nakakakuha ng ideya na nagsisinungaling ako. Nakahinga ako nang maluwag nang mapagtantong maaaring kinagat niya ang mga kasinungalingan ko kanina.
“Mag-isa ka lamang bang Benavidez ang umuwi rito sa Claveria?” tanong ni Luis sa gitna ng katahimikang bumabalot sa amin.
Nakita ko ang poste ng ilaw na malapit sa mansyon ng mga Benavidez. Ilang metro na lamang ang layo.
“Ako lang mag-isa,” matipid na sagot ni Gareth.
Napatingin ako sa kanya. Diretso lamang sa daan ang titig niya pero ramdam ko ang pagkairita sa sistema niya. Bakit ba siya naiirita? Ni wala nga kaming ginagawa para mairita siya o baka sadyang ganito lang talaga ang ugali niya?
“Ang tagal na rin simula nang may Benavidez na mapadalaw rito. Ikaw na ba ang mamamahala ng lupain niyo rito?” tanong muli ni Luis.
Sa hindi malamang dahilan ay ako iyong kinakabahan sa pag-uusap nila. Paano kung biglang gaspangan ng ugali ni Gareth itong si Luis? Masyado pa namang mabait si Luis para sa mga kagaya ni Gareth.
“Yeah, temporarily.”
Tumigil na kami sa paglalakad nang matapat sa malaking gate ng kanilang bahay. Hinarap niya kami sandali at ang titig niya ay napunta kaagad sa akin. Akala ko pa ay magpapaalam siya at magpapasalamat pero tinaasan niya lang ako ng isang kilay bago kami talikuran.
Binati siya ng guard ng bahay at kaagad na pinagbuksan ng malaking gate. Ikinuyom ko ang aking palad dahil sa inasta niya.
“Hindi man lang magpasalamat!” bulong ko sa sarili ko at inirapan na lamang ang gate ng mga Benavidez.
Nagmartsa na kaagad ako papaalis doon. Gusto ko na ring makauwi dahil baka gising na si Mama. Kailangan niyang kumain nang sa ganoon ay makainom na rin ng gamot.
“So, bakit ka nagsinungaling kanina at kailangan mo pang sabihin na bahay namin ang bahay niyo? Kilala mo iyong si Benavidez?”
Halos makalimutan ko na hindi nga pala ako nag-iisa. Alam ko na ihahatid pa ako nitong si Luis sa bahay namin bago siya umuwi sa kanila.
Bumuntong-hininga ako bago magsimulang magpaliwanag. Ikwinento ko sa kanya ang nangyari ngayong araw at kung bakit ako nagsinungaling kanina.
Namilog ang kanyang labi, na tila ba naintindihan niya ang mga sinabi ko. “Sinabi mo sa kanya na anak ka ng mayor dahil akala mo noong una ay binabastos ka niya? Tapos nagpatuloy na iyon sa isang kasinungalingan dahil ayaw mo na mahusgahan ka niya, tama?”
Tumango-tango pa si Luis na para bang pinoproseso niya nang mabuti ang mga sinabi ko.
“Hindi naman kasinungalingan na anak ka ni Mayor. Anak ka naman talaga—”
“Sa ibang babae. Still, hindi ko kayang ipaglandakang anak ako sa labas. Masyado na akong hinuhusgahan ng mga tao rito a Claveria, ayokong idagdag pa ang Benavidez na iyon sa listahan. Give me a break.” Nagpatuloy na ako sa paglalakad pauwi sa bahay.
Sanay na ako sa mga panghuhusga ng ibang tao, kahit alam ko naman na wala akong ginawang kasalanan. Alam ko na bunga ako ng naging pagkakamali nina Mama at Mayor pero…hindi ko naman iyon ginusto. Kung may choice lang ako, pipiliin kong huwag na lamang ipanganak.
Wala akong galit kay Mama. Bilang ina’y wala naman siyang nagawang pagkukulang sa akin. Hindi ko rin siya sinisisi sa kung anong buhay ang mayroon kami ngayon o buhay na mayroon ako dahil maaaring hindi naman ito ang gusto niyang mangyari para sa akin. Lahat ng bagay ay nangyayari dahil may rason.
Inihatid ako ni Luis sa bahay namin at nagpaalam na rin siya. Naabutan kong gising at lumabas ng kwarto si Mama kaya agad ko siyang inalalayan.
“Ma, dapat ay hindi ka na bumangon. Kakain ka na po ba? Ipaghahanda ko kayo ng makakain para makainom ng gamot.”
Nagtungo siya sa may sofa at doon naupo. Panay pa rin ang pag-ubo niya. Minsan ay ako na iyong nahihirapan para sa kanya. Ang hirap makitang ganito at nahihirapan ang magulang mo.
I want to grow up fast. Gusto kong makapagtapos na ng pag-aaral at makapagtrabaho nang maganda. Upang sa ganoon ay maiahon ko si Mama sa kahirapan. Iyon lang muna sa ngayon ang pangarap ko. Ang ibang bagay ay makakapaghintay naman.
“Pumunta rito ang mga t-tauhan ni Mayor,” sabi ni Mama. Muli siyang umubo kaya’t naupo ako sa tabi niya upang hagudin ang kanyang likod. Pakiramdam ko kahit papaano ay gagaan ang kanyang pakiramdam kung gagawin ko ito.
“Ano pong sinadya nila rito?” tanong ko kahit hindi ako interesado. Kapag tungkol kina Mayor at sa pamilya niya ay hindi na ako masyadong naglalaan ng interes. Alam ko naman na kahit anong gawin namin ay hindi kami matatanggap ng pamilyang iyon.
Kagaya ng ibang anak, syempre, gusto ko rin naman na matanggap ng kanyang ama; na mabuo ang aking pamilya. Pinangarap ko rin na dalhin ko ang apelyido nila at maging parte ng pamilyang iyon. Subalit matapos ang ilang beses na rejection na natanggap ko sa mga anak, sa asawa, at mismong kay Mayor na, tuluyan ko na lamang ibinaon sa lupa ang pangarap na iyon. Though, minsan iniisip ko pa rin na siguro balang-araw. Umaasa pa rin ako at hindi mapigilang isipin ang magkaroon ng ama.
“Bukas ng gabi ay may event sa kanilang bahay. Kailangan daw sana ng tutulong dahil mukhang kukulangin sa mga mag-aasikaso sa bahay nina Mayor. Kinukuha sana ako pero may sakit nga ako. Sabi ko itatanong ko muna sa ‘yo kung gusto mo.”
Minsan ganito rin ang scenario sa buhay ko. Naaalala lang kami kapag may kailangan sila. Kung wala ay balewala rin kami.
“Sige po, bukas. Magpahinga ka na rin Mama.” Wala rin naman akong gagawin bukas ng gabi. Pupunta lamang ako sa mga Benavidez para mgtrabaho sa umaga hanggang hapon. Pagkatapos ay diretso na siguro ako sa mansyon nina Mayor para gawin kung ano mang maitutulong ko sa kanila.
Naging payapa ang gabi ko at siguro dala na rin ng pagod ay nakatulog kaagad ako.
Maaga akong gumising at kaagad na naghanda para sa trabaho. Dumiretso kaagad ako sa mga Benavidez. Naisip ko na iiwasan ko na lamang si Gareth nang sa ganoon ay hindi na niya malaman pa ang tungkol sa tunay na pagkatao ko. Sabi naman niya, temporary lang siya rito. Siguro ay hindi naman niya na kailangan pang malaman ang lahat sa akin hanggang sa umalis siya. Isa pa, hindi naman kami close, sabi niya nga.
“Magandang umaga, Aling Susan!” bati ko kay Aling Susan nang makita ko siyang nagwawalis sa labas ng bahay ng mga Benavidez. Hinanap ko pa ang anak niyang si Clarity, iniisip na baka naririto iyon.
“Magandang umaga, Serena. Naririto ka? Akala ko pa naman ay hindi ka makakapagtrabaho rito dahil pupunta ka kina Mayor.”
Ngumiti ako sa kanya. Hindi na ako magtataka na alam niya ang mangyayaring pagtitipon mamaya kina Mayor. Ilang araw na rin atang sunod-sunod ang mga events sa bahay nila.
“Mamayang gabi pa naman po ako kailangan doon. May trabaho pa po ako rito.” Nagpalinga-linga akong muli upang hanapin ang kaibigan. “Si Clarity po?”
“Nasa falls, hija. Kasama ng ilang kaibigan. Akala niya kasi pupunta ka kina Mayor kaya’t hindi ka na niya naanyaya. Sayang naman.” Malungkot na ngumiti sa akin si Aling Susan. Nginitian ko na lamang din siya at sinabi na ayos lang iyon. Hindi rin naman ako sasama dahil alam ko na hindi ko kaibigan ang mga kaibigan ni Clarity.
Sa likod ako ng bahay nagpasiyang pumasok. Iniisip ko kasi na maaari ko lamang makasalubong o maakita si Gareth kung sa front door ako papasok.
“Magandang umaga, Aling Leni!” pagbati ko naman nang maabutan ko si Aling Leni sa may kusina. Nagluluto siya ng umagahan.
“Oh, naandito ka na pala, Serena. Magandang umaga rin sa ‘yo.”
Tiningnan ko ang paligid. Hindi ko sana intensyong hanapin siya pero…hindi ko rin maiwasan ang magtanong.
“Nasaan po si Gareth?” Tumingin ako kay Aling Leni na masyadong tutok sa kanyang niluluto.
“Nako! Maagang umalis. Ang alam ko ay pupunta ng plantasyon. Bibisitahin niya ata. Kaya nga ito, ipapadala ko na lamang ang almusal niya roon at baka magutom. Ang init pa naman ng panahon.”
Nakahinga ako nang maluwag nang malamang wala akong Gareth Benavidez na makikita ngayong umaga at kung suswertuhin ay baka buong maghapon ay wala siya.
Nagdesisyon na akong maglinis ng bahay. Hindi naman makalat kaya’t mabilis lamang iyong linisin. May kakaunting alikabok pero hindi naman sobra. Nag-vacuum na rin ako para mas kumintab ang hardwood na sahig ng bahay.
Ang grand piano malapit sa may hagdanan ay pinunasan ko na rin. Napatingin pa ako sa mga picture frame na nakapatong doon. Ngayon ko lamang ito napagtuunan ng pansin.
Kinuha ko ang isang picture frame. Maraming miyembro ng kanilang pamilya ang naroroon. Sa tingin ko ay buong pamilya ito ni Gareth mula sa iba’t ibang henerasyon na.
May mga matatanda sa litrato at may mga hindi naman katandaan. Ang mga bata na naroroon ay pakiramdam ko, henerasyon na nina Gareth. Hindi na ako magtatakang magandang lalaki si Gareth. Kahit saang sulok ka ng litrato tumingin ay walang tapon sa kanilang pamilya. Maging ang mga napangasawa ng mga Benavidez ay wala ring tapon. Puro magagandang nilalang.
Ibinaba ko iyon matapos kong pagmasdang mabuti. Ang pagkakapareha lamang nila ay pareho silang mga intimidating tingnan. Iyong alam mong superior sila kaysa sa ‘yo kaya kailangan mong magbigay galang.
“What are you doing here…again?”
Kinilabutan kaagad ako nang marinig ko na naman ang malamig na boses ng lalaking ayokong makita ngayon. Para pa akong robot na dahan-dahang tumitingin sa direksyon niya.
Kaagad kong nakita si Gareth. Pawisan siya pero halata pa ring mabango. Nagpupunas siya ng kanyang leeg gamit ang isang puti at maliit na tuwalya. Medyo magulo ang kanyang buhok. Sa hindi malamang dahilan, I find him attractive, kahit ganito na ang itsura niya. Hindi siya mukhang dugyot. Wala ba talagang kapintasan ang lalaking ito?
“N-Nagpupunas ng grand piano…” Patagal nang patagal ay pahina rin nang pahina ang aking boses. Doon ko lamang napagtanto na mali ang isinagot ko.
Tumaas ang kanyang kilay. Maya-maya pa’y pinanliitan ako ng mga mata.
“Bakit ka nga naririto? Hindi ba dapat nasa bahay ka nina Mayor? Balita ko ay may gaganaping pagpupulong doon mamayang gabi, hindi ba?” Naglakad siya papalapit sa akin. Due to my reflex, awtomatiko akong napaatras.
“M-Mamaya pa naman iyon.” Nagsimula nang manginig ang aking boses dulot ng presensya ni Gareth. Kahit ako ay hindi ko maintindihan bakit ako kinakabahan at nanginginig ngayon.
“Bakit hindi ka na lang doon tumulong kaysa ang pumunta rito?” Tumaas muli ang isang kilay niya. Inobserbahan niya lamang ang mukha ko sandali bago ngumisi. “Oh, you’re the princess of your house, kaya hindi ka nila uutos-utusan doon. And since you’re bored, you’re here to pester us…or maybe because you wanted to see me?”
Nanlaki ang aking mga mata sa sinabi niya. Kinakabahan pa rin akong mabisto niya ako pero naiinis ako sa sinabi niya.
“Excuse me! Hindi ako namemeste rito, okay? Tumutulong ako! Kahit noong wala ka pa rito, natulong na ako sa paglilinis ng bahay na ito! Yabang mo talaga. Sino ka ba para gustuhin kong makita?!” Inirapan ko siya. Ang kaba ko ay nilamon na nang pagkainis.
Hindi nawala ang ngisi niya. Nilagpasan niya ako pero may pahabol pa rin siyang sinabi. “Defensive.”
Kumunot ang noo ko. Of course, I will defend myself. Paratangan ba naman akong pumupunta ako rito dahil sa kanya. Ang kapal naman at talagang kay lakas ng hangin ng lalaking ito.
“So, you’ll be there, at the party?” Tumigil siya sa paglalakad at nilingon ako.
Humalukipkip ako at ako naman ang naglakas loob na taasan siya ng kilay. “Natural!” Hindi na ata kami makakapag-usap nang maayos. Pakiramdam ko kapag nakukrus ang landas namin, hindi pwedeng hindi kami magtalong dalawa.
We’re opposite to each other! He’s dark and I’m the light; he’s evil and I’m the good one. He’s like the sun, masyadong mataas at kay hirap tingnan dahil masyadong nakakasilaw. And I’m the ocean, plain and serene. Kung hindi mo pa babagsakan ng mabibigat na problema ay tila hindi aalon. Sa isang bagay lang ata kami nagkakasunod at iyon ay ang pakaayaw namin sa isa’t isa.
Bigla kong naisip kung bakit niya tinatanong.
“Bakit? Pupunta ka? Invited ka ba?” sarkastiko kong tanong sa kanya. Umaasa ako na sasabihin niyang hindi.
“Hmm, yes. Your father, the mayor, invited me to come. Pinag-iisipan ko pa kung pupunta ako. But since you’ll be there, I might actually consider coming to the party.”
Umawang ang aking labi dahil sa sinabi niya. Mabilis din na tumibok ang aking puso dahil sa pagkabigla at kabang nararamdaman. No way! Kapag pumunta siya, makikita niya akong nagsisilbi roon.
“B-Bakit ka pupunta? Mukha namang ayaw mo, ah?” Now, I’m stuttering again! “Uh-huh! Baka naman ikaw ang gustong parati akong nakikita.” Idinaan ko sa pang-aasar ang lahat nang sa ganoon ay hindi niya mapansin ang kabang nararamdaman ko.
Naglakad siyang muli papalapit sa akin. Hindi na ako nakahakbang pa palayo dahil nanginginig ako sa kaba!
Itinuon niya ang isang kamay sa may grand piano habang ang isa naman ay nasa may baywang niya. He leans towards me and give me a sarcastic smirk. Iyong tipo ng ngisi na para bang ginawa para lang pikunin ang isang tao.
“And why not? It’ll be entertaining, Serena.” Umayos siya ng pagkakatayo at makahulugan akong tiningnan. Ang nakatagping ngisi sa kanyang labi ay hindi pa rin naglalaho. “And what if I wanted to see you? May magagawa ka ba?”
Laglag ang panga ko sa pagkagulat sa sinabi niya. I saw his satisfied look dahil sa reaksyon ko. Umalis din siya matapos iyon.
Nagbubuhol-buhol ang aking isipan ngayon pero…kung pupunta siya sa party mamaya, sisiguraduhin ko na hindi kami magkikitang dalawa.