KABANATA 3

2436 Words
“K-KANINA ka pa r’yan?” Hindi ko mapigilang magtanong sa kanya. Napapalagok din ako sa sarili kong laway dulot ng kabang nararamdaman ko ngayon. Paano kung narinig niya ang pinag-uusapan namin kanina ni Aling Leni? Malalaman niya agad na nagsisinungaling ako sa kanya na mayaman ako. Hindi ko rin naman talaga intensyon iyon noong una; na magsinungaling, subalit…minsan ay nakakasawa rin na tapakan ka ng iba dahil sa estado mo sa buhay. Tinaasan niya ako ng isang kilay. May sumilay na tipid na ngisi sa kanyang labi pero hindi iyon nagtagal. Inismidan niya ako at naglakad papalapit sa kanilang ref. Napanguso ako at nagsalubong ang aking kilay. Suplado rin talaga ang isang ito, ‘no? Ni hindi mo masabi kung nakikipagbiruan ba siya o seryoso. One moment, he’s being nosy, then the next, hindi ka papansin. Kagaya na lang ngayon. Parang kanina lang ginugulo niya ako. Tumingin na lamang ako kay Aling Leni na para bang pinagmamasdan kaming dalawa ni Gareth. Naguguluhan din siguro siya. Same, Aling Leni, same. “Alis na po ako,” pagpapaalam ko. Naisip kong bumili na lamang ng gamot ni Mama sa botika at dumiretso na sa pag-uwi. Habang pauwi na ako dala ang gamot para kay Mama ay nakarinig ako ng sigawan. “Anak sa labas!” sigawan ng mga kabataang nakasakay sa isang itim na SUV na dumaan sa may gilid ko. Kahit na iyong SUV lamang ang aking nakita at hindi ang mga tao sa loob, sapat na iyon para malaman kong sakay nito ang aking half-sister na si Cassandra. Isa siya sa anak ng mayor ng Claveria, at alam ko na kasama niya ang mga kaibigan niya. Napabuntong-hininga na lamang ako. Sila lamang naman talaga ang parati akong pinagkakaisahan kahit wala naman akong ginagawang masama sa kanila. Ipinagkibit-balikat ko na lamang iyon at nagpatuloy na sa paglalakad ko pauwi. Ayaw rin ni Mama na pinapatulan ko sina Cassandra o kahit sinong mula sa pamilya ni Mayor. Ang sabi niya, kahit ano raw gawin ko, sa huli, ako pa rin ang lalabas na masama. Napatunayan ko iyan. Sa ilang beses kong naaway si Cassandra noon dahil kasalanan niya naman, ni minsan ay hindi ako kinampihan ng tatay ko. Sa huli, ako pa ang nakakatanggap ng masasakit na salita mula sa kanila. Narinig ko agad ang malalang pag-ubo ng aking ina kaya’t dali-dali akong pumasok sa maliit na bahay namin. “Mama!” bati ko sa kanya at kaagad siyang dinaluhan. Pinaupo ko siya sa kama at tinaasan ang unan sa may likod niya nang sa ganoon ay umayos ang paghinga niya. “Maayos lang po ba ang pakiramdam n’yo? Parang mas lalong lumalala ang inyong kondisyon. Kung pumunta na po kaya tayo sa doktor?” “Nako, huwag na—” Natigil ang kanyang pagsasalita nang muli siyang dalahitin ng ubo. Marahan kong hinimas ang likod niya kahit na kinakabahan na ako dahil palala nang palala ang kondisyon niya. “Sayang lamang sa pera. Normal na ubo lamang naman ito.” Napabuntong-hininga na lamang ako. Gusto kong paniwalaan na normal na ubo lamang iyon ngunit sa tagal na rin niyang iniinda ito ay parang kay hirap paniwalaan. Kapag naman gusto ko siyang dalhin sa ospital ay ayaw niya. Lagi niyang idinadahilan sa akin na sayang lang daw sa pera. Kinuha ko iyong binili kong gamot sa kanya. Ngumiti ako at ipinakita iyon sa kanya. “Nakahiram po ako ng pera kay Manang Leni kanina. Nakabili ako ng gamot niyo.” Inasikaso ko si Mama at sinigurado na komportable ang kanyang kinalalagyan. “Akala ko lumapit ka sa papa mo.” Natigilan ako sa pagkilos at kaagad na tumingin sa kanya. Tipid at malungkot na ngiti ang iginawad sa akin ni Mama. “Akala ko ba, Ma, na huwag tayong aasa sa pera niya? Isa pa, hindi rin naman ako makakalapit sa bahay nila kung hindi ako iyong pinapatawag, hindi ba? Nakakasigurado ako na hindi rin ako gustong makita ni Tita Donna roon. Baka isipin pa nila na pineperahan na naman natin si Papa. Sabihin pa, idinadahilan ang sakit mo. Ayokong sumbatan ka na naman nila roon,” sambit ko. Si Tita Donna iyong legal na asawa ng Papa ko na si Mayor Karlo Del Valle. Si Mama ay nagtatrabaho sa pamilya Del Valle noon at naging kabit ni Mayor ang aking ina. Ako ang naging bunga. Kaya hindi ko rin masisisi ang pamilya nina Mayor kung galit ang mga ito sa amin. Tingin nila ay makasalanan si Mama at ako ang patunay rito. “Hindi mo rin naman kailangang humingi ng pera sa papa mo. Magiging okay rin ako. Hindi mo na kailangang mag-abala sa gamot o sa ospital. Hindi ko ito ikamamatay.” Kahit paulit-ulit na sabihin ni Mama iyon sa akin ay hindi ako mapalagay lalo na’t hindi namin sigurado kung ano ba talagang sakit niya. Hindi na rin naman ako nakipagtalo pa kay Mama. Nagpaalam na lamang muna ako na magluluto para sa hapunan. Habang abala ako sa kusina at pag-iisip kung anong lulutuin ko para sa hapunan ay may narinig akong kumatok sa aming pinto. Kaagad akong pumunta roon upang pagbuksan kung sino man ang nasa labas. Napangiti ako nang makita ko si Luis. Isa siyang matalik na kaibigan ko. Nagtatrabaho siya sa mga Del Valle. Mas matanda siya sa akin ng tatlong taon. “Hi, Serena,” pagbati niya sa akin na may ngiti sa kanyang labi. Si Luis ay may kayumangging kulay. Nangingintab ang kanyang balat sa tuwing nasisinagan ng araw. May malaki ring pangangatawan dahil siguro batak ito sa trabaho. “Magandang hapon, Luis. Ano’t napagawi ka rito? May kailangan ka?” tanong ko sa kanya. Inimbitahan ko siya papasok sa bahay at tumuloy rin naman ito. “Ah, nagdala lang ako ng pagkain. Marami kasing ipinauwi sa amin si Madam Donna. May handaan sa bahay nina Mayor. Hindi ka pumunta? Hinahanap pa naman kita kanina dahil akala ko ay inimbitahan ka ni Mayor.” Nahimigan ko ang pagkadismaya sa boses ni Luis. “Hindi, mas maganda nang hindi ako pumunta.” Isa pa, hindi naman ako naimbitahan. Ni hindi ko nga alam na may magaganap na pagtitipon ngayon sa bahay nina Mayor. Iyon siguro ang dahilan bakit nakita ko kanina ang sasakyan nina Cassandra sakay ang mga kaibigan. May tatlong itinuturing na anak si Mayor Karlo. Si Kuya Carlitos na siyang panganay na anak at sumasabak din sa politika, si Kuya Hudson, inampon nina Mayor, at nakapagtapos ng isang business course at siyang humahalili sa kanyang ama sa pagpapatakbo ng mga negosyo rito sa Claveria, at si Cassandra na siyang nag-iisang anak na babae nina Mayor Karlo at Tita Donna. Syempre, ako, na anak sa labas. Isang taon lang ang agwat ng edad namin ni Cassandra pero imbis na magkasundo kami ay kahit sa malayo, nararamdaman ko ang galit at pagkamuhi niya sa akin. May iniabot sa akin si Luis na mga tupperwares at kaagad ko naman iyong tinanggap. “Salamat, Luis. Hindi ka na dapat nag-abala pa.” Ngumiti ako, natutuwa rin naman dahil sa pagmamalasakit ng kaibigan. Napahawak siya sa may batok niya at napayuko. Napansin ko ang biglaang pamumula ng pisngi niya. “Wala iyon. Alam mo namang malakas ka sa akin, eh.” Ngumiti akong muli sa kanya. I appreciate him so much. Silang dalawa lang ni Clarity ang malapit kong kaibigan dahil ang iba ay mailap sa akin. Kung hindi kasi mapanghusga ang ilan ay takot kay Cassandra dahil sa mga pagbabanta nito kaya’t ayaw nilang makipagkaibagan sa akin. Hindi naman din akong duwag o natatakot. Siguro…dinadala ko lang iyong kaisipan na hahayaan ko na lang siya dahil may atraso kami sa pamilya niya. “Nakakain ka na ba? Dito ka na kaya maghapunan. Ihahanda ko lamang itong mga dala mong pagkain.” Tumango si Luis sa sinabi ko at naupo na muna sa maliit na sofa. Nang patungo na ako sa kusina ay muli kong narinig ang pagkalabog ng pinto na tila ba may marahas na kumakatok doon. Nagkatinginan kaming dalawa ni Luis at nagkibit-balikat pareho. Wala naman akong inaasahang bisita kaya’t nakakapagtaka na may mga kumakatok pa ng ganitong oras. Pinagbuksan ko ng pinto ang kung sino mang nasa labas. May nakalapat din na ngiti sa aking labi. Subalit nang makita ko kung sino iyon ay kaagad na naglaho ang ngiti ko. Halos mabitawan ko rin ang hawak kong mga tupperware sa sobrang pagkabigla ko. “G-Gareth…” wala sa sarili kong pagbanggit sa kanyang pangalan. Yes, in front of me is the one and only Gareth Benavidez, na wala namang magandang naidulot sa araw ko kung hindi ang sirain ito. “Anong ginagawa mo rito?!” Bigla akong nakaramdam ng kaba. Ayokong malaman niya na rito ako nakatira. Sa pag-uugaling mayroon siya, nakikita ko na kung paano niya ako kukutyain at huhusgahan dahil pinaniwala ko siyang anak ako ng mayor at buhay prinsesa ako! Tinaasan niya ako ng isang kilay, na para bang nagtataka sa biglaan kong pagtataas ng boses. “I’m lost. May tinitingnan lang ako sa paligid, then I forgot how to go back to the mansion. Magtatanong sana ako sa taong nakatira rito just to…see you.” Umangat ang gilid ng kanyang labi at pinanliitan ako ng mata. “How about you? What are you doing here, Miss? Do you live here? Aren’t you supposed to be in the mayor’s house since you claimed that you’re his daughter?” Ramdam na ramdam ko ang pagiging sarkastiko sa boses niya. May kung anong kilabot at kaba akong naramdaman na gumapang sa aking buong katawan. “Serena, sino iyan?” Biglang sumulpot si Luis sa likod ko. Nilingon ko siya at nakita ko ang paninitig niya kay Gareth. Kaagad akong nakaisip ng palusot at kasinungalingan na naman. “H-hindi ako rito nakatira. Dinalaw ko lamang ang kaibigan ko. Pwede ba? Umalis ka na nga.” Inirapan ko si Gareth, itinatago ang kabang nararamdaman ko. “I told you, I’m lost. Hindi ko alam ang pabalik sa bahay.” Tiningnan niya ako sandali bago ibalik kay Luis at dahan-dahang ikinunot ang noo. Tingnan mo iyong lalaking ito, ang gaspang talaga ng ugali. Hinarap ko si Luis na para bang naguguluhan pa sa inasal at mga pinagsasabi ko. I looked at him with pleading eyes. Nagmamakaawa ako ngayon na sana sakyan niya na lamang ang mga sinabi ko. “Kilala mo iyan?” tanong ni Luis. Nagbago na ang kanyang ekspresyon, tila nakuha ang pagmamakaawa ko sa kanya. “Oo, siya iyong nakatira ngayon sa mansyon ng mga Benavidez.” Hindi pa rin nawawala ang kaba ko dahil sa presensyang dala ni Gareth. Ganunpaman nagawa ko pa ring magkapagsalita nang normal at maayos. Umawang ang labi ni Luis at tumango-tango. “Imbitahan mo na muna rito. Kung kakilala mo naman ay sa tingin ko hindi masamang papasukin siya rito sa bahay namin.” Ramdam ko ang pagdidiin niya sa huling salita. Tiningnan ko lamang si Luis at tinaasan niya ako ng kilay bago ngumisi. Huminga ako nang malalim. Sana ay pinaalis niya na lang si Gareth. Hindi naman nababagay ang lalaking ito sa ganitong lugar. Nilingon ko si Gareth na para bang pinagmamasdan at pinag-aaralan ang buong bahay. “Pasok ka muna, sir. Kumain ka na ba ng hapunan? Maghahanda na rin kami, sumabay ka na sa amin kung hindi pa.” Hindi ko na siya hinintay na sumagot at tinalikuran agad. “Pagkatapos ay sasamahan kita pabalik ng mansyon ninyo.” Hindi ko narinig na sumagot si Gareth. Akala ko pa noong una ay tatanggihan niya ang alok ko dahil hindi niya maatim ang maliit na bahay na ito, ngunit nabigla ako nang marinig ko ang paghakbang niya papasok. Ipinagsawalang bahala ko iyon. Hindi ko na rin masyado pang inisip ang dahilan bakit ngayon ay kasama naming maghapunan si Gareth. Nahihiya pa ako dahil pakiramdam ko ay huhusgahan ng matabil niyang dila ang lugar namin at ganoon na rin ang mga pagkaing nakahanda kahit galing naman ang mga ulam kina Mayor. “Bakit ka nga ulit naririto? Hindi ka ba hinahanap ni Mayor?” tanong ni Gareth matapos tikman iyong pagkaing nakahanda. Tumingin sa akin si Luis. Halatang naguguluhan pa rin siya pero panatag na ang loob ko na sasakyan niya ang mga sasabihin ko. “Dinalaw ko lamang ang kaibigan kong si Luis at nagdala na rin ng pagkain dito.” Pilit akong ngumiti pero hindi ako makatingin sa direksyon ni Gareth lalo na’t kitang-kita ko kung paano niya ako titigan. Parang inoobserbahan niya akong mabuti at palagay ko, isang maling ekspresyon lamang sa mukha ay malalaman niyang nagsisinungaling ako. “Ikaw, Mr. Benavidez? Bakit ka naparito po sa may amin?” Nakahinga ako nang mnaluwag nang magtanong si Luis kay Gareth. Kumain na lamang ako kahit pakiramdam ko ay nawalan na ako ng gana. “I’m observing the place. Hindi ko namalayan na naliligaw na pala ako at hindi ko alam ang pabalik sa bahay namin.” Malamig niyang tiningnan si Luis ngunit saglit lang iyon. Ibinalik niya rin sa akin kaya’t ibinagsak ko ang titig ko sa pinggan. “Are you alone living here?” “Hindi. Kasama ko ang…nanay ko. Nasa kwarto siya at nagpapahinga kaya hindi ko na pinasabay muna sa pagkain,” sagot ni Luis. Gusto kong humanga sa kanya dahil ang galing niya ring magsinungaling. Tumango na lamang si Gareth at hindi na nagsalita. Hanggang sa matapos kami’y wala nang nagtangka pang magsalita sa aming tatlo. “Ako na ang maghuhugas ng mga pinagkainan natin, Luis. Ihahatid ko lang si Sir Gareth sa kanila.” Agad kong pinigilan si Luis sa binabalak niyang paghuhugas ng pinggan. Nilapitan ko siya at inilagay sa lababo ang lahat ng pinggan. “Hindi na, Serena. Bisita ka rito. Isa pa, ihahatid nating dalawa si Mr. Benavidez. Hindi kita hahayaang magkalakad mag-isa pauwi, ‘no.” Nahiya ako sa narinig, lalo na’t alam kong nakikinig si Gareth sa pinag-uusapan namin. Nahagip ko pa ang pag-ismid ni Gareth nang mapatingin ako sa kanya. Napanguso ako. Lumapit si Luis sa akin at bumulong. “Ipapaliwanag mo sa akin ang lahat mamaya.” Nilagpasan na ako ni Luis at nagpunta sa may pinto. Kaagad ko namang nahuli si Gareth na nakatingin sa akin. Napasinghap ako nang makita ko ang matalim niyang titig. Ano na naman bang problema ng lalaking ito at ganito siya makatingin? “Let’s go! You will have your free time to flirt after you bring me to our house.” At inismidan niya na naman ako. Kung pwede lang manghampas ng ulo ng isang lalaking suplado at mainitin ang ulo ay hinampas ko na ang ulo ni Gareth. Kainis!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD