“SERENA,” pagtawag sa akin ng mayordoma ng bahay. Nilingon ko kaagad siya upang malaman ang dahilan nang pagtawag niya sa akin.
Malinis na rin ako dahil nakapagpalit na ako ng damit kanina. Si Gareth ay hindi ko alam kung saan na nagpunta. Bigla na lang din kasi siyang umalis matapos masigurado na maayos na ang lagay ko. Hindi ko akalain na may kabutihan din pa lang taglay ang isang iyon.
“Ito raw ang bayad sabi ni Mayor.” Iniabot niya sa akin ang isang maliit na brown envelope. “Salamat sa pagtulong. Mabuti na lang talaga at dumating ka. Ang daming bisita na halos kulangin ang mga staff na kinuha ni Mayor.”
Ngumiti ako bago ko tanggapin ang pera. Gusto ko pa sanang itanong kung hindi ba ako haharapin ni Mayor ngayon pero mas minabuti kong itikom ang bibig tungkol doon. “Salamat din po.”
“Oh, siya! Umuwi ka na at magpahinga. Malalim na ang gabi. Mag-iingat ka sa daan, ha?” Tinapik ako ng matanda sa aking balikat bago siya umalis at lumapit sa ibang tauhan dito sa bahay.
Tipid akong ngumiti bago balingan muli ng tingin ang maliit na sobre sa kamay ko. Normally ay hindi naman ako nagpapabayad. Ngayon lang talaga dahil kailangan ni Mama. Kailangan ko ring mag-ipon para kahit papaano ay mapatingin ko siya sa doktor. Kakapusin kasi ang ipon ko kung hindi ako hahanap ng iba pang trabaho maliban sa mga trabaho ko na. Mabuti na lang din at may scholarship ako sa school ko ngayong semester. Hindi ko na poproblemahin ang pambayad sa tuition fee.
Sinikop ko ang aking buhok nang umihip ang malamig na panggabing hangin.
“Paalam po,” sabi ko sa guard. Nakangiti ako hanggang sa makalabas nang gate. Doon lamang nawala ang ngiti ko at muli akong binagsakan ng realidad na ibang-iba ang buhay namin sa buhay ng pamilya ng tatay ko.
Hindi ako inggitera. Hindi rin ako nangangarap na magkaroon ng marangyang buhay. Ang tanging gusto ko, buong pamilya.
Huminga na lamang ako nang malalim. Okay lang naman iyon. Maiaahon ko sa kahirapan si Mama at kahit siya lamang, sapat na sa akin.
“Where are you going at this hour?”
Napatalon ako sa gulat nang may biglang nagsalita sa gilid ko. Nilingon ko siya at ang pamilyar na pigura ni Gareth Benavidez ang nakita ko.
“I-ikaw ang ano pang ginagawa nang ganitong oras dito? Hindi ba kanina ka pa umalis?” Kanina pa rin natapos ang party kaya dapat ay wala na siya rito.
Hindi niya ako sinagot. Nakahilig lamang siya sa gilid ng kanyang kotse. Tumayo siya nang maayos at humarap sa direksyon ko.
“I asked you first, you should answer my question before I answer yours.”
Napairap ako sa sinabi niya. Tapos na ang pagdadrama ko kaya’t hindi ko na na-appreciate ang ugali niya.
“Pauwi—” Bigla kong napagtanto ang sasabihin ko. Alam ni Gareth na dito ako nakatira dahil ito ang bahay nina Mayor! “M-may pupuntahan lang.”
“Nang ganitong oras? Ala-una na ng gabi. Saan ka pa kaya pupunta ng ganitong oras, Miss?” sarkastiko niyang tanong.
Bumusangot ang mukha ko sa kanyang sinabi. “Bakit ka ba nangengealam? Umuwi ka na nga!”
“Get in. I’ll drive you to where you want to go.”
Nanlaki ang aking mga mata sa sinabi niya. Hindi ko inaasahan na lalabas iyon sa may kabastusan niyang bibig.
“Hindi na! May mga paa ako, kaya kong maglakad.” Why is he suddenly being nice? I mean, he’s still rude and short-tempered, pero bakit parang nahihimigan ko ang kabutihan sa kanya. Hindi ko alam ang mararamdaman ko. Parang may mali kapag nagiging mabait o concern ang lalaking ito.
Inismidan ako ni Gareth dahil sa sinabi ko. Ganoon pa man, hindi niya ako tinantanan.
“I know that. But it’s already 1 in the morning, Miss. Baka kung ano pang mangyari sa ‘yo sa daan.” He harshly takes a breath. “May gusto rin akong itanong sa ‘yo.”
Napakurap ako sa huling sinabi niya. Kaya ba hindi pa siya umaalis ay dahil hinihintay niya ako? Ano namang gusto niyang itanong sa akin.
Hindi na ako nakipagtalo pa. Pagod na rin ako at gusto ko nang magpahinga.
Naglakad ako papalapit sa shotgun seat. Tinuro ko ang pinto. “Hindi mo ako pagbubuksan ng pinto?” Iyon kasi ang napapanood ko sa mga pelikula at nababasa sa mga librong nabasa ko na. Pinagbubuksan ng lalaki ang babae kapag papasok ng kotse.
He scoffed and rolled his eyes. Napanguso ako sa ginawa niya. “I only do that to my girlfriend. Obviously, you’re not my girlfriend. Get in.”
Mas nauna pa siyang pumasok sa loob ng kotse niya matapos sabihin sa akin ang mga salitang iyon. Kapag hindi ba naman talaga matabil at pasmado ang dila mo, ‘no? Kung anu-ano sigurong kinakain ng lalaking ito noong bata kaya ganito ang nilalabas na salita ng bibig niya ngayon.
Pumasok na rin ako sa loob ng kotse. “Wala rin naman akong pangarap maging girlfriend mo.”
Sinilip ko siya. Akala niya ba papatalo ako sa sinabi niya kanina?
“I have no plan courting you, too, Miss. Kaya imposibleng maging girlfriend kita. Unless you’ll be the one to court me, hindi pa rin sigurado dahil baka hindi kita sagutin.”
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Ang yabang talaga ng isang ito! Saan niya nakuha ang ideyang maaari ko siyang ligawan, ha?!
Tiningnan ko siya. Pinaandar na naman niya ang kanyang kotse.
“Hindi ako manliligaw sa ‘yo! Ni hindi nga kita type!” bulalas ko, naiirita na naman sa kanya.
“That’s fine. Hindi ako napatol sa bata.” Ngumisi siya na siyang nagpainis muli sa akin.
Tumigil na rin ako sa pakikipagtalo sa kanya. Humalukipkip ako at tahimik na lang na naghintay na makarating sa lugar na itinuro ko kung saan niya ako ihahatid.
Sa isang basketball court ako nagpahatid. Malapit iyon sa bahay at lalakarin ko na lang pauwi. Ayokong malaman niya kung saan ako nakatira.
“Anyway, I have a question for you,” panimula niya. Halos makalimutan ko na hinintay niya nga pala ako dahil may gusto siyang itanong sa akin.
Hindi ako sumagot pero hinintay ko kung anong susunod niyang sasabihin.
“Your necklace…where did you get that?”
Napatingin ako sa kwintas na suot ko. Hinawakan ko iyon bago tumingin kay Gareth na nakatutok sa pagmamaneho ang atensyon.
“Kay Mama. Ibinigay niya sa akin ito noong 7th birthday ko.” Naalala kong ito rin ang dahilan bakit ko siya nasampal. Inakala ko kasi noong una na tinititigan niya ang dibdib ko kahit ang totoo ay itong kwintas pala ang tinitingnan niya.
Natahimik si Gareth pero kita mo sa kanya ang lalim ng iniisip. Napukaw nito ang kuryosidad ko. Para kasi siyang interesado sa kwintas na suot ko.
“Bakit mo naitanong?”
Hindi ko iniiwas ang tingin ko sa kanya. Nanatili akong nakatingin sa kanya habang naghihintay ng sagot.
“I gave an identical necklace to my mother as a gift years ago.” He shifted on his seat. “At ilang taon din matapos kong ibigay ang kwintas sa kanya, sinabi niya na nawala niya raw ito.”
“Oh, baka magkapareho lang. Marami naman sigurong kagaya ng ganitong kwintas—”
“It’s a customized necklace. Imposibleng may kapareha ang ibinigay kong kwintas sa aking ina dahil ako mismo ang nagdetalye ng disenyo nito nang bilhin ko.”
Umawang ang labi ko. Speechless. Hindi ko naman talaga alam kung ano pang sasabihin ko. Ni hindi ko rin alam kay Mama kung saan niya nakuha ang kwintas na ito. Basta ang sabi niya, ingatan ko raw ito dahil mahalaga ito sa kanya.
“H-hindi ko alam, Gareth. Itatanong ko kay Mama. Kung sakali mang sa mama mo ito, isasauli ko na lang.” May panghihinayang man dahil may sentimental value ito sa akin since regalo ni Mama noon ay hindi ko rin naman maaaring itanggi ito sa tunay na nagmamay-ari.
Nagpakawala na lamang si Gareth ng isang malalim na buntong hininga. Hindi siya nagsalita sa sinabi ko.
Ilang sandali pa ay nakita ko ang court. Itinuro ko iyon kay Gareth at sinabi na roon na lamang ako ibaba.
Tumigil ang sasakyan sa tapat ng court. Hindi ko naman nakalimutan na magpasalamat.
“Thank you.” Tipid lamang akong ngumiti sa nakakunot na ngayong si Gareth Benavidez. Kahit kailan talaga. Kung hindi ata mapanuksong ekspresyon ang nakatapal sa mukha niya ay galit. Walang in between.
Ipinagkibit-balikat ko na lamang iyon at humarap na sa pinto upang buksan iyon nang biglang i-lock ni Gareth.
Mabilis akong lumingon sa kanya dahil sa ginawa niya. “Bakit mo ni-lock?”
Noong una ay iniisip ko na baka pinagtitripan niya lamang ako pero…nang makita ko na seryoso siyang nakatingin sa akin ay nawala ang kunot ng noo ko.
“Why did you let other people treat you like s**t?”
Hindi ko nakuha ang kanyang ipinahayag. Biglaan niya na lang kasing sinabi iyon matapos ang matinding katahimikan kanina.
“Huh? Anong sinasabi mo?” Tumaas ang kilay ko sa kanya.
“Kanina, hindi ba? Hinayaan mo lang na tapunan ka ng basura.” Makahulugan ang kanyang tono. Bumaba ang kilay ko dahil doon. “Bakit hindi ka nagmaldita kagaya nang parati mong ginagawa sa akin? Wala ka namang dapat katakutan. Anak ka ng mayor—”
“Can you shut up? Bakit parang bigla ka na lang naging concern sa buhay ko? Crush mo ako?” Pinilit ko lamang isingit iyong huling sinabi ko para medyo lumihis ang pinag-uusapan.
“I am not concern. Nagtataka lang ako sa inaasta mo sa ibang tao. Hinahayaan mo silang apihin ka kahit kayang-kaya mo naman silang labanan?”
Parang umurong ang dila ko sa sinabi niya. Natahimik ako at hindi na malaman kung anong dapat sabihin. Kung alam lang niya. Gustong-gusto kong ipamukha sa pamilya ni Mayor ang mga kamalian na nagawa nila sa amin pero mas pinipili kong huwag na lamang at hayaan sila sa ginagawa at pagtrato sa amin nang ganoon.
“Wala kang alam. Hayaan mo ako. Buhay ko naman ‘to.” Nag-iwas ako ng tingin. Tumingin ako sa madilim na kapaligiran. Bumibigat ang pakiramdam ko pero kaya ko pa namang tiisin.
“You’re so mysterious, really. Unang kita ko pa lamang sa ‘yo, nahiwagaan na agad ako. The first minute you were nice, then later on, you were being rude to me. Nasa bahay ka namin palagi kahit sinasabi mo na anak ka ni Mayor. As the daughter of this town’s mayor, hindi ka dapat pagala-gala, ‘di ba? Where’s your bodyguards? Aren’t you supposed to be protected since your life might be threatened? At kanina sa party, ipinakilala ang mga anak ni Mayor, you weren’t there.” Nanginig ang kamay ko sa lahat ng sinabi niya. “Napaisip tuloy ako. Nagsisinungaling ka lang ba na anak ka ni Mayor o may nililihim ka? It’s not that I’m going to poke my nose to where it does not belong, but you, Miss, huli ka na pero nakakalusot ka pa rin sa lahat ng kasinungalingan mo.”
Inakyatan ng dugo ang ulo ko. Gusto kong patahimikin siya pero ako ang nanatiling tahimik. Ayokong patulan ang kanyang sinasabi dahil alam ko, the moment I open my mouth, hindi ko na mapipigilang sumabog sa kanya.
“Hindi kaya ang dahilan bakit ka tinapunan ng basura kanina ay kagagamit mo sa pangalan ni Mayor? Na kahit hindi ka anak ay ginagamit mo ang pangalan niya just to get away with something? Is that another type of modus—"
Natigilan siya nang tingnan ko siya ng masama. Kung kanina, nakakapagpigil pa ako, ngayon ay tila na-reach ko na ang sukdulan ng pasensya ko. From Cassandra to him, ubos na ang pasensya ko sa araw na ito.
“Anak ako ni Mayor, totoo iyon! Pero magiging proud ka bang ipaglandakan iyon kung anak ka naman sa labas? Hindi ako ipinakilala sa harap nang maraming tao dahil magiging kahihiyan lang kung gagawin niya iyon! Bastarda ako! Anak ako sa kabit at sa ibang babae ni Mayor. Hindi ko pinapatulan si Cassandra dahil pakiramdam ko isa iyong way para mapagbayaran ko ang kamaliang nagawa ng mga magulang ko. I deserve to be mistreated because I am the fruit of their immorality!” Kinalma ko ang sarili ko. Pakiramdam ko maling ibuhos ko sa kanya ang prustasyong nararamdaman ko pero hindi ko na mapigilan ang sarili. “Hindi ko gustong magsinungaling but lying is my only option to save myself from all the judgement. Hindi mo ako naiintindihan, ‘no? Kasi wala ka naman sa posisyon na kinalalagyan ko.”
Agad ko ring pinagsisihan na nagsalita ako. As much as possible ayoko na talaga pumapatol sa ganito. I’d been in a lot of drama in my life, at sabi ko, I won’t entertain it anymore. Ngunit naandito pa rin ako, kapag napupuno sa sinasabi ng ibang tao ay hindi mapigilan ang sarili.
Takot na takot akong mahusgahan. Kahit pakiramdam ko habang buhay ko nang kadikit iyon. I’ll be living in the shadow of my parents’ unfaithfulness.
“Unlock the door. Uuwi na ako. Salamat sa paghatid.”
Ginawa niya naman ang sinabi ko. Hindi pa rin nagsasalita. Hindi na ako umaasa na makokonsensya siya sa mga sinabi niya sa akin dahil pakiramdam ko naman ay wala siya nito.
Panay ang pagsinghap ko habang pauwi na ako sa bahay namin. Nabawi ko lamang ang sarili at kahit papaano ay napangiti nang makita ko si Mama. Gising pa rin siya at hinihintay akong makauwi. Lumapit ako sa kanya at mahigpit siyang niyakap.
I don’t need the validation of other people. Matagal na akong nawalan ng pakealam sa mga iniisip at sinasabi ng ibang tao. Ang importante lang sa akin ay si Mama. Na alam ko, kahit anong mangyari, hinding-hindi ako huhusgahan at tatalikuran.