Makikita ni Zeke na purong pula ang kulay ng buwan na tanging nagbibigay ng liwanag sa kapaligiran. Lilingon siya sa magkabilang gilid niya hanggang sa iikot siya upang pagmasdan ang buong lugar. Magulo. Maraming dugo ang nagkalat sa paligid. At maninibago siya sa kung saan siya. Hindi niya alam kung nasaang lupalop siya ng mundo. Ito ang kauna-unahang beses na nakaapak siya sa lugar na ito.
Ang mga matatayog na gusali ay gawa sa malalaking bato. Ngunit, ang mga gusali na ito ay sira-sira na. Para itong nadaanan ng bagyo. Pero hindi bagyo ang dumaan dito lalo pa’t halos pula na lang ang nakikita dahil sa mga sariwang dugo na nasa lupa. Sa dami ng dugo na nasa lupa ay tila nagkakaroon na ng mumunting lawa ng dugo sa paligid. Marami ring mga katawan ang nakalublob sa dugo, hindi gumagalaw, nanlalamig, at naninigas; mga patay na katawan ng mga tao.
Mapapansin ni Zeke ang kasuotan ng mga bangkay. Madali niyang matutukoy na ang mga kasuotan ay hindi akma sa panahon kung kelan siya nabuhay. Ngunit alam niyang nakita na niya ang mga ito sa libro at mga pelikula. Manlalaki ang mga mata ni Zeke nang mapagtatanto niyang nasa sinaunang panahon siya. Hindi niya lamang matukoy kung ano ang eksaktong taon. Pero sigurado na siyang nasa sinaunang panahon siya. Hindi siya maaaring magkamali. Ang mga damit na suot ng mga bangkay, at ang mga gusali na sinauna rin ang desinyo , lalo pa’t gawa ito sa malalaking bato. Wala nga siyang makikita na istruktura na gawa talaga sa metal at salamin na normal nang ginagamit sa panahon niya, lalo na sa Genesis na mas advance ang teknolohiya.
Isang malakas na kalabog ang makakakuha ng pansin ni Zeke. Lilingon siya sa direksyon sa palagay niya kung saan ito nanggaling. Masasaksihan niya ang pagguho ng isang gusali sa hindi kalayuan. Masusundan pa ang malakas na kalabog ng hindi mawari ni Zeke na mga tunog. Mapupukaw nito ang interes ni Zeke. Panandalian na tititig si Zeke sa dakong pinagmulan ng tunog. Susubukan ito ni Zeke na alamin kung ano ang sanhi ng malalakas na tunog basi lamang sa kanyang pandinig.
Mahihinuha niya na tila may naglalaban sa hindi kalayuan mula sa kinaroroonan niya, malapit sa kani-kanina’y gumuhong gusali. Sisimulan niya ang paghakbang nang dahan-dahan. Ang kanyang tingin ay hindi mawawaksi sa direksyon ng kanyang pupuntahan. Ngunit nakakailang hakbang pa lamang siya ay mapapahinto siya sa paglalakad. Isang boses ang maririnig niyang tila bubulong sa ng kanyang pangalan mula sa malayo.
“Zeke,” iuulit pa ng boses na hindi matukoy ni Zeke nang hindi siya gumalaw, nanatili sa kanyang puwesto kung saan siya huminto.
Maguguluhan si Zeke. Bakit alam ng boses na tumatawag sa kanya ang pangalan niya? At higit pa sa lahat, magdadalawang-isip siya kung ipagpapatuloy pa ba niya ang paglapit sa kung saan ang sa palagay niya’y may naglalaban. Ang boses pa lamang na tumatawag sa kanya ay nagbibigay na ng ibayong kaba at takot sa kanya, tumatayo na rin ang balahibo niya sa batok. Idagdag pa kung gaano ka nakakatakot ang lugar. Wala man lang siyang namataan na buhay na tao. Lahat ay nakahandusay na wala nang buhay.
“Zeke, lumapit ka rito,” iuudyok ng boses.
Lalong tataas ang pagtataka ni Zeke. Sino ba ang tumatawag sa kanya? Bakit siya kilala nito?
Ayaw man niyang ipagpatuloy ang paghakbang ng kanyang mga paa ay tila wala siyang ibang pagpipilian kundi iang magpatuloy. Ngunit hindi niya talaga alam saan siya tutungo. Kasi kung tatayo lamang siya ay ano ang gagawin niya? Tutunganga lamang ba siya? Ni hindi nga niya alam kung saan talaga siya.Hindi siya pamilyar sa lugar.
Susubukan ni Zeke na huwag intindihin ang boses na tumatawag sa kanya. Itutuloy niya ang paglakad papunta sa direksyon kung nasaan ay sa palagay niya’y may naglalaban. Ngunit gaano man pilitin ni Zeke na huwag pansinin ang boses ay lalo lang itong magpapapansin sa kanya. Tila gusto nito na pakinggan niya ito at sundin.
“Alam kong naririnig mo ako, Zeke. Halika rito. . .” ibubulong pa ng boses. Sobrang lalim na ng tunog ng boses na magpapalamig sa katawan ni Zeke at tuluyan nang tatayo ang balahibo niya sa takot na agarang tumataas.
Ipipikit ni Zeke ang kanyang mga mata’t aakto na walang naririnig. Hihinga siya nang malalim. At pagkamulat niya ng mga mata ay itutuon lamang niya ang tingin direkta sa gumuhong gusali. Makakailan pa siya ng hakbang bago niya ulit maririnig ang boses na tumatawag sa kanya. Sa puntong ito ay parang mas malapit na ito sa ngayon. Mas malakas ang boses nito’t hindi na mapipigilan pa ni Zeke ang mapalingon sa pinanggagalingan nitong direksyon.
Magtataka si Zeke at kasabay nito ang pagkunot ng kanyang noo. Galing ang boses sa lugar na pupuntahan niya. Pigil ang hininga na mapapahinto ulit si Zeke sa gitna ng kanyang paglalakad. Maguguluhan siya lalo. Marami ang gugulo sa kanyang isipan na mga tanong na hindi niya rin alam ang mga kasagutan. Sa simula pa lang ay gulong-gulo na siya kung paano siya napunta rito, kung akit siya nandito. Sa pagkakaalala niya ay kasama lamang niya si Xenon sa Genesis.
Sasakit ang ulo ni Zeke sa pagtatakang alalahanin ang mga nangyari bago niya natagpuan ang sarili sa naturang lugar. Pakiramdam niya’y mawawala ang boses niya dahil walang lalabas na tinig sa pagbubukas niya ng bibig upang magsalita, tawagin ang pangalan ni Xenon.
“Zeke, halika rito. Ano pa ang iyong hinihintay?”
Tulala na mapapatitig si Zeke sa kinaroroonan ng naturang boses. Wala siyang makikita na kahit ano roon. Madilim sa banda roon lalo pa’t malapit ito sa gumuhong gusali. Hindi rin nakakatulong ang buwan. Pinagmumukha lamang ng buwan na nakakatakot ang lugar. Idagdag pa ang malakas na pag-ihip ng napakalamig na hangin.
Yayakapin ni Zeke sa kanyang sarili. Ang mga kamay niya ay pabalik-balik na hihimasin ang kanyang mga braso para maibsan ang lamig na yumayakap sa kabuuan ng katawan niya. Doon pa lamang niya mapapansin na nakasuot lamang siya ng t-shirt at shorts na gawa sa manipis na tela, klase ng tela na magiging komportable ka sa pagtulog.
Hindi kaya nasa panaginip na naman ako? ang biglang maitatanong ni Zeke sa sarili nang tahimik sa kanyang isipan. Kung ganoon nga, bakit nagakakaroon pa rin siya ng ganitong klaseng panaginip? Nasa Genesis na siya’t lahat.
Lilingon si Zeke sa likuran niya. Walang humahabol sa kanya na chemira. Magkaibang-magkaiba itong panaginip niya kung panaginip nga ba ito.
Mabilis na babalik ang tingin ni Zeke sa direksyon ng gumuhong gusali nang tuluyan na itong nasira. Wala nang natira kahit na isang poste nito. Hindi na ito nakakasagabal pa sa paningin niya. Malaya na niyang nakikita kung ano ang nasa kabilang banda. Hindi nga siya nagkamali, may naglalaban sa dakong ‘yon. Pero hindi niya inaasahan ang kumakalat na napakaitim na enerhiya na nagmimistulang usok sa kanyang paningin.
“Night Terror,” masasambit ni Zeke ngunit walang boses na lalabas. Agad na aakyat ang takot sa kanayng pakiramdam at sasakupin nito ang buong sistema niya. Mararamdaman ni Zeke ang panginginig ng kanyang katawan, hindi dahil sa lamig ng hangin kundi dahil sa nakikita ng dalawang mga mata niya.
Walang kahirap-hirap na pinapatay ng Night Terror ang mga tao na sa tingin ni Zeke ay mga Dream Walker. Pinapakalat lamang ng Night Terror ang itim na usok na pumapalibot sa katawan nito, na hindi makita nino man. At sa pagkakataon na tatama ang itim na usok sa katawan ng Dream Walker ay parang nalalason ang mga ito. Magsisimulang lilitaw ang mga ugat sa kanilang katawan, at magkukulay lila ang mga ugat nito. Maging ang buong katawan ng mga ito ay magiging kulay lila hanggang sa mamumutla’t maging itim, magmumukha itong nauubusan na ng hinihingang hangin.
Marami ang sumusubok na lumapit sa naturang Night Terror ngunit niisa sa mga ito ay hindi nagtagumpay. Bago pa man ang mga ito makalapit at maitarak ang kanilang sandata ay mauunahan na ang mga ito ng paghaplos ng itim na usok sa iba’t ibang parte ng katawan ng mga ito. Kahit ano ang gawin ng mga ito na iwasan ang usok ay tila walang kahirap-hirap na nakokontrol ito ng Night Terror sa kung saan man nito gustuhin pagalawin. Kahit malakas ang ihip ng hangin ay hindi nito natatangay ang itim na usok.
Sa kasalukuyang sitwasyon na nasasaksihan ni Zeke, ano nga ba ang laban ng mga Dream Walker sa nag-iisang Night Terror na naghahasik ng kadiliman? Walang ibang gamit ang mga Dream Walker kundi ang sandata ng mga ito na espada at iba pang sandatang panlaban gamit ang pisikal na lakas. Kailangan ng mga ito na makalapit upang matamaan ang Night Terror at mapatay ito.
Maririnig ni Zeke ang malalim na pagtawa ng Night Terror. Tunog pa lamang nito ay nakakagimbal na’t nakakatakot sa pandinig. Kahit na sino man na ordinaryong tao katulad niya ay walang duda na matatakot dito.
“Huwag na kayo lumaban pa. Hindi n’yo ako kayang kalabanin,” may pagmamataas na isasambit ng Night Terror. At papalwakain pa nito ang espasyong sakop ng itim na usok. Mas lalong mahihirapan na lumapit rito ang mga Dream Walker. Mabilis mababawasan ang bilang ng Dream Walkers dahil dito hanggang sa maubos ang mga ito’t walang matira.
Magbabagsakan ang lahat ng Dream Walkers. Mabibitawan ng mga ito ang hawak na sandata kasabay ng paghandusay ng kanilang mga katawan. Pagkatapos ay magiging tahimik ang paligid. Tanging ang huni ng ihip ng hangin, ang nagdadagsakan ng gumuguhong gusali, at ang malakas at masama na paghalakhak na may halong pangmamaliit sa Dream Walkers ang mananaig sa pandinig ni Zeke.
Tila matutuod si Zeke sa kanyang kinatatayuan. Hindi malaman kung ano ang kanyang gagawin, kung magtatago ba siya o lalapit rito. Kahit saan naman siguro siya magtungo ay hindi siya magiging ligtas.
Ang tingin ni Zeke ay mananatiling nakatuon sa direksyon ng Night Terror. Hindi niya malaman kung bakit hindi niya maiwaksi ang kanyang paningin. At ang boses na tumatawag sa kanya ay muli niyang maririnig kasabay ng tila paglingon ng Night Terror sa kanya. Nababalutan talaga ng purong itin na usok ang Night Terror. Ang hugis pahabang bilog na may kulay na pula na nagmimistulang mga mata nito lamang ang malinaw niyang makikita. Maging itong kulay pula ay tila usok din dahil sa kasing lambot nito ang itim na usok. Sumasabay ito sa paggalaw ng itim na usok, tila lumulutang ito sa hangin.
Patuloy ang pagtawa ng Night Terror ngunit patuloy din na maririnig ni Zeke ang boses nito na tumatawag sa kanya. Hindi na tuloy siya sigurado kung naririnig niya itong tinatawag siya gamit ang kanyang tenga o tinatawag siya nito sa pamamagitan ng telepatya, nakikipag-usap sa kanya sa loob ng kanyang utak.
“Lumapit ka sa akin, Zeke,” ibubulong ng boses na sigurado na si Zeke na ang Night Terror ang tumatawag sa kanya. “Sumama ka sa akin. Hindi ka nababagay sa kasama ang Dream Walkers,” idadagdag nito.
Hindi gagalaw si Zeke kahit isang hakbang palapit. Sapagkat hahakbang siya nang paatras. Maliliita ng magiging paghakbang niya ngunit tila napansin ito ng Night Terror.
“Wala kang dapat ikatakot sa akin. Hindi kita sasaktan. Nabibilang ka sa amin. Nabibilang ka sa Night Terrors, Zeke,” isasambit ng Night Terror. Mahinahon man ang pagkakasabi nito ay nagbibigay pa rin ito ng takot kay Zeke. Nakakatakot ang boses nito sa sobrang lalim at ang texture ng boses nito ay hindi maipaliwanag. Basta ang alam ni Zeke ay kinikilabutan siya sa takot, nananayo ang kanyang balahibo sa tuwing maririnig niya ang boses ng Night Terror.
Hahakbang muli si Zeke paatras nang ilang beses. Sa bawat pag-atras niya ang ang siyang paglapit naman ng Night Terror sa kanya. Paunti-unting bibilis ang paghakbang ni Zeke ngunit matitisod ang isa niyang paa sa malaking tipak ng bloke na nakaharang sa dadaanan niya. Matutumba siya, mapapaupo sa lupa. Ang dalawang kamay niya ang maitutukod niya bilang suporta sa kanyang katawan. Dahil dito, magkakaroon ng pagkakataon ang Night Terror upang makalapit nang tuluyan kay Zeke.
Susubukan pa rin ni Zeke na makalayo rito. Mabilis siyang kikilos upang makatayo at tatalikod. Ngunit bago pa man siya makalayo sa Night Terror ay mapapansin na niya ang itim na usok sa magkabila niyang gilid. Lalamunin siya ng itim na usok. Wala siyang makikita maliban sa purong itim na tila kumulong sa kanya sa isang walang katapusan at hangganan na kadiliman.
“Zeke,” isasambit ulit ng boses.
Magpapalinga-linga si Zeke. Magpapaikot-ikot ang kanyang paningin sa paligid.
“Zeke. . .”
Matataranta si Zeke. Palapit nang palapit ang tunog ng boses ngunit hindi niya alam kung saang direksyon ito nanggagaling. Mababalisa siya sa kakahanap kung nasaan ito.
“Zeke,” iuulit pa ng boses.
Paikot-ikot na si Zeke para lang malaman kung saan galing ang boses hanggang sa may makita ang kanyang mga mata pagtalikod niya. Masisilayan niya ang biglang paglitaw ng kulay pulang usok na naghuhugis mga mata. Patulis ang magkabilang dulo nito. Malalim ang pagkakulay pula ng hulma nito habang ang loob naman nito, ang gitna, ay kulay itim pa rin. Nagmimistulang guhit lamang ang kulay pula na usok na nakahulma bilang mga mata.
“Zeke,” malakas na itatawag sa kanya. At mararamdaman niya ang mga kamay na hahawak sa kanyang mga balikat.