Makakahinga nang maluwag si Zeke pagkalabas niya ng kwarto. Sasandal siya sa dingding sa tabi lang mismo ng nakabukas na pinto. Titingala siya at ipipikit ang kanyang mga mata. Pakakalmahin ni Zeke ang kanyang sarili. Hindi ito ang tamang oras para sa bagay na iyon. Dapat lang na maghunos-dili siya hangga’t nakakaya pa niyang pigilan na huwag sila humantong na gawin ang bagay na iyon. Kararating lamang niya rito sa Genesis at maraming bagay pang gagawin si Xenon. Hindi ito bakasyon na hawak nila ang kanilang oras sa kung ano man ang gustuhin nila, kung paano nila sayangin ang oras. Nandito siya para sa kaligtasan niya at hindi upang basta lang magkasama silang dalawa ni Xenon.
Maririnig ni Zeke ang pagsara ng pinto. Tatayo nang tuwid si Zeke at haharapin si Xenon. Mapapalingon siya sa gilid kung saan banda ang pinto. Nakatayo na sa tapat ng pinto si Xenon at nakaharap sa kanya. May pag-aalala at pagpakumbaba sa mukha nito. Hindi rin nakatakas sa kaniya ang mga mata nitong nanghihingi ng patawad.
Mapapansin niya ang pagbuntonghininga ni Xenon habang nakatitig lamang sa kanya. Hindi naman siya tanga upang hindi maunawaan ang kilos ng lalaki. Kung kaya ay uunahan na niya itong magsalita. “Kalimutan na lang natin ang nangyari, mahal ko. Nauunawaan ko. Pero sa tingin ko, hindi ito ang tamang oras para roon. Huwag ka nang mag-alala. Okay na. Okay lang ako. Hindi mo na kailangan pa mag-aalala tungkol doon,” iaani Zeke. Susundan niya iyon ng matamis na ngiti.
Isang malalim na paghinga ulit ang gagawin ni Xenon na ikakarolyo ng mga mata ni Zeke. Ayaw na ayaw ni Zeke ang ganitong side ni Xenon. Iyong inaako nito ang lahat ng sisi kahit sa totoo naman ay pareho silang may mali. Oo, may mali rin siya dahil panandalian siyang nagpadala.
“Sabing huwag mo nang alalahanin ‘yon. Isa pang buntonghininga, mahal ko. Iiwan talaga kita rito,” ibabanta ni Zeke na parang alam niya kung paano makaalis ng Genesis. Ngunit ang tono ng boses niya ay pabiro lamang.
Tatango si Xenon bilang pagsang-ayon sa sinabi ni Zeke. “Nauunawaan ko, mahal ko. Hindi ko lang talaga maiwasan na mag-isip. Kaya pasensya pa rin, mahal ko. Nadala lang ako. Ang tagal na rin kasi nang huling beses na magkasama nang tayo lamang sa loob ng isang silid.”
“Mahal. . .” may mababang boses na paalala ni Zeke.
Ititikom ni Xenon ang kanyang bibig bilang pagsuko. “Okay. Okay. Hindi na ako magsasalita pa patungkol doon.”
“Mabuti pa nga. Tara na nga sa sinasabi mong quarters upang makilala ko na rin ang mga kaibigan mo. Ito ang magiging unang beses na may makikilala ako na kaibigan mo. Wala ka kasing pinakilala sa akin habang nasa mundo tayo ng mga tao at wala rin akong kilala,” nasasabik na isasambit ni Zeke. Tatalikod si Zeke at mauunang hahakbang papunta sa dulo ng pasilyo.
Hindi pa man tuluyang nakakalayo si Zeke ay may braso na aakbay sa kanya mula sa kaliwa niya. Hindi na kailangan pang lumingon si Zeke upang malaman kung sino ang umakbay sa kanya. Sa amoy pa lang nito at bigat ng braso nito, kilalang-kilala na niya kung sino ito. At sino pa ba ang aasahan niya na gagawa nito sa kanya? Wala naman siyang ibang kasama rito. Tanging si Xenon lang at siya ang kasalukuyan na nandoon.
Hihigpit ang pagkakaakbay ni Xenon kay Zeke. Mas maglalapat ang kanilang mga katawan sa isa’t isa.
“Ano ba, mahal ko. Baka may makakita sa atin. Nasa oras ka pa ata ng trabaho mo,” irereklamo ni Zeke. Magtatakangka si Zeke na tanggalin ang braso ni Xenon mula sa mga balikat niya at kumawala sa bising nito. Ngunit lalo lamang itong hihigpitan ni Xenon hanggang sa walang ibang magagawa si Zeke kundi ang sumuko, hayaan si Xenon sa gusto nito.
“Ano naman kung may makakita sa atin? Walang kaso iyon sa kanila. At saka tapos na ang trabaho ko kapag nandito ako sa Genesis at kung walang pinapagawa sa akin.”
“Dami mong sinasabi. Tara na nga. Anong oras na, oh.” Kakapain ni Zeke ang cell phone niya na nasa bulsa ng kanyang pantalon. Titingnan niya ang orasan. At hindi nga siya nagkakamali, madaling araw na. Tsaka lang din niya maaalala na hindi pa siya kumakain simula tanghalian.
Hahawakan ni Zeke ang kanyang tiyan kasabay ng pagreklamo nito. Tatawa nang mahina si Xenon sa tabi niya nang marinig nito ang tunog ng tiyan niya. Tatapunan niya ito ng masamang tingin. Kung tutuusin ay kasalanan ito ni Xenon kung bakit gutom siya sa ganitong oras. Kung hindi lang Dream Walker si Xenon ay hindi siya aatakihin ng mga alaga ng Night Terrors. Nakakain pa sana siya ng hapunan nang matiwasay. Ngunit, hindi naman talaga niya sinisisi si Xenon. Hindi rin naman ito ginusto ni Xenon kung titingnan niya nang mabuti ang sitwasyon.
“Mukhang gutom ka na, mahal ko. Kakain tayo pagkatapos kitang maipakilala sa mga kaibigan ko. Kaya bilisan na natin para makakain ka na. Kawawa naman ang mahal ko. Hindi pa kumakain,” may paglalambing na isasabi ni Xenon.
Hinayaan na lamang ni Zeke si Xenon na tangayin siya sa kung saan. Dadaanan nilang muli ang mga pinto na dinaanan nila kanina. Sa tingin ni Zeke, mukhang ang parteng ito ng gusali ay kung saan ang mga silid ng mga Dream Walker na kagaya ni Xenon. Sa palagay niya ang mga pintong ito ay mga silid.
Kahit na mga kwarto ang nandoon ay halos walang pinagkaiba ang disenyo ng pasilyo kapag ikukumpara sa lobby. Dumagdag lamang ang mga hindi kalakihan na aranya na nakasabit sa kisame. May tatlong metro ang pagitan ng bawat aranya. Ito ang nagbibigay ng liwanag sa pasilyo. Sa kabilang dulo naman ng naturang pasilyo ay may bintana. Sinasakop nito ang higit sa kalati na sukat ng dingding. Nakasara lamang ito palagi dahil hindi naman talaga ito nabubuksan.
Mapapalingon bigla si Zeke kay Xenon nang tumapat sila sa elevator na gawa sa purong salamin. Kukunot ang kanyang noo. “Bakit sa hagdanan pa tayo dumaan kanina kung may elevator naman pala?” hindi mapigilan na itatanong ni Zeke. Hindi siya makapaniwala na pinagod pa siya ni Xenon na umakyat sa hagdanan. Hindi naman sa hindi siya sanay na dumaan sa hagdan. Ang sa kanya lang ay bakit pa sa hagdan kung may elevator naman para mapadali.
Magkikibit ng balikat lamang si Xenon. Ikakainis ito ni Zeke. Kung kaya ay sisikuhin niya si Xenon. Tatawa lamang nang mahina si Xenon at saka hahawakan ang braso ni Zeke.
“Nasanay na kasi akong dumaan doon kapag galing sa lobby at papunta ng silid ko. Pasensya ka na, mahal ko. Nawala sa isip ko na pagod ka nga pala.” Bababa ang tingin ni Xenon sa tiyan ni Zeke. “At gutom,” ihahabol nitong isasambit.
Pipiliin na lamang ni Zeke ang manahimik. Baka kung ano pa ang masabi niya na hindi maganda. At sa ganoong paraan ay hindi lalala ang pagkagutom na nararamdaman niya. Itutuon na lang niya ang pansin sa pagtingin-tingin sa mga madadaanan pa nilang mga silid.
Hihinto ang elevator sa ikatlong pinakamataas na palapag. Unang lalabas si Xenon at hahatakin si Zeke. Nakasabit pa rin ang braso nito sa mga balikat ni Zeke. Magkakasunod ang mga silid na puno ng computers. Kitang-kita ang mga ito mula sa pasilyo dahil gawa sa salamin ang dingding ng mga silid. Hindi lang ito basta-basta lamang na salamin dahil makapal ito. At hindi naririnig sa labas ang mga boses ng mga taong nasa loob ng silid. Bawat tao ay nakatutok sa kani-kanilang computer.
Ang mga sumunod na silid ay naglalaman ng mga kagamitan na pamilyar na kay Zeke. Dito nakaimbak ang mga kagamitang panlaban. Ito ang mga kagamitan na laman ng briefcase na binigay ni Xenon sa kanya. Mapagtatanto ni Zeke na ito nga ang mga kagamitan na ginagamit nina Xenon at ang pinag-aralan niya nitong araw lamang.
Hindi maaalis sa sistema ni Zeke ang pagkamangha sa nasasaksihan niya. Lahat ng ito ay bago para sa kanya pero wala siyang nararamdaman na kakaiba o masama, kundi pagkamangha lamang. Sapagka’t pakiramdam pa nga niya na nasa tamang lugar siya, na nabibilang siya rito. Hindi niya maipaliwag kung bakit ganoon. Ikikibit ng balikat lamang ito ni Zeke. Iwawaksi niya sa kanyang isipan itong pakiramdam na ito. Itatatak niya sa uatk niya na naninibago lamang siya kaya ganito ang nararamdaman niya.
Isa pa sa ikinamamangha ni Zeke ay mistulang opisina ang palapag kung nasaan sila. Ang pinagkaiba lang ay hindi nakauniporme ang mga tao na nandito. Mga tao pa rin naman ang mga ito kahit na sabihin na Dream Walkers sila. Gaya nga ng sabi ni Xenon, mga napiling tao na itinakda na maging Dream Walkers ang mga Dream Walkers. Ang hindi lang siya sigurado kung tao nga ba ang lahat. Hindi ito imposible na mangyari. Sa usapin pa lang na nasa ibang dimensyon ang Genesis ay nagiging posible ang lahat ng bagay.
Dadako ang tingin ni Zeke sa silid na papasukan nila ni Xenon nang mapansin niya ang paglingon sa direksyon nila ng mga tao na naroon sa naturang silid. Magsasalubong ang kanyng mga kilay nang makita niya ang malalaking ngiti ng mga ito habang nasa kanila ni Xenon ang pansin ng mga ito.
Gagalaw ang pinto pagilid, magdudulas ito pabukas nang nakatayo na sa sila sa harap nito. Agad na aabot sa mga tenga ni Zeke ang mapanuksong hiyawan ng mga tao sa loob ng silid. Gaya ni Xenon, mga nakasuot din ang mga ito ng itim na leather jacket. At hindi maitatanggi na malakas ang dating ng mga lalaki. May magagandang mukha rin ang mga lalaki na ito. Hindi tuloy maiwasan ni Zeke na mapatanong sa sarili kung kinakailangan talaga na magandang lalaki ang isang lalaki para maging Dream Walker. Kanina pa kasi niya napapansin na parang wala siyang nakita na hindi gwapo o kaya hindi malakas ang dating. Hindi rin naman niya itatanggi na magandang lalaki si Xenon. Sa katunayan, isa nga ito sa dahilan kung bakit nagustuhan niya si Xenon. Pero hindi naman ito ang dahilan kung bakit pumayag siya na maging kasintahan niya ito.
“Siya na ba ang mahal ko mo, Xenon?” mapanuksong itatanong ng lalaki na nakasandal ang pang-upo sa dulo ng tila malaking computer sa gitna ng silid. Hindi lang iisa ang computer na nasa gitna ng silid. O mas mainam na sabihin na hindi lang iisa ang monitor na nandoon kasi grupo ng monitor ang nandoon. Nakapaikot ang mga ito sa tila bilog at malapad na parang lamesa. Ngunit hindi ito lamesa lamang. May lumalabas na hologram dito.
“Sa wakas, dinala mo na rin dito ang mahal ko mo, Xenon,” tila nagpapasalamat na iuusal ng isa pang lalaki sa may sulok. Nakaupo ito sa swivel chair. Ang mga kamay nito ay nakasaklob habang ang mga siko nito ay nakatukod sa magkabilang gilid ng swivel chair.
Mananahimik lamang si Zeke sa tabi ni Xenon habang patuloy ang panunukso ng mga kaibigan nito. Mapapabulong siya sa isip-isip niya. Ganito pala ang pakiramdam kapag may kaibigan.
“Ano ba? Tigilan n’yo nga ang mga panunukso ninyo. Hindi ko dinala rito si Zeke para lang sa panunukso ninyo,” isasagot ni Xenon. Ngunit ang ngiti ay naglalaro sa kanyang mga labi. “At para sagutin ang mga katanungan ninyo, oo, siya nga ang mahal ko. Kaya huwag n’yo sana siyang pag-trip-an kundi ako ang makakalaban ninyo,” idadagdag nito.
Magugulat si Zeke sa paglapit ng lalaki na nakasandal sa computer. Biglang siya nitong aakbayan nang huminto ito sa tabi niya, sa kanyang kanan. Titingnan niya ang lalaki. Bahagya kasi siyang nakaramdam ng ibayong pagkaasiwa. Hindi siya sanay na may ibang umaakbay sa kanya.
“Kaya pala patay na patay ang kaibigan namin sa ‘yo, Zeke. Hindi naman mapagkakailala na nakakabighani ang mukha mo.” Ilalahad ng lalaki ang kanang kamay nito sa harap ni Zeke. “Ace nga pala, at your service. Kung may kailangan kang malaman tungkol kay Xenon, magtanong ka lang sa akin at sasagutin ko ito nang walang pag-aalinlangan.” Ngingisi ito.
Hindi alam ni Zeke ang isasagot niya. Nag-aalangan siya sa kung ano ang isasagot niya, pero tatanggapin niya pa rin ang kamay nito. Makikipagkamay siya kay Ace. “S-Sige, Ace.”
“Ace. . .” agad na iaangil ni Xenon gamit ang napakalalim na boses.
Lilingon si Ace kay Xenon. “Ang kill joy mo naman, Xenon. Parang hindi tayo mag-best friend, ah. Hindi naman kita sisiraan kay Zeke.”
“Bitawan mo siya.” Ibababa ni Xenon ang braso ni Ace. Patapon niya itong bibitawan. “Hindi sanay si Zeke na makisalamuha sa ibang tao.”
Makikita ni Zeke na aatras si Ace, hahakbang ito nang paatras nang isang beses. Sapat lang para hindi ito ganoon kalapit sa kanya. “By the way, Zeke, best friend ko pala ang boyfriend mo kaya huwag ka sana magtaka kung ganito kami mag-usap.”
“Walang kaso sa akin, Ace. Nagagalak akong makilala ang best friend ni Xenon.”
Maglalakbay ang paningin ni Zeke sa iba pang mga lalaki sa loob ng quarters. Ibubuka na sana niya ang kanyang bibig upang tanungin si Xenon kung ano ang mga pangalan ng iba pa nitong mga kaibigan ngunit hindi ito matutuloy. Tutunog bigla ang malakas na alarm sa silid, kasabay ng pagliwanag ng pula na ilaw na nasa pinakagitna ng lamesa na naglalabas ng hologram.