Arwin’s pov
HINDI inaasahan ni Arwin ang natanggap na balita mula sa kanyang ama. Patay na raw ang kanyang Mama Rita. Ang masakit pa ay nagpakapatay raw ito. Nagbigti sa sariling silid. Nangatog ang kanyang mga tuhod dahil sa nalaman. Hindi siya makapaniwala na nagpakamatay ang kanyang ina. Kailan lang ay nagkausap pa sila. Tumulo ang kanyang luha. Mukhang mabigat nga ang problema na kinakaharap ng kanyang ina dahil humantong sa pagpapakamatay.
Mabilis niyang pinuntuhan ang kanyang abuela. Pagbukas niya ng pinto ay umiiyak ito habang yakap ang larawan ng kanyang Mama Rita. Umupo siya sa kama nito at niyakap niya ang abuela.
“Kasalanan ito ng ama mo. Masyado niyang sinasaktan ang anak ko. Hindi magpapakamatay si Rita kung hindi dahil sa kanya. Pinatay niya ang anak ko. Pinatay niya ang amo, Arwin. Walang ibang dapat na sisihin kundi siya,” galit na wika ng kanyang abuela habang lumuluha. Napakuyom siya sa kanyang kamao.
Gusto niya sanang sumang-ayon sa sinabi ng abuela tungkol sa kanyang ama pero hindi niya magawa. Kahit baliktarin man ang mundo ay ama niya pa rin ang tinutukoy ng abuela.
“Tawagan mo si Yolly. Sabihin mo na i-book tayo ng flight ngayon din,” utos pa sa kanya ng abuela kaya mabilis siyang tumalima. Si Yolly ay ang personal secretary nito.
Mabilis na naghanda si Arwin upang makita ang labi ng kanyang Mama Rita. Malaki ang pagkukulang niya sa ina. Pakiramdam niya ay isa siya sa pumatay nito. Akala niya kasi ay kaartehan lamang ang pagsusumbong nito sa kanya. Hindi niya akalain na kinakain na pala ito ng depression nang dahil sa pangangaliwa ng kanya ama. Sanay na kasi siya sa mga reklamo nito at nabibingi na siya sa paulit-ulit nitong sinasabi.
Wala pang tanghali ay nasa Laoag City International Airport Tower na sila ng kanyang abuela. May nakaabang na sa kanilang sasakyan upang dalhin sila sa San Nicolas. Kung saan siya isinilang. Mabigat na mabigat pa rin ang kanyang dibdib dahil sa paglisan ng kanyang ina. Ang kanyang abuela naman ay nanatiling matatag. Nakikita niya ang galit sa mukha nito. At alam niya kung para kanino ang galit ng kanyang abuela.
Pagpasok niya sa malaking bahay nila ay napakaraming tao na ang naghihintay sa pagdating ng bangkay ng kanyang ina na hanggang ngayon daw ay nasa funeral parlor pa rin. Nakita niya ang kanyang ama. Abala ito sa pakikipag-usap sa mga tao. Lalapit sana ito sa kanya pero umiwas siya. Ang mga tao ay sa kanilang lahat nakatingin. Paglapit ng kanyang ama sa kanyang abuela ay isang malakas na sampal ang sumalubong ito. Kilala niya ang kanyang abuela. Matapang ito at walang inuurungan lalo na kapag usapang anak na ang pag-uusapan. Kaagad niyang nilapitan ang abuela para pigilan ito. Baka mamaya ay atakihin pa ito sa galit.
“Hindi ko alam kung ano ang nakita ni Rita sa’yo at pinakasalan ka niya. Puro paghihirap lamang ang isinukli mo sa aking anak,” galit na galit na wika ng kanyang Lola Margarett sa ama. “Wala akong pakialam kung sino ka man Bernard. Kilala mo ako. Masama akong kaaway. Nagtitimpi lamang ako sa’yo dahil mahal ka ng aking anak pero isinusumpa ko sa harapan ng anak mo na magbabayad ka sa ginawa mong ito kay Rita,” banta pa ng kanyang abuela sa ama.
Ang mga tao ay sa kanila na nakatingin pero walang pakialam ang kanyang abuela. Kanya-kanyang opinyon na ang mga ito dahil sa nasaksihan.
“La, tama na at maraming tao,” bulong niya sa abuela niya.
“Gusto ko lang sabihin sa ama mo na wala siyang kwentang tao!” gigil na gigil pa na wika ng kanyang abuela sa ama niya na nakayuko. Hindi man lang ito sumasagot sa lahat ng sinabi ng kanyang abuela. “Ikaw ang pumatay sa asawa mo. Ikaw ang dahilan kung bakit siya nagpakamatay,” wika pa ng kanyang abuela.
Napansin niya ang pagpatak ng luha ng kanyang ama pero tama ang kanyang abuela. Kasalanan ng kanyang ama kung bakti nagpakamatay ang kanyang ina. Inilayo niya na lamang ang kanyang abuela sa kanyang ama upang humupa ang tensyon.
Nilapitan niya si Yaya Saling upang magpasama sa silid ng kanyang abuela.
“Pinahanda na po ni Sir Bernard ang silid ninyo,” wika pa ni Yaya Saling.
Matagal na ito sa kanilang pamilya. Ito rin ang nag-aalaga sa kanya simula pagkabata niya. Yaya rin ito ng kanyang ina.
“Ayokong marinig ang pangalang ‘yan Saling,” wika ng kanyang abuela kaya inakbayan niya na lamang si Yaya Saling.
“Condolence Arwin,” wika sa kanya ni Yaya Saling. Hindi niya alam kung magpapasalamat siya o kung anuman dahil hanggang ngayon hindi niya pa rin matanggap na wala na ang kanyang ina. Dinala niya ang kanyang abuela sa silid nito. Pinilit niya lamang ito na manatili sa kanilang bahay pero ang totoo ay gusto nitong sa hotel na lamang manatili. Ayaw nitong makasama sa iisang bubong ang kanyang ama.
Sandali siyang nagpaalam sa abuela. Sumunod siya kay Yaya Saling sa kusina. Nagpapahanda ito sa ibang katulong ng pagkain para sa mga bisitang dumarating.
“Ya,” tawag niya. “Pwede ba tayong mag-usap?” tanong niya pa.
Tumango si Yaya Saling sa kanya. Sa tantiya niya ay kaedaran na ito ng kanyang abuela. Sixty mahigit na rin ito. Sa tagal nitong nanilbihan sa kanila ay hindi na ito nakapag-asawa. Anak kong ituring nito ang kanyang mga magulang. Niyaya niya sa loob ng sarili niyang silid ang kanyang Yaya Saling. Ayaw niyang marinig ng mga taong naroon ang kanyang sasabihin. Tama na ang eskandalo na ginawa ng kanyang abuela kanina. Hindi niya naman ito masisisi dahil anak nito ang namatay lalo na at pakiramdam nito ay agrabyado ang anak nito. Ang iniingatan niya lang naman ay ang pangalan ng kanyang ama.
Umupo sila sa sofa na naroon sa kanyang silid.
Humikhim muna siya bago nagsalita. Hindi niya alam kung paano niya itatanong dito ang mga nangyari.
“Ya, gusto kong malaman kung ano ang buong nangyari. Bakit nagpakamatay si Mama?” deretso niyang tanong.
“Sa tingin mo ba ay ako ang dapat na magsabi sa’yo ng lahat?” tanong pa sa kanya ng matandang kaharap.
“Ayokong kausap si Papa. Alam ko naman na gawa-gawa na lamang ang mga kwentong kanyang sasabihin sa akin. Hindi siya magsasabi ng totoo,” sagot niya pa.
“Arwin, ama mo pa rin siya,” wika pa ni Yaya Saling sa kanya.
“Pero dahil sa kanya kung kaya napatay si Mama. Tama ang lola. Siya ang pumatay kay Mama,” sagot niya pa. “Ano ang nangyari kay Mama?” ulit niya pa.
Napabuntong-hininga na lamang ang matandang kanyang kaharap.
“Nitong mga nakaraang araw ay palagi siyang balisa. Lulong palagi sa alak at palagi silang nag-aaway ng Papa mo. Madalas ay nagbabangayan sila at hindi ko naman alam kung ano ang dahilan. Hinihintay kong magsabi ang Mama mo pero tikom ang kanyang bibig. Hanggang sa pag-uwi ng ama mo kaninang madaling araw ay nakita niya ang Mama mo na nakabigti sa kwarto,” kwento pa sa kanya ni Yaya Saling. “Kung alam ko lang na may plano pala siyang magpakamatay sana nabantayan ko siya pero kasi naging mailap ang Mama mo. Dati naman sinasabi niya sa akin ang lahat pero nitong mga nakaraang araw ay ayaw niyang kinakausap ko siya,” umiiyak na kwento sa kanya ng matanda.
Napaiyak na lamang siya sinapit ng kanyang Mama Rita. Siguro ay hindi na nito kinaya ang problema. Napayuko siya at umiyak. Awang-awa siya sa sinapit ng kanyang ina.
“Arwin,” pukaw pa sa kanya ni Yaya Saling. “Bali-balita sa San Nicolas na may binabahay raw na ibang babae si Bernard,” wika sa kanya ni Yaya Saling kung kaya’t natigilan siya at napatingin sa kaharap.
Nagtagis ang kanyang bagang dahil sa nalaman. Ngayon ay alam niya na kung bakit nagpakamatay ang kanyang Mama Rita. Dahil nga sa kanyang ama. Hindi naman iyon bago sa kanya pero ang malaman na may binabahay ito, yun ang bago sa kanyang pandinig.
“Ya, sana ay ‘wag na ninyong mabanggit kay Lola ang tungkol sa binabahay ni Papa. Ako na ang bahala kay Papa,” wika niya pa kay Yaya Saling. “Ayokong magkagulo sa burol ni Mama. Nakita niya naman kanina ang nangyari hindi ba?” wika niya pa. Ang gusto niya lang naman ay protektahan ang ama niya. Siya ang magpaparusa sa ama at hindi ang kanyang abuela. Ina niya ang sinaktan nito kaya dapat lang na sa kanya ito magbayad.
“Oo naman. Alam ko naman na noon pa man ay mainit na ang ulo niya kay Bernard,” wika pa ni Yaya Saling. “Sige babalik na ako sa kusina dahil tiyak na maraming kailangan gawin,” paalam pa nito sa kanya.
“Salamat ya!” wika niya pa.
Kumaway lamang sa kanya si Yaya Saling bago nito sinara ang kanyang pinto. Napahiga siya sa kanyang kama. Muling tumulo ang kanyang luha. Hindi niya hahayaan na hindi mabigyan ng katarungan ang paghihirap ng kanyang ina. Hindi lamang ang kanyang ama ang paparusahan niya kundi ang babae nito na pumatay sa kanyang ina.
Mukhang kailangan niyang manatili sa San Nicolas. Gagawin niya ring impyerno ang buhay ng babae ng kanyang ama. Natitiyak niyang ito ang sinusumbong ng kanyang Mama Rita sa telepono nang magkausap sila. Ipaparanas niya rito ang sakit na pinaranas nito sa kanyang ina. Ang mga ganitong klaseng babae na pumapatol sa lalaking may asawa ay dapat lang na masaktan.