Kabanata 10

2021 Words
MIRA: MATAPOS naming mag-agahan ni Sheila ay naligo na kami at gumayak. Gusto sana naming isama si Nanay sa pamamasyal pero tumanggi ito. Wala daw tatao sa bahay at dito kakain ng tanghalian sina Tatay at ilang kasama nito sa sakahan. Kaya hindi na namin ito napilit pa. Simpleng black jeans at white shirt lang ang suot ko, white flat sandal at white cap. Maging si Sheila ay simple lang din ang postura. Nakamaong na pantalon, shirt at sandal lang din ito. Kahit naman abroad kapag nagta-travel kami ay hindi ito mahilig pumorma. Simple lang ang kasuotan namin na ni hindi nagsusuot ng mga accessories sa katawan. "Saan tayo?" tanong ko dito habang nagmamaneho ako ng SUV. Nalingunan ko naman ang nakasunod na black van sa likuran namin naga bodyguard ko. Naipilig ko ang ulo. Saan kaya sila natulog? Ni hindi ko na sila natanong kung may natuluyan at kinainan sila dito. "Sa may talon tayo. Malapit lang iyon dito. Tamang-tama at medyo mataas na ang sikat ng araw." Saad nito na ikinatango ko. "Sige." Pagdating namin sa may talon ay hindi ko mapigilang mamangha sa ganda ng lugar. Walang kabahayan dito. May kataasan din ang talon at napakalinaw ng kulay asul na tubig nito. Tahimik dito at tanging mga huni ng ibon at ang lagaslas ng tubig ang nagsisilbing ingay. May ilang kubo din ang nakatayo dito sa gilid ng talon at nami-maintain ang kalinisan nito. "Maliligo tayo?" tanong ko dito. "Gusto mo ba?" balik tanong naman nito. "Wala tayong dalang extra clothes. Pero babalik tayo dito ha? Gusto kong maligo dito." Saad ko na ikinatango nito. Inabot kami ng mahigit dalawang oras sa pagtambay sa talon. Nagtampisaw din kami sa tubig na parang mga batang naghahabulan. Magtatanghalian na nang makababa kami sa bayan. Kapansin-pansin na malinis ang bayang nasasakupan ni Mikael. Mukhang may respeto at disiplina ang mga tao. Maski ang mga alaga nilang manok at aso ay hindi pagala-gala sa paligid. Sa daan ay mapapansin mo ang mga tanim na halaman at gulay, katulad ng mga malunggay na malalago ang dahon. May mga nagkalat ding street sweepers na nagpapanatiling malinis ang kalsada. Habang napapamasid ako sa bayang pinamumunuan ni Mikael ay hindi ko mapigilang mas mamangha dito. Dahil napakaganda ng lidirato nito sa bayan nila. Mahihiya ka na lang na maging suwail sa mga rules nito. "Nagugutom ka na ba? May sikat na lomihan dito." Saad nito na pinaparada ko na ang kotse sa harapan ng palengke. "Sige, puntahan natin." Sagot ko. Pagbaba namin ng kotse, nagsuot ako ng sunglasses. Magkahawak kamay kami ni Sheila na tumawid ng pedestrian lane. "Sa loob ng palengke 'yon ha?" paalala pa nito. "Okay lang. Basta masarap naman eh." Napahagikhik pa ito na hinila na ako papasok ng palengke. Matao dito pero hindi naman nagkakabungguan ang mga tao. Malinis din at hindi mabaho ang palengke nila dito, ibang-iba sa syudad na nagkakadikitan na ang mga tao. Maayos din ang pagkakahilera ng mga stand. Mula sa section ng mga isda, karne, vegetables section, fruit section at mga dry goods. Lahat may disiplina. Mga tindera man o mamimili. Nagtungo kami sa section kung saan nakahilera dito sa loob ng palengke ang mga karinderya. Sa may pinakagitnang pwesto kami pumasok na talaga namang maraming costumer. "Mag-takeout na lang tayo, ha? May parke malapit dito sa harapan ng cathedral dito. Doon na lang tayo kakain at mas maluwag ang espasyo. May sariwang hangin pa." Saad nito na ikinatango ko. Nasa likuran lang ako nito at siya na ang bumili ng order namin. Bumili din ito ng tubig. Akala ko ay lomi lang ang binili nito. Kumuha din pala siya ng kanin at ulam namin. Lumabas din kami ng palengke at tumuloy sa may parke na tinutukoy nito. Tama nga siya. Bukod sa maluwag ang lugar, mahangin dito sa labas kaya ang sarap damhin ng simoy ng hangin lalo na't ber months na. Kaya malamig na rin ang panahon. Pumwesto kami sa mga nakahilerang mesa at bench na yari sa semento. Nalililiman naman ang buong area ng punong kahoy kaya presko ang paligid. Pinunasan na muna nito ng dalang tissue ang mesa at upuan bago inilapag ang mga pinamili namin. Magkaharap kaming naupo at nagsimulang buksan ang mga pinamili nito. Nasulyapan ko naman sa 'di kalayuan ang mga bodyguard ko na katulad namin, bumili na ng tanghalian at dito sa parke kumain. Hindi na ako nakatiis at nilapitan ang mga ito. Hindi naman na ako pinigilan ni Sheila na makilala ang mga lalake. Napatayo ang mga ito na malingunan ako at bahagyang yumuko sa akin. "Señorita." Pagbati ng mga ito. "Mga Kuya, saan kayo tumuloy kagabi?" tanong ko. Nagkatinginan pa ang mga ito na pilit ngumiti sa akin. "Sa van po, señorita." Sagot ng head bodyguard ko. Napatampal ako sa noo. Naawa naman ako sa kanila. Ang lalaki ng mga katawan nila at nasa walo sila. Walo silang nagsiksikan sa van. "Umuwi na kasi kayo sa Manila. Okay lang ako dito at kaya ko ang sarili ko." Wika ko. "Naku, señorita. Okay lang ho kami. Na-trained na kami sa gan'tong bagay. Ang kapakanan niyo ang mahalaga sa amin. Trabaho namin na mapanatiling ligtas kayo." Sagot nito na ikinabuntong hininga ko. "Dalawang linggo tayo dito. Wala ba kayong nahanap na matutuluyan niyo pansamantala? Saka. . . saan kayo kumain kagabi at kaninang umaga?" tanong ko pa. Nag-aalangan ang mga itong ngumiti sa akin na nahihiya. "Bumili ho kami sa tindahan ng noodles at sardinas na madali naming nailuto, Ma'am. May dala-dala naman po kaming portable gas stove na lutuan namin kaya hwag niyo na kaming alalahanin." Sagot pa nito na ikinapikit ko. Kinuha ko ang wallet ko sa bag at kumuha ng pera na iniabot sa head bodyguard ko na nag-aalangang inabot iyon. "Bumili kayo ng maayos na makakain niyo. Kumuha din kayo ng tent at higaan niyo. Maluwag naman sa likuran ng bahay nila Sheila. Ako ng bahalang kakausap sa pamilya niya, kaysa nagsisiksikan kayo sa van. Paano kayo nakakatulog ng gano'n?" saad ko na ikinangiti ng mga itong bakas ang katuwaan sa mga mata. "Maraming salamat po, señorita. Hwag ho kayong mag-alala. Hindi namin kayo guguluhin." Panabay na saad ng mga itong ikinatango ko. "Sige na. Kumain na kayo. Bumili kayo ng mga gamit niyo ha?" paalala ko na ikinatango ng mga itong yumuko sa akin. Bumalik na ako sa pwesto namin ni Sheila at nagsimula na ring kumain. Pasulyap-sulyap ako sa gawi ng mga bodyguard ko na masayang nagkukwentuhan habang kumakain. "Siya nga pala, Sheila." Aniko habang kumakain kami. "Hmm?" "Uhm, pwede bang sa likod ng bahay niyo na muna magtayo ng tent ang mga barakong 'yan?" aniko na nginuso ang mga bodyguard ko. "Oh my God. Ang sama natin. Bakit hindi natin sila naisip kagabi?" bulalas nito na napalingon sa mga bantay namin at kitang guilty ito na napabayaan namin sila. "Yon nga eh. Kaya binigyan ko sila ng pera pambili nila ng ilang kakailanganin nila katulad ng tent at higaan." Saad ko na ikinatango nito. "Sige. Wala namang problema." Tugon nito. MATAPOS naming kumain, pumasok na muna kami sa cathedral na kaharap lang ng parke kung saan kami tumambay. Ilang minuto din kami sa loob na nagdasal sa Maykapal bago lumabas. Naglibot-libot kami sa bayan at namili na rin ng ibang gamit na natitipuhan namin. Pasado alassingko na ng hapon nang bumalik kami sa bahay. Pagdating namin ng bahay ay nandito na sina Tatay at mga kapatid ni Sheila. Masaya nila kaming sinalubong na kinuha sa amin ang mga dala naming pinamili sa bayan. "Kumusta ang pamamasyal niyo?" tanong ni Tatay na nagmano kami sa mga ito. "Maayos naman po, Tay. Ang laki na ng pinagbago ng bayan natin. Para na nga akong maliligaw eh." Sagot ni Sheila. "Aba, oo naman, anak. Maswerte tayo sa mga naging mayor natin dito. Dahil talaga namang tinutukan nila ang pagpapaganda ng bayan natin." Sagot ni Tatay na inakay na kami papasok ng bahay. "Siya nga pala, Tay. May hihilingin sana ako." Aniko. Nilingon ako nito na nagtatanong ang mga mata. "Ano 'yon, anak?" "Uhm, okay lang po bang magtayo ng tent sa likod ang mga bodyguard ko? Naawa ho kasi ako sa kanila. Ayaw naman nilang bumalik ng syudad habang nandidito pa kami ni Shiela. Ipapaalam ko po sana na d'yan na muna sila sa likod ng bahay tumuloy at magtayo ng tent nila. Sa van lang ho kasi sila natutulog eh." Saad ko na ikinangiti nito. "Oo naman, anak. May mga kasama pala kayo. Sana sinabi niyo para napatuloy natin sila dito sa bahay. Nakakahiya nga sa kanila na hindi manlang natin napakape." Saad nito na ikinangiti ko. "Salamat po sa unawa, Tay." Saad ni Shiela dito na napangiting hinaplos sa ulo ang anak. "Walang anuman, anak." Nagpaalam ako na lumabas ulit para salubungin ang mga bodyguard kong nasa gilid ng daan. Naghihintay ng senyas ko. Kaagad namang lumapit ang mga ito na dala ang mga pinamiling gamit. Napahalukipkip ako na nakamata sa mga ito. Lahat sila ay pawang matatangkad na may malalaking pangangatawan. High cut ang gupit at pare-parehong naka-marine shoes, black cargo pants at black shirt ang mga ito. At kung sa itsura naman, kita namang gwapo din ang mga ito. "Itayo niyo na muna ang mga tent niyo sa likod. Malinis naman doon," saad ko. "Salamat po, señorita." Panabay nilang sagot. Sinamahan ko ang mga ito sa likod ng bahay. Malinis naman dito at maluwag ang espasyo. Kanya-kanya ang mga itong nagtayo ng kanilang tent at nagbomba ng kani-kanilang airbed na higaan. May poso at banyo dito sa likod ng bahay na malaya nilang magamit. Nang maitayo na nila ang kani-kanilang tent at maayos ang mga gamit, saka naman lumabas si Sheila na tinawag ang mga itong magkape na muna sa loob. Napalingon pa ang mga ito sa akin na humihingi ng permisong ikinatango ko. Nagpasalamat pa ang mga ito kay Sheila bago pumasok sa loob. Naiiling na lang ako na nakamata sa mga ito. Napaka pulido kasi nilang kumilos. Parang mga sundalo na laging sabay-sabay at hinihingi ang permiso ko. "Tara? Maligo na muna tayo. Nanlalagkit na ako," anito na inakay na ako papasok ng bahay. Tinanguhan namin sina Nanay na magalang inaasikaso ang mga bodyguard ko. Tumuloy kami sa silid ni Sheila para makaligo na rin. Madilim na rin kasi sa labas. Matapos naming maligo ay bumaba na kami ng sala at nagkape. Napangiti na lamang akong makitang ang mga bodyguard ko na ang nagluluto sa kusina. Lumapit ako sa mga ito na dala ang mug ng kape ko. Kaagad namang lumapit sa akin ang head nila. "Ano po iyon, señorita?" magalang saad nito. "What is your name?" tanong ko na ikinangiti nito. "Adam po, señorita." "Oh," singhap ko na napatango. "Adam, tara muna sa labas. May pag-uusapan lang tayo." Saad ko na ikinasunod nito. Sakto namang parating si Mikael at nakita nitong may kasama akong binata. Natigilan din ito na napalunok na napasulyap sa katabi ko. "Uhm, Adam. Bumalik ka na muna sa loob. Mamaya na tayo mag-usap." Aniko na ikinatango nito. Sinalubong ko si Mikael na nakatuod sa kinatatayuan nito. Hindi ko tuloy malaman kung paano siya ngingitian. "Hi," pagbati ko. Napasulyap ako sa dala nitong strawberry cupcakes. "H-hi. Uhm, para sa'yo." Saad nito na iniabot sa akin ang dala. "Salamat dito. Pumasok ka na muna sa loob." "Hwag na. Baka magalit 'yong nobyo mo eh." "Ha? Nobyo ko? Wala naman akong nobyo ah." Naguguluhang saad ko na ikinakurap-kurap nito. "Hindi mo ba nobyo 'yong kasama mo kanina?" tanong nito na ikinapilig ko ng ulo at naalala si Adam. "Ah, si Adam ba?" aniko. "Adam pala ang pangalan niya," mahinang usal nito na ikinangisi ko. "Bakit, mayor? Nagseselos ka ba?" tudyo ko na ikinamula ng pisngi nito. "H-hindi kaya." "Oh? Halata nga eh." "Ang gwapo at kisig niya. Mukha ding kagalang-galang na tao. Bagay kayo, Mira." Saad nito na kitang nasasaktan sa sinaad. "Sira. Si Adam, bodyguard ko 'yon. May mga kasama 'yon sa loob. Siya ang leader kaya siya ang kausap ko." Paliwanag ko na ikinaaliwalas ng mukha nito. Pero unti-unti ring napalis ang ngiti nito. "Teka. . . bakit may bodyguard ka? Sino ka ba, Mira?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD