HINDI alam ni Lauren kung paano sosolusyunan ang problema. Ito yata ang isa sa mga malaking problema na naranasan niya sa buong buhay niya. Nanghingi na siya ng tulong sa mga malalapit na kamag-anak na dati ay diyos kung sambahin sila, noong may pera pa ang kanyang pamilya, noong masagana pa ang buhay na mayroon sila. Ngunit ngayon ay wala ang kahit isa ang nais na magbigay ng suporta sa kanila.
Nanghingi na siya ng tawad sa kanyang ina sa inakto niya at nangako rito na hindi nila ibebenta ang bahay. Hindi niya rin matitiis na sumama ang loob nito sa kanya.
May isang linggo na siya sa kanilang tahanan at nagpunta na sa kung saan-saang kamag-anak nang imbitahan siya ng kanyang kaklase noong high school. Magkakaroon ng school reunion ang batch nila sa susunod na linggo kaya naman pinag-iisipan niya rin kung tutuloy siya.
Nakapag-aral siya sa prominenteng eskuwelahan at malaki ang tiyansa na may magpahiram sa kanya ng pera. Ang malaking tanong lang ni Lauren ay kung paano niya iyon mababayaran ulit.
Bahala na!
She was in a garden, nakaupo sa swing at parang nababaliw na nakatingin sa damuhan. Nag-ring ang kanyang cellphone habang nililipad ang kanyang isipan. Nakita niya sa screen na ang kanyang kaibigan na si Brett ang tumatawag.
“Hello?” malamya na sagot niya rito.
“Hey, hey! Bakit naman parang pinagsakluban ka ng langit at lupa kung sagutin mo ang tawag ko, para bang ayaw mo akong kausapin.”
“I’m sorry! Kauuwi ko lang mula sa pinsan ni Papa, hindi kasi ako nakahiram ng pera sa kanya.”
Matagal bago ito sumagot sa kabilang linya, bumuntonghininga na muna bago nagpatuloy. “I’ll be there tonight to meet you, alright?”
“Pupunta ka rito? Wala ka bang training? O kaya naman ay si Kori, wala ba kayong date ng nobya mo?” tukoy niya sa matagal na nitong nobya.
Madalas na may training ang kanyang kaibigan sa basketball. Nagtutungo rin ito sa gym para panatilihin ang shape ng katawan. Alam niya na namiss nila ang isa’t isa pero ayaw naman niyang kuhanin ang personal na oras nito na dapat sana ay sa iba. Napapansin kasi niya na panay ang punta nito sa kanilang tahanan.
“Naghiwalay na kami ni Kori,” anito sa kabilang linya.
“Ano? Bakit naman?” nahihiwagaan niyang tanong. Hindi siya makapaniwala sa pahayag nito. It’s because she was jealous of Kori, she has always been jealous of Finn's best friend.
Finn?
Ipinilig niya ang ulo. Hangga’t maaari na narito siya sa Pilipinas ay ayaw niya na maglandas ang tadhana nila ng binata. Para kay Lauren, simula nang umalis siya sa silid nito anim na taon ang nakaraan ay iniwan na rin niya ang damdamin para rito. Isang linggo pagkatapos ng naganap sa kanila ay umalis na siya patungong Amerika at hindi na nakibalita pa. Sapat na ang isang timba ng luha na ibinuhos niya para sa lalaki.
Ngunit iniwan na nga ba talaga niya?
“Lauren? Lauren?” pukaw sa kanya ng kaibigan sa kabilang linya. Hindi niya narinig kung ano ang sinabi nito.
“Sorry, m-may kinailangan lang akong basahin,” katwiran niya.
“Malapit na ‘ko, pupuntahan na lang kita.”
Hinayaan na lang niya ito. Kailangan din kasi niya ang suporta nito ngayon. Nakahiram siya ng dalawang milyon kay Brett noong ikalawang araw niya sa Pilipinas ngunit naibayad na iyon ng kanyang ina sa ilang kaibigan na pinagkakautangan nito.
Nahiling niya na kung sana ay panaginip nga lang ang lahat ng iyon para magbalik sa dati ang buhay nila. Noong mga panahong mga bata pa sila na sa hardin na iyon ay naglalaro sila ng kapatid na si Kael. Noong mga panahon na sa swing na iyon ay nagkukulitan sila ni Brett habang masaya sa pandinig ang kanilang mga halakhak.
“Ma’am, dumating na po ang kaibigan n’yo,” pukaw sa kanya ng kasambahay.
“Papasukin n’yo na lang,” aniya rito.
Hindi naman nagtagal nang makaramdam siya ng yakap mula sa kanyang likuran kung saan nakatapat ang sliding door. Kasabay ng halik nito sa kanyang pisngi mula sa binata.
“Eew, kadiri!” sita niya at pinunasan ang kanyang pisngi, bakas ang pagkangiwi sa mukha. “Upo ka r’yan sa kabila.” Itinuro niya ang katabing swing. Panay naman ang tawa nito sa reaksyon niya.
“So, bakit ka nakipaghiwalay kay Kori?” tanong niya agad rito matapos nitong makaupo sa kabilang bahagi ng swing.
“Change of hearts,” tila balewalang sagot nito.
Apat na taon nang magkarelasyon ang kaibigan niya at si Kori. Nabalitaan niya iyon nang dumalaw ito sa kanya sa Los Angeles. Isa siya sa masaya sa balitang iyon noon dahil mabait din naman ang nobya nito. Kori was popular during her highschool days. She’s a cheerleader, as if cheering for her best friend Brett.
Babae siya kaya alam niyang noon pa man ay kakaiba ang tingin ni Kori sa binata, alam niyang noon pa man ay may gusto na ito kay Brett. Glamorosa ito, nakakainggit sa kinis at kaputian ang balat na kahit yata lamok ay mahihiya na kumagat dito. Higit sa lahat ay mataas ang estado nito sa buhay. Si Kori ang tipo ng babae na mapapalingon ang kahit sino, live action ng isang Disney princess dahil prinsesa kung ituring ng mga kaibigan at magulang nito.
Kaya nga tinanggap niya noon pa man na marami ang nahuhumaling sa babae—kahit si Finn.
Napabuga siya ng hangin. “Sino ang nag-change of hearts? Siya o ikaw?”
Malalim ang tingin nito sa kanya sa mga oras na iyon. Hindi niya mawari kung nag-aatubili na magtapat sa kanya ng tunay na nararamdaman.
“Ako,” simpleng sagot na narinig niya mula rito.
“Kasi?”
“N-nasasakal ako.”
“Eh, kung sakalin kaya kita r’yan? Alam mo, hindi kita maintindihan at naaawa ako sa nobya mo. Four years is four years!” Apat na taon na kasi nitong karelasyon si Kori. Madalas din niyang marinig sa mga balita na may mga babaeng nali-link dito; artista, modelo at anak ng kung sinong mayaman sa bansa. “Whoever that woman is, tigilan mo na! Baka mamaya niyan ay babalik ka rin pala kay Kori.”
Humalukipkip siya at masama ang tingin na ipinukol niya rito. Ilang beses niya na rin kasi na narinig na naghiwalay ang dalawa, sa huli ay ito pa rin naman at ang babae.
Ngumiti ito sa kanya nang simple, umawang ang labi ng ilang ulit ‘tapos ay ititikom muli. Tila ba nagdadalawang-isip na ibahagi sa kanya ang totoo.
“Let’s forget about my relationship with Kori. Kumusta ang problema mo?” sa halip ay bigkas nito.
“Augh! I don’t want to talk about it. H’wag kang mag-alala dahil makagagawa rin ako ng paraan.”
“At ano namang paraan?”
“Malay mo ay may mag-offer sa akin ng kasal mula sa matandang lalaki na may malaking tiyan. Hindi ba’t madalas na gano’n sa mga nobela o kaya ay sa pelikula kapag nagigipit ang babae?”
“If you decide to marry a rich man, you can choose me.”
“Gagu! Ikaw na babaero ay aasawahin ko? Saka, you took it seriously! Tara na’t kumain sa loob! Nagutom ako sa usapan natin!”
Tumayo na siya at nagpauna nang pumunta sa dining area. Siya at si Brett ay daig pa ang magkapatid kung magturingan sa isa’t isa kaya naman ang asawahin ito ay isang malaking kalokohan. Para na rin siyang nagpakasal sa kapatid na si Kael kapag ginawa niya iyon at alam niyang nagbibiro lang din ito.
***
ARAW ng reunion. Ayaw ni Brett na papuntahin siya sa pagtitipon ngunit kailangan niyang tumuloy dahil marami rin naman siyang ka-close noong high-school kahit pa nga bibihira na siyang makita ng mga ito.
She’s wearing a black long dress, bukas ang kalahating parte ng kanyang likuran. Maayos na nakaladlad ang kanyang alon-alon at tsokolateng buhok sa isang parte, habang kita ang kanyang diamond earing at makinis na leeg sa kabila.
“Lauren!” Kumaway sa kanya ang kanyang kaklase at kaibigan na si Jessica De Joya pagpasok pa lang niya sa pintuan ng malaking bulwagan. Anak ito ng sikat na action star noong nineties.
Hindi siya napalagay at napako ang kanyang mga paa sa bungad nang sabay-sabay na nagsipaglingunan sa kanya ang lahat ng nasa loob ng silid na iyon. Hindi nagbaba ng tingin sa kanya ang mga ito kaya hindi siya nakomportable.
“Excuse me?” anang tinig ng isang babae sa kanyang likuran. Bigla ang pagpihit niya ng kanyang katawan.
Doon niya lang napagtanto na nakaharang siya sa tatlong nilalang na siyang dahilan kung bakit nakatingin sa direksiyon na iyon ang mga tao sa loob. Dumating ang Three Musketeers na kilala noong highschool; si Drew Walton, Kori Zheng at ang taong inaayawan niyang makita sa kanyang pagbabalik—na kasalukuyang malalim ang tingin sa kanya—si Finn Burnham.