NAPALUNOK na lang si Lauren matapos makita ang tatlong taong kinaiilagan niya, at saka nagmamadali na tinungo ang mesa ni Jessica. Nakipagbeso siya sa babae kahit na tila hinahabol ng daga ang kanyang dibdib.
“Oh my gosh! I never thought that you’ll be back after— What? Six years?” wika ni Jessica. Halata sa mukha nito na nasiyahan itong makita siya.
Isang matamis na ngiti ang isinagot niya rito. Pinilit niyang magpakalma at huwag tumingin sa gawi ng mga bagong dating kahit pa nga kumuha talaga ng atensiyon ang tatlong nilalang na halos kasunod lang niya.
“Yes. Six years din akong nawala at nanatili sa Amerika. How about you? Nasabi sa akin na may restaurant ka na raw sa kung saan-saang malls dito sa Metro Manila. Kumusta ang business mo?” usisa niya. Umupo siya sa kabilang panig ng silya nito.
“Okay naman kahit ang hirap i-manage. Kahit pa sabihin na katulong ko ang kapatid ko sa opisina. Masakit pa rin sa ulo.”
Tumango lang si Lauren.
“Oh! By the way, do you want a drink?” Kinawayan nito ang waiter na umiikot. “Waiter!”
Lumingon sa kanila ang lalaki na naka-uniporme ng pinaghalong puting polo at itim na tsaleko. Lumapit ito na bitbit ang tray na may lamang inumin.
“Can I have martini, please?” wika ni Lauren.
“Babalikan ko na lang po kayo, Ma’am. Puro white wine lang po kasi ito.”
“No problem,” sagot niya. Sa oras na iyon, kailangan niya ng matapang na inumin para magbigay sa kanya ng lakas ng loob na sabihin sa mga dating kaibigan ang kanyang pakay— na hihiram siya ng pera.
“So, why are you alone? Akala ko ay sasama si Brett. Nand’yan si Kori, ah?” Ngumuso si Jessica sa direksiyon ng babae na nakaupo sa pinakadulong mesa. Kasama nito ang dalawang matalik na kaibigan na si Finn at Drew. Sa oras na iyon ay wala na ang naglalakas ng loob o nagbabalak na lapitan ang tatlo.
Naisip ni Lauren na hindi pa rin nagbabago ang mga ito. Tila may sariling mundo. Kasama siya sa grupo nito noon— noong nobyo niya pa si Finn at nasa pedestal pa ang kanyang pamilya. Eksakto naman na nakabalik na sa gawi niya ang waiter at inabot ang hiling niyang inumin. Inabot nito sa kanya ang baso ng alak. Nilagok niya ito nang isang inuman. Mabilis na gumuhit at humapdi sa kanyang lalamunan ang pait.
“Pwedeng magrequest ng isa pa,” wika niya sa waiter na hindi pa nakakaalis sa kanilang puwesto.
“No problem, Ma’am.”
“Pahingi na rin ng tubig.”
Isang tango lang ang isinagot nito.
“Uhm, sa tanong mo, hindi ko rin alam kung bakit wala si Brett. Baka sumunod siya mamaya para sunduin si Kori,” pagsisinungaling ni Lauren. Alam niya kasi na wala nang relasyon si Brett at si Kori kung pagbabasehan niya ang inamin sa kanya ng kaibigan. Ngunit wala siyang karapatan na itsismis ang lovelife nito lalo na at star player ito ng national basketball.
“Oh, yeah. Hindi ba’t naging nobyo mo rin si Finn Burnham? Ano pala ang rason ng paghihiwalay n’yo? Almost everyone thought that he was the reason why you moved to the United States six years ago.” Bigla nitong natutop ang bibig. “Shoot! I’m sorry! Ang taklesa ko talaga.”
Napangiwi ang babae at halata na hindi nito intensiyon ang sinabi. Pinilit ni Lauren na ngumiti rito. The question actually made her feel uncomfortable— because it’s true. Finn was the real reason why she moved to America. Mabuti na lang at bumalik muli ang waiter. Binigay nito sa kanya ang alak na kanyang hiniling.
“Lauren!” Sabay silang napalingon sa bagong lapit na lalaki.
“Oh, hello, Bobby,” matamlay ang pagbati niya rito. Hindi niya gustong makita ang lalaki, ngunit pinilit niyang ngumiti.
Matangkad ang bagong lapit kumpara sa kanya. Halo ang lahi nito na Espanyol at Pilipino kaya gwapo ito kung tutuusin. Matangos ang ilong, brown ang mata, medium built at halatang babaero! Kilala bilang lawyers ang pamilya nito sa Pilipinas. Nanligaw ang lalaki sa kanya noon na tumigil lang matapos mabalitaan ng lahat na nakatakda silang ikasal ni Finn.
“Wow! You still look gorgeous! How are you?” anito.
“Ayos naman.”
“Are you free tonight?” tahasan nitong tanong.
Mabilis siyang umiling. “Nope.”
“How about tomorrow night?”
“Sorry, kadarating ko lang mula sa Amerika. You know, I’m still catching up with friends and families.” Kinuha niya ang cellphone sa bitbit na clutch bag para ipaalam sa lalaki na hindi siya interesado na kausapin ito. Basta niya pinindot ang numero ng kanyang kapatid na si Kael at inilapat ang cellphone sa kanyang tainga para ipaalam kay Bobby na hindi siya interesado rito.
“May I get your number? Malay mo magkaroon ka rin ng libreng oras,” pangungulit nito.
Tila siya kinilabutan sa sinabi ng lalaki. No! Wala siyang plano na makipagkuwentuhan dito o makipag-date. Hindi siya papayag. Kung tutuusin ay malaki ang posibilidad na makahiram siya ng pera sa lalaki, ngunit mas nanaisin na ni Lauren na maghanap ng iba kaysa ipasok at ipakain ang sarili sa apoy.
“Catch you again!” wika nito, mukhang naramdaman na abala siya sa ibang bagay.
“Ate!” sagot naman sa kabilang linya ng kanyang kapatid na si Kael.
“Hello, bro!” Hinarap niya muna si Jessica para magpaalam. “Excuse lang muna, Jess. Powder room lang ako.”
Tumango naman ang babae.
“Kumusta r’yan sa bahay?” Binalingan niya muli ang kapatid na nasa kabilang linya.
“Mom was preparing for her sleep. Ako naman ay nagre-review pa rin. Okay naman kami rito. Don’t worry. Enjoy the night with your friends!”
“Salamat!”
Eksakto na nakapasok siya sa loob ng palikuran kaya nagpaalam na siya. Sinuri niya ang sarili sa salamin ‘tapos ay pinasok ang isa sa mga nakahilerang cubicle para umihi. Habang nakaupo sa inodoro. Narinig niya ang pagpasok ng grupo ng kababaihan sa loob ng ladies’ room. Nagtatawanan ang mga ito.
Tumayo si Lauren. If-flush na sana niya ang tubig nang marinig niya ang kanyang pangalan.
“Girls, have you heard why Lauren Escarrer was here? She was looking for someone who could lend her money.” She heard from outside. Naikuyom ni Lauren ang kamao.
“Talaga? Gosh! I never expect na aabot siya sa gano’n. Kung ako ang nasa lagay niya, baka magpakamatay na lang ako,” maarteng sagot ng isa pa.
“May utang ang pamilya niya sa daddy ko. Gosh! Nagpunta daw sa opisina ni Daddy ang mommy ni Lauren, and guess what? Humihingi na naman sila ng palugit. Akala yata nila ay biro lang ang ilang milyon na pinahiram sa kanila.”
“I don’t know what happened to her family. Hindi ba’t kasama ang pamilya niya sa pinakamayaman dito sa Pilipinas noon? What happened to them?”
“Don’t you know? Noong nabubuhay pa kasi ang daddy niya ay sunod-sunod ‘yung pagbagsak ng stocks nila dahil sa mga isyu sa gobyerno. Noon pa man ay hindi na talaga maayos ang patakbo ng daddy ni Lauren sa opisina at madalas pa daw ito sa casino noon.”
“Kawawang Lauren. For sure, she needs millions to pay the debt.”
“I can’t! Maisip lang na hihiram ako ng pera ay hindi ko na kaya.”
“`Yan nga daw ang dahilan kung bakit umayaw si Finn sa kasal dapat nila noon ni Lauren. Like, duh? Isang Finn Burnham magpapakasal kay Lauren Escarrer na nalulubog na sa utang?”
Napapikit nang mariin si Lauren at mas bumilog ang kanyang kamao. Walang alam ang mga babae sa labas sa tunay na kwento ng buhay niya. Sino ang mga ito para husgahan ang pamilya niya nang ganoon? Narinig niyang marahas na nagbukas ang pintuan sa katabing cubicle.
“Tapos na ba kayo sa tsismis? Sino ang nagbigay sa inyo ng permiso na pag-usapan ang kaibigan ko?” Narinig ni Lauren mula sa isang tinig— si Kori. Naroon din pala sa palikuran ang babae.
“S-sorry, Kori. Hindi namin sinasadyang pag-usapan si Finn.”
“Get out!” matigas na wika nito.
Sunod na narinig niya ang mga takong ng mga babae na halatang nagmamadali na lumabas ng palikuran. Alam niya kung bakit takot dito ang mga babae. Kori’s family is not simple. When she wants something, she gets that something. Narinig niya ang tubig mula sa gripo na halatang naghuhugas ng kamay si Kori. Pagkatapos ng ilang sandali ay narinig niyang papalayo na ang mga yabag nito. Sunod ay ang pagbukas ng pinto.
Naghintay pa si Lauren ng ilang minuto pa bago niya napagdesisyunan na lumabas ng pinagtataguang cubicle. Unang beses niyang mapahiya nang ganoon. Hindi niya akalain na pinagtatawanan na pala siya pati ng mga kaeskuwela niya dati. Hindi naman niya magawang magalit dahil may katotohanan ang sinabi ng mga ito. Naroon talaga siya para manghiram ng pera.
Sa ngayon ay wala siyang naiisip kung hindi ang iligtas ang kanyang pride. Dapat ay naniwala siya sa kaibigan na si Brett, hindi na sana siya nagpunta pa rito sa pagtitipon.
Lumabas si Lauren at bumalik muli sa mesa ni Jessica. Ang kaninang lakas ng loob na magsabi sa babae ay hindi na rin niya ginawa pa. Ngumiti siya rito.
“Haay, nakabalik ka rin. Dumating si Brett at hinahanap ka. Kaya lang ay nag-eskandalo si Kori kanina rito kaya walang nagawa si Brett kung hindi ang ayain ang nobya niya na umalis.”
Nakakunot ang noo ni Lauren sa ibinalita nito. Hindi niya akalain na sa saglit na oras na nasa loob siya ng palikuran ay marami na ang naganap. Nilingon niya ang mesa ng grupo ni Kori. Nakita niya si Finn na mag-isa na lang sa mesa nito na umiinom. Kahit si Drew ay wala roon.
Ipinilig na lang niya ang ulo. Ano ba ngayon sa kanya kung mag-isa na lang ito? Hindi ba’t wala na dapat siyang pakialam pa? Nakipagkuwentuhan na lang siya kay Jessica. Nais na muna niyang kalimutan ang problema at maging normal na kaibigan sa kasalukuyan. Ayaw niyang patunayan ang hinala sa kanya ng mga kaeskuwela na naroon siya para maghanap ng uutangan. Inabot ng isang oras bago siya nagpaalam kay Jessica na uuwi na.
Nang makalabas ng gusali, kita niya si Finn na sumusuka sa gilid ng kalsada, sa tabi ng sasakyan nito. Instinct siguro na lumapit siya sa lalaki at dinaluhan ito. Just like she normally does in the past.
“Ayos ka lang?” tanong niya.
Tumingin sa kanya nang malalim ang lalaki.
“W-where is Drew? Bakit nagpakalasing ka ngayong gabi?”
“Ihatid mo ako,” sa halip ay saad nito. Ibinigay nito ang susi sa kanya na ikinabigla niya. Halatang hindi ito tatanggap ng pagtanggi mula sa kanya dahil binuksan na nito ang pintuan sa gawi ng pasahero at saka sumakay.
Nag-isip naman si Lauren kung susunod sa nais ng lalaki. Sa huli, tinungo rin niya ang driver’s seat para ihatid ito sa tirahan ng mga Burnham na kabisadong-kabisado niya kung saang lupalop ng Pilipinas naroon.