“Diyosmio ka talaga, Avon Sara Lee!” bulalas ni Tasha kinaumagahan nang ipabasa ni Avon sa pinsan ang chat nila ni Keith.
Pagkatapos nilang mag-agahan ay hinila niya agad ito papunta sa kwarto niya. Hanggang ngayon kasi ay ‘di pa rin mawala-wala ang epekto ng mga sinabi ni Keith sa kanya. Oo at nasaktan nga siya nang paulit-ulit nitong sabihin na friends lang sila at wala ng mas hihigit pa roon. Pero bawing-bawi naman ito noong ipinagtapat nito na nahuhulog na ito sa katauhan ni Mary Kay na siya ang may gawa.
“Pasensya naman kasi, Natasha Sundance. Nataranta na ako kagabi nang magtapat siya, eh,” agad na pagrarason niya rito. Magkaharap silang naupo sa kama habang parehong may yakap-yakap na unan.
Malalim ang pinakawalang buntong-hininga ni Tasha at inikutan siya ng mga mata. “Hay nako, ‘yan naman ang pinangarap mo at gusto mong maranasan, ‘di ba? ‘Ayan na nga at abot mo na. Infairness, kalahi yata ni Keith si Flash ang bilis kumilos, eh. Wala ng patumpik-tumpik. Buti pumayag na ‘di ka muna magsabi ng totoong pangalan mo after mong sabihin na broken-hearted ka?”
“Okay, lang naman daw sa kanya. Hindi naman daw siya nagmamadali at hihintayin niya daw ang araw na komportable na akong mag-open sa kanya.” Saglit siyang natigilan at tinaasan ng kilay ang pinsan. “Teka ba’t tinatanong mo pa, eh pinabasa ko ‘yun sa’yo lahat?”
Mahinang hinila ni Tasha ang buhok niya at tinaasan siya ng kilay. “Ikaw, ‘wag kang pilosopo, ah? Kurutin kita sa singit, eh,” istriktang saway nito sa kanya.
Natawa naman si Avon nang mahina sa tinuran ng pinsan. “Tinatanong mo pa kasi, eh nabasa mo na ‘yun lahat. Paulit-ulit lang?”
Inikutan lang siya ng mata ni Tasha bilang sagot. Maya-maya ay tinitigan siya niyo nang mariin. “I’m curious. Sino nga ulit ang ginamit mong pang-profile picture? I’m sure naman na ‘di artista ‘yan?”
Napakagat-labi si Avon. Alam niyang magkakaroon si Tasha ng negative reaction sa isasagot niya. Kaya hindi niya malaman kung sasabihin niya ba rito ang totoo o iwasan ang tanong nito. Hilaw siyang ngumiti sa pinsan at napagpasyahan na ‘wag na itong sagutin.
Tinaasan ulit siya nito ng kilay at para bang binabasa nito ang isip niya habang nakatingin ito sa kanya. Ibinaba nito ang unan sa kandungan at humalukipkip. “Ngayon ka pa talaga maglilihim ngayon na alam ko na ang mga pinaggagagawa mo.”
“Alam ko kasing masasabunutan mo ako kapag nalaman mo kung sino. Siya lang naisip ko kasi nasa malayo naman siya at impossibleng pupunta siya rito.”
Umawang ang mga labi ni Tasha at nanlaki ang mga mata. “‘Wag mong sabihing..?”
Nanatiling nakakagat-labi si Avon. Iisang pinsan na babae lang naman kasi na kaedad nila ang malayo sa kanila at ‘yun ay si Angel. Kaya alam na alam niyang kahit ‘di niya man sabihin kay Tasha ay mahuhulaan nito kaagad kung kaninong picture ang ginamit niya. Lalong-lalo na apag sinabi niyang pinsan nila ito.
“Ginamit mo ang picture ni Angel?” paninigurong tanong ni Tasha.
“Paano mo naman nasabi na si Angel?” pagkakaila niya.
“”Wag mo akong dramahan, Avon. For sure hindi picture ng artista ang gagamitin mo kasi wala ka namang kahilig-hilig sa mga artista. Kaya for sure mga kaanak natin ang gagamitin mo at si Angel ang pinaka-swak na pwede mong gamitin dahil hindi naman mahilig sa social media ang isang ‘yun. And we both know na parang modern Maria Clara ‘yun. Mas gugustuhin pa nun na magbasa ng libro kaysa sa makihalubilo sa tao. Kung ‘di lang ‘yun maganda gaya natin at magaling manamit at mag-ayos, paniguradong nabu-bully na ‘yun. Kaya sabihin mo na ang totoo. Kay Angel ba ang ginamit mong picture?” anitong pinandilatan pa siya ng nga mata.
Hilaw na nginisihan niya ito bilang kumpirmasyon. “Oh my god, Avon! ‘Yang katangahan mo talaga ang magpapahamak sa’yo. Paano kung uuwi sina Tito?”
“I’ll cross the bridge when I get there?” ‘di siguradong sagot niya. Alam niyang may posibilidad na magbakasyon sina Angel sa Pinas pero iniisip niya na malayo pa iyong mangyari. And if ever, sisiguraduhin niyang nasabi na niya ang totoo kay Keith.
Itinaas ni Tasha ang dalawang kamay tanda na suko na ito sa mga desisyon ni Avon patungkol kay Keith. “Bahala ka na nga,” sumusukong saad nito. “Sus, kung ‘di lang talaga kita paboritong pinsan baka nabatukan na kita.”
“Kaya lab na lab kita, eh kasi kahit na binabara mo ako ramdam ko pa rin ‘yung concern mo sa akin.”
“Buti na lang talaga at kahit maganda ako ‘di ko nakuha ang katangahan mo.Ang dami mo namang manliligaw, ‘di mo naman pinapansin–”
“Sinong maraming manliligaw?”
Gulat na gulat na napalingon sina Avon at Tasha sa may pintuan nang may biglang nagsalita. Ni hindi nila napansin na bumukas ang pinto at may ibang tao sa kwarto bukod sa kanila.
Halos lumuwa ang mga mata ni Avon nang makita si Keith na nakahawak sa door knob habang nakangiting nakatingin sa kanila.
“K-kanina k-ka pa diyan?” nauutal na tanong ni Avon. Halos manginig ang mga kalamnan niya sa tindi ng kaba.
“Hindi naman masyado. Kadarating ko lang din,” anitong tuluyan nang pumasok at isinara ang pinto. Patalon itong umupo sa tabi ni Avon at inakbayan sabay halik sa sintido ng dalaga. “So, sino nga ulit ang maraming manliligaw?”
Nagkatinginan ang magpinsan at parehong pinandidiliatan ang mga mata ng isa’t-isa. Nagtutulakan ang mga ito sa pamamagitan ng tingin kung sino ang sasagot sa tanong ni Keith.
“Marami kang manliligaw, Avon?” tanong ulit nito habang nakakunot ang noo. “Ba’t ‘di ko alam ‘yan? Ituro mo sa akin para makilatis ko,” istriktong dagdag pa nito.
“Hay nako! Kaya ‘di ‘yan nagkaka-jowa si Avon kasi may mahigpit na nga siyang kuya, may bff pa siyang protective rin,” malditang komento ni Tasha.
“Siyempre, kung may manligaw dito kay Avon dapat makilatis namin ni Kuya Art. Mamaya mapunta lang siya sa mga walang kwentang lalaki.”
“Asus–”
“Ba’t ka nga pala ulit nandito?” agad na putol ni Avon sa sasabihin ni Tasha baka kasi mag-slip up na naman ito at mabuko sila.
Humiga ito sa kama niya at inuna ang mga braso habang nakatingin sa dalawang dalaga. “Boring kasi sa bahay. Kaya dito muna ako saka mamaya maglalaro kami ni Kuya Art ng basketball.”
“Saan pala mga kakambal mo?” - si Tasha.
“May kanya-kanyang pinagkakaabalahan ang mga ‘yun. Si Kian hayon dakilang stalker. Si Kristoff naman…” anitong binitin ang sasabihin at tinitigan si Tasha. Tinaasan naman ito ng kilay ng dalaga. “May something ba kayo ni Kristoff?”
“Kalalaki mong tao pero ang chismoso mo.”
“Ah… So, meron nga?”
“Ba’t ‘di ko yan alam, Tash?” kunot-noong tanong ni Avon.
Agad pinanlilisikan ng mga mata ni Tasha si Keith na ngumisi lang ng nakakaloko sa dalaga. Namula ang mga pisngi ni Tasha at padabog na tumayo. Pagkaraa’y hinampas niya ng unan ang mukha nito. “Makapunta na nga sa kusina. Pwede naman kasing sabihin na gusto niyo ng privacy hindi ‘yung mag-iimbento pa ng kwento,” anito sabay irap kay Keith na tumawa lang.
“Asus, umiiwas ka lang, eh,” tudyo pa ng binata.
‘Di na ito sinagot ni Tasha at tuluyan ng iniwan ang dalawa sa kwarto.
“Niloloko mo na naman si Tasha,” saway ni Avon kay Keith.
“Hindi, ah! Totoo naman kasi ‘yung sinabi ko. Interview-hin mo pa siya mamaya.”
Napapailing na lang siya at ‘di na pinilit si Keith na sabihin sa kanya ang tungkol kina Kristoff at Tasha. “So, ano nga ginagawa mo rito?”
“Nagka-chat kami ni Kay kagabi.”
Simpleng pangungusap lang iyon pero para kay Avon ay para iyong bomba na sumabog sa harap niya. Bigla siyang kinabahan at ‘di mawari kung ano iaakto niya na hindi nahahalata nito.
“Kay? Sinong Kay?” kunwari’y casual niyang tanong.
“‘Yung ka-chat ko sa Catfish. Grabe limot mo na agad? Kahapon ko lang ‘yun naikwento sa’yo, ah?” Bumangon ito at paharap na umupo sa kanya.
“Ahh… Eh, kasi naman ‘di ka naman nagkwekwento sa mga babaeng dumaan sa buhay mo. Ano ang nakain mo at nagshe-share ka na ngayon?”
“Kasi nga gusto kong malaman ang opinyon mo. First time kong magpa-impress sa chikababes. Saka best friend naman kita kaya tulungan mo akong mapa-impress siya.”
“Aba! Kailangan ka pa naubusan ng paraan para makaakit ng mga babae? Saka nakita mo na ba ‘yan sa personal? Baka mamaya bungal pala siya tapos na-catfish ka,” aniya sabay alis sa kama at sa halip ay umupo sa silya ng study table niya. Pakiramdam ni Avon ay kakawala na ang puso niya sa dibdib dahil sa tindi ng kaba. Kung artista lang siguro siya baka nanalo na siya ng best actress award sa Oscar’s.
“Sinabi niya rin sa akin ‘yan, pero ‘di ko alam. Malakas ang kutob ko na nag-aalinlangan lang siya. Kailangan ko lang talaga mahuli ang kiliti niya. Saka ewan ko ba, ang lakas lang talaga ng dating niya sa akin, eh. And for your information, hindi pa ako kailanman nanligaw sa isang babae, sila ang lumalapit sa akin. Saka sabi nga nila masama tumanggi sa grasya. Palay na lumalapit sa manok, tatanggihan ko pa ba?”
“Malamang hindi. Napakababaero mo, eh.”
“Grabe ka naman sa babaero. Hindi ko naman sila pinagsasabay—“
“Hindi nga pero after mo magsawa sa isa, kinabukasan may kapalit na agad.” Tinaasan niya ito ng kilay at dinuro. “Nako, Keith, ‘wag ako. Alam na alam ko na ang karakas mo.”
Tumawa lang ito at halos maging isang linya na lang ang mga mata nito dahil sa pagtawa. Habang tinititigan ito ni Avon ay parang nag-slowmo ang paligid. Tanging si Keith lang ang nakikita niya. Tila may mga paru-paru pa nga at mga bulaklak na naglalaglagan sa paligid ng binata. Ilang beses na pumikit at iminulat ni Avon ang mga mata para magising sa pag-i-imagine niya.
Pinunasan ni Keith ang mga mata at tumigil na sa kakatawa bago seryosong tumingin kay Avon. “Alam ko naman na gägo talaga ako pero ngayon gusto ko ng magseryoso dahil sa kanya.”
Seryosong tiningnan ni Avon ang kaibigan at lakas-loob na nagtanong, “What made you change your mind? Anong nakita mo sa kanya na willing kang magbago at magpa-impress nang dahil sa kanya? Hindi mo pa naman siya nakikita. Malamang sa malamang ‘yung profile picture lang niya ang nakita mo. Saka paano mo napagdesisyunan na ‘yung pag-uusap ninyo ay sapat na para baguhin mo ang nakagawian mong ikaw? What makes her so special?”
Saglit na natigilan si Keith. Maya-maya ay nagpakawala ito nang malalim na buntong-hininga. “Hindi ko alam. Pero ‘di ba sabi nila, ganoon naman daw talaga kapag tinamaan ka ng pana ni Kupido? Everything doesn’t make sense. Hindi mo masasagot ang mga bakit na ibinabato at tinatanong sa’yo.”
“Ewan ko, Keith. Hindi naman sa ini-invalidate ko ang nararamdaman mo. Siguro nababaguhan lang din ako sa’yo dahil hindi ka naman ganito. I’m confused kung bakit sa dinami-dami ng mga babae sa mundo, doon ka pa talaga nahulog at nagkaroon ng interest sa isang babae na ni hindi mo pa lang naman nakikita.”
“Alam ko. Kahit ako ay ‘di ko rin alam ang sagot. Ang alam ko lang ngayon ay gusto kong mapalapit sa kanya.” LUmapit si Keith sa kanya at umupo sa dulo ng higaan. Iniabot nito ang dalawa niyang kamay at marahang pinisil habang malamlam ang mga matang nakatingin sa kanya. “Kaya pwede bang hilingin ang tulong ng best friend ko?”
“Anong klaseng tulong ba ‘yang gusto mong gawin ko?”
“Help me find her.”