“Naloloka ka na ba?” kastigo agad ni Tasha kay Avon nang malaman nito ang pinag-usapan nila ni Keith noong nakaraang linggo.
Kasalukuyan silang naghahanda para pumunta sa bahay ni Keith dahil ngayon ice-celebrate ang kaarawan ng nanay ng binata. Napagpasyahan ni Avon na isama si Tasha dahil nagkaroon ng biglaang lakad ang kuya niya at ang mommy niya naman ay may business conference. Kilala na rin ng pamilyang Kee ang pinsan niya dahil madalas ay sinasama niya ito kapag pinupuntahan niya si Keith.
Pinanlakihan siya ng mga mata ni Tasha habang nakatingin ito sa repleksyon niya sa salamin. Nakaupo siya sa harap ng vanity mirror niya at inaayos ang pagkakapusod ng mahaba niyang curly brown na buhok habang nasa likod naman niya ang pinsan.
Isang linggo na ang nakakalipas mula nang magkausap sila ni Keith. Ngayon niya lang na-open up kay Tasha ang tungkol doon dahil gusto niya munang sarilinin ang pinag-usapan nila ng binata.
“Bakit ka umoo sa request niya?” anitong parang biglang na-stress sa ipinagtapat niya. Gigil na ginulo pa nito ang buhok na kakaayos lang nito.
“Kasi if tatanggi ako magtatanong siya. Kukulitin ako nu’n. Eh, alam mo naman kung gaano kakulit ang lalaking ‘yun. Kaya no choice ako kung hindi ang sumang-ayon sa gusto niya. Saka ‘di ba maganda na rin ‘yun kasi malalaman ko bawat galaw niya?” pagrarason ni Avon. Humarap siya kay Tasha pagkatapos maayos ang pagkakapusod ng buhok niya. Nag-iwan pa siya ng ilang hibla ng buhok sa magkabilang gilid ng pisngi niya. She now looks like a sophisticated woman. Lalong-lalo na sa suot niyang white square neck puff dress na may butterfly at floral design na hanggang tuhod ang haba.
“Couz, ‘di naman sa palagi akong nega sa mga gusto mo, ano? Pero you’re just asking for trouble, eh? Paano kung malaman ni Keith na ikaw at si Mary Kay ay iisa? Saka paano kung uuwi sila Tito galing US? Paano kung ma-meet niya in person si Angel? You’re definitely digging your own grave,” nakapamewang na kastigo nito sa kanya. “Diyos ko! Ako ang nai-stress sa’yo!”
“Eh, ano ang gagawin ko, Tash? Naka-oo na ako. Saka balak ko naman sabihin sa kanya na pinsan natin si Angel. Bale half-truth, half lie ang gagawin ko. Saka if dumating ang araw na kinatatakutan ko then, I’ll face the consequences. In the first place, ginusto ko naman ‘to kaya walang ibang dapat sisihin kung hindi ako.”
Lumapit si Tasha sa pinsan at niyakap ito nang mahigpit. “Basta nandito lang ako. Ako ang magiging konsensya mo sa mga katangahan na gagawin mo. Alam ko kasing hindi kita mapapahinto diyan sa katangahan mo. Kung bakit naman kasi sa dinami-dami ng lalaki sa mundo sa bff mo pang babaero ka nainlab nang todo.”
“Thank you, Tash. Alam mo namang sa iyo lang ako nagko-confide kaya naa-appreciate ko rin naman ‘yung mga paalala mo sa akin kahit pa nga ang harsh mo,” aniyang bumitaw na sa yakap ni Tasha.
“Kasi naman ang tigas ng ulo mo.”
“It runs in our blood, you know?”
Natawa na lang si Tasha at hinila siya paalis sa silya at pumalit ng umupo doon para maayos nito ulit ang buhok na nagulo dahil sa pagkamot nito kanina. Nakatayo lang si Avon sa may likuran nito habang sinusuot ang gladiator sandals na walang takong.
“Well, I couldn’t agree more.” Nagkatawanan silang dalawa. Maya-maya ay hinarap na siya ni Tasha. Tapos na nitong i-ponytail ulit ang mahabang itim na buhok. “So, sinabi mo na ba sa kanya na pinsan natin si Angel?”
“Hindi pa. Naputol kasi ang usapan namin nu’ng dumating si Kuya Art. Tapos ‘di rin kami nagkausap sa eskwelahan dahil ‘di ba nabusy tayo dahil midterms na? Baka ngayon pag-uusapan namin ulit.”
“Mukhang magiging stressful ang gabi na ito para sa iyo, Couz. Kung kailangan mo ng back-up sabihan mo lang ako, okay?”
“Oo naman. Ikaw lang naman ang kasangga ko, eh.”
Ngumiti si Tasha at tumayo na. Sinilip nito saglit ang oras sa wall clock na nakasabit sa ibabaw ng study table ni Avon. “Six-thirty na pala. Tara na at baka nagsimula na ang chibugan. Tom Jones na rin ako. Ayos naman na ang itsura ko, ‘di ba?”
“Yep!” agad na sang-ayon ni Avon. “ Ang ganda mo nga sa suot mong simpleng black sleeveless dress na hanggang tuhod ang haba. Infairness, Tash ang sexy mo rin sa suot na ‘yan. Fit na fit sa curves mo, eh.”
“Sus, wala akong pera na pangsuhol, Couz. Ikaw nga diyan, eh. Sana all boöbsy at maliit ang bewang. Kita mo ‘tong sa akin-“ sabay turo sa sariling dibdib. “-flat tops.”
“At least di ka pandak na tulad ko. By the way, ‘di mo pa ako naku-kwentuhan about doon sa sinabi ni Keith. Ano ang meron sa inyo ni Kristoff?”
“Ay nako, wala ‘yun. Nanloloko lang ‘yun si Keith. Tara na at baka ma-late pa tayo,” anitong hinila na ang kamay niya palabas ng kwarto.
Nagkibit-balikat na lang si Avon at nagpatianod sa pinsan pagkatapos damputin ang paper bag na naglalaman ng regalo para sa nanay ni Keith. Curious na curious siya kung ano ang meron kay Kristoff at Tasha. Sa pagkakaalam kasi niya ay may girlfriend si Kristoff at seryoso ito dito. At kahit kating-kati na siyang tanungin si Tasha ay nirerespeto naman niya ito kung ayaw pa nitong mag-kwento.
For sure ay mag-o-open up din ito sa kanya.
Dala ni Tasha ang pulang sasakyan niya kaya iyon na ang ginamit nila papunta sa bahay nina Keith. At dahil nasa kabilang village lang naman nakatira ang binata ay wala pang twenty minutes at nakarating na sila. Medyo naipit rin kasi sila sa rush hour traffic.
Pagka-park ni Tasha ng sasakyan sa parking lot nina Keith ay agad nakita ni Avon ang binata na nakasandal sa tabi ng sasakyan nito. Parang sadya nitong hinihintay ang pagdating nila. Sa paningin ni Avon ay mas gumwapo si Keith. Bagay na bagay dito ang suot na puting long sleeves na polo na tinupi ang manggas hanggang siko at black slacks. Ang suot nitong black leather shoes ay kumikinang sa kintab na animo pati langaw ay makakapanalamin dito.
“Hey,” agad na bati ni Keith pagkababa nila ng sasakyan. Ito pa ang nag-open ng pintuan niya sa shotgun seat at ang nagsara nito na ikinakiliti na naman ng puso niya.
“Naks, ang gentleman natin ngayon,ah?” biro niya rito habang mahigpit na hinawakan ang paper bag na may lamang regalo para sa nanay ni Keith. Doon siya humuhugot ng lakas para makakilos ng casual sa harap ng binata.
“Ouch!” anitong hinawakan pa ang dibdib na tila nasaktan talaga sa sinabi niya. “Gentleman naman talaga ako. Ikaw itong best friend ko pero hindi mo alam?”
“Ay nako, Keith ang drama mo,” sabat ni Tasha na nakalabas na rin ng sasakyan. Naglakad ito palapit sa dalawa. “Ba’t ka pala nandito sa labas? May hinihintay ka?” tanong pa nito.
“Nagpapahangin lang saka timing naman na dumating kayo.” Tumitig ito sa dalawang dalaga at medyo nagtagal ang paningin nito kay Avon. Bakas sa mga mata nito ang paghanga pero maya-maya ay ngumisi ito nang nakakaloko. “Naks, ang ganda natin ngayon, ah? Maganda ba ang benta ngayon?”
Agad sumimangot si Avon at sinuntok ang balikat ni kaliwang balikat ni Keith. “Siraulo!”
Akmang hahampasin niya ito ulit ng paper bag nang mula sa main door ng bahay nina Keith ay may dalagitang tumatakbo habang tinatawag ang pangalan ng binata. Cute na cute ito sa spaghetti strap pink dress nito at doll shoes na kulay puti. Ang buhok nito ay naka pusod rin na parang ballerina.
“Kuya Keith! Kuya Keith! Natawagan mo na ba daw sina Ate Avon?” sigaw nito habang papalapit sa kanila. Mukhang hindi sila nito napansin. Medyo madilim din kasi ang pwesto ng kinakatayuan nila.
Nang makalapit ito sa kanila ay nanlaki ang mga mata nito nang makita sila at dali-daling tinakbo ang kinaroroonan ni Avon. “Ate Avon!” excited na sigaw nito ulit at patakbong niyakap si Avon.
“Hi, Cheska! Kumusta ka na? Ang ganda-ganda mo naman sa suot mo,” bati niya rito na niyakap din ito nang mahigpit.
Malaki ang ngiting bumitaw ito sa yakap niya at niyakap din si Tasha. “Hello po, Ate Tasha.”
“Hi, Cheska ang ganda natin ngayon,ah,” bati rin ni Tasha.
Nilingon siya nito ulit at bumitaw na rin ng yakap kay Tasha. “Thank you po. Si Ina po ang bumili nitong damit ko, Ate Avon. Bagay po ba sa akin?”
“Oo ang cute-cute mo nga, eh.”
Humagikik ito at naglalambing na umabrisyete sa kanang braso niya. “Kayo rin po, Ate ang ganda-ganda niyo rin po ngayon.”
“Asus nagbulahan pa kayo. Tara na sa loob baka mamaya magkaipo-ipo pa rito sa tindi ng hangin ninyo,” biro ni Keith na nagpatiuna nang naglakad papunta sa main door.
“Nagsalita ang hindi mahangin,” parinig naman ni Tasha na ikinatawa lang ni Cheska at Avon. Mukhang hindi na ito narinig ni Keith dahil wala na itong naging sagot pa.
Rinig na rinig nila ang ingay ng musika mula sa poolside kung saan ginanap ang maliit na salu-salu para sa birthday ng nanay ni Keith. Maliit lang iyon kung ide-describe ni Keith pero para kay Avon ay malaki na iyon dahil sa dami ng mga bisita. Hindi naman iyon nakakapagtaka dahil matunog ang apelyido nina Keith sa business world. Hindi lang halata dahil simpleng tao lang ang pamilya Kee.
Ang panganay ng triplets na si Kian ay may sarili ng negosyo. Kaya ‘di na nakapagtatakang maraming tao ang dumalo sa birthday ng nanay ni Keith.
Lahat ay nagkakasiyahan at busy na sa pagkain nang marating nila ang poolside. Napakaganda ng pagkaka-set-up nito at halatang ginastusan. Nagmistulang parang isang enchanted forest ang poolside. May mga string lights at vines na may bulaklak ang nakasabit sa paligid. Bukod pa doon ay may mga iba’t-ibang klase ng bulaklak na maayos na nakalagay sa gitna ng bawat mesa.
Habang iginigiya sila ni Keith patungo sa naka-assign nilang mesa ay ‘di maiwasan ni Avon na mamangha sa ganda ng paligid. Halos ‘di na niya napansin na nakarating na sila sa bilog na mesa kung saan nakaupo rin ang mga kakambal ni Keith. Ang ibang kapatid nito ay nakaupo naman sa katabing mesa kasama ang yaya nito.
“Avon, Tasha! Mabuti at nandito na kayo!”
Parehong napalingon sina Avon at Tasha sa pinagmulan ng boses. Nakita nila ang nanay ni Keith na masayang nakangiti sa kanila. Katabi nito ang asawang si Ken na nakaalalay sa siko ng ginang. Ilang beses nang nakita ni Avon ang mag-asawa pero sa tuwina ay na-aamaze pa rin siya sa dalawa. Ang nanay ni Keith ay parang hindi tumatanda ang itsura samantalang ang tatay ni Keith ay mas lalong tumikas at mas lalong gumwapo. Parang katulad nito ang isang sikat na artistang lalaki na habang nagma-mature ay mas lumalabas ang pagkamagandang lalaki.
“Tita Blair!” sabay na bati nilang dalawa ni Tasha.
Saglit siyang bumitaw sa pagkakahawak ni Cheska at sinalubong ang ginang. Niyakap niya ito at nakipag-beso-beso. Ganoon din ang ginawa niya kay Ken. Sumunod si Tasha na yumakap at nakipag-beso-beso sa mag-asawa.
“Happy birthday po, Tita,” aniya sabay abot dito ng paper bag.
“Nako, salamat. Nag-abala pa kayo. Presensya niyo lang ay sapat na. Sayang at ‘di nakaattend ang Mommy mo. Pakisabi sa kanya kung sa susunod na linggo ay ‘di siya busy, papuntahin mo siya kamo rito sa bahay. Ang tagal na naming ‘di nagkausap.”
“Sige po, Tita Blair sasabihin ko po kay Mommy.”
Ngumiti ito nang pagkatamis-tamis at hinawakan ang kanang kamay niya. “Kumain na ba kayo?”
“Hindi pa, Ina. Kararating lang nila,” sabat ni Keith na nasa tabi na niya.
“Oh, ganoon ba? Sige kumain muna kayo at aasikasuhin muna namin ng Tito Ken ninyo ang ibang mga bisita. Keith, ikaw na ang bahala sa kanila, ha?”
“Opo, Ina. Paniguradong gutom na rin sila.”
Pagkaalis ng mag-asawa ay iginiya agad sila ni Keith sa buffet table. May mga waiter at waitress na nakatayo doon. Asikasong-asikaso sila ni Keith. Ito pa ang kumuha ng mga plato nila at naglagay ng pagkain. Ito na rin ang nagdala ng mga plato nila sa mesa.
“Naks, ang bait natin ngayon, ah?” biro ni Tasha kay na ngayon ay nakaupo na sa tabi ni Kristoff na abala sa kapipindot ng cellphone.
Siya naman ang katabi ni Tasha at sa tabi niya ay si Keith. Ang katabi naman ni Keith ay si Kian. Si Cheska naman ay nasa kabilang mesa kasama ang bunsong kambal at yaya nito. May mga plato na rin sa harapan ng mga ito na may lamang desserts. Mukhang nanghihimagas na lang ang mga ito.
“‘Yung totoo, Tasha may galit ka sa akin o kay Kristoff?”
Napaangat naman ng tingin si Kristoff at tiningnan si Tasha. “You’re mad at me? Bakit? I thought we both enjoyed it?” nakakunot-noo nitong tanong.
Nanlaki ang mga mata ni Tasha at agad isinubo sa bibig ni Kristoff ang pork na katutuhog niya lang sa tinidor para ‘di na makapagsalita si Kristoff. Cool lang din na kinain ito Kristoff habang matiim na nakatingin kay Tasha.
“Shh! Don’t speak when your mouth is full,” istriktang saway nito. Tumango naman si Kristoff bilang sagot.
Lumapit ng kaunti si Avon kay Tasha at binulungan ito, “Marami ka talagang dapat ikwento sa akin, Tash. And I don’t take no for an answer. Makukurot talaga kita sa singit.”
Pinaikot lang ni Tasha ang mga mata at matalim na tumingin kay Keith. If only looks can kill. Baka bumulagta na si Keith sa sahig.
“Pahamak ka talaga!”
“Opps… Akala ko ‘di secret, eh,” anitong nag-peace sign pa. Inirapan lang ito ni Tasha at nagpatuloy na sa pagkain. Halatang inis na inis na ito kay Keith. “‘Nga pala, Avon ‘yung sinabi ko sa’yo noong nakaraan.”
Natigil sa pagsubo si Abon at napatingin sa katabi. Bahagyang kumunot ang noo niya. “Ang alin?”
“‘Yung kay you-know-who.”
“Ahh… ‘Di ba nga pumayag na ako?” kunwari’y casual niyang sagot pero ang puso niya ay nagsisimula na namang magrigodon sa loob ng dibdib niya.
“Oo nga, pero ‘di ko pa naipapakita sa’yo ang picture niya. Ito, tingnan mo kung kakilala mo.” Iniabot nito ang cellphone at ipinakita ang profile picture ni Mary Kay.
Napaawang ang mga labi ni Avon at kunwari’y shock na kinuha ang cellphone ni Keith. Tinitigan niya nang mabuti ang picture.
Mukhang magiging artista na talaga ako sa ginagawa kong ito.
Napapailing na bulong niya sa sarili.
“Kilala mo?” excited na tanong nito. Nagniningning pa ang mga mata niyo habang nakatitig sa kanya.
Agad siyang nag-iwas ng tingin kay Keith bado sinagot ang tanong nito, “P-pinsan namin ni Tasha…”