Hindi agad nakasagot si Keith sa sinabi ni Avon. Ilang ulit pang pumikit at ibinukas nito ang mga mata. “Are you sure?” tanong ulit nito na idinuldol pa ang cellphone sa mukha ni Avon.
“Oo nga!” Inilayo niya ang mukha at mahinang tinabig ang kamay nitong nakahawak sa cellphone. “Itanong mo pa kay Tasha kung ayaw mo maniwala sa akin,” dagdag niya pang sabi.
“Tapos ka na bang kumain?” sa halip ay tanong nito.
Tiningnan ni Avon ang plato at nangangalahati na ang laman nito. “Almost, why?”
“Close ba kayo?”
“Ummn… Oo, lahat naman kaming magpinsan sa mother side ay close. Bakit mo natanong?”
“Pwede ba kayong matulog ni Tasha dito sa bahay?” tanong ulit nito na wala man lang sinagot maski isa sa mga tanong niya. Sobrang kinakabahan na siya sa mga akto ni Keith.
Palihim niyang tiningnan si Tasha na nakatingin din pala sa kanya. Inilingan lang siya nito. Nasabi na ni Tasha na ayaw nito sa plano niya pero dahil talagang matigas ang ulo niya ay pinabayaan na lang siya nito sa mga desisyon niya.
“‘Di kami nakapagpaalam, eh. Saka may klase bukas. Ano ang nakain mo at gusto mo kaming mag-stay overnight? Saka kanina pa ako nagtatanong hindi mo naman sinasagot ang mga tanong ko.
“Marami kasi akong gustong malaman tungkol sa kanya. I mean what a coincidence, ‘di ba? Sa dinami-dami ng tao sa mundo ay magkadugo pa pala kayo ni Kay.”
“Bakit ‘di mo na lang itanong sa kanya ang gusto mong malaman?” sagot niya sa binata. Pinagsalikop niya ang mga kamay sa kandungan niya. Ayaw niyang makita ni Keith na nanginginig ang mga kamay niya dahil sa tindi ng kaba.
Akala niya ay handa na siyang panindigan ang kasinungalingan niya pero mukhang hindi pa yata. Dahil sa tuwing si Mary Kay ang topic, pakiramdam niya’y sasabog ang puso niya sa kaba. Matalinong tao si Keith and it will take a lot of effort to fool him.
“Hindi pa kami nagkakausap ulit, eh. Binibigyan ko siya ng panahon na makapag-isip muna sa ipinagtapat ko. I-message ko kaya ngayon—“
“Huwag!” agad na tutol niya rito. Itinaas niya ang palad at ipinuwesto sa harap ng mukha ni Keith. Naalala niyang hindi niya na-mute ang notification ng Catfish app. Nasa highest volume pa naman naka-set up ang notification nito para mapansin niya agad kung may message si Keith sa kanya.
Napatingin sa paligid si Avon dahil may kalakasan ang boses niya nang sabihin niya ang katagang iyon. Pero mukhang walang mga pakialam ang mga kasama nila sa mesa dahil nagpatuloy lang ang mga ito sa kanya-kanyang ginagawa. Kung hindi ang kumain, eh ang pumindot ng cellphone.
“Bakit?” nagtatakang tanong nito na hinawi pa ang kamay niyang nakaharang sa mukha nito.
“Ummnn… Panigurado kasing tulog pa siya ngayon.”
“Ang aga naman niyang matulog?” Tiningnan nito ang oras sa cellphone bago tumingin kay Avon. “8:30 pa lang ng gabi.”
“Ay, ‘di niya ba nasabi sa’yo na wala siya sa Pinas? Sa Lousiana siya nakatira. Matagal na sila doon though may constant communication pa rin naman kami. Maya-maya mo na lang i-message.”
“I-me-message ko pa rin siya ngayon para ang unang message na matatanggap niya ay sa akin,” excited nitong sabi na agad inopen ang Catfish app at nagsimula nang magtipa ng mensahe.
Nanlaki ang mga mata ni Avon at dali-daling tumayo. Wala siyang dalang bag at ang cellphone niya ay nasa bulsa ng dress niya. Kapag nai-send ni Keith ang message paniguradong tutunog ito. May ugali pa naman ang binata na bigla na lang naghahablot ng cellphone para tingnan kong sino ang nag-me-message sa kanya.
“Teka, CR lang muna ako, Keith. Ihing-ihi na ako, eh.” Agad siyang tumayo at ni hindi na nagpaalam kay Tasha o kahit sa ibang kasamahan nila sa mesa. At dahil kabisado naman niya ang mansyon nina Keith ay hindi na siya nagpasama pa.
Gaya ng hinala niya, nakailang hakbang pa lang siya palayo sa mesa nila ay tumunog na ang cellphone niya. ‘Di niya muna ito pinansin at dali-daling naglakad papunta sa pinakamalapit na CR na nasa may kusina.
SAMANTALA sa may mesa nila ay napahinto ng pagkain si Tasha at nagtatakang napatingin sa papalayong si Avon.
“Anong nangyari doon?” tanong niya kay Keith na busy na rin sa kapipindot ng cellphone.
Bahagya lang siyang tinapunan ng tingin ng binata at bumalik ulit ang tingin nito sa cellphone. “Mag-C-CR daw. Ihing-ihi na siguro kaya nagmamadaling umalis.”
“Ah, okay,” aniyang binilisan ang pagkain. May pakiramdam siyang may nangyari kaya nagmamadali ang pinsan na pumunta sa banyo. Lalo na at lagi itong nagpapasama sa kanya, though Avon is capable doing things on her own.
Pagkatapos niyang kumain ay tumayo na siya. “Pupuntahan ko muna si Avon. Nasaan ba dito ang pinakamalapit na CR?” tanong niya kay Keith na panay pindot pa rin sa cellphone nito.
“Kristoff, Bro, pakisamahan muna si Tasha sa pinakamalapit na CR. Panigurado sa may kusina ang pinuntahan ni Avon. May china-chat pa kasi ako,” pakiusap ni Keith sa kapatid na hindi man lang ito tiningnan.
“Sure!” agad na sang-ayon ni Kristoff. Isinilid nito ang hawak na cellphone sa bulsa ng pantalon nito at tumayo.
“Nako, ‘wag na, Kristoff. Kaya ko naman ang sarili ko. Nakakahiya naman sa ka-text mo. Kahit malaki ang bahay ninyo, ‘di naman siguro ako maliligaw. Babush!” aniyang nagsimula nang maglakad palayo sa triplets.
“You’re just jealous,” narinig niya pang sabi nito.
Napairap ng palihim si Tasha. ‘Di na niya ito pinansin at nagpatuloy na lang sa paglakad. Kagaya lang si Kristoff ng kapatid nitong si Keith. Buti pa si Kian kahit hindi masyadong palasalita ay alam niyang hindi maloko sa babae.
Palapit na si Tasha sa pintuan ng bahay, nang makita niya ang isang babae na lumabas mula sa bahay. “Miss, Miss!” tawag niya dito at nagmamadaling nilapitan ang babae.
Mukhang nasa late twenties lang ito. Nakasuot ito ng uniform na kagaya noong mga waitress na nakatayo sa tabi ng buffet. Napalingon ang babae sa kanya at huminto sa paglalakad.
“Bakit po?” magalang na tanong nito.
“Alam mo ba kung nasaan ang CR?”
“Ay, opo,” agad nitong sagot. “Pasok lang po kayo sa pintuang ‘yan.” Itinuro nito ang nilabasang pinto. “Tapos ‘yung CR po ‘yung unang pinto sa kanan.”
“Ah, sige. May nakita ka bang babae na pumunta roon kanina?”
“Ay, opo meron po.”
“Sige, salamat.” Nginitian niya ito at nagmamadaling naglakad patungo sa CR na sinasabi ng babae.
Pagkapasok niya sa pinto ay siya namang paglabas ni Avon. Nagulat pa ito at napahawak sa dibdib nang makita siya.
“Grabe! Nanggugulat ka naman!” nanlalaki ang matang saad ni Avon.
“Hay nako, ‘wag mo akong artehan, Avon Sara Lee. Ano ang drama mo at nagpunta ka sa banyo?” kastigo niya rito.
“Eh, tumakas ako saglit kasi ite-text daw ni Keith si Kay. Eh, hindi ko pa naman na-mu-mute ‘yung app. Alam mo naman na minsan nanghahablot ‘yun ng cellphone na akala mo, eh snatcher. Kapag nagkataon, eh ‘di lagot ako? Mawawalang silbi ang lahat,” magabang paliwanag nito sa kanya.
Bumuntong-hininga siya nang malalim at patamad na tiningnan si Avon sa mga mata. “Hay, gulo talaga ‘yang hanap mo, Couz.”