Pauwi na sina Tasha at Avon sa bahay ng huli, pero hanggang ngayon ay tila isang sirang plaka na paulit-ulit na nag-replay sa isipan niya ang sinabi Kian. Napabuntong hininga siya nang malalim. She’s torn and even though she exactly knows why, may parte puso niya na gustong ipatuloy ang nasimulan. Pikit-mata niyang susuungin ang katangahan niya at pagsisihan ang consequences after.
Nagpakawala ulit siya ng buntong-hininga habang nakatingin sa labas ng bintana. Si Tasha pa rin ang nagmamaneho ng sasakyan. Napapansin niyang kanina pa siya sinusulyap-sulyapan ni Tasha pero hindi naman ito nagsasalita.
Nang matapos ang usapan nila ni Kian kanina ay hindi ito nagtanong kahit pa nga halata namang gustong-gusto na nitong malaman ang pinag-usapan nila. Nanatili itong tahimik lalo pa at nasa tabi niya lang si Keith na lagi siyang kinukulit about kay Kay. Kung anu-ano ang tinatanong nito. At habang sinasagot niya iyon ay ‘di niya mapigilang mapatingin kay Kian na nakatingin lang din sa kanya.
‘Di niya makaya ang tila nang-aarok na tingin ni Kian. It made her feel uneasy. Kaya maaga siyang nagpaalam na uuwi na. Idinahilan niya na lang na may nakalimutan pala siyang kailangang gawin. Kaya heto sila ngayon at binabaybay ang kalsada pauwi sa bahay nila. Habang pinapanood ang mga sasakyang kasabayan nila ay ‘di mapigilan ni Avon na magpakawala ulit ng malalalim na buntong hininga. Ni hindi na niya mapigilang kung ilang buntong hininga na ang pinakawalan niya.
“Ang dami na nu’n, ah,” ‘di mapigilang komento ni Tasha. Tamang-tama at nakarating na sila sa bahay at pinaparada na lang nito ang sasakyan sa harap ng bahay. “Gusto mo pag-usapan?”
“‘Wag muna siguro ngayon, Tash,” tanggi niya dito. Gusto ni Avon na mapag-isa muna. Feeling niya ay need niya ngayon ng peace of mind. Sasabihin niya rin naman kay Tasha ang lahat kapag handa na siya. Pagod na pagod ang pakiramdam niya emotionally dahil sa pag-uusap nila ni Kian.
“Okay. If ever alam mo naman na isang tawag lang ako. Or do you want me to stay for the night?” Halata sa boses na nag-aalala ito sa kanya.
“‘Wag na. Okay lang naman ako. Magmumuni-muni lang naman ako sa kagagahan ko,” aniya pagkatapos ay nginitian ang pinsan. “Alam mo naman na may katangahan itong pinsan mo. I-internalized ko lang ang sinabi ni Kian sa akin.”
“Oh, sige. Basta tawagan mo ako, ha? Mukhang mahaba-habang pag-i-internalize ‘yan dahil spokening dollar si Kian. Ang lalim pa magsalita. Kaya minsa nagha-hang talaga ako kapag kausap siya. Buti na lang natagalan mo. Iniisip ko nga paano kapag nagkaasawa ‘yang si Kian? Panigurado dudugo ang ilong ng magiging asawa nu’n.”
“Sira! Si Kian na naman ang nakita mo. Sige na bababa na ako. Kita na lang tayo sa school bukas.” ‘Di na niya hinintay ang sagot ni Tasha. Binuksan na niya ang pintuan ng kotse at kumaway rito bago niya ito isinara ang pinto.
“Good night!” pahabol na sigaw ni Tasha. Bumusina muna ito ng dalawang beses bago pinaandar at pinasibad ang sasakyan.
Huminga muna nang malalim si Avon bago pumasok sa gate at isinara ito. Pagkabukas niya ng pintuan ay nakita niya ang kuya niyang si Art sa living room na prenteng nakaupo sa couch at nanonood ng tv. Nakapatong pa ang mga paa nito sa glass center table. Hindi pa ito nakapagbihis dahil ang suot nito kanina nang umalis ito ay ganoon pa rin. Nakapolog puti at black slacks. Wala na itong suot na sapatos pero may medyas pa rin ang mga paa.
“Tapos na ang party?” tanong sa kanya ni Art nang mapansin siya nito.
“Hindi pa. Nagkakasiyahan pa ang mga tao roon pero nauna na akong umuwi dahil may klase pa ako bukas,” simpleng sagot niya rito. Akmang dadaanan niya lang sana ito nang tinawag nito ang pangalan niya.
“Ba’t ganyan ang mukha mo? ‘Di naman lamay ang pinuntahan mo pero parang daig mo pa ang namatayan? May ipinakilala na bang girlfriend si Keith?” anitong may nang-aasar pa na ngiti sa mga labi.
“Kuya!” agad niyang palag dito. Nanlalaki ang mga mata niyang nakatitig sa kuya niya. Bigla siyang naeskandalo sa sinabi dito. “Lagi naman ‘yun may girlfriend at saka ano ang connect?”
“Ah, okay. Sambakol kasi ‘yang mukha mo mas lalo ka pang pumangit,” tukso nito sa kanya sabay halukipkip.
“Hello? Magkadugo kaya tayo kaya kung pangit ako, pangit ka rin!” inis na sigaw niya rito.
“Gwapo ako, ‘no? Hindi nga ba’t ampon ka?” asar pa nito sa kanya.
“Isusumbong talaga kita kay Mommy!” Tinalikuran niya ito at padabog na umakyat sa hagdanan. Napasimangot pa siya nang marinig niya ang malakas na tawa ni Art. ‘Di niya ma-gets kung bakit sa tuwing inaasar ng mga nakakatandang kapatid ang bunsong kapatid nila ay lagi na lang ginagamit pang-asar ang pagiging ampon.
Parang sira. Kita ko kaya ang birth certificate at si Mommy at Daddy kaya ang nakapangalan doon. Naghihimutok na bulong niya sa sarili.
Pumasok na siya sa kwarto at ini-lock ang pintuan bago padapang humiga sa malambot na kama niya. Inilabas niya ang cellphone mula sa bulsa niya at ganoon na lang ang gulat niya nang makita na marami na pala siyang notification na marami ng messages si Kian sa Catfish. Napakagat-labi siya. Nagdadalawang-isip kung bubuksan niya ba ang mga mensaheng iyon o hindi o mamaya na.
“‘Wag mo munang basahin, Avon,” paalala niya sa sarili. “Maligo ka na muna at maghanda sa pagtulog. Kailangan mo pang pag-isipan ang sinabi ni Kian,” parang tangang kausap niya pa sa sarili.
Matinding pagpipigil sa sarili ang ginawa niya para hindi mabuksan ang mga mensahe ni Kian. Hawak-hawak niya ang cellphone niya na bumangon at naglakad patungo sa banyo niya. NIlagay niya ang cellphone sa may lababo at tiningnan ang repleksyon sa salamin.
“‘Wag mong pairalin ang katangahan mo, Avon,” kausap niya sa repleksyon niya. “Alam nating tanga ka na kahit noon pa pero ‘wag mo namang career-in ang pagiging tanga. Pakinggan mo si Kian. Kapatid niya ‘yun at alam nating pareho na tama ang sinabi niya. Kaso totoo kaya ‘yung sinabi niya, totoo kaya ‘yun?” Napabuntong hininga siya. “Diyos ko! Para na akong siraulong kinakausap ang sarili ko. Makaligo na nga.”
Akmang huhubarin na niya ang damit nang biglang tumunog ang ringtone ng cellphone niya. Nagkukumahog siyang lumapit sa may lababo at kinuha ang cellphone. Kitang-kita niya ang pangalan ng tumatawag. Parang nabalewala ang pagpe-peptalk niya sa sarili kanina dahil wala pang ilang segundo ay sinagot na niya ang tawag nito.
Hay… Ang rupok mo talaga, Avon.