Mahigit isang linggo nang nakakulong sa silid na iyon si Hannah, inip na inip na siya, wala siyang kahit anong gadget na mapaglibangan. Wala siyang ibang magawa kung hindi ang manood ng tv, kumain at matulog. Napanis na ang laway niya dahil wala naman siyang makausap. Ni walang bintana sa silid na iyon kaya wala ka talagang makikita kung hindi ang apat na sulok ng lugar lamang.
Panay ang buntong hininga niya nang malalim. Matagal na siyang nag iisip kung paano siya makakalabas sa silid na iyon. Hindi siya pinupuntahan ni Daxton. Natiis siya nitong hindi makita at makausap ng ganuon katagal.
Bukod tanging si Daxton lamang ang may access sa cctv sa silid na kaniyang kinaroroonan. May naisip siyang gawin para mapapunta niya si Daxton sa kaniyang silid, naghahanap lang siya ng magandang tiyempo.
Napakislot siya ng maramdaman na may pumipihit sa seradura ng pinto. Hinanda niya ang sarili kung sakaling ang kaniyang asawa ang papasok sa loob.
Wala namang ibang pumupunta sa silid niya kung hindi si Leri, ito ang tagahatid ng kaniyang pagkain. Nadismaya siya ng ito ang iluwa ng pinto, alam na niya iyon ganun pa man ay umaasa pa rin siya na isang araw ay papasyalan siya ng kaniyang asawa sa silid na iyon.
"Ma'am Hannah, narito na ang hapunan mo," sabi nito gaya ng kinagawian ay ipinatong na naman nito ang hawak na tray sa ibabaw ng lamesa.
"Sige salamat," walang ganang tugon niya.
Bago umalis si Leri ay makahulugang tiningnan nito si Hannah na para bang may gustong sabihin dito ngunit hindi na lamang itinuloy dahil nag iingat ito na hindi mahuli ni Daxton na kinakausap niya ang among babae.
Samantalang si Hannah ay hindi naman napansin ang ginawing iyon ni Leri. Hindi niya kasi ginawang tingnan ang kaniyang dietician, hinayaan lamang niya ito na makaalis. Ilang minuto lang kahit ayaw pa niyang kumain ay ginawa niyang lumapit sa lamesa. Kung hindi pa niya kakainin ang nakahaing pagkain para sa kaniya at pinatagal pa niya itong nakatiwangwang doon ay tuluyan na niya itong hindi makakain, dahil sa lamig ng aircon ay madali lang din itong lumamig at manigas.
Napansin niyang hindi gumagalaw ang cctv sa loob ng kaniyang silid. Ibig sabihin lang noon ay hindi naka-monitor sa kaniya si Daxton ngayon. Napatanong tuloy siya sa kaniyang sarili kung nasaan kaya ang kaniyang asawa sa mga oras na iyon? Nagkibit balikat na lamang siya at hinarap ang pagkain. Wala rin naman siyang pakialam kung saang lupalop ito naroroon, ang importante sa kaniya ngayon ay makausap niya ito at mapapayag na palayain na siya.
Kapag naman alam niyang pinapanood siya ni Daxton mula sa camera ay nagsasalita siya at kinakausap ito, nakikiusap siya rito na pakawalan na siya. Alam niyang naririnig siya nito ngunit nagbibingibingihan lang ito.
Kinuha niya ang plato sa tray. Nabigla siya ng may mahulog buhat doon ng iangat niya. Isang papel ang nalaglag na iyon mula sa puwetan ng plato. Pasimple niyang kinuha ang papel na nalaglag sa tray, nakatupi iyon. Hindi niya alam kung ano ang laman niyon pero itinago pa rin niya. Inilagay niya sa bulsa ng suot niyang short. Kunwari lang na nagkakamot siya para hindi mapansin ni Daxton kung sakaling pinapanood siya nito sa monitor ngayon. Sa tingin niya ay galing kay Leri ang papel na iyon. Malalaman niya mamaya kung para sa kaniya talaga iyon o aksidente lang na naiwan nito sa tray. Baka kasi resibo lang iyon ng kung ano.
Sinimulan na niya ang pagkain. Hindi kagaya ng dati ngayon ay medyo nagbago na ang mga pagkain na inihahain sa kaniya. Mas lalong naghigpit sa pagkain niya si Daxton kaya nawawalan na rin siya ng ganang kumain. Patagal nang patagal ay wala na lalong lasa ang mga pagkain na inihahain sa kaniya.
Matapos niyang kumain, nagpahinga lang siya saglit at pagkatapos ay dumiretso na sa kaniyang kama, nahiga siya at nagpalipas lang ng ilang sandali bago magtalukbong ng kumot. Sa loob niyon ay sigurado siyang hindi siya makikita ni Daxton. Agad niyang kinuha ang papel sa kaniyang bulsa, binuklat iyon at binasa ang nakasulat mula roon. Para sa kaniya nga iyon at kay Leri galing.
Ma'am Hannah,
Sorry at hindi kita magawang tulungan na makatakas. Hangad ko na makaalis ka sa lugar na ito. Kung sakali mang magtagumpay ka, nakasulat dito ang address at cellphone number ng Tiya Belen ko, pumunta ka sa kaniya at tutulungan ka niyang makahanap ng lugar na mapagtataguan nang sa gayon ay hindi ka makita ni Sir Daxton at ng mga tauhan niya. Nakausap ko na si Tiya Belen at alam na niya ang gagawin. Sana magtagumpay ka.
Leri
Nangilid ang luha sa mga mata ni Hannah. Ngayon lang niya napagtanto na may tao pa rin pala na concern sa kaniya. Masaya ang puso niya, sa tagal niya sa pamamahay na ito wala man lang ni isa ang nagpahayag ng pag aalala sa kaniya. Pinakikisamahan lang siya ng mga tao rito dahil sa pera. Dahil alam nilang may mapapala sila, ngunit si Leri, wala siyang ipinangako na kahit ano rito pero willing itong tulungan siya at maganda ang hangarin nito para sa kaniya. Lalo tuloy siyang nagkaroon ng lakas ng loob na ipagpatuloy ang kaniyang planong pagtakas dahil alam na niyang may pupuntahan na siya at may tutulong sa kaniya.
Pinakatago niya ng husto ang sulat na iyon ni Leri. Kinabisado rin niya ang address at cellphone number ng Tiya Belen nito para kung sakaling mawala ang papel ay alam parin niya kung saan siya pupunta.
Sa loob ng matagal na pagkakakulong niya sa silid na iyon ay ngayon lang siya nakatulog ng maayos. Nagkaroon siya ng kapanatagan at pag-asa.
Kinabukasan ay maaga siyang nagising. Nag-stretching siya at konting exercise. Gusto niyang ikondisyon ang sarili niya.
Sinubukan niyang magpakabait at huwag magpasaway. Hindi na rin niya kinukulit si Daxton at nakikiusap dito na palayain na siya. Umaasa siya na kapag nagpakabait siya ay baka mapabago pa niya ang isip ng kaniyang asawa at payagan na siya nitong makalabas.
Isang araw ay parang tumalab na ang plano niya. Dahil wala namang magawa at sawa na siya sa panunuod ng tv ay inabala niya ang sarili sa paglilinis ng kuwarto. Nagpalit siya ng mga sapin sa kama at unan.
Napakislot siya ng marinig niya ang boses ni Daxton.
"How are you, my dear wife? Have you learn your lesson already?" tanong nito.
Nilingon niya ang paligid at nakita niyang umiilaw ang cctv camera, gumagalaw rin ito at lumilipat ng anggulo. Ilang saglit lang ay tumapat muli ito sa kinaroroonan niya.
"Huh! Daxton. Pakawalan mo na ako. Palabasin mo na ako rito. Magbabago na ako, promise. Hahayaan na kita at hindi na ako makikialam sa mga gusto mong gawin. Ayoko na rito, gusto ko ng makakita ng araw at gabi. Please, Daxton!" pakiusap niya.
"Just wait a little longer, baby, and you will be free. Ituloy-tuloy mo lang ang pagpapakabait mo," sabi ni Daxton.
"O-oo, magpapakabait na ako, pangako 'yan. Magiging mabuting asawa na ako sa'yo at pagsisilbihan kita habang buhay," aniya. Lahat ng makapagpapagaan ng kalooban ng asawa ay siya niyang sasabihin at gagawin. Kung kailangang utuin niya ito para lang mapaniwala niya at magtiwala uli ito sa kaniya ay gagawin niya ang lahat-lahat.
Hindi na muli pang nagsalita si Daxton, kahit na anong kausap niya rito kaya nanahimik na rin siya.
Ginawa niya ang pangako niya sa asawa, hindi niya ito ginalit at sinunod niya ang lahat ang utos nito. Hanggang sa dumating na ang araw na pinakakaasam niya bumukas ang pinto ng kaniyang silid.
"Ma'am, ipinatatawag po kayo ni Sir Daxton," sabi ni Leri. Maganda ang pagkakangiti nito na tila ba nasisiyahan din sa nangyayari.
"Huh! Talaga, puwede na ba akong makalabas. Pinalalabas na ba ako ng asawa ko rito?" sunod-sunod na tanong niya. Hindi niya maitago ang excitement sa tono ng boses niya na garalgal pa.
"Hindi ko sigurado, Ma'am, pero pinasusundo niya ikaw sa akin," alanganing sagot ni Leri.
"Nasaan ang asawa ko?"
"Nasa lanai po si Sir."
Tumango siya. "Sige pupuntahan ko siya ngayon din," may pagmamadaling sabi niya.
Paglabas niya ng silid ay huminga siya ng malalim at dinama ang amoy sa labas.
Lumapad ang pagkakangiti niya. Eksaktong tatlong linggo na ang nakalilipas simula ng ikulong siya ni Daxton. Pakiramdam niya bawat araw na nasa loob siya ng silid na iyon ay katumbas ay taon. Mahirap ang maghintay, sobrang tagal ng oras at talaga namang nakakainip.
Nang makarating sa lanai ay naabutan niya si Daxton na nakaupo sa couch. May kausap ito sa telepono at mukhang seryoso ang kanilang pinag uusapan. Naglakad siya patungo sa harapan nito at agad naman siyang napansin nito. Iminuwestra ang bakanteng upuan sa harap niya kaya naman doon naupo si Hannah. Tahimik lang siyang naghintay kung kailan matatapos ang pag uusap ng mga ito.
Makalipas ang limang minuto ay binalingan siya ni Daxton. Ibinaba nito ang hawak na cellphone sa lamesa.
"I hope after what happened ay nagtanda ka na. Huwag mo nang uulitin na ipahiya ako sa mga tao dahil hindi lang 'yan ang aabutin mo. Bibigyan kita ng isa pang chance, pagbutihan mo at huwag mong sayangin ang pagtitiwala ko na minsan mo ng sinira. Kung gusto mong magkasundo tayo ay maging masunurin ka lang sa akin."
"Oo, nangangako ako lahat ay gagawin ko para sa'yo, Daxton. Pagsisilbihan kita, gaya ng gusto mo."
Sumilay ang ngiti sa mga labi ni Daxton. Aminin man nito o hindi ay nasisiyahan siya sa nangyayari ngayon na hawak na niya sa leeg ang kaniyang asawa.
Ang kailangan lang ni Hannah ay ang tiwala ni Daxton. Kapag tuluyan na nitong ibinigay sa kaniya ang tiwala nito at saka lang siya kikilos at hahanap nang magandang tiyempo para makatakas.