Taleigha’s POV
Sa mansiyon ako tumuloy pagkatapos ng klase sa Vanguard University. May pasok kasi ako after class, ito ang naging usapan namin nila Madam Delia at Sir Riven. Nauna akong dumating dito. Ewan ko lang kay Mcaiden kung anong oras siya nakauwi. Hindi na kasi ako sumabay sa kaniya pauwi kasi tiyak na hindi naman niya ako isasabay.
Mabilis lang akong nakauwi dito sa mansiyon. Mabilis kasing mag-drive pauwi si Alvar. Nakakatuwa nga kasi nag-agawan pa sina Harvy at Alvar sa paghatid sa akin. Siyempre, bestfriend ko si Alvar kaya siya na ang pinili ko. Isa pa, naisip ko kasi na mapapalayo si Harvy kapag hinatid pa niya ako hanggang dito.
“Taleigha?” tawag sa akin ni Madam Delia nang puntahan niya ako dito sa kusina. Natigil tuloy ako sa pagpuputol ng mga sitaw. Napatayo naman agad ako para harapin siya. Niyakap niya ako na agad kong kinagulat.
“B-bakit po?” tanong ko naman. Nakakunot ang noo niya nang tignan ako. Nagtataka tuloy ako.
“I watched the video of the three female students bullying you at Vanguard University. Micai showed me what they did to you. Harvey passed that video to her, so we know what happened to you. I won’t allow them to get away with what they did to you. Grabe sila. I should call their parents. They need to know the cruelty they inflicted on you,” sabi niya kaya maiyak-iyak tuloy ako. Hindi ko inaasahang ganito kalala ang pakelam sa akin ni Madam Delia. Napakabait niya talaga sa akin.
“Si Mcaiden din, dapat mong parusahan, mama. Kaninang umaga, hindi sinabay ni Mcaiden si Taleigha sa pagpasok sa school nila. Dito palang sa malapit sa mansiyon ay binaba na siya. Tinapunan pa raw siya ng pera ni Mcaiden sa mukha niya para bigyan siya ng pamasahe,” sumbong naman ni Ate Micai na dumating na rin dito sa kusina.
Napatingin tuloy sa akin si Madam Delia. ‘Yung tingin na para bang lalo siyang naawa sa akin. “I feel like it’s my fault that those things are happening to you. They’re tormenting you. They better be prepared for me, especially that Mcaiden,” sabi niya at saka na ito umalis para puntahan si Mcaiden sa kuwarto niya.
Nilapitan ako ni Ate Micai. Napangiwi siya nang yakapin ako. “You don’t deserve what they did to you. You’re such a good person for such cruelty to happen to you. Sobrang kawawa ka sa ginawa nila sa iyo,” sabi niya kaya lalo nang tumulo ang mga luha ko.
Sana lang lahat ng nag-post ng video ko kanina ay nabura na. Kasi kapag kumalat iyon at nakita ng pamilya ko, lalo na si kuya, lalo nang magkakagulo. Kahit malayo ang bahay ng mga bruha, tiyak na pupuntahan niya ang mga babaeng ‘yon para gantihan. Mabait ang kuya ko pero gagó ‘yon kapag nagalit ng husto. At ‘yon ang kinakatakutan kong mangyari. Ayoko namang makulong siya kaya iniiwasan ko talagang huwag malagay sa mga gulo. Kaya lang tila gulo ang talagang tumutukso sa akin.
Sabi ni Sir Riven, puwede na muna raw akong umuwi ng maaga at magpahinga. Malamang sa malamang ay napanuod na rin niya ang nangyari sa akin. Kaya naman kahit maaga pa at maliwanag pa ang kalangitan, umuwi na ako. Sa totoo lang kasi ay napagod ako sa mga nangyari sa akin ngayong buong maghapon. Gusto kong mahiga at mamahinga na sa kuwarto ko. Sa ngayon kasi, hindi ko pa rin makalimutan ang mga dinanas ko kanina sa school na iyon. Pakiramdam ko tuloy ay parang magkaka-phobia na akong pumasok sa school na ‘yon. Trending ako sa school dahil sa ginawa ng tatlong bruha. Tatatak na ako sa mata ng mga student doon.
**
Napakunot ang noo ni nanay nang makita ako pag-uwi ko sa bahay namin. “Anak, ano ‘yang dala-dala mong supot? Damit na naman ba ‘yan na bigay ni Micai?” tanong niya agad sa akin.
“Uniform po ng bago kong kaibigan sa school. Hiniram ko kasi nagkaroong libag ang damit ko kanina,” sagot ko sa kaniya.
“Uniform? Eh, akala ko ba ay walang uniform sa school niyo na ‘yon?” tanong pa rin niya. Kinuha niya ang supot ko para labhan na rin siguro.
“Wala nga po. ‘Yan po kasi ang pinahiram niya sa akin kanina. Sa Vanguard University kasi ay kung gusto mong mag-uniform ay puwede naman. Pero kung ayaw mo, puwede rin. Akala ko rin po walang uniform doon. Pero ngayon lang naman ako nagsuot ng ganiyan. Ayoko rin ng naka-uniform kasi mas marami ang hindi naka-uniform, para iwas gastos na rin,” sagot ko sa kaniya.
“Oh, sige, pumasok ka na sa loob at mukhang pagod na pagod ka, mahiga ka muna sa kuwarto mo at ipaghahanda kita ng merienda mo, tamang-tama, nakabili ako ng carbonara sa may kanto, tinirhan talaga kita kasi baka gutom ka pag-uwi mo.”
Tumuloy na ako sa kuwarto ko para magbihis. Pagkabihis ko, nahiga na rin agad ako sa kama ko. Paghiga ko, hindi ko napigilang maiyak. Ngayon na lang ulit ako nakaramdam ng ganito. ‘Yung awang-awa ako sa sarili ko kasi hindi ko nakuhang lumaban sa kanila kanina. Lahat sila, lahat ng tingin at tawa nila. Lahat nang palakpakan at kasiyahan nila ay patuloy na sumasagi sa isipan ko. Sa tuwing naaalala ko ang kasiyahan nila ay naiiyak talaga ako. Nalulungkot ako para sa sarili ko. Doon ko pa talaga naranasan ang ganoong kalalang pambu-bully.
**
Hindi na pala ako ginising ni nanay nang matuluyan na akong matulog dahil sa kakaiyak. Nagising na lang ako na tapik-tapik ako ni nanay kasi magdi-dinner na kami.
Piniritong tilapia at sarsiado ang ulam namin.
“Wala pa ba si Kuya?” tanong ko pagdating ko sa hapagkainan.
“Wala pa, tirhan na lang natin siya ng ulam at kanin,” sagot ni nanay.
“Baka nagba-basketball na naman, mahilig talaga sa pustahan ang taong ‘yon,” sabi naman ni tatay.
“Anak, bakit parang mugto ang mga mata mo? Umiyak ka ba? May problema ba?” tanong bigla ni tatay. Kaya pala kanina pa siya patingin-tingin sa mukha ko.
“W-wala po. Gawa lang po siguro nang pagtulog ko. Ngayon na lang kasi ako nakatulog ng hapon,” palusot ko nalang. Sa kakaiyak ko kanina bago ako makatulog ay namaga siguro ang mga mata ko.
“Taleigha, anak, kapag may problema, magsabi ka lang, ha? Nandito kami ng nanay mo. Handa kaming tulungan ka,” sabi pa ni tatay na para bang hindi naniwala na gawa lang sa tulog ang pamamaga ng mga mata ko. Masyado atang halata na nagsisinungaling ako. Nakakahiya tuloy.
“Oo, anak, nandito lang kami. Hindi masamang humingi ng tulong sa amin kapag may problema ka,” sabi na rin ni nanay kaya ngumiti na lang ako kahit na ang totoo ay gustong-gusto kong magsumbong sa kanila kasi inapi nila sa school kanina ang mahal nilang anak. Pero huwag na, masyado na rin silang stress sa trabaho nila kaya sasarilihin ko na lang ito. Kaya ko naman e. Magtitiis ako kasi part ito nang pag-ahon ko sa kahirapan. Alam kong malalagpasan ko rin ang mga pagsubok sa buhay ko.
Kahit minsan ay malas, suwerte pa rin ako sa mga taong nagmamahal sa akin.
May Madam Delia, Sir Riven, Harvy, Zeshawn at Alvar naman ako. Kayang-kaya na siguro nilang pugsain ang mga kalaban ko sa school. Bukas, tiyak na malalagot sina Cressida, Briella at Kali. Tiyak na gagawin ang lahat ni Madam Delia para managot sila.
Pero bakit kaya pakiramdam ko ay hindi pa ako dapat magsaya? Bakit pakiramdam ko ay marami pang mangyayari? Natatakot pa naman ako kapag ganito mga kutob ko. Buwisit, tila ina-anxiety na naman ako.
Akala ko magiging masaya ako sa Vanguard University, hindi pala kasi mukhang nagkakatotoo na ang banta sa akin ni Mcaiden na magiging impyerno ang buhay ko doon. May sa demonyo talaga ang dila niya. Kainis!
Pagkatapos naming kumain ng dinner, saktong pagpasok ko sa kuwarto ko ay nakita kong umilaw ang cellphone ko. Nakita kong may text message sa akin si Mcaiden kaya agad ko itong binasa.
“Bakit parang kasalanan ko pa ang nangyari sa iyo? Bakit parang kasalanan ko na hindi kita pinagtanggol sa kanila? Anong pakelam ko sa iyo? Iniiwasan nga kitang lapitan e, tapos gusto nilang ipagtanggol kita? Ano na lang ang sasabihin ng mga student kapag ginawa ko iyon? Epal ka, Taleigha. Dahil sa iyo napapagalitan ako ng papa at mama ko. Pati mga susi ng kotse ko kinuha nila ngayon. Hindi tuloy ako puwedeng gumamit ng sasakyan ng isang buwan. Humanda ka, lalo kitang pahihirapan sa school. Nahihirapan ako ngayon dahil sa iyo kaya dodoblehin ko ang paghihirap mo. Humanda ka talaga sa akin.”
Napasapo na lang ako sa noo ko. Sabi na e, hindi pa dapat ako magsaya. Siya talaga ‘yung dapat na iwasan ko, hindi sina Cressida, Briella at Kali.