Taleigha’s POV
Nauna pa akong nagising kaysa sa alarm clock ko. First day of school ngayon kaya excited akong pumasok kaya maaga akong naligo at gumayak. Pati si nanay ay maaga ring gumising para ipaghanda ako ng almusal. At dahil daw ito na ang simula nang pag-abot ng mga pangarap ko, deserve ko raw mag-almusal ng masarap na pagkain ngayong umaga. Nagluto si nanay ng friend rice, hotdog, tocino at egg. Tapos pinagtimpla pa ako ni tatay ng kape para naman daw may magawa siya upang maiparamdam ang pagka-proud sa akin kasi ang galing-galing ko raw. Tuwang-tuwa ako kasi kahit simple lang ang pamumuhay namin, ramdam na ramdam ko ang pagba-bonding naming buong pamilya. Ramdam na ramdam ko rin ang pagmamahal nila sa akin. Sa kanila palang, panalong-panalo na ako. Kasi sa totoo lang, karamihan sa mga pamilya ngayon ay watak-watak, nag-aaway at hindi masaya. Kaya kahit ganitong buhay lang ang mayroon sa amin, masaya na ako basta masaya rin ang pamilya ko.
Pagkakain ko, nagulat ako kasi gising na rin pala si Kuya Richmond. Ang sabi niya ay nag-contact na raw siya ng tricycle para hindi na ako maglalakad sa kanto. Paglabas ko tuloy ng bahay ay nakaabang na ang kaibigan niyang tricycle driver para ihatid ako sa mansiyon. Nagpasalamat ako sa kanila kasi nag-abala pa silang lahat sa akin para maging maganda ang umaga ko ngayong first day of school ko sa Vanguard University. Naging maganda ang simula ng umaga ko dahil sa kanila kaya sana hanggang hapon, ganito pa rin kaganda ang mga mangyayari sa akin.
Habang nakasakay ako sa tricycle, panay ang tingin ko sa sarili ko. Ngayong first day of school ay naging simple muna ako. Naka-black na jeans lang ako at saka puting t-shirt. Suot ko na rin ang white rubber shoes na bigay ni Ate Micai. Gamit ko na rin ‘yung mamahaling bag na bigay niya rin. Nag-makeup lang ako ng sobrang light. Tamang liptint lang at powder. Hindi naman siguro kailangan maging makapal ang makeup at pag-aaral naman ang pinunta ko roon.
Pagdating ko sa mansiyon, inabot ko na ang bayad ko sa tricycle driver at saka ako nagpasalamat sa kaniya kasi alam kong ginising pa siya ng maaga ni kuya para lang may service ako.
Binati ko ang ka-close kong security guard pagpasok ko sa gate. Sinabi pa niya na ang fresh ko raw tignan ngayon. Para daw akong mayaman na tao ngayon kaya natuwa ako kasi ibig sabihin ay mukhang okay ang porma ko ngayong araw.
Pagdating ko naman sa loob ng mansiyon, nadatnan kong kumakain na ang buong Family Calvry. Para na namang may event sa dami ng pagkain sa lamesa. Napatingin sila agad sa akin nang lumapit ako para batiin sila ng magandang umaga.
“Aba, maganda ang porma mo, Taleigha. Student na student, simple lang,” bati sa akin ni Madam Delia na nakangiti.
“Salamat po,” sagot ko sa kaniya. Kung approve kay Madam Delia ang porma ko ngayon, ibig sabihin ay hindi ako jologs kasi nagandahan siya sa suot ko.
“Oh, kumain ka na ba, Taleigha? First day of school ninyo ni Mcaiden kaya dapat nagpakabusog ka ngayong umaga,” tanong naman ni Sir Riven. Ang babait talaga nila. Parang mga magulang na rin tuloy ang tingin ko sa kanila.
“Bago po ako umalis ng bahay ay kumain na po ako,” sagot ko naman sa kaniya.
Nang tignan ko naman si Mcaiden ay nagulat ako. Naka-white t-shirt lang din siya at black pants. Tapos naka-rubber shoes din. Para kaming couple sa porma namin ngayon kaya mukhang hindi maganda na nagkamukha pa kami ng mga kulay ng damit. Nang tignan niya tuloy ako ay napakunot ang noo niya. Inirapan pa niya ako ng palihim. Doon palang ay alam ko nang hindi maganda ang sasabihin niya mamaya kapag kaming dalawa na lang ang magkasama.
“Mcaiden, ikaw na ang bahala sa kaniya, ha? Sabay kayong aalis ng bahay at sabay din kayong uuwi ng bahay. Hindi ka puwedeng umuwi ng bahay nang hindi mo siya kasabay. Naiintindihan mo ba?” tanong ni Sir Riven sa anak niya.
“Eh, kung hindi ko po ba susundin ‘yan, ano pong mangyayari?” pabalik na tanong ni Mcaiden sa ama niya.
“Alam mo na. Mapaparusahan ka. Hindi mo magagamit ang sasakyan mo. Papasok ka sa school mo nang magco-commute na lang,” sagot ng papa niya kaya nanlaki ang mga mata niya at saka siya tumingin sa akin na para bang ako na naman ang sisisihin.
“Papa, hindi naman kasi nating kaano-ano si Taleigha. Yaya natin siya. Hindi naman maganda na pati ang yaya ko ay kasama kong pumasok sa school at kasama kong mag-aral. Ano na lang ang sasabihin ng mga student kapag nalaman nilang yaya itong palagi kong kasabay sa school.”
“Mcaiden, tumigil ka. Huwag ka nang magreklamo diyan. Kung ayaw mong makasabay siya, puwes, sige, mag-commute ka na lang. Akin na ang susi mo,” sabi ng papa niya pero tumanggi naman si Mcaiden. Nanahimik na lang siya kasi ayaw niya ring mag-commute talaga.
**
“Mag-seatbelt ka,” sabi niya nang pumasok na kami sa loob ng sasakyan niya. Nandito ako sa tabi ng driver seat kasi sabi nila Madam Delia at Sir Riven ay doon daw ako maupo.
Sa ngayon tahimik pa lang si Mcaiden kasi nandito pa kami sa mansiyon. Pero nang makalabas na kami sa mansiyon nila ay doon na siya nag-start na magsungit.
“Hindi ka ba sanay mag-commute, Taleigha?” tanong niya.
“Pag-aaralan ko dapat nung isang araw, kaya lang ang daming ginawa sa mansiyon kaya hindi ko nagawa,” sagot ko sa kaniya. Pakiramdam ko dito palang sa malapit ay ibababa na niya ako.
Hininto niya ang sasakyan. “Baba, mag-commute ka na lang Hindi ka puwedeng sumabay sa akin. Magmumukha pa tayong couple dahil sa mga suot natin, ayokong maging kahiya-hiya sa mata ng mga student,” sabi niya at saka ito bumaba sa sasakyan niya. Naglakad siya papunta sa akin at saka binuksan ang pintuan. Sapilitan niya akong pinababa sa sasakyan niya. Dinukot pa niya ang wallet niya sa bulsa at saka ako binato ng pera sa mukha ko. “Ayan, may pamasahe at baon ka na kaya huwag ka nang sumabay sa akin,” sabi pa niya.
“Seryoso ba ‘to, Sir Mcaiden? Hindi ko alam kung saan ang sakayan papunta sa school, e?” tanong ko pa sa kaniya pero hindi na niya ako sinagot. Kapagdaka ay sumakay na siya sa sasakyan niya at saka ako iniwan dito.
Maluha-luha ako kasi ang tanga-tanga ko. Alam ko namang siraulo ang gaya niyang tao kaya bakit ba naisip ko pang sumabay sa kaniya. Kung alam ko lang na hindi naman pala niya ako isasabay, maaga pa lang umalis na ako at hindi na sumabay sa kaniya.
Paalis na dapat ako para magtatakbo papunta sa paradahan ng jeep nang biglang may bumusina ng sasakyan sa akin. Paglingon ko sa likod ko, nakita ko ang magarang sasakyan ni Ate Micai. Binaba niya ang bintana at saka ako tinawag.
“Sumakay ka na, ako nang maghahatid sa iyo sa school ninyo,” sabi niya sa akin kaya bigla akong nakahinga ng maluwag. Thank you, Lord.
“Akala ko talaga male-late ako sa unang pasok ko sa school. Hindi ko naman kasi alam na iiwan na lang ako basta ni Sir Mcaiden dito palang malapit sa mansiyon.” sabi ko sa kaniya habang nasa biyahe na kami. Magsusumbong na rin ako para mapagalitan ang gago na iyon. Mainam na alam na rin ni Ate Micai ang nangyari para maparusahan ang kapatid niya.
“Alam kong mangyayari ito,” sabi niya saka nilabas ang cellphone niya. Nagulat ako kasi bigla kaming nag-selfie. “Ipapakita ko ‘to kay mama at papa para malaman nilang hindi ka niya sinabay at iniwan na lang bigla dito palang malapit sa mansiyon,” sabi niya. Ayan, tama ‘yan, Ate Micai. Magsumbong ka sa kanila para mag-commute na lang sa susunod si Mcaiden.
“Nakakahiya, Ate Micai. Malayo pa naman ang school namin tapos ihahatid mo pa ako,” sabi ko sa kaniya. Sobrang bait talaga ng tao na ito. Bakit kaya hindi manlang nakakuha ng kabaitan si Mcaiden sa ate, mama at papa niya. Bakit siya, sobrang demonyo at sobrang walangya. Hindi kaya ampon lang siya?
“May lakad din ako. May shoot ako, today, malapit sa school ninyo kaya saktong-sakto lang na isabay kita. Mabuti na nga lang at naabutan kita dito sa daan. Kasi kung magco-commute ka, aabutin ka talaga ng ilang oras sa biyahe mo. Hindi ka na makakapasok sa mga unang subject ninyo,” sagot niya kaya napatango na lang ako. Mabuti na lang din at naabutan niya ako. Hulog ng langit din talaga itong si Ate Micai sa buhay ko.
Tuwang-tuwa pa siya kasi nakita niyang suot ko na ang mga gamit na bigay niya sa akin. Nang makarating na kami sa harap ng Vanguard University ay hindi pa niya agad ako pinababa. Maaga pa naman daw kaya binura niya ang makeup ko at saka ko inayusan ng very light. Mas naging maganda tuloy ang itsura ng makeup ko ngayon kaysa sa kanina.
“Ate Micai, thank you very sa pagiging mabait, pagiging ate at pagiging mabuti mong tao sa akin. Mahal na mahal kita, Ate Micai. Pangako, mag-aaral akong mabuti. At kahit na hindi maganda ang pakikitungo sa akin ni Sir Mcaiden, babantayan ko pa rin siya para sa inyo. Ba-bye po.”
Sinagot lang ako ni Ate Micai ng maganda niyang ngiti. Pagkatapos ay bumaba na ako roon kasi excited na rin akong makita ang loob ng school na ‘to.
Gate palang ay napakalaki at napakaganda na agad. Pagpasok ko sa loob, nagulat ako kasi nakita kong naglalakad na rin papasok sa loob ng gate si Alvar. Dito rin pala siya mag-aaral. Nakakatuwa at nakakagulat naman.
Hindi niya ako napansin kasi nauna siyang naglakad papasok sa loob. Tatawagin ko dapat siya kaya lang mas tinuon ko ang pansin sa buong paligid. Gusto kong sumigaw sa sobrang saya kasi sobrang lawak dito sa loob. Ang ganda-ganda dito tapos ang tataas ng mga building. Kulang ata ang isang araw para libutin ang napakalaking school na ‘to.
Muli kong hinanap si Alvar pero nawala na siya sa paningin ko. Sa kakatingin at kakalakad ko sa dito sa loob ng Vanguard University, si Harvy naman ang nakita kong naglalakad kasama ang mga kaibigan niya. Gusto ko rin sana siyang tawagin kaya lang hindi ko na ginawa kasi nakita kong busy sila sa pag-uusap nila. Dalawa na sa kakilala ko ang nakikita ko dito kaya kahit pa paano ay masaya ako. Sana talaga ay maging okay na kami ni Alvar. Para magkaroon na rin ako ng kasabay umuwi. Makipagbati na kaya ako? Kasi naman baka hindi niya ako pansinin. Baka mapahiya lang ako.
Naalala ko si Mcaiden, nasaan na kaya ang bundol na ‘yon? Nandito na kaya siya?
Mayamaya, nakarinig ako bigla ng mga student na nagsisigawan.
“Nandito na raw sila.”
“Totoo ba? Nasaan?”
“Oh, my God. Kaytagal kong hinintay ang araw na ito.”
“Sa wakas makikita ko na sila!”
“Nung isang linggo pa ako excited na makita ang mga yummy na iyon.”
Hindi ko alam kung anong nangyayari pero sa nakikita ko sa mga babaeng student na nagsisigawan at nagtatakbuhan ay para bang may mga artista silang inaabangan.
Sino ba ang mga ‘yon?