Taleigha’s POV
“Ayaw mo naman sigurong masira ang performance ng ate mo, Mcaiden,” singit ni Harvy na nakabalik na pala agad dito. Naibaba tuloy agad ni Mcaiden ang hose ng gripo at saka niya nilingon si Harvy.
“Chill, hindi naman naka-open ang gripo ng tubig. Gusto ko lang pakabahin si Taleigha,” sagot niya habang parang nanunukso ang boses.
“Nakita na kasi kita minsan na pinag-trip-an mo siya gamit ang bagay na ‘yan. At gusto ko lang sabihin na hindi maganda ang ginagawa mo, Mcaiden. Para kang bakla kung umasta. Matatanggap ko pa kung lalaki ang binu-bully mo. Kaya lang hindi e, babae kasi itong si Taleigha. Babae ang binu-bully mo na wala naman ding ginagawang masama sa iyo. Ano ba napapala mo kapag binu-bully mo siya?”
“Tang-ina, ang daming sinabi. Ikaw ang parang bakla, putak ka nang putak, gago! Sapakin ko ‘yang mukha mo e!” pananakot ni Mcaiden kaya pumagitna na ako sa kanilang dalawa.
“Please, birthday ng papa mo, Sir Mcaiden, huwag ka naman po sanang gumawa ng gulo,” sabi ko kaya tinulak niya ako bigla. Mabuti na lang at nasalo ako ni Harvy na sakto rin na nasa likod ko.
“Gago talaga. Makakarating ito sa ate mo,” sabi pa ni Harvy pero hindi na kumibo si Mcaiden. Umalis na ito kaya nakahinga na rin ako ng maluwag. Mabuti na lang talaga at dumating si Harvy. Imposible kasing hindi nakabukas ang gripo. Hindi naman kasi pinápatáy dito sa mansiyon ang mga gripo.
“Thank you, Harvy, ha! Akala ko talaga mabubura na ang makeup ko at mababasa na naman ang suot-suot kong damit,” sabi ko sa kaniya at saka ako naupo sa mahabang bench. “Ang dami kasi talagang time nung lalaki na ‘yon na i-bully ako. Hindi ko rin ma-gets kung bakit masaya siya na ginaganoon ako. Ano kayang masaya doon? Siguro, boring ang buhay niya kasi sa pagiging bully lang siya masaya,” sabi ko sa kaniya kaya natawa siya. Ang sarap-sarap na nga ng buhay niya. Nasa kaniya na ang lahat tapos may time pa talaga siyang pag-trip-an ako.
“Sa tingin ko rin ay baka ganoon nga siya. Boring nga siguro siya sa buhay dahil sa mga inaasta niya. Oh, baka dati siyang na-bully na kaya sa ibang tao naman ngayong gumaganti. O baka naman siraulo lang talaga siya kaya ganoon.”
Natatawa na lang ako kasi parang matagal na kaming magka-close ni Harvy. Nararamdaman ko gaya ni Alvar, magiging ka-close friend ko rin itong si Harvy.
**
Nang mag-start na ang program ng birthday party ni Sir Riven, nag-ready na rin agad kami nila Ate Micai at Harvy kasi kakanta na raw agad si Ate Micai habang marami pang tao.
Puro mga billionaire at mga elite na tao ang mga bisita ngayon dito. Punong-puno ang labas ng manisyon ng mga luxury car. Para tuloy pagaraan ng kotse ang laban dito.
Nandito nga rin ang ibang senador at ang mga kakilala rin na governor ni Sir Riven. Sigurado akong mga bongga ang mga regalo nila kay Sir Riven.
“Kanina ka pa tinitignan ng mga bisita ni Tito Riven. Ang ganda-ganda mo kasi ngayon, Taleigha,” sabi ng katabi kong si Harvy. Napansin din pala niya ‘yon.
“Kaya nga nahihiya ako lalo ngayon. Baka kasi nagtataka sila kung sino ako. Baka may isa sa kanila na magtanong kung sino ako, tapos kapag nalaman nilang katulong lang ako dito, mapahiya pa si Sir Riven sa mga bisita niya,” sabi ko sa kaniya na agad namang kinainis ni Harvy.
“Taleigha, masyado mong dina-down ang sarili mo. Huwag kang ganiyan, baguhin ang pag-iisip mong ‘yan. Lalo ka lang mawawalan ng confidence sa sarili mo kapag ganiyan ang iniisip mo. Tandaan mo, marangal na trabaho ang trabahong mayroon ka ngayon, hindi dapat ikahiya ‘yan.”
Tumango ako at saka na lang ngumiti kasi tama naman siya. Ang hilig-hilig kong ida-down ang sarili. Siguro ay dahil alam kong puro matataas na tao ang mga nandito. ‘Yung tipong nakikisali ako sa event na ito kahit na hindi naman dapat kasi isang hamak na kasambahay lang naman ako.
Napatingin ako sa mga bisita, iniikot ko ang mga mata ko hanggang sa mapatingin ako sa lamesa nila Mcaiden. Nakatingin na naman siya sa akin, pero this time seryoso na siya. Kasama niya roon ‘yong mga kaibigan niyang na-meet ko sa mall. Nakita ko na nakatingin din sa akin si Zeshawn. Ngumiti siya sa akin pero hindi ko naman alam kung anong isasagot ko. Hindi ko rin alam kung ako ba ang nginitian niya o si Ate Micai.
Simpleng pa-entrance lang ang ginawa ng emcee kay Sir Riven. Siguro ay ganoon lang ang gusto ni Sir Riven kasi lalaki naman siya. Nagsalita lang ito ng saglit lang din. Ang guwapo nga niya sa suot niyang tuxedo. Kahit may edad na, guwapo pa rin. Hindi na ako magtataka kung bakit guwapo rin ang gagong si Mcaiden. Guwapo rin kasi ni Sir Riven, tapos maganda din si Madam Delia.
Nagpasalamat siya sa mga taong nagpunta dito, pagkatapos ay nag-start na ang program. Kung si Madam Delia ang may birthday ngayon, tiyak na aabutin ng kalahating oras ang talumpati.
“Mag-ready na kayo, magpe-perform na tayo, guys,” sabi ni Ate Micai na lumapit sa amin. Nakakatuwa kasi iisa ang gown at ayos naming dalawa. Para kaming kambal ngayon. Panay tuloy lalo ang tingin ng mga tao sa aming dalawa. Baka akalain nilang kapatid ako ni Ate Micai.
“Harvy at Taleigha, galingan ninyo kasi isa rin kayo sa pinakatututukan ng mga tao,” sabi pa niya sa amin kaya sabay kaming tumango sa kaniya ni Harvy.
Mayamaya, tinawag na kami ng emcee sa stage. “Of course, the famous vlogger and daughter of Sir Riven, Miss Micai, will also perform today. She’ll surprise us because she’s not just a vlogger, Miss Micai can also sing. So let’s all give her a round of applause together. Kasama niyang magpe-perform ang ilan sa mga kaibigan at kaklase niya.”
Parang may naghahabulang kabayo sa dibdib ko nang umakyat na kami sa stage. Hinawakan namang mabuti ni Harvy ang kamay ko kasi ramdam niya atang kinakabahan ako. Nang mag-start na ang background music ni Ate Micai ay nag-start na rin kami ni Harvy sa gagawin namin. Naglakad na kami papunta sa stage. Hinawakan niya ang kamay ko na para bang naglalakad kami at nagde-date sa isang park. Huminto kami sa gitna upang magtitigan. Sobrang ganda ng boses ni Ate Micai. ‘Yung tipong pati pag-acting namin ni Harvy ay talagang madadala sa emotiong nilalaban ng boses niya.
Hinawakan ni Harvy ang pisngi ko at saka niya nilapit ang mukha sa mukha ko. Sa puntong ‘yon, naglapitan na ang iba pang kasama namin. Inikutan nila kami ni Harvy habang nagsasaboy sila ng mga bulaklak sa aming dalawa. Palakpakan ang mga tao kasi sabay na bumirit sa kanta si Ate Micai habang patuloy na umuulan ng mga petals sa aming dalawa ni Harvy.
Matapos nun, lumapit naman si Harvy kay Ate Micai, kasama na akong umalis ng iba pa naming mga kasama. Sa ending kasi, silang dalawa ang tanging matitira sa stage. Kaya kami magkamukha ng ayos. Ako at si Ate Micai kasi ay iisa. Kumbaga, parang ako lang ang gumanap na Ate Micai sa pag-acting kasama si Harvy.
Nang matapos ang pagkanta niya, lalong lumalakas ang palakpakan ng mga tao. Kaya naman habang nasa back stage kami, nagtatalon kami sa tuwa kasi alam naming nagustuhan ng mga tao ang ginawa naming performance. Para tuloy kaming sumali sa contest. Pero ang totoo, gusto rin talaga naming maging successful ang ginawa naming ito kasi nakailang sabi sa amin si Ate Micai na dapat marinig naming pumalakpak ang mga tao. ‘Yung napakalakas. Kaya mukhang natupad naman ang gusto niyang ‘yon.