Chapter 7

2076 Words
Taleigha’s POV “Mama, may problema po tayo,” dinig kong sabi ni Ate Micai nang lapitan niya ang mama niya dito sa second floor. Naglalampaso na kasi ako ngayon dito at sakto naman na dito rin m-in-ake-up-an si Madam Delia sa pinaka-malaking room dito sa second floor. “Micai, please, ayusin mo na agad ‘yan. Malapit ng maghapon, mag-start na ang birthday celebration ng papa mo ayokong ma-stress,” sagot naman sa kaniya ni Madam Delia na tila na-stress nga agad sa kaniya kasi nakasibangot itong nakatingin sa anak niya. “Handa na kasi talaga ang lahat, kaya lang biglang nagkasakit ‘yong princess na gaganap mamaya kapag kumanta ako. Hindi puwedeng mawala siya kasi ang acting nila ang magpapaganda ng performance ko. Pinaghandaan ko itong mabuti. Regalo ko na rin ito kay papa kaya ayoko sanang masira,” iritadong sabi ni Ate Micai sa mama niya. Sa tono rin nang pagsasalita niya ay tila na-stress siya bigla. Hindi naman kasi talaga nawawala ang ganitong biglaang problema. Kawawa naman si Ate Micai, kitang-kita ko pa naman kung paano siya magsipag sa tuwing magpa-practice dito sa mansiyon. Siguro natuyuan ng pawis ‘yung gaganap ng princessa kaya nagkasakit. Dapat din talaga nagkaroon ng isang backup si Ate Micai para sakaling mangyari ang ganitong sitwasyon, handa siya. Nakita ko naman na biglang napatingin si Madam Delia sa akin. Nagulat ako kasi napatitig siya nang matagal sa akin. Na para bang may kinikilatis siya sa akin. Dapat na ba akong umalis? Nakakaistorbo ba ang paglalampaso ko dito? Iyon ba ang ibig sabihin ng mga titig niya? “Micai, ‘di ba wala namang script na sasabihin ‘yang magiging princess na kasama mo mamaya? Ang gagawin niya lang ay magpaka-sweet sa prinsipe na kasama niya?” tanong ni Madam Delia sa anak niya habang nakangiti na. “Opo, maglalakad-lakad at magpapaka-sweet lang sila sa background ko, ganoon lang kadali, bakit may mare-recommend ka ba sa akin, Mama? Please, kailangang-kailangan ko talaga ‘yan ngayon,” sabi ni Ate Micai sa kaniya na tila nabuhayan ng loob dahil sa sinabi ng mama niya. “Sa tingin ko ay wala ka nang magiging problema,” sabi ni Madam Delia at saka ngumiti sa akin. Napatingin na rin sa akin si Ate Micai kasi nakita niyang sa akin nakatingin ang mama niya. “Oh, thank you, mama. Alam ko na kung ano ang tinutukoy ninyo,” sabi ni Ate Micai at saka ito nagtatakbo palapit sa akin. Pinabitawan niya sa akin ang hawak-hawak kong panglampaso at saka niya ako hinila palabas doon. Tumuloy kaming dalawa sa kuwarto niya. “B-bakit, Ate Micai, may ipapalinis ka ba sa akin? Ano bang nangyari sa kuwarto mo?” tanong ko naman sa kaniya. Tinignan ko ang buong paligid, malinis at maayos naman kaya nagtaka agad ako. Tinulak niya ako hanggang sa loob ng banyo niya. “Maligo ka na kasi aayusan ka na,” sabi niya na pinagtaka ko lalo. “H-ha, b-bakit po?” pagtataka ko naman ulit. “Mamaya na tayo mag-usap, basta maligo ka na muna para mabango ka,” sabi niya saka na nito sinara ang pinto ng banyo. Sinunod ko na lang ang sinabi niya. Ang totoo ay init na init na rin ako dahil sa kakalinis ko kaya gusto ko na ring maligo. Ang laki at ang ganda ng banyo niya kaya nakakatuwa na mai-experience kong maligo sa ganitong kagarang banyo. Pagkatapos kong maligo, inabutan niya ako ng mga bagong damit. Pati underwear mayroon din kaya natatawa tuloy ako. “Tara, tara, kailangan ka nang maayusan,” sabi niya at saka naman ako hinila doon sa isang kuwarto. Pagpasok ko doon ay nagulat ako at parang nahiya pa. “Hala, ano ‘to, Ate Micai?” tanong kong habang nakatingin sa kanilang lahat. “Guys, siya ang gaganap na princess, nagkasakit kasi si Lea, kaya siya na. Anyway, kung ano ang ayos ng buhok at makeup ko, ganoon din ang gagawin ninyo sa kaniya,” sabi niya sa glam team niya kaya doon lang ako nagulat nang husto. Iyon pala ang ibig sabihin ng mga tingin nilang dalawa ng mama niya kanina sa akin. Ako pala ang pinalit nila sa nawawalang princess. “I know, Taleigha, napapanuod mo kami kapag nagpa-practice sa garden kaya alam ko rin na alam mo na ang gagawin mo mamaya,” sabi niya. Napatango na lang ako kasi hindi ko siya kayang tanggihan. Kahit ang totoo ay nahihiya ako sa gagawin niya sa akin. Alam kong kailangang-kailangan na ako ngayon ni Ate Micai kaya hindi na ako tumanggi. Binulong niya rin kasi na ako na ang tatanggap nung sahod ng pang-princess kaya bakit ako tatanggi pa? Pera na rin ‘yon. “Halika, Taleigha, maupo ka na dito sa makeup chair,” sabi ng makeup artist na bakla. Nakangiti siya na inakay at inalalayan akong maupo doon. Nakakataas balahibo kasi alam kong mga bigating tao lang ang nakakaupo sa mga ganitong makeup chair. Kasi ang pagkakaalam ko, sikat na mga glam team itong palaging nag-aayos kay Ate Micai tuwing may event siyang pinupuntahan. Hindi ko inaasahang pati ako ay makakaranas na maayusan din nila. First time ko lang ding maaayusan ng bongga. Habang inaayusan ako, nagkukuwentuhan sila. Nabanggit nila na natatandaan nila ako. Na inayusan daw ako ni Ate Micai sa vlog niya. Nakakatuwa kasi gandang-ganda raw sila sa akin. At sabi pa nung baklang nag-aayos sa akin ngayon, hindi raw siya mahihirapang ayusan ako kasi ang sarap ko pa nga raw ayusan. Dalawang tao ang sabay na nag-aayos sa akin. Sa makeup at sa buhok. Feeling ko ang sosyal ko ngayon kaya kinikilig talaga ako. Pagkalipas ng halos isang oras ay natapos na rin akong ayusan. Ang sarap sa pakiramdam kasi nakakaantok kapag inaayusan ka pala. Pagtingin ko ng itsura ko sa harap ng malaking salamin habang suot na rin ang gown ng princess, halos maluha-luha ako kasi ganitong-ganito ‘yung gusto kong maging ayos ko noong mag-birthday ako nung 18-years-old. Kahit na ang totoo ay simpleng handaan lang iyon. Siyempre, sino ba naman kasi ang hindi mangangarap ng maayusan ng maganda at makapasuot ng bonggang gown. Hindi man ‘yun natupad, masaya pa rin ako kasi kahit pa paano, naranasan ko itong ayos na ganito ngayon. Hindi nga lang sa birthday ko na kundi sa birthday na ni Sir Riven. “Puwede kang maging artista, Miss Taleigha. Ang ganda ng hubog ng katawan mo at ang sarap-sarap mong pagandahin, ang liit din kasi ng mukha mo,” puri pa sa akin ng makeup artist kaya panay naman ang pasasalamat ko sa kanila. Kahit alam nilang kasambahay lang ako dito, hindi nila pinaramdam sa akin na mababang tao lang ako. Parang client lang din talaga ng tingin nila sa akin. Pagkatapos nga nila akong ayusan ay kinuhan nila ako ng video at picture. Pang-post lang daw nila sa social media nila. ‘Yung before and after. Lumabas na ako sa room na iyon kasi sabi nung stylist ni Ate Micai, kapag tapos na raw akong ayusan ay pumunta raw ako sa sala para mag-practice lang ng saglit. Kaya ngayong tapos na ako, heto naglalakad na ako sa hallway dito sa second floor. Ang sarap sa suotin ng ganitong gown. Para nga akong princessa ngayon na tila rin naglalakad sa loob ng palasyo. Napapaganda tuloy ang paglalakad ko dahil rin sa mataas na takong na pinasuot sa akin ng stylist ni Ate Micai. Parang tumangkad din talaga ako. Habang pababa na ako sa hagdan, nakita ko naman na paakyat si Mcaiden. Ang dami-dami kong makakasalubong siya pa. Gusto kong umatras, kaya lang nasa ikaapat na step na ako ng hagdan. Kaya naman tinuloy ko na lang. Malayo palang ay nakatingin na siya sa akin. Nakakunot ang noo niya na para bang kinikilatis kung sino ako. Nang magkasalubong na kami, nagulat ako kasi tahimik lang siya na nakatingin sa akin. Tapos, wala, hindi siya nagsalita o umimik. Tila hindi niya ako nakilala dahil sa naging ayos ko. Napangiti tuloy ako kasi ngayon na lang ulit nangyari ‘yong nakasalubong ko siya na hindi ako inaasar o binu-bully. “W-wow, siya na ba ang gaganap na princess?” tanong ng isang babae na kasama sa magiging performance ni Ate Micai mamaya. Pagharap tuloy sa akin ni Ate Micai, napataas ang dalawa niyang kilay. “Ang ganda mo. Bagay na bagay sa iyo ang character mo ngayon, Taleigha. Halos hindi kita makilala,” sabi ni Ate Micai nang lapitan ako. Pati ‘yong mga kasama namin na magpe-perform ay halos napapatitig na tuloy sa akin. Tapos ‘yung Prince ang pogi rin. Kaibigan daw ‘yon ni Ate Micai sa school nila. Sabi pa ni Ate Micai ay tahimik lang ito at mahinhin. Nakakahiya nga kasi magka-holding hands kami habang nagpa-practice. Minuto lang naman iyong kanta na kakantahin ni Ate Micai kaya madali lang din kaming natapos na mag-practice. Natuwa sila kasi alam na alam ko na ang gagawin ko. Pagkatapos nun ay naghanda na rin si Ate Micai kaya iniwan na muna niya kami. Inaya ako ng prince na pumunta sa garden. Mag-usap daw kami saglit kasi ang totoo ay wala siyang makausap kapag wala sa tabi niya si Ate Mica. Nagpakilala na rin siya sa akin. “Ang totoo ay gusto kong magpa-picture sa iyo kaya kita inaya dito sa garden,” sabi niya sa akin. “Nahihiya ako, Harvy. Ang totoo kasi ay hindi naman ako kaibigan o ano ni Ate Micai. Ang totoo niyan, ‘diba hindi available ngayon ‘yung dapat na princess na gaganap? Kaya ako ang bigla niyang kinuha ngayon ay dahil kabisado ko ang mga gagawin ng princess kasi araw-araw ay napapanuod ko kayong mag-practice dito sa bahay. Kasambahay kasi ako dito nila Ate Micai,” pag-aamin ko sa kaniya. Ngumiti siya. “Alam ko. Saka, ano naman kung kasambahay ka lang. Wala sa akin kung ano ka man. Hindi naman ako mapanghusgang tao.” Doon na napanatag ang loob ko sa kaniya kasi parang si Alvar lang siya. Walang pakelam kahit yaya lang ako. Dahil doon ay nagkuwentuhan na tuloy kami. Nakuwento niya na hindi pala talaga sila magkaklase ni Ate Micai. Mas bata raw kasi siya kay Ate Micai. Na ang totoo, ka-edad lang pala namin siya ni Mcaiden. Naging kaibigan daw niya si Ate Micai dahil dati siya nitong editor sa mga vlog niya. Si Harvy ang nagturo sa kaniya ng mga basic editing sa mga vlog nito. Nakakahiya kasi alam din pala ni Harvy na binu-bully ako ni Mcaiden. Gaya ni Ate Micai, inis din daw siya kay Mcaiden dahil sa mga inaasta nito. Inamin din ni Harvy na nakita niya rin pala kami ni Mcaiden dito sa garden nung tinapatan ako ni Mcaiden ng hose ng tubig. Awang-awa daw siya sa akin habang umiiyak ako dahil sa ginawa ni Mcaiden. Gusto niya nga raw akong ipagtanggol kaya lang alam niyang wala siyang karapatan. “Sanay na ako, Harvy. Kailangan kong magtiis kasi kailangan. Malaking tulong sa pamilya ko ang sinasahod ko dito. Kaya kahit minsan ay nakakasakit na si Mcaiden, nagtitiis ako para sa pamilya ko at para sa future ko na rin,” sabi ko sa kaniya. Tinapik ni Harvy ang balikat ko. “Napakabait mong tao, Taleigha. Natutuwa ako na nakilala kita,” sabi niya sa akin habang nakangiti. “Harvy, halika lang saglit,” tawag sa kaniya ni Ate Micai kaya nagpaalam siya na aalis na muna. Tumango ako at saka ako naiwang mag-isa dito. Mahangin dito kaya nag-stay na muna ako dito sa garden. Para din hindi humulas ang makeup ko. Naisip ko na mag-selfie para naman may remembrance ako sa ayos kong ito. Tumayo ako at saka nilabas ang cellphone ko. Humarap ako sa garden at saka tumalikod sa mansiyon. Para kunyari ay nasa palasyo ako. Sa laki kasi ng mansiyon dito, aakalin mo talagang palasyo ito. Nag-picture ako ng marami. Sobrang ganda ng mga kuha ko sa sarili ko. Hanggang sa pag-selfie ko pa ng isa, sakto naman na pag-pindot ko sa camera ko, biglang lumitaw sa likod ko si Mcaiden. “Ay, putang-ina ka,” sabi ko kaya tinakpan ko agad ang bibig ko. “Sorry, ikaw pala, Sir Mcaiden.” “Sabi na e, ikaw nga ‘yan,” sabi niya habang tinitignan ako mula ulo hanggang paa. Muli na namang lumabas ang pagngisi sa mga labi niya. Nakita ko pa na may hawak siyang hose ng tubig. Oh, no! Hindi maganda ‘to.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD