Taleigha’s POV
Lumala pa ang pagiging bully ni Mcaiden sa akin. Simula nang sabihan ko siya ng bububwit nung lasing ako, hindi na niya ako tinigilan nang kakautos kapag nasa mansiyon. Taas-baba tuloy ako sa hagdan. Maya’t maya nag-uutos siya ng juice at kung ano-anong pagkain na hindi naman niya kinakain. Tapos bigla-bigla na lang din itong nagpapalinis ng banyo, terrace at iba’t ibang bahagi ng kuwarto niya. Kung minsan ay sinasadya na lang niyang itapon ang juice para lang may lampasuhin ako. Nakakasakit na rin siya kung minsan kasi sinasadya niya ring sungguin ako sa tuwing makakasalubong ko siya. Natatapon tuloy ang mga lamang pagkain ng tray na dinadala kong pagkain para kay Ate Micai. Ang ending, maglilinis na naman ako ng sahid. Napakawalangya niya.
Hindi na rin niya ako tinigilan nang kakaasar ng mga masasakit na salita. Hindi na rin niya ako tinigilan nang kakabuhos ng kung ano-anong juice sa katawan ko. Araw-araw, naliligo tuloy ako dito sa mansiyon. Kaya naman nagdadala na rin tuloy ako ng mga damit kong pamalit para sure na may susuotin ako kapag tinatapunan ako ng juice ni Mcaiden.
Isang linggo na ang nakakalipas simula nang mag-birthday si Sir Riven pero hanggang ngayon, sariwa pa sa isip niya ang pagiging lasing ko nung gabing ‘yon. Kahapon, akala ko juice lang ‘yung nainom ko. Nagulat ako kasi may halo pala siyang alak sa pinanom niya sa akin. Ang tanga ko lang kasi ininom ko naman ang juice na iyon. Sabi ni Manang Beth ay si Mcaiden ang may gawa. Kaya lasing na lasing na naman ako at kung ano-ano ang sinasabi ko sa mga taong makakaharap ko. Hiyang-hiya ako kasi panay raw ang yakap ko kay Madam Delia at Sir Riven kasi pag-aaralan nila ako sa pang mayaman na school. Umiyak pa raw ako kasi ang bait-bait nila sa akin palagi. Na ang totoo ay ganoon naman talaga ang nararamdaman at gusto kong sabihin sa kanila. Mabuti na lang at hindi nagalit ang mga amo ko. Sa ending, si Mcaiden pa ang pinagalitan nila kasi nalaman nilang kaya ako nalasing ay dahil sa juice na pinainom niya sa akin.
Maaga akong pinapauwi ngayong araw ni Madam Delia kasi kailangan ko pa raw bumili ng mga gamit kong pang-school. Sa makalawa kasi ay may pasok na kami ni Mcaiden sa Vanguard University. Oo, pasukan na kaya kinakabahan na rin talaga ako.
“Uuwi ka na ba, Taleigha?” tanong ni Ate Micai nang maabutan niyang palabas na ako ng mansiyon.
“Oo, Ate Micai. Malapit na ang pasukan. Bibili na rin sana ako sa bayan ng mga gamit ko kaya maaga akong pinawi ng mama mo,” sagot ko sa kaniya.
“Sandali, sumama ka muna sa akin sa kuwarto ko. May ibibigay ako sa ‘yong mga sapatos at damit na magagamit mo,” sabi niya kaya sumama na ako sa kaniya papunta sa kuwarto niya. Nagulat ako kasi ang dami niyang binigay na sapatos sa akin. Limang rubber shoes na iba’t iba ang kulay at limang high heels din. Tapos halos isang dosena ata ‘yung damit na binigay niya rin sa akin. Sabi niya, may dress at iba’t ibang outfit ang mayroon sa malaking supot na itim. May mga gamit pa siyang binigay na hindi ko na alam kung ano, kasi nasa mga supot na ito. Lahat daw ng gamit na iyon ay hindi pa niya nagagamit. Mga regalo daw sa kaniya iyon nung nakaraang birthday niya. Hindi raw kasi kasya ‘yong ibang damit at sapatos sa kaniya. Kung tutuusin, daan-daang libo ang halaga ng lahat ng binigay niya sa akin kaya tuwang-tuwa talaga ako.
“Maraming salamat, Ate Micai. Malaking tulong sa akin itong mga binigay nong gamit sa akin. Sakto, magagamit ko talaga ang mga ito kapag pumasok na ako sa Vanguard University.”
“Wala iyon, basta mag-aral ka lang mabuti. Kung may kailangan ka rin, huwag kang mahiyang humingi ng tulong sa akin. Nandito lang ako. Saka, si Mcaiden, bantayan mo na rin at baka kung anong kalokohan ang gawin sa school ninyo,” sabi niya kaya tumango na lang ako. Ganoon din naman kasi ang gustong mangyari ng mama at papa niya kaya. Titignan ko kung saan aabot ang powers ko pero gagawin ko pa rin ang lahat para mabantayan siya.
Tinawagan ko si Kuya Richmond para magpasundo dito sa mansiyon ng tricycle. Mabuti na lang at nasa basket ball court siya nang tawagan ko. Nagpadala na lang siya dito sa labas ng manisyon ng kakilala niyang tricycle driver para sunduin ako. Sa dami kasi ng malalaking supot na dala ko, hindi ko talaga ito kayang bitbitin hanggang sa paradahan ng mga tricycle. Nagpatulong pa nga ako kay Manang Beth sa iba pa naming kasamahan dito para mahatid nila ako hanggang sa labas ng mansiyon.
**
Pag-uwi ko sa bahay ay tahimik kasi wala pa sila. Nasa work pa pareho sina nanay at tatay, tapos si Kuya Richmond ay baka nasa basketball court pa rin. Ang saya lang kasi makakapag-stay ako ng matagal sa bahay ngayong araw. Maaga pa naman kaya mamayang hapon na lang ako mamimili ng mga gamit ko sa bayan. Nag-ayos na lang ako ng mga gamit ko sa kuwarto ko kasi marami akong bagong gamit ngayon. Excited na rin kasi akong makita ‘yung ibang mga gamit na binigay sa akin ni Ate Micai.
Kahit maliit lang itong bahay namin, may mga kaniya-kaniya naman kaming kuwarto. Tatlong kuwarto ang mayroon dito. Isa kay nanay at tatay, isa sa akin at isa kay Kuya. Nang sa ganoon ay pare-pareho kaming may privacy kapag natutulog.
Inayos ko na agad sa isang cabinet ko ang mga mamahaling damit na binigay sa akin ni Ate Micai. Kinikilig ako kasi ang gaganda nung mga damit. Saktong-sakto sa size ag hieght ko. Pati ang mga matitinong sapatos ay tinabi ko na rin. Hiniwalay ko ang mga binili kong damit sa ukay-ukay sa mga mamahaling damit na bigay ni Ate Micai.
Nang maayos na ang lahat, naglinis na rin ako ng bahay kasi medyo malibag ang sala at kusina. Kapag kasi si Kuya Richmond na lang ang natitira dito sa bahay, ni humawak ng walis ay hindi niya talaga kayang gawin. Puno rin ng ugasin ang lababo kaya nag-ugas na rin ako ng mga pinggan at baso.
Alas kuwatro na ng hapon nang makapunta ako sa bayan. Tumuloy agad ako sa tindahan ng school supplies kasi iyon lang naman ang sinadya ko dito. Gaya ko, may ilan-ilan na rin na namimili ng mga gamit pang-school.
Pumili ako nang mabuti ng mga notebook na magaganda. Pati na rin ng ballpen at lapis, sakaling kailangan ko rin ng mga lapis. Sinabi na rin naman sa akin kanina ni Ate Micai kung anong mga need kong gamit kaya alam ko na ang mga dapat kong bilhin. Mabuti na lang at hindi ko na rin kailangan pang bumili ng bag kasi may binigay din sa akin si Ate Micai ng mga bag na magagamit ko. Lima din ‘yon kaya puwede akong magpalit-palit ng bag. Ganoon daw kasi sa mga ganoong school. Para sa akin naman ay ayos lang ang iisang bag. Hindi ko naman kailangang mag-inarte doon kasi pag-aaral naman ang habol ko. Ang makatapos ang pinaka-goal ko, hindi ‘yung mag-fashion show sa school.
“Magkano po lahat?” tanong ko nang magbabayad na ako sa cashier.
“Okay na po, bayad na ‘yan lahat,” sagot sa akin ng cashier kaya nagulat ako. Paanong bayad e, ngayon pa nga lang ako magbabayad. Naliliyo na ata si ate dahil sa daming student na namimili dito.
“H-ha? Seryoso po ba kayo? Hindi pa po kasi ako nakakabayad e?” tanong ko ulit.
“Bayad na nga ‘yan! Ayon oh, siya ang nagbayad,” sagot ng cashier at saka tinuro si Alvar na pasakay na sa sasakyan niya. Mukhang namili na rin siya ng mga gamit niya. Hahabulin ko sana kaya lang mabilis siyang nakapag-drive paalis sa parking area nitong tindahan ng school supplies.
Sayang, gusto ko pa naman na siyang makausap, kaya lang mukhang hindi pa rin siya handang kausapin ako kasi kung gusto niya akong kausapin, siya ang unang lalapit sa akin. Pero, mabait pa rin siya kasi nilibre pa rin niya ako ng mga gamit ko. Napaka-suwerte ko kasi puro na lang libre ang natatamo ko dahil sa mga mabubuting tao na nasa paligid ko.
Naglalakad na ako papunta sa paradahan ng mga tricycle nang biglang tumunog ang cellphone ko. May nakita akong text message sa akin ng un-register number kaya nagulat ako.
“Totoo ba ang sabi nila Mama at Papa? Sa akin ka talaga sasabay papasok sa Vanguard University?”
Sino ito? Si Mcaiden ba ito?
“Si Mcaiden ‘to. Gawan mo ng paraan ‘yan, Taleigha. Ayokong makasabay ka sa sasakyan ko. Hindi ako papayag. Kadiring magkaroon ng sakay ng gaya mo sa sasakyan ko. Masagwang tignan kung magiging driver ako ng yaya na gaya mo. Isa pa, mga babae ko lang ang sinasakay ko sa luxury car ko, hindi mga katulong,” message niya ulit sa akin. Suwerte na sana ako sa lahat, dito lang talaga ako kay Mcaiden malas.
“K,” reply ko sa kaniya para mainis ko rin siya. Agad-agad naman din ay nag-reply siya.
“Huwag mo akong nire-reply-an ng ganiyang kaikli, Taleigha. Palagi mong pinakukulo ang dugo ko. Basta, hindi ka sasabay sa sasakyan ko kung ayaw mong ibaba kita sa highway at doon ka maglakad hanggang sa school. Tignan lang natin kung hindi ka mahimatay sa highway.”
“Opo, Sir Mcaiden. Ako pong bahala po. Sorry po. Huwag ka na pong magalit po,” reply ko naman sa kaniya para lalo siyang maasar. Nakakatawa rin siya e, nag-aksaya pa siya ng oras na kunin ang phone number ko. Siguro binigay ni Manang Beth sa kaniya. Si Manang Beth lang naman ang mayroong phone number ko, e.
Nag-reply naman ulit si Mcaiden, kaya lang emoji na lang na cactus. Kung hindi ako nagkakamali ay parang fvck you ang ibig sabihin nun. Asar-talo din siya kung minsan. Sa ganito na lang ako makakaganti kaya talagang sinasadya kong maasar siya.
Pero sa tingin ko ay dapat ko na rin atang pagsanayin na bumiyahe papasok sa school. Para kapag may pasok na, alam ko na kung saan ako dapat sumakay. Ayoko rin namang sumabay sa kotse ng Mcaiden na iyon. Naiisip ko palang na sumakay sa sasakyan niya, pakiramdam ko ay hindi na ako sisikatan ng araw kinabukasan. Never talaga akong sasakay sa sasakyan ng demonyong ‘yon.