Taleigha’s POV
“Very good, Taleigha, these documents you gave me are all set. Everything I need to enroll you in Vanguard University is here in the envelope,” sabi ni Madam Delia habang nakangiti sa akin. Napakabait talaga nilang mag-asawa. Talaga namang tuloy na tuloy na ang pag-aaral ko sa school na iyon. Napakasaya ko kasi hindi talaga ako jino-joke ng mag-asawang Calvry na pag-aralin sa yayamaning school na iyon.
“Ma’am, hindi na po ba ako sasama sa inyo para magpa-enroll doon?” tanong ko pa sa kaniya.
“No need, Taleigha. I know some of the staff there, so it’s okay even if you and Mcaiden don’t come with me,” sagot niya kaya napatango na lang ako. Sayang, akala ko pa naman ay makakasilip na agad ako ngayon sa school na iyon. Nagbihis pa naman ako ng magandang damit kasi inaasahan kong kasama kami ni Sir Mcaiden na mag-e-enroll doon, hindi naman pala.
“Sige po, maraming salamat po, Madam Delia,” sabi ko saka na ako umalis para bumalik sa kusina.
Nang naglalakad na ako sa dining area, napahinto ako dahil tinawag ako ni Mcaiden na mag-isang nag-aalmusal doon. Late na itong nagising at nag-breakfast kasi umuwi itong lasing na lasing kagabi. Ngayon lang din siya nagising. Kakabalik lang sa Pilipinas, alak agad ang hinarap. Mga anak mayaman talaga, puro pasarap-buhay lang ang ginagawa.
“Can I have ice-cold water, I’m really thirsty,”utos niya. Dali-dali akong pumunta sa kusina para kumuha ng malamig na tubig sa fridge. Isang pitcher na malamig na malamig na tubig na ang dinala ko doon para hindi na siya mag-utos pa ng marami. Kung maaari kasi ay siya ang iniiwasan ko dito sa mansiyon iwas bully na rin ako.
“Heto na po,” sabi ko saka ko nilapag sa lamesa ang isang pitcher na sobrang lamig.
Aalis na dapat ako pero bigla pa niya akong tinawag. “Magdala ka na nga rin ng maraming ice cubes dito. Ilagay mo na lang sa isang baso,” utos pa niya kaya tumango na lang ako. Bawal tumanggi at baka lalo niya lang akong pag-trip-an.
Bumalik ako sa kusina para buksan ulit ang fridge. Kumuha ako ng maraming ice cubes at saka ko ito nilagay sa isang baso. Kung ano kasing inutos niya, dapat ganoon ang gagawin ko, kung hindi, lagot ako.
“Heto na po, Sir Mcaiden,” sabi ko sa kaniya at saka ko binaba ang basong puno ng ice cubes sa lamesa. Aalis na dapat ulit ako pero bigla niya akong tinawag ulit. Tumayo siya at saka dinampot ang isang basong ice cubes.
“B-bakit po, may kulang pa po ba sa utos niyo? May iuutos pa ba kayo?” tanong ko habang nakakaramdam na naman ako nang hindi maganda. Feel ko naka-active mode na naman ang pagiging bully lord niya.
Ngumiti siya at saka tumango. “Oo, may kulang pa nga. Heto oh,” sabi niya kaya nagulat na lang ako nang bigla niyang ibuhos ang mga ice cubes sa likod ng suot kong t-shirt. Naka-tuck in pa naman ‘yung t-shirt na suot ko kaya salong-salo tuloy lahat ng likod ko ang lahat ng yelong iyon. Nang gawin niya iyon, tawa na naman siya nang tawa sa akin.
Ngilong-ngilo ako kasi napakalamig ng mga yelo sa likuran ko. Ramdam ko rin na pati ang pantalon ko ay nabasa na.
“Nambu-bully ka naman, Mcaiden!” saway sa kaniya ng ate niyang si Ate Micai nang bigla itong dumating dito. Tinulak niya si Mcaiden kaya napaupo ulit ito sa upuan niya. Nawala ang pagtawa niya dahil sa takot sa ate niya. Pagkatapos ay saka hinila ni Ate Micai ang pagkaka-tuck in ng t-shirt ko para mawala na ang mga ice cubes sa likod.
“Sige na, Taleigha, bumalik ka na sa kusina,” sabi niya matapos akong ipagtanggol sa kapatid niyang siraulo. Pag-alis ko doon, narinig ko na pinagsasabihan na niya ang kapatid niya. Pagdating sa ate niya, tiklop siya kasi kung siga siya, magsiga iyon kaysa sa kaniya. Tinatamaan kasi talaga si Mcaiden sa ate niya. Nakakatanggap siya ng suntok, tadyak at sampal doon kapag nakikita niyang gumagawa nang hindi maganda ang kapatid niya. Mabuti nga sa kaniya, sana sinampal niya ang gagong iyon para lalo siyang magkaroon ng hang-over. Nakakainis siya.
“Oh, anong nangyari sa tshirt mo, bakita basang-basa ang likuran mo?” tanong sa akin ni Manang Beth nang makita akong naghahanda na ng gunting at gloves na gagamitin ko sa garden.
“Alam niyo na po, may bago pa ba? Umandar na naman kasi si Sir Mcaiden nang pagiging bully niya. Nilagyan niya ako ng mga ice cubes sa likuran ko,” kuwento ko sa kaniya habang nakasibangot.
“Si Sir Mcaiden talaga, kahit kailan ay wala nang pagbabago,” sabi niya. Bigla ko namang naalala ang sinabi ni Benok sa kuya ko. Kaya ito na rin ang pagkakataon para makausap ko si Manang Beth.
Nahihiya siya kasi hindi daw niya inaasahang sasabihin ni Benok sa kuya ako ang napag-usapan nila. Na-topic daw kasi nila akong mag-ina habang kumakain sila ng hapunan. Sinabi niya kay Benok kung gaano kawalangya si Sir Mcaiden. Hindi naman daw niya inaasahang ipagsasabi pa na anak niya sa kuya ko ang mga nalaman sa kaniya. Nag-sorry naman sa akin si Manang Beth, pagsasabihan na lang din daw niya si Benok pag-uwi niya mama sa bahay nila.
Tutal ay basa na rin naman ang damit ko, nagpalit na ako ng uniform ko na pang kasambahay. Pagkatapos ay lumabas na ako para maglinis at mag-ayos sa garden. Ito kasi ang trabaho ko sa araw-araw kapag may pasok ako ng umaga hanggang hapon.
Bago ako magdilig ng mga halaman, naggugupit muna ako ng mga tuyong dahon at tuyong mga bulaklak. Ang utos kasi ni Madam Delia sa akin ay dapat araw-araw ay tinatanggal ko ang mga bulok na bulaklak para dumami raw lalo ang mga pagbubulaklak ng mga halaman niya dito. Mahilig kasi sa mga halamang namumulaklak ang amo kong babae na ‘yon.
Busy na busy ako sa paggugupit ng mga tuyong dahon nang biglang may bumuga ng tubig sa akin habang nakatalikod ako. Napasigaw ako sa gulat at saka nilingon kung sino ang nagtapat sa akin ng hose ng tubig.
Doon ko na naman nakita ang tatawa-tawang si Mcaiden. “Sinampal ako ni Ate Micai dahil sa iyo kaya dapat lang sa iyo ang maligo nang maaga kasi mabaho ka at amoy kanal pa!” sabi niya habang hindi pa rin tinantanggal ang pagtapat ng tubig ng hose sa akin.
“Sir, tama na po. Basang-basa na po ako,” saway ko sa kaniya pero hindi siya nagpapigil. Patuloy pa rin niya akong binabasa ng tubig habang nakaupo ako dito sa damuhan.
Napakawalangya niya. Ang gusto ko lang naman ay magtrabaho ng tahimik at maayos pero siya, wala siyang ibang ginawa kundi ang buwisitin at bully-hin ako. Wala naman akong ginagawang masama sa kaniya.
“Tama na po, Sir. Tama na po,” sabi ko habang umiiyak na sa harap niya.
“Sir Mcaiden, tama na po ‘yan,” saway na rin sa kaniya ni Manang Beth kaya doon lang siya tumigil. Bigla na lang niyang binitawan ang hose ng tubig at saka pa rin tatawa-tawa habang pabalik na sa loob ng manisyon.
Napapailing na lang si Manang Beth nang itayo niya ako. Nakita niyang umiyak ako kaya naawa siya sa akin. “May extra uniform ka ba?” tanong niya sa akin kaya umiling ako kasi last na itong sinuot ko ngayon kasi nasa labahan na ang madudumi.
“Paano na ‘yan, anong susuotin mo? Hindi naman kasya sa iyo ang mga uniform ko?” tanong niya.
“Hayaan niyo na po. Matutuyo rin ako dito kasi marami-rami pa naman akong didiligan at gugupitin ng mga tuyong bulaklak at dahon,” sagot ko sa kaniya. Tumango na lang siya at saka na ako iniwan kasi marami pa siyang gawain sa loob.
Kapag ganitong binu-bully ako ni Mcaiden, pinapanalangin ko na lang talaga na sana isang araw, maaksidente ang sinasakyan niyang sasakyan para mamatay na siya. Nang sa ganoon ay mawalan na ako ng tinik sa lalamunan. Nakakainis siya. Nagiging makasalanan tuloy ako dahil sa kaniya. Alam kong masamang manalangin ng ganoon sa ibang tao, pero sa sobrang walangya niya, makakapagsalita talaga ako ng mga hindi magagandang salita. Nakakainis, kung puwede ko lang talaga siyang labanan, ginawa ko na. Kaya lang hindi puwede kasi ayokong mawalan ng trabaho. Lalo na’t pag-aaralin pa ako ngayon ng mga magulang niya sa bonggang school. Lalo tuloy akong magtitimpi kahit na ang totoo ay masarap na talagang sapakin sa mukha ang gagong iyon.
Sana balang-araw ay mabaliktad ang mundo namin. Sana siya naman ang ma-bully ko balang-araw. Para maranasan niya kung ano ang pakiramdam nang ginaganito.