Taleigha’s POV
Maaga-aga pa nang pauwiin na ako ni Manang Beth. Wala na kasi akong gagawin, puro sila na lang ang may trabaho sa kusina. Kapag alam kasi nilang napagod ako sa garden, hindi na nila ako pinapagawa ng ibang gawain sa bahay. Sa laki naman kasi ng garden ni Madam Delia, mananakit talaga ang balakang at likod mo. Samahan pa na natuyo na lang talaga ang buong damit ko sa pagbibilad ko sa init kaya pakiramdam ko ay tila latang-lata ang katawan ko.
Kaya rin ako pinauwi nang maaga ni Manang Beth ay dahil ramdam niyang wala ako sa mood dahil sa ginawa sa akin kanina ni Mcaiden.
Alas kuwarto na ng hapon nang lumabas ako sa manisyon ng pamilyang Calvry. Naglalakad na ako ngayon sa paradahan ng tricycle para makalabas dito sa RK village. Hindi naman mahirap maghanap ng tricycle dito kasi maya’t maya ay may dumadaang ganoon. Pagpara ko sa isang tricycle, agad akong sumakay doon nang hintuan niya ako.
“Sa bayan po,” sabi ko kay manong driver. Bitbit ko ang mga malilibag kong uniform bilang kasambahay. Iuuwi ko kasi ang mga ito para labhan. Sa manisyon kasi ay hindi kami nakikilaba, ayaw ni Manang Beth, nakakahiya rin daw kasi. Kahit na mabait ang mga amo namin, hindi kami nanamantala. Saka, masagwang tignan kapag pati doon ay nakilaba pa kami ng mga damit namin.
Malapit lang ang RK village sa bayan kaya mabilis lang akong nakarating doon, inabot ko na ang bayad ko kay manong driver at saka na ako naglakad papunta sa mga bagong bukas na ukay-ukay. Kahapon nakuha ko na ang sahod ko bilang kasambahay, kaya saktong-sakto na may pambili na ako ng mga magagandang damit dito sa ukay-ukay.
Palagi kong pinapanuod ang mga vlogs ni Rei Germar at pati na rin ni Michelle Dy kaya may idea na ako kung paano mamili ng mga magagandang damit. ‘Yung may mga tatak, tapos wala pang masyadong sira ang tela ang mga target ko ngayon. Saktong-sakto lang din ang dating ko kasi parang kakabukas lang talaga nila tapos kaunti lang ang mga tao. Bilang isang taong hindi naman mayaman, sa ukay-ukay lang din talaga ako aasahang makakapag-suot ako ng mga damit na may taktak. Hindi naman sa pagiging feeling sosyal, hindi naman ako ganoon talaga. Kaya lang kasi, school ng mga rich kid ang papasukan ko kaya para makasabay sa kanila, kailangan kong pumorma nang naayon sa mga taste nila. Base na rin sa palaging pormahan nila Ate Micai at Mcaiden, alam ko na rin kung paano sila pumorma nang sosyal kaya alam ko na rin kung anong mga damit ang kailangan ko.
Pagdating ko sa loob, nakipag-unahan na ako sa mga tao sa pagpili ng mga damit. Kakapasok ko palang ay nabahing na agad ako. Ganito kasi talaga sa mga ukay-ukay, amoy alikabok kaya inaasahan kong mababahing talaga ako.
Marami akong napiling damit. Sobra akong tuwang-tuwa kasi hindi pa talaga napagpilian ang mga damit na nandito. Halos hindi ako magkanda-ugaga sa mga bitbit kong damit ngayon. Ang gaganda at sobrang suwerte ko kasi marami akong nakitang damit, dress, jacket, pantalon at palda na may tatak tapos bagong-bago pa. Kaunting laba lang ang mga ito ay mukhang bago na ulit.
Naka-two thousand pesos ako pero halos lagpas benteng damit na ang nabili ko. Pag-alis ko sa ukay-ukay, tuloy-uwi na rin ako kasi nabibigatan na ako sa bitbit kong mga damit. Naglakad na ulit ako sa paradahan ng tricycle. Kaya ko naman nang lakarin mula dito sa bayan hanggang sa street namin, dalawang kanto lang naman ay nandoon na ako sa bahay, kaya lang sobrang bigat talaga nitong mga napamili kong damit kaya hindi ko kakayaning maglakad habang dala-dala ang mga ito.
Pag-uwi ko sa bahay, saktong kakauwi lang din ni Tatay kaya nang makita niya ako, agad niya akong tinulungan sa pagbitbit ng mga damit ko.
“Ang dami nito, anak. Nag-ukay-ukay ka ba?” tanong niya sa akin.
“Opo, kailangan ko kasi ng mga bagong damit, malapit na ang pasukan namin,” sagot ko sa kaniya at saka ko na rin inabot ang bayad ko kay manong driver.
“Oo nga pala. Tama ang ginawa mo. Mas tipid kapag ukay-ukay lang binili, pero anak, labhan mo itong mabuti para sure na walang libag. Baka kasi galing sa may sakit na tao ang mga damit na iyan o galing sa taong may sakit sa balat, mahawa ka pa,” sabi niya na kinatawa ko. Ganoon palagi ang iniisip nila kapag galing sa ukay-ukay ang damit. Sabagay, posibleng sa mga ganoong tao nga galing ang mga damit na ito kaya para nga naman sure, lalabhan ko itong mabuti.
Inutos ko kay tatay na ipasok na sa loob ang mga damit ko. Kailangan ko pa kasing bumili ng laundry soap at fabric conditioner. Pumunta ako sa tindahan ni Aling Doti na nasa tapat lang naman ng bahay namin.
“Pagbilan po,” sabi ko pagdating sa harap ng tindahan niya. Lumabas naman agad si Aling Doti na nagbubuga pa ng sigarilyo. Napangiwi ako kasi ayaw na ayaw kong nakakaamoy ng usok ng sigarilyo. Nakakaloka din kasi itong si Aling Doti, matanda na naninigarilyo pa. Hindi ba niya naisip na masama sa kalusugan ‘yang paninigarilyo niya? Si Tatay nga napilit kong tumigil sa paninigarilyo. Tinakot ko kasi siya na kapag nagkasakit siya, kawawa siya kasi wala kaming ipanggagamot sa kaniya dahil mahirap lang kami. Ayon, napag-isip-isip niya na mahirap magkasakit kapag mahirap ka lang kaya unti-unti ay tinigil na rin niya ang paninigarilyo.
“Anong sa ‘yo, ija?” tanong niya.
“Limang laundry soap at limang fabric conditioner po,” sagot ko habang nagtatakip ng ilong. Ang sakit kasi talaga sa ilong ang amoy ng usok ng sigarilyo.
“Aba, nagpa-uwi ba ng maraming damit ang mga amo mo at tila marami-rami kang lalabhan na damit?” tanong niya na para bang nanunukso pa. Hindi naman masama si Aling Doti, ganito lang talaga siya magsalita.
“Hindi po, may mga bagong damit kasi ako na lalabhan. Malapit na ho kasi ang pasukan namin sa Vaguard University,” sagot ko sa kaniya na agad naman niyang kinatigil sa paggunting sa mga sabong panlaban. Humarap ulit siya sa akin habang namimilog ang mga mata.
“Ano kamo, Vanguard University? Tama ba ako ng dinig, Talyeha?” tanong niya na tila hindi makapaniwala.
“Oo, tama po kayo. Ang mali niyo lang po ay ang pagbanggit sa pangalan ko. Taleigha po ang pangalan ko, hindi Talyeha. Ang tagal-tagal na po nating magkapitbahay, hanggang ngayon hindi niyo pa rin mabanggit nang maayos ang pangalan ko,” natatawa kong sabi sa kaniya.
Tumawa siya. Tawa na nag-iihit pa. “Hoy, Talyeha, hindi naman masamang mangarap ng gising, pero kung magyayabang ka, huwag naman ‘yung sobrang taas. Itong bata ‘to, hindi ko inaasahan na joker ka rin pala,” sabi niya na hindi pala naniwala sa akin. Sabagay, hindi ko rin siya masisi kasi ang tulad naming na hindi naman mayaman ay imposible nga namang makapag-aral sa ganoong yayamanin na school.
Hindi na lang ako nagpaliwanag pa sa kaniya kasi sayang lang ang oras. “Oh, ano pang bibilhin mo?” tanong niya nang iabot ang mga sabon sa akin.
“At saka fita na rin pala, tatlong piraso, saka isa na ring milo. Masarap kasing ibabad sa mainit na milo ang fita, tamang-tama, gutom ako,” sagot ko sa kaniya kaya agad naman din niyang hinanda ang mga iyon.
Pagkabayad ko sa kaniya, umuwi na ako kasi hanggang ngayon ay pinagtatawanan pa rin ako ni Aling Doti. Hinayaan ko nalang na tumawa siya nang tumawa kasi kapag napatunayan kong sa Vanguard university nga ako nag-aaral, sila naman ang tatawanan ko.
Pagpasok ko sa loob ng bahay namin, nakita kong nagpapakulo na tubig si Nanay Liza. Sabi niya, dapat ko rin daw banlian ng mainit na tubig ang mga pinamili ko sa ukay-ukay. Nang sa ganoon daw ay lalong mamatay ang mga mikyorbo sa mga damit.
“Uy, ang gaganda naman nitong mga damit. Ayos ah, ang galing mong mamili ng mga damit, Taleigha. Puwede bang akin na lang itong itim na jacket?” sabi ni kuya nang makita ang mga damit na pinamili ko.
“Oo na, sa iyo na, pero puwede bang hayaan mo munang malabhan ko ang mga ‘yan. Kagagaling lang kasi sa ukay-ukay ang mga ‘yan kaya malilibag pa,” sagot ko sa kaniya. Tuwang-tuwa naman siyang tumango sa akin. Hinayaan ko nalang sa kaniya ang jacket na iyon kasi alam kong mahilig siya sa jacket. Titingin na lang ulit ako sa ukay-ukay kapag may mga bago na silang dating na mga damit.
Hindi pa naman daw pagod si mama kaya nag-suggest siya na siya na raw ang magbanli sa mga damit. Habang ginagawa niya iyon, nag-merienda na ako ng milo at fita. Nasa kalagitnaan ako nang pagkain ko nang makatanggap ako ng text message kay Alvar.
“Congratulation, Taleigha, ikaw ang suwerteng nabunot sa pa-raffle ni papa ng brand new laptop at brand new cellphone,” sabi niya sa text message sa akin kaya nabuga ko bigla ang iniinom kong mainit na milo.
“Hala!” sigaw ko kaya sabay-sabay napatingin sa akin sina nanay, tatay at kuya.
“Bakit, anong nangyari?” sabay-sabay din nilang tanong na para bang nag-usap.
“Nag-text po kasi sa akin ang kaibigan kong anak na mayor na si Alvar. Sabi niya, ako raw ang masuwerte nabunot sa pa-raffle ni mayor na brand new laptop at brand new cellphone,” sagot ko sa kanila kaya sabay-sabay din silang napatayo at napasigaw.
“Ang galing naman. Sobrang suwerte mo talaga, anak,” bati sa akin ni nanay habang pumapalakpak pa.
“Kailangan mo kasi ang mga iyon kaya talagang sinadya ni Lord na ikaw ang mabunot,” sabi naman ni tatay.
“Salamat naman, mukhang magkakaroon na rin ako ng cellphone. Alam na this kung kanina mapupunta ang lumang cellphone mo na ‘yan,” nakangising sabi ni kuya kaya umirap ako. Buraot talaga siya kahit kailan.
Kaninang umaga lang ay sobrang lungkot ko dahil sa ginawa sa akin ni Mcaiden, ngayong hapon naman ay sobrang saya ko kasi sinuwerte na ako sa mga damit sa ukay-ukay, may mga bagong laptop at cellphone pa ako. Totoo nga na kapag sobrang lungkot mo sa una, may kapalit naman ito na saya sa huli. At ito ang nangyari sa akin ngayon.
Excited na lalo tuloy akong mag-aral nito. See you soon na talaga, Vanguard University.