“Amara! Oh God, Wake up, please?”
Hindi alam ni Paul kung ano ang unang gagawin, kalong niya sa kanyang mga braso ang walang malay na si Amara. Pasado alas otso na ng gabi at maulan pa. Umaasa siyang may daraan na taxi sa gawing iyon dahil iyon na lang rin ang pag-asa niya upang makauwi at para madala na rin muna sa clinic ang dalaga.
Hinawi niya ang basang buhok nito, wala ang salamin nito sa mata, marahil ay nalaglag kanina ng abutin niya ito bago pa man mahagip ng rumaragasang truck. Abu’t-abot ang kaba niya sapagkat kung nahuli pa siya ng baba mula sa kanyang opisina, malamang ay hindi niya abutan si Amara. Kung bakit naman kasi ito naglalakad ng wala sa sarili at basang-basa pa sa ulan!
Nagtangis ang mga bagang niya kasabay ang pagkuyom ng kanyang kamao. May hinala ng nabuo sa kanyang isip. Sinasabi niya na nga ba, wala talagang idudulot na maganda ang pakikipagmabutihan nito sa Luciano na ‘yun!
Ng sa wakas ay isang taxi ang nagbaba ng pasahero ‘di kalayuan sa kinaroroonan nila, kaagad niya iyong pinara at nagpahatid sa malapit na clinic.
Balisa at hindi pa rin mapalagay si Paul habang sinusuri ng doctor si Amara, kung paano niyang iniingatan ang babae, e ganun na lang kung tratuhin ng isang gaya ni Luciano. Kung hindi lang siguro siya professional na tao ay baka matagal niya ng sinesante ang isang yun. Isasama niya na rin ang Summer na yun na walang ibang ginawa kung hindi ang magpapansin sa kung kani-kaninong lalaki. Malakas lang rin ang control niya sa sarili kaya kahit noong naghubad ito sa harapan niya para sa promotion na hinihingi nito ay hindi niya iyon pinatulan.
Paglabas ng doctor mula sa nakasarang hinihigaan ni Amara ay agad niya itong sinalubong.
“Kaanu-ano niyo ho ang pasyente?” paunang tanong sa kanya ng may idad na babae.
“Ahh, Uhm, ano ho, b-boyfriend niya ho ako.” utal na sambit niya. Nag-aalala siyang baka hindi ipaalam nito sa kanya ang lagay ni Amara kung malalaman nitong hindi naman siya kaanu-ano ng pasyente.
“Ah, ganun ba.”
“Ano pong lagay ni Ama- Uhm, ng girlfriend ko, doc?”
“Well, base on my observation, wala naman siyang injury or any signs of serious condition. May sinat nga lang siya na baka maging lagnat kaya pinaturukan ko na lang rin ng paracetamol. She’ll be fine soon kaya pwede mo na rin siyang iuwi mamaya kapag nagkamalay na siya.” Sinabayan pa nito iyon ng matamis na ngiti.
Nakahinga naman siya nang maluwag kaya masaya na rin siyang tumango at nagpasalamat. Ng makalabas na ang isang nurse na nagpalit ng basang kasuotan ni Amara ay saka lang siya lumapit sa higaan nito. Hindi niya mapigilang gagapin ang kamay ng dalaga at pagmasdan ang mukha nitong tila himbing lang na natutulog.
Noon niya lang rin napansin ang hawak nito sa kamay ng tuluyan niya iyong gagapin. Mahigpit ang pagkakahawak ni Amara sa isang keychain na may malaki at nag-iisang susi. Kunot-noo niyang pilit na inalis iyon sa palad nito at pinagmasdan. Hindi naman iyon pamilyar sa kanya pero para pigilan iyon ng ganun kahigpit ni Amara kahit pa wala na itong malay, sigurado siyang mahalaga ang susi na iyon para sa dalaga. Malungkot siyang napailing, sa dinami-rami ng lalaki sa mundo, bakit kay Luciano pa ito nagkagusto? Si Luciano na kahit kailan ay hindi nagseryoso sa mga babae? Alam niyang kakaiba si Amara sa kahit na sinong babae kaya naman noon ay kampante siyang hindi papatulan ni Luciano ang mga tipo nito, pero mali siya. Wala pala talagang pinapalampas ang isang yun, kahit yata poste ng meralco na malalagyan ng bestida ay papatusin nito!
Napapitlag lamang siya ng makitang kumilos na si Amara at umungol nang bahagya. Dagli niyang binitiwan ang kamay nito na ikinahulog din ng keychain sa lapag. Pupulutin niya pa sana iyon pero tuluyan ng nagmulat ng mata si Amara at sa kanya agad ang nakapokus ito. Saglit nitong iginala ang paningin sa paligid saka ibinalik sa kanya ang mga mata. Sa pagkakataong ‘yun ay napakunot na rin ang noo nito.
“S-sir Paul? Anong ginagawa mo dito? N-nasaan ako, p-patay na ba ‘ko?” Puno ng pangamba ang tinig nito.
Ngumiti siya at umiling. “You’re still alive, Amara. Muntik ka na kanina but an angel saved you.”
Tila nakahinga nang maluwag si Amara sa narinig. “S-sinong nagligtas sa ‘kin, Sir?”
Pero imbis na sumagot ay nginitian niya na lang ito ulit.
“Huwag kang mag-alala, maayos na ang lahat. Magpalakas ka para maiuwi na kita.”
Sukat doon ay itinaas ni Amara ang kamay at tila may hinahanap doon.
“Y-yung susi, yung susi na may keychain na itim, nakita niyo ba, Sir?” Muling nag-alala ang mukha nito at dali-dali pang bumangon para hanapin ang sinasabi nitong susi.
Siya na ang pumulot ng susi at iniabot iyon kay Amara. “Mukhang napakahalaga niyan sayo, para saan ba yan?” Hindi niya mapigilang usyuso. Mas inisip pa kasi nito ang susi na yun kaysa sa kalagayan nito ngayon. Parang hindi man lang na-trauma sa muntik niya ng pagkakabangga kanina. Ni hindi nga nito napansin na iba na ang suot nitong damit at pajama.
Pero sa halip na sagutin siya nito ay mabilis itong humawak sa braso niya kung saan nakalagay ang wrist watch niya. “A-anong oras na po, Sir?”
“H-ha?” taka niyang sinilip ang oras, “Past 10pm na.”
Pero lalo niyang ipinagtaka ang biglang pagbangon nito mula sa higaan at inayos ang mga gamit niyang nasa bedside table.
“Kailangan ko na hong umalis.”
Mabilis niyang hinawakan ang braso nito at pinigilan.
“Hep, hep, teka muna.”
Gulat naman itong humarap sa kanya.
“What’s happening? You just wake up from fainting. Hindi ka ba muna pwedeng magpahinga sandali? Baka mamaya madisgrasya ka nanaman sa ganyang kilos mo.” Hindi niya mapigilang pagsabihan ito na para bang nasa office pa rin sila. Hindi na kasi siya natutuwa sa nangyayari.
Noon lang sinipat ni Amara ang sarili. Nahihiya itong nagyuko ng ulo.
As usual. Bulong ni Paul sa sarili.
“Sorry, Sir. Okey naman na po ang pakiramdam ko. Salamat po sa pag-aalala niyo pero kailangan ko pa po talagang ihatid ang susi na ‘to.” Pagpupumilit ni Amara..
Gaya ng madalas mangyari, hindi magawang pasunurin ni Paul si Amara lalo na at personal na bagay ang ipinaglalaban nito. Kahit naiinis ay tumango na lang siya at iginiya ito hanggang sa waiting area ng clinic.
“Wait for me here, babayaran ko lang ang bill at sasamahan na kitang maghatid ng lintek na susing ‘yan!”