“Uhm, Sir. I appreciate your concern. Pwede niyo na po akong iwan, kaya ko na ang sarili ko. Uuwi na lang po akong mag-isa.” panimula ni Amara pagkahinto ng sinasakyan nilang taxi.
Tila walang narinig na sumilip lang si Paul sa labas ng bintana at siniyasat ang paligid lalung-lalo na ang katapat nilang gate. Napailing siya ng makita ang mga kalalakihan sa loob ng bakuran na tila nagkakasiyahan. Malakas ang halakhakan ng mga itong rinig hanggang sa kinaroroonan niya.
“Diyan mo ba dadal’hin ang sinasabi mong susi?” Seryosong tanong niya sa katabing dalaga.
Marahan namang tumango si Amara. Ang akala niya pa naman ay hindi makakapasok ang mga iyon dahil nasa kanya ang susi. Gusto niyang magsisi na nagpadalus-dalos siya ng pasya, ngayon ay alam na rin ni Paul maging ang tinutuluyan ni Luciano.
“And you want me to leave you here?”
“G-ganun na nga po, naabala ko na kayo nang sobra.” Nahihiyang tugon niya.
Inis na napapalatak si Paul sa narinig. “Akin na ang susi.” Dominanteng wika niya.
Takang napa-angat ng tingin si Amara sa kaharap. “H-ho?”
“I said, give me the key. Ako na ang magsosoli, sa kanila ba?” aniya sabay turo sa mga kalalakihang naroon.
Pero umiling si Amara nang sunod-sunod, “Naku, ako na ho, Sir. S-sige na po, umuwi na-”
“For god sake, Amara. Stop arguing because I won’t let you win this time!” Sa pagkakataong iyon ay pinatapang niya ang awra. Napansin niyang napapitlag si Amara at bahagyang natakot sa ginawi niya kaya sinamantala niya ang pagkakataon, “Come on, the meter is running!”
Nginig ang kamay ng iabot ni Amara ang susi sa kanya, nakaramdam siya ng guilt pero hindi niya ipinahalata iyon. Kailangan niyang gamitin ang nalalamang kahinaan nito upang mapasunod, hindi niya hahayaang mapahamak ito ulit ng dahil kay Luciano. She’s a wonderful woman and she deserve to be protected. Ang kaso, willing pa yata itong gawing pain ang sarili para lang makita ang kinahihibangan nitong lalaki.
Mabilis siyang umibis ng sasakyan at nagpunta sa tapat ng gate. Malakas siyang tumawag, hindi pa man nagtatagal ay may isang lalaki na ang lumapit sa kanya. Naninigarilyo pa ito at bakas sa mukha ang pagtataka.
“Anong kailangan mo, Pare?” anito bago itinapon ang hinihithit na sigarilyo sa lapag at tinapakan iyon.
“Ah,” ipinakita niya ang susi at ipinasok sa grill na gate ang kamay niya upang iabot iyon sa lalaki. “Ipinaaabot ni Amara,” wika niya.
Kunot-noong kinuha ng lalaki ang susi at sinipat din iyon, medyo madilim kasi sa parteng iyon ng gate. “Sinong Amara ang tinutukoy mo? Bakit nasa iyo ang susi na ‘to?”
Maging siya ay nagtaka, bakit hindi nito kilala si Amara?
“Ahh! Yung babaeng kasama ni Don Luciano kagabi? Tama, sa kanya ko binigay ang susi na ‘to para iabot kay Luciano. Iniwan kasi siya ng mokong na yun dito kaninang umaga. Hindi ba sila nagkita? At.. Sino ka nga pala?”
Lihim na naikuyom ni Paul ang kamao sa narinig.
“Hindi na mahalaga kung sino ako,” aniya saka walang lingon-likod na umalis na at mabilis na sumakay sa taxi.
Madilim ang awra ni Paul pagpasok sa taxi. Pwede n’ya nga kayang personalin si Luciano? Ano kaya kung sapakin niya na lang ang mukha nito? Nanggigil siya ngunit pilit niyang pinapakalma ang sarili.
“S-sir,”
“Ayoko muna ng kausap, Amara. Manong, paki-hatid na kami sa Makati.” Malamig na utos nito sa driver saka ihiniga ang ulo niya sa sandalan ng upuan.
Sa buong biyahe ay nakayuko lang si Amara, pagkaminsan ay nakadungaw siya sa bintana. Hindi niya nakitang lumabas si Luciano kanina, gustong-gusto niya sanang manatili muna sa bahay ng lalaki at hintayin ang pag-uwi nito pero hindi niya naman magawang suwayin si Paul. Kilala niya itong magalit.
Nasaan na kaya si Luke? Magkasama pa rin kaya sila ni Summer? Hindi kaya nagpapalamig lang siya dahil naging clingy ako agad sa kanya? Napabuga siya nang hangin, Hindi bale, bukas ay hindi ko muna siya kakausapin. Baka kailangan niya lang ng space.
“You’re working with me tomorrow,” walang kagana-ganang usal ni Paul.
Mula sa pagkakadungaw sa bintana ay agad na napabaling ang tingin ni Amara sa katabi.
“With you, Sir? A-ano pong ibig niyong sabihin?”
“Well, I want you to stay in my office, may mga idi-discuss ako sa’yo about your promotion.”
“Matagal po ba, Sir?”
“Whole day.”
Napalunok si Amara. Okay naman siya kahit hindi kausap si Luciano basta ang importante ay natatanaw niya ito. Masaya na siya kahit sa pagtitig man lang sa lalaki pero paano kung maghapon siya sa opisina ni Paul bukas?
Hindi bale, may lunch break naman. Siguro naman magkikita kami sa canteen.
“We’re here.” si Paul ulit ng huminto ang taxi sa tapat ng apartment na tinutuluyan niya.
Maang siyang napatitig sa lalaki, hindi niya maalalang naisama niya na ito doon at hindi niya rin naman sinasabi dito ang address niya. Ang mas nakakapagtaka pa ay kung paano nilang narating ang lugar niya ng hindi man lang nagtatanong ang driver sa kanya.
“Paanong-?”
Pero muli siyang napigil sa pag-uusisa ng muling magsalita si Paul.
“Sleep well, Okay? Wag kang magmadali sa pagpasok bukas, you can be late so you can rest,” wika nito bago pasimpleng sinalat ang noo at leeg niya. Maging siya tuloy ay napahawak rin sa sariling leeg, may lagnat ba siya? Nagulat pa siya ng hubarin ni Paul ang suot nitong jacket na may hood at ipatong sa likod niya.
“Wala ka ng lagnat, here, my jacket. Ipandong mo sa ulo mo. I can take care of the fare.” nasa boses talaga nito ang pagiging maotoridad. O, nasanay na lang siyang sumusunod dito madalas dahil sa mas mataas nga ito sa kanya sa opisina. Marami pa sana siyang nais itanong o sabihin pero sa huli ay pinili niyang itikom na lang ang bibig.
“S-salamat, Sir.” tanging namutawi sa labi niya.
Kimi lang na ngumiti si Paul saka siya pinagbuksan ng pintuan. Kumaway pa ito at sumenyas sa kanya na pumasok na sa apartment niya bago ito tuluyang umalis.
Madilim ang silid niya pagpasok doon pero hindi na siya nag-abalang magsindi ng ilaw. Nanlalata niyang inilatag ang katawan sa malambot na kama. Masama ang pakiramdam niya at masakit ang kanyang ulo. Nakaramdam siya ng gutom pero tinatamad naman siyang tumayo para magluto. Samu’t-saring bagay ang gumugulo sa kanyang isip. Napatagilid siya at niyakap ang sariling tuhod, muli ay hindi niya namalayan ang pagpatak ng luha sa kanyang mga mata.
Alam niya! Alam niyang mangyayari ang bagay na ‘to. Alam niya rin na pinagpupustahan lang siya nina Luciano at ng mga kaibigan nito. Sinabi iyon ni Summer sa kanya pero wala siyang paki-alam dun. Ang mahalaga sa kanya ay ang pagkakataong makasama si Luciano, ang mabigyan ng chance ang sarili niyang maramdaman kahit ang pekeng pagmamahal ng lalaki sa kanya. Umaasa na baka mahalin din siya ng lalaki kapag binuhos niya ang pagmamahal niya. Kapag ibinigay niya ang lahat dito.
Dala ng labis na iyak ay naramdaman niya nanaman ang paninikip ng kanyang dibdib. Mariin siyang napakapit doon, si Luciano lang ang dahilan kung bakit masayang tumitibok ang kanyang puso. Ngayon na iniwan na siya nito ay para na rin iyong nahihirapan. Mabuti pa noon, nagkakasya siyang tanawin lang ang lalaki. Kahit simpleng madaanan lang siya nito ng tingin ay kumpleto na ang araw niya.
Hanggang sa makatulugan niya ang pagbabalik-tanaw sa masasaya nilang alaala. Na bagama’t isang buwan lang ang itinagal at may halong ka-plastikan, para sa kanya ay iyon na ang pinakamasayang parte ng kanyang buhay.
ALAS OTSO na ng magising siya kinaumagahan. Ramdam niya ang pamumugto ng kanyang mga mata, hinagilap niya ang eye glasses pero hindi niya iyon makita, wala rin sa bag niya. Naalala niyang kagabi pa man ay hindi niya na suot iyon. Paano niya itatago ang pamamaga ng mata niya kung wala iyon? Medyo makapal kasi iyon kaya hindi masyadong natatanaw ang mata niya kapag suot iyon.
Muli siyang humilata sa kama, wala siyang gana kumilos pero nagririgodon na ang sikmura niya. Nanginginig na rin ang mga kamay niya dala marahil ng labis na gutom. Painut-inot siyang tumayo at nagtungo sa mini-kitchen niya. Mabuti na lang at hindi siya nawawalan ng stock na pagkain doon. Mas prefer niya kasi ang magluto kaysa mamili. Napipilitan lang siya minsan kapag nahuhuli na siya sa oras, sa nakalipas din na isang buwan ay nakasanayan niyang kumain sa labas dahil sa madalas silang mag-date ni Luciano..
Malungkot siyang napapikit. Siya nanaman. Bakit ba hindi ko siya makalimutan kahit isang saglit lang?
Nagbadya nanamang pumatak ang luha niya pero pinigil niya ang sarili. Papasok siya sa trabaho ay ayaw niyang mas lumala pa ang pamamaga ng mga mata niya.
Pasado alas nueve na ng marating niya ang building kung saan siya nagtatrabaho. Pumasok muna siya sa opisina nila para kuhain ang laptop niya sa kanyang table, kukuha rin siya ng ilang mahahalagang gamit bago magtutungo sa opisina ni Mr. Moonre.
“Uy, Amara! Ayos ka na ba?”
“Oo nga, wala ka bang injury?”
“Buti na lang nasagip ka ni Mr. Moonre!”
Napapitlag siya ng salubungin ng ilang katrabaho pagpasok niya pa lang sa pintuan. Pinalibutan pa siya ng ilan sa mga ito. Ang iba ay talagang concern habang ang ilan naman ay nais lang maki-tsismis. Kung paano nila nalaman, wala siyang ideya.
“Uhm, okay naman ako, salamat sa concern niyo..” Sinabayan niya pa iyon ng simpleng ngiti.
“ E-excuse me, kailangan ko pa kasing kuhain yung mga gamit ko,” aniya saka pilit na umalis sa umpukan ng mga ito. Hinayaan naman siyang makadaan ng mga kasamahan pero tila mga bubuyog pa ring itong nagbubulungan.
Nadaanan niya si Luciano na tila walang paki-alam sa nangyayari sa paligid nito. Nakatutok lang ito sa harap ng computer at tila may nire-review doon. Si Summer naman ay nakangisi pa rin sa kanya, pansin niya rin ang panunuya sa mga mata ng babae. Muli niyang sinulyapan si Luciano, miss na miss niya na ang lalaki, naroong gusto niya na lang itong yakapin mula sa likuran at hayaan ang mga katrabahong makita ang gagawin niya. Pero umiral pa rin naman ang katinuan sa kanyang isip. Aasa na lang siya na mabigyan ng pagkakataong masolo ang lalaki upang makausap ito nang malumanay. Tatanggapin niya kahit na anong offer nito basta hayaan lang siya ng lalaking makasama ito kahit sandali.
Ng makuha lahat ng kailangan ay pumanhik na siya sa opisina ni Mr. Moonre, kumatok muna siya doon bago tumuloy. Bukas naman ang opisina nito kaya dumeretso na siya.
“Narito na po ako, Sir.” Pagbibigay alam niya sa lalaki ng abutan itong nakatalikod mula sa kinatatayuan niya. Nakapamaywang itong nakatanaw sa clear glass na bintana malapit sa office table nito. Agad naman itong humarap sa kanya.
“Nakatulog ka ba nang maayos? Hindi ka na ba nilagnat kagabi?”
Nagtaka siya sa nakikitang pagkabalisa sa mukha nito. Tumango naman siya at ngumiti.
“Okay, good. Have a seat.”
Tumalima naman siya. Nagsimula na rin ito sa pagpapaliwanag sa kanya ng mga bagay na hindi niya pa alam at dapat gawin oras na maging final na ang promotion niya. Sandali lang naman iyon kaya akala niya ay pwede na siyang bumalik sa office nila pero ikinagulat niya ng utusan pa siya nito ng mga gawaing secretary dapat nito ang gagawa. Nag-day off daw kasi si Marina- ang secretary nga nito kaya naki-usap ito sa kanya na kung maaari ay siya muna ang tumulong dito. Marami daw kasi itong aasikasuhin.
Dala ng hiya at pasasalamat na rin dito sa ginawang pagliligtas sa kanya ng nagdaang gabi ay walang pagdadalawang isip naman siyang pumayag.
“Sir, baba muna po ako sa canteen, lunch break naman na,” aniya habang sinisipat ang orasan na nakasabit sa dingding. Alas dose ang nakalagay na oras doon at sabik na rin siyang makita ulit si Luciano, sana sa pagkakataong yun ay tapunan man lang siya nito kahit pahapyaw na tingin.
Hindi kumibo si Mr. Moonre kaya muli siyang nagsalita, sa pagkakataong yun ay mas nilakasan niya na ang boses.
“Sir, baba na-”
Ng bumukas ang pintuan at iluwa noon ang dalawa sa taga-serve ng canteen nila. May dala ang mga itong tray ng pagkaing umuusok pa. Pumuno sa malamig na silid ang mabangong aroma ng pagkain.
“Oh, hi. There you are, saktung-sakto lang ang akyat niyo, ah? Thank you.” Agad na sinalubong ni Paul ang dalawa at tinulungang ilatag ang mga pagkain sa mesa na naroon. Nakangiti rin nitong inabot ang bayad kasama ang tip ng dalawa.
“Ang galante mo talaga, Sir Paul!” masayang bulalas ng dalawang babae pagkakuha sa pera.
“Kayo naman, hindi na kayo nasanay sa’kin.” Tinapik pa nito sa balikat ang dalawang babae bago tuluyang umalis.
Matapos iyon ay sa kanya naman bumaling si Paul.
“Oh, sorry kanina, I didn’t hear you, are you saying something?”
Mula sa pagkakatitig sa pagkain ay nagtaas siya ng mukha. “Uhm, nagpapaalam ho ako na bababa sa canteen.”
Pero maluwag lang na ngumiti si Paul at inakay na siya palapit sa mesa.
“You don’t need too, I order food for us. So ano, kain na tayo?”