KABANATA 15: PAALALA

1122 Words
Napahawak sa batok si Amara, pakiramdam niya nanakit ang ulo niya. Hindi siya kumportable sa pagtitig na ginagawa sa kanya ng albularyo habang tinatawas siya nito. Wala siyang nagawa kung hindi ang pagbigyan na lang si Ruby sa kahilingan nitong pasuri sa manggagamot, isa pa ay nahihiya din siya sa matanda dahil may kalayuan pa pala ang pinanggalingan nito. “Wala naman akong nababasang kakaiba sa tawas mo, Anak. Maging dito sa apartment niyo ay maaliwalas naman kaya sa tingin ko ay wala naman kayong dapat ikabahala.” Nakangiting paliwanag nito sa kanila habang inililigpit na ang mga dala nitong anik anik. Tinaasan niya ng kilay si Ruby at inirapan, pakiramdam niya ay nasa isa silang laban at siya ang nanalo. Di naman maikakaila na parang diskumpyado si Ruby sa naging resulta ng pagsusuri. “Pero, Manong, normal lang po ba na parang baliw itong pinsan ko sa isang lalaking babaero? I mean, kahit harap-harapan na siyang niloloko, isang text lang ng mokong na yun ay tatakbo na agad?” Masayang ngumiti ang matanda kay Ruby bago muling bumaling kay Amara. “Tingnan ko nga ang palad mo, Anak.” Kaagad namang inilahad ni Amara ang kamay niya kay Manong Juanico at pinagmasdan ang matanda habang seryosong nakatitig sa kanyang mga kamay. Maya-maya pa ay kimi lang itong ngumiti ngunit mababakas sa mata nito ang kakaibang lungkot. Kinabahan siya, ano kaya ang nakikita nito? “M-may problema ho ba, Manong?” Si Ruby iyon na parang nahalata din ang pagkabalisa ni Manong Juanico. Tumikhim muna ito saka ibinalik ang masayang ngiti sa kanyang labi. “Napakalinis ng puso mo, Amara. Totoong pag-ibig ang nararamdaman mo at nakikita kong umaasa ka na mapagbabago mo ang lalaking iyon. Pero.. Napaka-inosente mo rin at hindi maganda sa ginagalawan mong kapaligiran ang pagiging masyadong mabait. Marami ang umaabuso sayo, Iha. At ah.. ang tanging maipapayo ko lang ay mag-iingat ka palagi, hangga’t maaari, umiwas ka sa mga blonde ang buhok dahil ikapapahamak mo ang presensiya nila. Ingatan mo ang katawan mo lalo na ngayon na may umaasa na sayong iba.” Tinapik pa nito ang ikod ng kanyang palad saka iyon binitiwan. Mangha at hindi makapaniwala si Amara sa narinig. Nung una ay inakala niyang hindi naman talaga totoong manggagamot ang matanda at raket lang nito ang panggagamot. Marami pa rin kasi ang hindi bumibitaw sa ganung mga paniniwala kahit na ang ilang tao dito sa Manila. Pero napahanga siya ni Manong Juanico, nakita niya rin sa mata nito ang sinseridad at pag-aalala sa kung anumang bagay. Kampante siyang ngumiti sa kaharap at pinagsalikop ang kanyang mga kamay. Pilit niyang pinagagaan ang ambiance sa paligid dahil para iyong nabalot sa katahimikan pagkatapos magsalita ng matanda. “Palaasa ho talaga itong si Ruby, Manong. Pero salamat ho sa paalala.” magalang na wika niya. Nakita niyang bumusangot ang pinsan at hindi niya maiwasang mapailing. Madalas ay padalos-dalos talaga ito ng desisyon. Inalok niya naman ang matanda na kumain muna bago umuwi pero tumanggi na ito. Malayo pa raw kasi ang biyahe nito pauwi. “Ganun ho ba, heto po, dal’hin niyo na lang ito. Pasalubong niyo sa mga anak o apo niyo.” alok pa rin ni Amara habang inaabot ang isang plastik na may lamang box ng donut at ilang piraso ng imported chocolate. “Naku, maraming salamat, Anak. Siguradong matutuwa ang mga apo ko, hindi pa nakakakain ang mga yun ng ganitong chocolate at donut.” Masayang bulalas nito. “Walang ano man ho. Ihatid ko na po kayo sa labas,” “Ay naku wag na ikaw, Iha. Ruby, ihatid mo nga ako sa labas.” Tawag nito sa pinsan niya. Nagtataka man ay ipinagkibit-balikat na lamang iyon ni Amara. Baka kasi hindi pa binabayaran ng pinsan niya ang matanda. Nangingiti siya ng makitang parang may naalala si Ruby, pumasok muna ito ng kwarto at saka hinatid ang matanda palabas. Siya naman ay inasikaso na ang mga pinamili niya. Pagpasok ni Ruby ay nagkakandahaba ang nguso nito at nakasimangot. “Alam mo, tingin ko hindi totoong albularyo yang si Manong Juanico,” anito habang nakasandal sa likuran ng pintuang nakasara. Muli ay napailing si Amara, alam niya ng sasabihin iyon ng pinsan niya, kilalang-kilala niya ito. Matapos mailagay ang mga de-lata at noodles sa dish cabinet ay hinarap niya ang pinsan, pina-krus niya ang dalawang braso sa dibdib at tinaasan ito ng kilay. Gusto yata nitong mag-perform pa ng panggagamot si Manong Juanico sa katawan niya! “Dahil hindi mo nakuha ang sagot na gusto mo?” “E, totoo naman kasi, baka mamaya-” “Couz, hindi ako binigyan kahit kailan ng pagkain ni Luciano kaya paano niya ko magagayuma? Baka sa aming dalawa, ako pa ang pwedeng gumawa nun dahil ako naman talaga ang may gusto sa kanya.” paliwanag niya sa pinsan. Alam niya namang nag-aalala lang ito para sa kanya at nais lang nitong palayuin siya kay Luciano. Sa gulat niya ay padabog itong naglakad papasok sa kwarto, “Ay basta, hindi talaga ako naniniwalang baliw ka lang sa pag-ibig. Naku, makatulog na nga lang!” “Teka muna, ayaw mo bang tingnan muna itong pasalubong ko sayo?” Pigil at pang-aakit niya sa pinsan. Agad naman itong humarap sa kanya at tinapunan ng tingin ang isang paper bag na nasa lamesa. Sinadya niyang huwag muna galawin iyon. Muli ay pabebeng ngumuso si Ruby bago lumapit sa lamesa. Nangingiti siya habang pinagmamasdan ang pinsan, may nag-aabogasya bang ganito kumilos? Paano kaya ito makakapanalo ng mga kaso kung sarili lang nito lagi ang pinapakinggan? “Hmm, chocolate lang pala.” Tila balewalang wika nito saka kumuha ng isang buong tobleron at binuksan iyon. Naupo rin ito sa lamesa at itinaas ang isang paa sa inuupuan niya ring bangko. “Wow, na-miss ko ‘to, Couz!” kasing tamis ng tsokolate ang naging ngiti nito. Tila napawi ng pagkain ang pagkadismaya nito kanina. “Sige, ganito na lang Insan, tutulungan pa rin kita.” kalmadong wika nito. “Talaga? Mabuti naman, kailangan ko na kasing magbayad ng mga bills this week. Baka pwedeng ikaw na ang gumawa-” Pero napahinto rin siya ng mapansing tila hindi naman siya pinapakinggan ni Ruby, para lang itong estatwang nakatitig sa mukha niya. Animo’y may malalim na iniisip. “Hoy, Couz!” untag niya dito. “Alam ko na, Cousin! Hindi kaya… Psychiatrist na ang kailangan mo?” bulalas naman ni Ruby. “Hindi ba baliw ka sa pag-ibig? Baka sila may magagawa. Ano, patingin ka bukas? Ako na ang magbo-book ng appointment mo.” Literal na halos malaglag ang panga ni Amara sa narinig. Galit niyang inagaw ang paper bag at hawak na tsokolate ni Ruby. “Bakit kaya hindi ikaw ang magpa-check-up, no?!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD