“Amara, ang ganda naman ng pangalan mo. Ako nga pala si Ella. Gusto ko sanang magpasalamat at binantayan mo si Lucas kanina.”
“Naku, wala iyon.” nahihiyang tugon niya sa babae.
Muli siyang napaupo sa silya ng makitang naupo din ang babae doon.
“Kukumustahin din pala kita kasi sabi ng anak ko, umiiyak ka raw kanina kaya ka niya nilapitan. Okey na ba ang pakiramdam mo?”
Malumanay ang boses ni Ella at comforting iyon. Kaagad nitong nakuha ang loob niya at kahit na wala pa silang isang oras na magkakilala, pakiramdam ni Amara ay pwede niya itong pagkatiwalaan.
“Ayos naman na ako, Ella. Salamat kamo kay Lucas. Ang cute niya at ang bait-bait. Kaagad gumaan ang pakiramdam ko nung lapitan niya ako.”
Masayang humarap ang babae sa kanya at ngumiti. “Sige, sasabihin ko kay Lucas ‘yan. Nga pala, alam mo ba, nakikita ko ang sarili ko sayo 3 years ago. Sa upuan na ito din kasi ako naupo nung mga panahong feeling ko bibigay na ‘ko dahil sa tindi ng problema ko,” anito na ang pokus noon ay sa altar. Tila nagniningning ang mga mata nito habang nakatitig doon.
Dahil sa narinig ay agad na na-curious si Amara, “Talaga? M-mukhang okey ka na ngayon.”
Muli ay tinapunan siya ng tingin nito bago masayang tumango.
“Walang sugat ang hindi napaghihilom ng panahon at naniniwala rin akong may ginagamit palagi ang diyos para gabayan at tulungan tayo. Sa part ko, sila Sister Julie at Lita ang mga anghel na yun kaya heto, masaya at kuntento naman ang buhay ko.”
“Masaya ako para sa’yo, Ella.”
“Kapag may problema ka at wala kang masabihan, pwede mo kausapin ang diyos. Pero kung kailangan mo ng masasandalan at mahihingian ng payo, nandito lang ako, kami nila sister. Bukas ang simbahan, huwag kang mahihiyang lumapit sa amin.”
Nakangiti siyang tumango. Totoo nga ang sinasabi nito sa kanya, ito na marahil ang ibinigay ni God sa kanya para maging guide niya at kakampi. Wala naman kasi siyang kaibigan maliban kay Ruby. Pero kahit na bestfriend kung ituring niya ang pinsan, hindi niya pa rin magawang sabihin ang lahat dito lalo na kung tungkol iyon sa epekto ng pagmamahal niya kay Luciano.
“Sige, Amara. May aasikasuhin pa rin kasi ako. Sana sa susunod, makakwentuhan kita ng mas matagal pa.”
Hindi na siya nakakibo at tumango na lamang. Muli ay hinatid niya ng tingin ang babae hanggang sa mawala na ito sa paningin niya. Muli siyang napasulyap sa krus na nasa harapan. Salamat po. Bulong niya sa kanyang isip. Ngayon ay mas malakas na siyang babalik sa iniwan niyang gawain sa opisina…
Pagpasok n’ya pa lang ay matalim na ang tinging ipinukol ni Summer sa kanya. Ramdam niyang nakatingin din si Luciano sa kanya pero nagpanggap siyang hindi nakikita ang mga ito. Kampante siyang bumalik sa table niya. Tapos na ang lunch break at late na rin siya ng isang oras at kalahati. Marahil ay nagtataka lang ang mga iyon kung saan siya nagpunta. Pinuno niya ang dibdib ng malamig na hangin at nagpokus na sa mga dapat niyang gawin.
Alas tres ng makaramdam si Amara ng tawag ng kalikasan, tumayo siya at nag-inat saka nagtungo sa restroom. Nagulat pa siya dahil hindi pa man siya nakakapasok sa cubicle para umihi ay may mariing kamay na agad ang humawak sa braso niya. Agad siyang napalingon sa nagmamay-ari ng kamay ngunit hindi niya na ikinagulat na si Summer iyon.. Alam niyang narito nanaman ang babae para torture-in siya.
Tila nasanay na ang katawan niya sa ginagawa ng babae kaya hindi na siya nagtangkang manlaban.
“Ano pang kailangan mo, Summer?” walang buhay na tanong niya rito.
Nanlilisik ang mga mata nito habang nakatingin sa kanya, akala mo ay isang predator na handang manlapa at kumain sa kanya ano mang oras.
“Hindi mo pa rin tinutupad ang kasunduan natin, Amara! Gusto mo ba talagang mapahiya sa buong building, ha?” galit na wika nito.
Napapangiwi na siya sa sakit dahil sa higpit ng pagkakahawak ni Summer sa braso niya, idagdag pa ang matatalim na kuko nitong halos bumaon na sa balat niya.
“Nagsabi na ko kay Sir Paul. Kung ayaw mong maniwala, bakit hindi mo siya tanungin?”
“Inuutusan mo ba ‘ko?” lalo pa nitong hinigpitan ang pagkakahawak sa kanya.
“Obligasyon mo ‘yan at hindi mo ko pwedeng suwayin. Ngayon, gawan mo ng paraan para ibigay niya sa’kin ang promotion. Bibigyan kita ng isang linggo, Amara! Tandaan mo, isang linggo lang dahil kung hindi.. Alam mo na kung ano ang mangyayari.” Mahina ngunit puno ng panggigigil ang tinig nito.
Hindi na siya kumibo, hanggang sa iwan siya nito ay hindi pa rin siya makahuma. Ang akala niya ay tapos na ang problema n’ya tungkol sa promotion at kay Summer. Akala niya ay buburahin na ni Summer ang video niya pero hindi pa pala. Ang inaalala niya pa ay baka gamitin iyon ng babae sa kanya para pagawain ng mga bagay na ayaw niya.
Nakakapanghina.. Pero hindi niya hinayaang talunin siya ng nadaramang iyon.
Inhale.. Exhale.. Matapos iyon ay dumeretso na siya sa naunang dahilan kung bakit siya nasa restroom. May paraan naman lahat ng bagay, siguro ay mag-iisip na lang siya ng pwedeng gawin para masunod ang nais ni Summer.
Uwian na noon pero hindi muna siya dumeretso sa apartment, mamimili muna siya ng groceries at pasalubong na rin kay Ruby. Babawi siya dito mula sa pang-iiwan niya ng nakaraang gabi. Hindi kasi siya nito pinapansin mula pa kaninang umaga ng magising sila. Nakatutok lang ito sa cellphone nito buong umaga, kahit ng yayain niya itong mag-almusal ay tahimik lang itong sumabay sa kanya.
Pag-uwi niya ng bahay ay nagtaka pa siya dahil mausok, kakaiba din ang amoy noon kaya hindi niya napigilang mataranta. Agad siyang nagtungo sa kusina pero sarado naman ang kalan at nakasara din ang gasul. Patay din ang mga appliances. Nagulat pa siya ng isang matandang lalaki ang lumabas mula sa kanyang kwarto, nanlaki ang mga mata niya at mabilis na inabot ang kutsilyo na malapit lang sa kanya.
“S-sino ka, ha? A-anong ginagawa mo sa bahay ko? Magnanakaw ka no?!” Kulang sa lakas na bulalas niya. Nangatog ang tuhod niya at kahit pa may hawak na kutsilyo ay hindi niya iyon magawang hawakan nang mahigpit.
Nataranta din naman ang matanda ng makita siya, lalo na ng makita ang kutsilyong nakatutok dito.
“Iha, naku.. Nagkakamali ka!”
“Couz! Mali ka ng iniisip!” Si Ruby naman iyon na agad dinaluhan ang matanda at ikinubli sa likuran nito..
Doon lang napayapa ang isip ni Amara. Nanghihina niyang nabitiwan ang kutsilyo at napahawak sa lababo.
“S-sino ba kasi yan? Bakit kayo nasa kwarto ko?” Nabuo ang paghihinala sa isip niya pero kailan pa naisipang pumatol ni Ruby sa lalaking kasing tanda na yata ng tatay nito?
“Ahh, siya si Manong Juanico, isa siyang ano.. Ahhh.. kasi iniisip ko baka..”
Nakatulala lang si Amara habang hinihintay na tapusin ng pinsan niya ang sinasabi nito. Huwag lang itong magkakamali ng sagot sa kanya dahil isipin niya lang ay hindi niya na masikmura.
“Isa akong albularyo, Iha. Lumapit ang pinsan mo sakin kasi iniisip niyang baka nagayuma ka raw,” pagtutuloy ng matanda sa sinasabi ni Ruby. Napansin kasi nitong tila nahihirapang magpaliwanag ang babae.
Napanganga siya sa narinig bago puno ng pagtatakang sumulyap sa kanyang pinsan. Tumango naman ito at nasa mukha ang pag-alala para sa kanya..