Marahas na napabuga ng hangin si Paul matapos pagmasdan ang kontrata ni Amara. Naiiling siya at hindi makapaniwala sa biglang pag-atras ng dalaga sa promotion nito. Naroon ang pagtataka niya at paghihinala pero hindi niya naman alam kung tama ba ang tumatakbo sa isip niya. Gusto niya rin paniwalaan ang dahilan nito, nga lang ay ramdam niyang may mali sa kilos ni Amara, para itong napipilitan lang.. Dalawang araw na ang nakalipas, hindi niya masyadong pinapansin si Amara, gusto niyang iparamdam dito ang sama niya ng loob. Siya kasi mismo ang nagrekomenda kay Amara sa CEO ng kumpanya nila pagkatapos ay hindi naman pala nito tatanggapin? Para saan pa yung ginagawa nitong pagsisipag noon at pagpapakita sa kanya ng kahusayan kung hanggang sa pagiging assistant editor lang pala ang gusto nito?