Malayo pa ay tanaw na ni Amara ang pamilyar na bulto ni Ruby, nasa gilid ito ng apartment na tinutuluyan niya at matiyagang naghihintay sa pagdating niya. Masaya siyang napangiti, kahit papa’no ay na-miss niya ang pinsan. Plano siguro siya nitong sorpresahin.
“Ang tagal mo naman, Amara. Kanina pa ‘ko pinapapak ng lamok dito!” Agad na angal nito pag-ibis niya ng sinasakyang taxi.
“Wow naman, nahiya ka pang buoin ang pangalan ko, Couz ha? Saka alam mo naman kapag ganitong uwian at rush hour, bukod sa makikipag-agawan ka sa mga sasakyan e traffic pa. Sana kasi sinabihan mo ‘kong darating ka para mas naagahan ko ang out sa trabaho,” tugon niya habang nagbubukas ng pintuan. “Pasalamat ka nga at nag-taxi pa ako, plano ko pa sanang mag Bus na lang. Kung nagkataon mas matagal ka sanang maghihintay dito.”
Ng bigla siya nitong kurutin sa tagiliran. Napatili siya nang mahina at natawa.
“Ah, gano’n? Ano ‘to, reverse psychology? Ang alam ko ikaw ang may atraso sa’kin, ah? Kung isumbong na lang kaya kita kila tita, hmm?”
Matamis siyang ngumiti sa pinsan at hinila na ito papasok sa kanyang apartment.
“Uy, eto naman hindi mabiro. Halika na at ipagluluto kita ng paborito mong meryenda para hindi na mainit ‘yang ulo mo.” Pinalambing niya pa ang tinig na agad namang ikinangiti ni Ruby.
“Sus, pasalamat ka talaga mahal kita kahit tanga ka, e,” prangkang usal nito saka sumalampak sa pang-isahang sofa na naroon.
Naiiling na nagbihis si Amara at nagtungo na agad sa kitchen niya upang gumawa ng makakain nila ng pinsan niya. Hindi niya inaasahan na babalik pa ito ng Manila, mahigit isang taon at kalahati na kasi itong namamalagi sa probinsiya. Ang sabi pa nga nito sa kanya ay tila nag-e-enjoy na ito doon at kuntentong nag-aasikaso sa malaking sakahan ng pamilya nito.
“Oo nga pala, Couz. Dito muna ako sa’yo titira habang kumukuha ako ng schedule para sa bar exam, ha? Ayos lang ba?” maya-maya’y tanong nito habang inuusisa ang mga libro niyang nakapatong lang sa drawer na naroon.
“H-ha? Bakit ka naman sisiksik sa’kin dito, mag-apartment ka kaya.” Nakangusong kontra niya. Kilala niya ito, baka mamaya ay kung sinu-sinong lalaki pa ang dalhin nito doon.
“Ayoko! Sayang lang ang pera, babalik naman ako agad sa probinsiya pagkatapos ng exam.”
Napaikot ni Amara ang mga mata. “ At kailan ka pa natutong magtipid?”
“Hindi ko ba nasabi sayo na dugo’t-pawis ko ang dala-dala kong kaperahan ngayon? Baka hindi mo alam, independent na rin akong gaya mo, no.” nakalabing tugon nito sa kanya. Tila proud pa nga ito.
“Ganun ba, mabuti kung gano’n. Sige, dumito ka muna. Pero-”
“Oo na! Alam ko po.” pagkakuwan ay umirap pa ito sa kanya saka lumapit sa ginagawa niya. “Hmm, ang bango naman!” Masayang bulalas nito ng maamoy ang niluluto niyang pancit cantoon.
Kimi siyang natawa, “Kala mo naman ngayon ka lang ulit nakakain ng ganito!”
“Oo kaya! Healthy living kasi kila mama, bawal ang mga ganyan, ang hirap kahit patago akong kakain, lagi akong nahuhuli, e.”
“Teka,” maya-maya’y nakapamaywang siyang tiningnan nito at sinuri mula ulo hanggang paa. “Muntik ko ng makalimutan. Totoo ba?”
May ideya man sa tanong nito ay nagmaang-maangan pa rin siya. Tila yata hindi umubra ang ginagawa niyang pag-aasikaso dito para mawala ang atensiyon nito sa ipinagtapat niya kanina habang kausap ito sa cellphone.
“Nako, Couz. ‘wag ako pwede?”
Marahas siyang bumugan ng hangin at inilapag na sa mesa ang inihanda niyang pagkain. Hindi siya kumikibo, ang totoo ay ayaw niya munang pag-usapan si Luciano. Nalulungkot lang kasi siya at baka mapaiyak nanaman siya kung bubuksan ang topic na yun.
“Alam mo, Couz. Wala namang problema kung gustuhin mong magkaroon na ng karanasan. Nasa tamang idad ka na at independent ka naman. Ang problema lang, sa maling tao mo pa piniling magkaroon ng karanasan.” naiiling na pahayag nito ulit.
Tinitigan niya ang pinsan, hindi alam kung dapat n’ya bang sabihin ang tumatakbo sa kanyang isip o huwag na lang dahil tiyak na masasaktan ito.
“Oh, ano bang klaseng tingin ‘yan! Ah, alam ko na. Kinukumpara mo ang sarili mo sa’kin, no?”
“Hindi naman sa gano’n-”
“Alam mo kasi, magkaiba tayo.” prente itong naupo at nagsimula ng lantakan ang pagkain sa kanyang harapan.
Hindi mapigilan ni Amara ang mapangiwi ng makitang inisang subo lang ng pinsan ang sunny-side-up na itlog. Napakamot siya sa ulo kahit hindi naman iyon nangangati. Ang liit-liit ng bibig nito pero halimaw kung sumubo ng pagkain.
“Oo talaga, magkaiba tayo kasi isang lalaki lang naman ang gusto kong makasama sa kama.” prangka niyang banggit sa kanina pa laman ng kanyang isip. Huli na para bawiin pa iyon, inakala niyang magagalit ito sa sinabi niya pero ngumisi lang ito sa kanya.
“Ayoko kasi ng commitment, Couz. Paglalaruan lang ng lalaki ang damdamin ko, mai-stress pa ‘ko sa katagalan kaya bakit ko naman gugustuhing mag-stick sa iisang tao lang?” natatawang paliwanag nito.
“Pero, masarap magmahal ng tapat.”
Sa gulat niya ay napahagalpak ito ng tawa. “Tapat na pagmamahal?” naiiling na ulit nito sa sinabi niya. Siya pa yata ang maiinis sa panre-real talk ng pinsan niya.
“O-oo. Kahit hindi masuklian ang pagmamahal ko, ang importante naging tapat ako at wala akong ginawang masama.” Nakalabing pagtatanggol niya sa sarili. Katwiran niya kasi, kahit mawalan siya ng dignidad dahil sa pagmamahal, ang mahalaga ay mataas ang integridad niya.”
Dismayadong tumitig sa kanya si Ruby. Nasa mata nito ang pinaghalong pagkamangha at awa sa kanya.
“Kakaiba ka talaga magmahal, Amara Johnson.” Nang-aasar pa itong pumalakpak. “Hayaan mo, patatayuan kita ng rebulto at munumento para naman doon kayo magsama-sama ng mga taong gaya mo na martyr sa pag-ibig!”
Sasagot pa sana siya nang malakas na mag-ring ang kanyang cellphone. Nasa ibabaw lang iyon ng lamesa kaya naman kitang-kita niya kung sino ang tumatawag sa kanya. Napanganga siya ng mabasa ang pangalan ni Luciano sa screen, kumabog nang malakas ang dibdib niya at dala marahil ng excitement ay nanginginig ang mga kamay niya ng abutin iyon.
Agad na nag-usisa si Ruby, umikot ito at tumabi sa upuan niya, idinikit din nito ang tainga sa kabilang bahagi ng cellphone ng sagutin niya iyon.
“H-hello, L-luke?” Kabado man ay pilit na pinakalma ni Amara ang boses niya.
“Come to my apartment tonight.” Malamig na wika nito at saka nawala na ulit sa kabilang linya.
Ng magtaas siya ng tingin ay nakatitig na rin sa kanya si Ruby, nakataas ang isang kilay nito at tila hinihintay ang magiging pasya niya.