JACKY
Wala na akong nagawa kun ‘di ang sumama na rin sa kaniya. Kaya ko naman siguro silang takasan kung gugustuhin ko lang pero ang inaalala ko ay ang kapatid kong si Ricky.
Kawawa naman siya kung hahayaan ko siyang mag-isa sa puder ni Mama.
Alam ko kung gaano kalupit si Mama lalo na kapag mainit ang ulo nito or may problema. Madalas kami ang napagbabalingan. Ni hindi ito nangingiming gulpihin ang patpating katawan ng kapatid ko.
Naisip ko rin, kung matatakasan ko man si Mama ngayon, hanggang kailan naman ako magtatago na parang daga?
Baka nga makatakas man ako pero pansamantala lang din. Alam kong hahanapin niya akong muli at ibabalik sa kaniyang puder.
Sa loob ng sasakyan ay tahimik akong naupo sa tabi ng kapatid ko, hawak ko ang kamay niya. Nararamdaman ko ang panginginig niya, kita ko ang takot sa kaniyang mga mata.
Kaya panay ang pisil ko sa palad niya upang siya ay kumalma. Para ipabatid na nasa tabi lamang niya ako at wala siyang dapat ipangamba.
Isang van ang sasakyan na kinalululan namin, sa tabi ng driver umupo si Mama.
Sa gitnang bahagi ng van nila kami pinaupo ng kapatid ko. Sa likurang bahagi ay pumuwesto naman ‘yung isang lalake.
Napansin ko ang panaka-nakang pagsilip ni Mama sa amin ni Ricky. Nagtama ang mga mata namin. Mula noon, hanggang ngayon, ay parang estranghera na talaga siya sa akin.
Hindi ko maramdaman ang koneksyon namin bilang mag-ina, bilang magkadugo.
Patuya niya akong nginisihan.
“Huwag mo akong tingnan na para bang ako na ang pinakamasamang tao sa paningin mo, ipagpatuloy mo ang katigasan ng ulo mo Jacky, at may paglalagyan ka sa akin.” Matalim ang mga mata niyang pagbabanta.
Pero, hindi ba’t napakasama naman talaga niya? Ano ba sa tingin niya ang mararamdaman namin ni Ricky?
Siya at si Papa lang naman ang kilala naming magulang na parang mga hayop ang tingin nila sa kanilang mga anak.
May sasama pa kaya sa ginagawa nila sa amin ng kapatid ko?
“Pasalamat nga kayo ni Ricky, naisipan ko pang hanapin kayo at ambunan ng suwerteng dumapo sa akin.” Ang ingos niyang turan saka napangiti.
May tila tumatakbo sa isipan niya na siyang biglang nagpabago ng mood niya. Tila, bigla siyang naging masigla.
Pero sana nga ay hindi na lamang niya kami hinanap, sa tatlong buwan na namuhay kami ng kapatid ko nang wala siya, masasabi kong naging maayos naman kami.
Nakaya namin at mas naging tahimik at masaya pa kami ng kapatid ko.
Madalas ko siyang nakikitang ngumiti, nabawasan din ang takot niya at trauma.
Pero parang muli kaming babalik sa dati, sa dating impyerno kung saan naroon si Mama.
Nagtimpi ako at piniling huwag na lamang sumagot.
Napasandal ako at napapikit. Nakakaramdam pa rin ako ng pagkahilo. At sa mabilis at magalaw na pagmamaneho nung driver ni Mama ay tila unti-unting umaalsa ang asido sa loob ng tiyan ko papunta sa aking lalamunan.
Pinigilan ko ang sarili kong huwag maduwal, pero hindi ko na nakaya ang tila pagbaliktad ng sikmura ko.
“S-Sandali, n-nasusuka a-ako,” ang paputol putol kong sabi sa pagitan ng pagduwal.
Napatakip ako ng isang palad sa aking bibig.
“Huwag na huwag kang susuka sa loob ng sasakyan ko, bagong bili pa lamang ito,
Jacky!” Ang mabilis at galit niyang banta sa akin.
Pero anong sabi niya? Sasakyan niya ito?
Paano siya nagkaroon ng ganito kagarang sasakyan? Ang mga tanong sa isip ko ay nilunod ng pagduduwal ko.
Binuksan ko ang bintana at dinungaw ang ulo ko. Nagsuka ako nang nagsuka roon. Narinig ko ang sunod sunod na pagmumura ni Mama, bago niya inutusan ang driver.
Pinahinto ni Mama ang sasakyan sa gilid ng kalsada. Doon ay agad kong binuksan ang pintuan ng sasakyan at bumaba ako.
Sa gilid ng daan ay hinayaan ko ang pag-akyat ng maasim na likido sa aking lalamunan na gustong bumuga mula sa bibig ko.
Hindi ko na inalintana ang ibang sasakyan na nagdaraan at nakikita ang pagsusuka ko.
Nagtagal ang pagsusuka ko hanggang sa wala na akong mailabas pa. Lasang lasa ko ang pait sa aking lalamunan.
Nanghina ako ngunit naginhawaan rin ang aking pakiramdam.
Dumukot ako ng panyo sa aking bulsa at nagpunas ng bibig. Pag angat ko ng aking mukha ay bumungad sa akin ang masama at nanunuring tingin ni Mama.
Nailang ako sa paraan ng tingin niya sa akin, ngumisi siya ng may panunuya.
“Huwag na huwag kang magkakamali,
Jacky.. Hindi mo magugustuhan ang gagawin ko, kapag nalaman kong may ginawa kang labag sa kagustuhan ko,” ang muli, tila pagbabanta niyang sabi.
Pero nang mga sandaling iyon, wala pa akong ideya kung bakit ganun ang sinabi niya.
Inisip ko na lang na marahil ay babala na naman niya sa akin iyon kung sakaling may balak man akong takasan siya.
Muli kaming sumakay sa sasakyan at nagpatuloy sa biyahe.
Sa tantya ko ay may dalawang oras din ang naging paglalakbay namin. Ni hindi ko nga alam kung saang lupalop niya kami dadalhin.
Naisip ko noong una ay baka bumalik kami sa dati naming tirahan. Pero napansin kong iba ang tinutumbok naming daan at hindi pabalik ng San Roque.
Habang nasa biyahe kami ay may ilang beses siyang nakipag-usap sa cellphone niya.
“Oo, kasama ko na sila. Huwag kang mag-alala, ako na ang bahala sa mga anak ko,” tila masaya niyang balita sa kausap.
“Masyado kang nag-aalala hon. Sinasabi ko sa ‘yo, susunod sila sa akin sa ayaw at sa gusto nila, magtatagumpay lahat ng mga plano natin,” mababakas sa tono niya ang labis na pag-asam. Nang lingunin niya kami ni Ricky ay napansin ko pa ang pangingislap ng mga mata ni Mama.
Na para bang ang tingin niya sa amin ng kapatid ko nang mga sandaling iyon ay isang mahalagang bagay na hindi dapat mawala sa paningin niya.
At base sa naririnig kong pakikipag-usap niya sa kabilang linya, alam ko, sa takbo pa lamang ng usapan nila, amoy ko nang may pinapasok na gulo ang aming ina.
At hindi ko maintindihan kung bakit kailangan niya pa kaming idamay o isangkot sa mga gulong pinapasok niya.
INAASAHAN ko nang titira kaming muli sa isang masikip at barong barong na bahay o di kaya sa isang bodega.
Pero nagulat na lamang ako nang pumasok ang sasakyan lulan namin sa tila isang mamahalin at exclusive subdivision.
Ang mga naraanan naming mga bahay ay pawang bago sa mga paningin ko at tanging sa tv ko lamang nakikita. Masasabi kong nakakalula ang laki at ganda nila.
Pero ang pagkamangha ko sa ganda ng lugar na iyon ay kinimkim ko na lamang. Alam ko kasing may kapalit ang lahat na maari naming ikapahamak ni Ricky.
Medyo napaawang ang labi ko nang huminto ang sasakyan namin sa tapat ng isang malaking bahay.
Bumukas ang gate nun, at tuluyang pinasok ng driver ang sasakyan sa loob ng malawak na bakuran.
“Dito na kayo titira— I mean, dito na tayo titira. Wala kayong magiging problema sa akin, kung susunod lamang kayo sa lahat ng ipag-uutos ko.” Ang walang paligoy ligoy niyang sabi.
“Huwag niyong iisiping libre ang pagpapatira ko sa inyo sa ganitong kagandang lugar, dahil lahat ng matatamasa niyong kaalwanan sa puder ko ay hihingian ko ng kabayaran.” Ang dagdag niya.
Though, inaasahan ko na naman na may katapat talagang kabayaran ang lahat para sa kaniya.
“At kung mananatili kayong sunod sunuran sa akin, pare-pareho tayong mabubuhay ng maalwan sa mahabang panahon tulad ng mga taong nasa alta sociedad.” Nangingislap muli ang mga mata niya na tila nangangarap.
SA bahay na iyon ay may isang katulong kaming kasa-kasama. Bagay na hindi ko nakasanayan.
May sarili akong kuwarto, ganun din si Ricky. Pero madalas, pumupuslit ang kapatid ko sa kuwarto ko para makitulog sa akin.
Kung may magandang naidulot man ang pagbalik namin sa puder ni Mama, yun ay ang muling pagpapatuloy namin ng pag-aaral ni Ricky.
“Naiayos ko na lahat ng mga kakailangan niyo sa eskuwelahan na papasukan niyo.”
“Ikaw Jacky, tandaan mo, mula ngayon ay edad kinse ka pa lamang. Pabor yun saiyo, dahil magiging katawa tawa ka sa school kung malalaman ng mga kaklase mo na dese otcho ka na tapos ay nasa third year ka pa lang, baka ikaw na pinakamatanda ang edad sa klase niyo,” ang pakling aniya.
Hindi ko mawari talaga kung ano ang plano ng aming ina. Basta nakita ko na lamang sa isang papeles na iba na ang edad ko. Isang bagay na nagpapakaba sa akin, dahil pakiramdam ko, balak pa rin niya akong ibinta kay Mr. Ching kapag nagkataon.
Bumalik ako bilang third year high school. Si Ricky naman ay nasa first year na.
Tulad ng nakasanayan namin, wala lagi si Mama. Pero malabo pa rin sa amin ni Ricky ang matakasan siya.
May tauhan siyang laging nakabantay sa amin. May katulong rin na laging naka report kung anong nangyayari sa loob ng bahay at kung ano ang ginagawa naming magkapatid.
Kapag nasa bahay naman siya, malimit ko siyang marinig na may kausap. Hon ang laging tawag niya, at may isang beses ko lamang narinig na nagbanggit siya ng pangalan.
At yun ay ang pangalan na Juancho.
Isang gabi nang umuwi siya ay napasilip ako sa bintana dahil sa ingay na likha nila. Dinig kong ilang sasakyan ang pumasok sa aming bakuran.
Tatlong sasakyan ang bago sa paningin ko. May mga lalaking bumaba roon at pare-pareho ng suot. Parang uniporme na nila ang suot na puting barong shirt.
Matatangkad sila, parang mga body guards na napapanood ko noon sa mga pelikula.
Napatingin ako sa sasakyang van ni Mama.
May bumaba na isang matangkad na lalake mula roon. Muli siyang sumilip sa loob ng sasakyan at inabot ang kamay niya.
Inalalayan niya si Mama na makababa ng sasakyan saka nang makababa si Mama ay hinapit niya sa baywang.
Hinalikan niya sa leeg si Mama. Malandi itong tumawa. Muli siyang hinalikan ng lalake sa leeg.
Panay ang hagikgik niya sa tuwing ididikit ng lalake ang mukha nito sa leeg niya.
Hanggang sa makita ko silang naghalikan at saka naglakad papasok sa main door ng bahay.
Hindi ko namukhaan ang lalake, pero sigurado akong mayaman ito. Hindi na naman bago sa akin ang mga ganitong tagpo. Ang pag uuwi ni Mama ng lalake sa tirahan namin.
Noon pa man ay ginagawa na niya ng madalas, ang pagkakaiba nga lang parang mas bigatin sa lahat ang lalakeng kasa-kasama niya ngayon.
Nasa awra nito ang tila empluwensya at kapangyarihan. Naramdaman ko ang pag-akyat nila. Napasilip ako sa labas ng aking kuwarto.
Hindi nga ako nagkamali at papasok sila sa silid ni Mama habang panay pa rin ang tukaan.
Then, pahapyaw kong nasilayan ang mukha ng lalakeng kasama niya.
Doon ko napagtanto ang pamilyaridad ng mukha niya. At kung bakit ganun na lamang kalakas ang awra ng lalake.
Juancho Benites, ang kilala at makapangyarihang governador ng Antique.