CHAPTER 5

2515 Words
LABIS na takot ang naramdaman ni Ianira nang muntik na siyang mahulog sa kanal dahil sa biglang pagsulpot ng humaharurot na sasakyan sa kaniyang likuran. Nagpagiwang-giwang ang kaniyang bisikleta dahil sa takot. Simula nang maaksidente siya'y may nerbiyos na siya sa mga sasakyang mabibilis. Baka kasi pagtripan siyang pinahan ulit ng mga gagong driver. "Hayop na! Mabangga ka sana!" galit niyang pahabol niya sa kotseng humarurot palayo. Ang mga mayayaman talaga, walang pakialam sa seguridad ng kapwa. Pilit niyang pinakalma ang malakas na pagtahip ng dibdib. Inayos niya ang helmet bago muling pinedalan ang kaniyang bagong bisikleta. Napilitan siyang gamitin ang iniregalo ni Hunter sa kaniya dahil wala naman siyang ibang pagpipilian. Hindi na kasi nito naibalik ang ibinasura nitong lumang bisikleta niya. Kaysa naman maglakad siya umaga't hapon, nilunok na lang niya ang salitang 'Pride'. At least hindi naman nakalalason. E, kung maglakad siya papunta sa trabaho at maglalakad ulit pauwi, aba, nakakapagod. Tutal naman regalo daw iyon at hindi pinababayan sa kaniya. Pikit-mata na lang niyang tinanggap. Kumusta na kaya iyon? Sa loob-loob niya nang maalala si Hunter. Hindi na ito nagpakita simula nang ibinigay nito ang bagong bisikleta't inusig dahil sa pangingialam nito sa kaniyang lumang service. Mukhang dinibdib ng lalaki ang kaniyang paggagalit-galitan. E, ano naman ngayon? Tama lang naman ang mga sinabi niya rito. Pero guilty pa rin siya. Lalo na't nagmamalasakit lang naman ito. At siya, pakipot pa at may 'Pride' pang nalalaman. Mukha namang mapagkakatiwalaan at mabait si Hunter. Guwapo pa. Pero ayaw niyang makipaglapit dito. Lalaki pa rin ito at natatakot siya. Sa una lang mabait ang mga lalaki, pero kapag nakuha na ang gusto sa babae... lalabas din ang totoong kulay ng mga ito. Sasaktan lang nito ang damdamin niya. Aba, ang bilis ng takbo ng utak mo. May 'saktan ang damdamin' ka nang sinasabi, e, wala namang sinasabi sa iyo si Hunter tungkol sa damdamin na iyan. Paalala ng kaniyang isipan. Bakit nga ba ang lalaking iyon ang laman ng isip niya? "Hi, beautiful!" Boses na nagpapitlag sa kaniya. Mula si likuran ay sumulpot ang lalaking laman ng isip sa sandaling 'yon. Si Hunter. Nakasakay ito ng bisikleta't nakabuntot sa kaniya. Napatingin siya sa kabuuan ng lalaki nang panabay na sila sa kalsada. Bakat ang six-pack nito sa suot na cycling attire. Bakit ba sa lahat ng pagkakataong magkita sila'y hindi pumapalya ang utak niya sa pagbibigay ng magagandang komplementaryo sa lalaki? At ang puso niya, hayun, nagmamaso na naman ng pagkalakas-lakas sa loob ng kaniyang dibdib. "Oh, baka maaksidente ka na naman sa katititig sa akin. Kahit hindi mo sabihin, alam kong guwapo ako." Sumilay ang pilyong ngiti sa mga labi nito. Bigla tuloy siyang nagpreno. Sumunod ding tumigil si Hunter sa kaniya. Pagkuwa'y agad siyang nilingon. "Oh! Hindi ka ba sasabay?" "Bakit nagpakita ka na naman?" pagtataray niya. "Grabe ka naman, parang hindi mo ako na-miss. Isang linggo kitang tiniis para ma-miss mo ako. Ngayon tatarayan mo pa rin ako?" Nilakpan nito ng tonong nagtatampo ang tinig. Sinadya pala ng unggoy na ito ang hindi magpakita sa kaniya? "Tse! Akala mo kung sino kang guwapo. Para sa kaalaman mo, kahit forever ka nang hindi magpapakita sa akin, hinding hindi kita hahanapin at mami-miss. Sino ka ba para pag-aksayahan ko ng panahon?" "Aray talaga. Malupit ka talagang magsalita." Pinausad nito ang bisikleta pabalik sa kaniya. Hinarap siya nito. Bakas ang kapilyuhan sa mga mata ni Hunter nang tingnan siya sa mukha at saka marahan siyang sinuyod ng tingin, mula ulo hanggang paa, paa hanggang ulo. Bigla siyang naasiwa. Ano na naman kaya ang lalaitin nito sa kaniya? Ang butas sa tuhod niyang pantalon? Namula siya at biglang nakaramdam ng hiya pero hindi nagpahalata. Aba, uso din naman ang mga pantalong butas-butas, ah? Katunayan ginawa nang disenyo ang mga butas sa mga jeans. Mayroon nga diyan pati singit butas din. Gusto niyang mapangiwi nang maalalang hindi naman disenyo ang butas ng kaniyang pantalon. Bagkus nabutas iyon ng dahil sa kalumaan na. Kaya't ang ginawa niya'y pinarisan niya ng isang butas sa kabila para hindi halata. Napakunot-noo siya nang muli itong ngimiti. "Ano'ng nginingiti-ngiti mo diyan? Nakakaabala ka na, hindi mo ba alam?" Pinilit niyang patarayin ang boses nang umalis na ito sa harap niya. Pero lalo lamang itong ngumisi, hanggang humagalpak ng tawa. Biglang umakyat ang dugo niya sa ulo. Tama yata siya ng kutob. May nilalait nanaman ito sa kaniyang ayos. Bwisit talaga! Pasalamat ito dahil ipinanganak itong mayaman. Pero wala itong karapatan para pagtawanan siya't laitin. At nagkamali ito ng taong nilalait at pinagtatawanan dahil hindi siya ang taong inaapi ng hindi lumalaban! "Nice pants," pagdaka'y wika nito. Wala naman siyang mahimigang 'panlalait' sa tinig ng lalaki pero sa pagtawa nito ay naasar siya. Napipikon at inakalang nilalait siya ni Hunter. "Huwag ako, Hunter." Mariin ang bawat pagbigkas nito sa mga salitang 'yon. "It's true. Bagama't simple ang ayos mo, lalo ka namang gumanda. You are the most beautiful thing that I've seen this early morning." sinsero nitong sabi bago ibinuwelta ang bisikleta't iniwan ang natamemeng si Ianira. Hindi na niya matanawan si Hunter nang makahuma siya. You are the most beautiful thing that I've seen this early morning. Parang sirang plaka na nagpaulit-ulit na umalingawngaw sa kaniyang pandinig ang sinabi ni Hunter. Pilit man niyang itanggi sa sarili, nakaramdam siya ng paghaplis ng kilig sa kaniyang puso sa mga katagang iyon. "One Caffe Latte and two Cappuccino, please?" anang isang mestisang babae pag-angat ni Ianira ng mukha mula sa service counter. "One Caffe Latte and two Cappuccino. Anything else, ma'am?" Sumilay ang ngiti sa kaniyang labi. Kahit na ang totoo'y dumadagundong sa loob ng kaniyang dibdib sa mga sandaling iyon. Paano'y namataan niya ang pamilyar na pigura sa isang sulok. May mga kasama itong kalalakihan, pawang mayayaman ang hitsura. Nakilala niya ang isa sa mga kausap ni Hunter, si Cade Montana. Ayos lang naman sana ang presensya ng lalaking iyon sa Cafe, pero dahil sa panay ang tingin ni Hunter sa kaniya at ang panaka-nakang pagsulyap ng mga kasama nito ay naasiwa siya. May kutob siyang siya ang paksa ng mga ito. Paano'y nahuli niya ang tingin ng isa sa mga lalaki sa kaniya, waring sinusuri ang bawat kilos niya. Matapos ay mapanuksong bumaling ito kay Hunter at nag-umpisa nang mag-ingay at magtawanan ang mga kasama. "Uy, Ianira! Ano pang ginagawa mo diyan. Nakatulala ka na. Wala ka bang balak dalhin ang order sa table six?" Boses na nagpabalik-huwisyo kay Ianira. "Ah, oo, May. Dadalhin ko na." tugon niya sa kasamahan at dali-daling tinungo ang lamesa ng tatlong babaeng mestisahin. Hindi pa man siya nakakarating doon ay namataan na niyang tumayo si Hunter nakikipagkamay na sa tatlong babae. Parang gusto niyang umurong, bumalik sa counter at ipasa kay May ang tray na kinalalagyan ng mga order para ito na ang bahalang mag-serve sa table six. Pero huli na. Dahil sa kaniya na nakatuon ang mga mata ng mga babae. Kumaway pa ang isa para tawagin ang pansin niya at ipaalam kung saan niya dadalhin ang order. Tsk! Siyempre alam niya kung saang table ilalapag ang dala, noh? Pigil-hininga ang kaniyang ginawa habang papalapit sa mga ito. Ayaw niyang tumingin sa direksyon ni Hunter. Gayunman, may pakiramdam siyang sa kaniya nakatuon ang mga mata nito. Lalo tuloy siyang kinabahan at animo magkasala-salapid sa paglakad. Pinanginginigan siya ng tuhod. "Hey, ladies, would you mind if I and my friends will join you?" Saktong nakalapit na siya nang magsalita si Hunter. Hindi niya napigilang tumingin sa gawi nito. Malalagkit ang mga tingin nito habang nakikipag-usap sa babaeng umorder kanina ng Latte at Cappuccino. Tila naman kinikiliti at nag-aapoy sa singit ang babae at pinapungay pa ang mga mata bago sumagot ng, "Oh, sure. Why not?" Tsk! OA! Parang nalaglag lahat ng tutuli niya sa tainga sa kaartehan ng pagsasalita nito. Kuh! Parang ngayon lang nakakita ng mga lalaking may mayayabang na abs. Biglang umasim ang kanina'y maaliwalas niyang mukha. Lalo na nang nagsitayuan ang mga kalalakihang kasama ni Hunter at nagsidulog sa lamesa ng tatlong babae. Aba'y mga babaero pala lahat! Wala na bang mas maganda sa paningin ng mga ito? Halatang mahilig ang mga ito ng gawang 'Vicky Belo' Muli niyang binalingan ang tatlong babae. Mapuputi lang ang mga ito at de-kulay ang mga buhok kaya nagmukhang mestisa. Mas hamak na maganda at seksi naman siya kung ikukumpara sa tatlong butiki na ito. Lalo na ang nakahawak sa bisig ni Hunter. Tsk! Linta o butiki ba ito? Kung makakapit kay Hunter... Iniiling-iling niya ang ulo para iwaksi ang masamang ideya sa isip. Ano man ang babae, wala siyang pakialam. "Miss?" "Ha?!" Nagulat siya at biglang natauhan nang iwagay-way ng isang lalaki ang isang kamay malapit sa mukha niya. "Ilapag mo na ang mga inumin at pakisulat ang mga oorderin namin." Si Cade iyon. "Ah... Okay. So-sorry." Nag-iinit ang mukha niya dahil sa sobrang hiya. Madali siyang tumalima sa utos. Matapos ilapag ang hawak na tray at iabot sa tatlong babae ang inumin ay mabilis niyang dinukot sa bulsa ng uniporme ang notepad at ballpen at isa-isang inilista lahat ng mga order. Nag-excuse na siya nang magsalita si Hunter. "One Civet coffee and one caffe latte, Ianira." Napalunok siya nang tumayo ito mula sa kinauupuan at pinalis ang kamay ng babaeng nakalingkis sa kaniyang bisig. "O-okay, sir." Hindi na niya hinintay na makalapit si Hunter. Mabilis na siyang tumalikod at iniwan ang grupo. Pero nagulat siya nang hilain siya sa kamay ni Hunter bago makabalik sa counter. "Ba't parang takot na takot ka?" Tumingin siya sa mukha ng lalaki. Kunot ang noo nito habang titig na titig sa kaniya. "Ang kamay ko," Bagama't mahina, madiin naman ang pagbigkas nito para bitiwan siya ni Hunter. Pero lalo lang nitong hinigpitan ang pagkakahawak sa kaniya. "Kumain ka na?" tanong nito at inignora ang pagbabanta niya. "Ano ba sa iyo kung kumain na ako o hindi pa?" Pagtataray niya bagama't sa mahinang tinig. "Dahil mag-aalala ako kung hindi pa. Hindi ka puwedeng magtrabaho nang hindi pa kumakain." Seryoso ang mukha ni Hunter nang salubungin niya ang mga mata nito. Biglang bumilis ang pagsasal ng kaniyang puso. Hinaplos ito ng kakaibang init dahil sa nahimigang pag-aalala ng lalaki. "Kumain na ako," pagsisinungaling niya para tantanan na siya ng lalaki. Pinalis niya ang kamay nito bago tumuloy sa counter at inihanda ang mga order. Saka lamang siya nakahinga ng maluwag nang bumalik na si Hunter sa mga kasama. Inakala niyang naniwala ito sa sagot niya kanina, pero nagkamali siya dahil nang idulot niya ang mga inumin at light foods sa mga ito'y hinila siya ni Hunter upang paupuin sa katabi nitong upuan. "Hindi pa ako kumain, sabayan mo ako." Mariin bagama't hindi siya nito tinitingnan. Bigla siyang naasiwa nang lahat ng mga mata ng nasa lamesa'y nakatuon sa kanilang dalawa ng lalaki. May nanunudyo. May nagtataka. At may naiinggit. Napayuko siya dahil hindi matagalan ang mapanuring tingin ng mga kasama sa lamesa. "Kumain na ako sabi." Mahina ngunit bakas ang iritasyon habang palihim niyang tiningnan nang masama ang binatang nagsimula nang lantakan ang pagkain. "Eh, 'di kumain ka pa ulit," anito na hindi man lamang siya tinapunan ng tingin. "Oo nga naman, Ianira. Pagbigyan mo na si Del Carlo. Bihira pa namang magpakain ng babae iyan." Si Cade na nakaakbay na sa isang babaeng tingin niya'y nasobrahan sa diyeta. Nairita siya nang tingnan ito sa mukha. Hindi man ito magsalita, ramdam niyang nilalait siya nito. Patunay ang nang-uuyam na tingin nito sa kaniya nang tapunan siya ng mapanuring tingin. Kahit saang anggulo tingnan ang babaeng ito, walang 'K' na tumabi sa bunsong Montana. Kaagad sumagi sa isip niya si Kiara. Hamak na mas maganda ang kapatid niyang nilalait-lait ni Cade na 'baboy' kaysa sa kalingkisan nitong malnourish na butiki. Hindi tuloy niya natiis na hindi irapan ang babae. "Ikaw lang ang babaeng inayang kumain ni Hunter, Miss. Hindi mo ba alam?" Ngiting makahulugan ang sumilay sa bibig ng lalaking katabi ni Cade. Katulad ng mga kasama, guwapo rin ito at mukhang mayaman. Ngunit may pagkasingkitin ang mga mata na lalong dumagdag sa karisma nito. "siya kasi ang kinakain ng mga babae." Biglang nasamid si Hunter at 'di sinasadyang maibuga ang nginunguyang pagkain sa katabing babae. "What the... my God!" maarteng bulalas ng babaeng kulay mais ang buhok. At kaagad na tumayo para tunguhin ang washroom. Nataranta si Ianira. Ramdam niyang masama ang pagkasamid ng lalaki kaya't kaagad niyang iniabot dito ang isang baso ng tubig at tinagtag ang likod. Hindi na niya pinansin ang bungisngisan at sipulan ng mga kolokoy sa harap nila ni Hunter. "Okey ka lang?" Hindi niya sinasadyang mag-himig concern sa lagay nito, pero hindi iyon nakaligtas sa lalaki. Kaya't kahit na okey na ang pakiramdam ay nagdrama pang lalong nahihirapan at iniihit ng ubo. Matamis na ngumiti sa kaniya si Hunter nang humupa na ang pag-ubo nito. "Salamat," anito nang humarap sa kaniya. Bakas ang ningning sa mga mata nang tingnan siya nito sa mata. "Good, hindi ikaw ang inubuhan ko. Nakakahiya sana." Dagdag pa nito na halatang pinipigil ang tawa. Ang totoo'y sinadya niya ang lahat nang lubayan siya ng mestisang hilaw na iyon. Kung hindi lang siya iniiwasan ni Ianira ay hindi siya nagkunwaring na-attract sa babaeng nasa table six na inaasikaso ni Ianira. Nalaman niyang ipinasa ni Ianira sa kasama nito ang pagdudulot ng mga order nila sa kasama nito kaya siya lumipat sa lamesa ng tatlong babae kung saan nakatoka ang dalagang napakailap sa kaniya. "Siya man o ako, parehong nakakahiya." pagtatama niya na ang tinutukoy ay ang babaeng nagtatakbo sa banyo. Ayaw niyang patulan ang 'trip' ni Hunter at mga kasama nito. Pero sa kaloob-looban niya ay may kaunting tuwa, mabuti ngang naubuhan nito ang babaeng iyon. Aba'y makalingkis sa braso ni Hunter parang sawa. Kung may karapatan lang siya'y baka kanina pa niya ito binuhusan ng kape. "Hindi ka man lang nagtakip ng bibig para hindi matalsikan ng laway mo 'yong tao," dugtong niya sa himig panenermon. "Ehmm! nga naman, Hunter. Kadiri ka, dude." gatong pa ng lalaking dahilan ng pagkasamid ng binata. Masama ang tinging ipinukol dito ng huli. "Shut up ka lang, Ryu. Ikaw kasi, eh." sabat naman ni Cade habang nilalandi ang babaeng kayakap. "Oh, 'di shut up na lang ako. Iyon lang pala, eh." Si Ryu. Matamis itong ngumiti kay Ianira at sinundan pa ng kindat saka bumirit ng kanta. They read you Cinderella You hoped it would come true And one day your Prince Charming Would come rescue you You like romantic movies And you never will forget The way you felt when Romeo Kissed Juliet And all this time that you've been waiting You don't have to wait no more Napapitlag ang dalaga nang gagapin ni Hunter ang kamay niya't bulungan siya, "tiisin mo na lang kasi talagang walang hilig sa kaniya ang music," tukoy nito sa nagpapatama sa pamamagitan ng kantang si Ryu. Biglang nanigas ang kaniyang leeg. Hindi dahil sa sentonadong tono ng lalaking napag-alamang Ryu ang pangalan, kundi dahil sa pagdapyo ng mainit na hininga ni Hunter sa kaniyang punong taynga. Kasabay ng paggapang ng bolta-boltahe ng kuryente sa kaniyang balat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD