HUMAHANGOS si Ianira na tinatalunton ang daang pauwi sa kanilang bahay nang makatanggap siya ng mensahe galing kay Kiara. Nalibang siyang magbalot ng suman kasama ang kaibigang si Sabina. Hindi naman kalayuan ang bahay ng kaibigang maglalako ng suman kaya napagtripan niyang dalawin ito. At hayun nga, hindi na niya napansing magdadapithapon na pala. Kaysa naman maburo siya sa loob ng kanilang bahay ay mas minabuti na niyang makialam sa negosyo ni Sabina. Isang linggo ang ibinigay na leave ng manager ng Lighthouse Cafe sa kaniya. Para daw makapagpahinga siya't makapagpalakas. Hindi naman siya nabaldado sa pagkaaksidente, kaso hindi na siya nagpumilit pang pumasok. Mabait ang manager niya pero ayaw nito ng empleyadong matigas ang ulo.
Hindi bale't isang linggo lang namang wala siyang sasahurin. Malaki-laking halaga naman ang ibinigay ng nakaaksidenteng lalaki sa kaniya. Sa katunayan, katumbas na iyon ng dalawang buwang sahod sa Cafe.
Bigla siyang napaisip kung ano ang delivery na sinasabi ni Kiara sa mensahe nito. Ano'ng delivery na iyon?
Wala naman siyang natatandaang in-order na pagkain o anumang bagay sa kung kanino negosyante para magkaroon siya ng delivery.
Sulat kaya? Pero kanino naman galing?
Wala namang kakilalang nasa malayo na susulat sa kaniya. Maliban ba lang kung si Destiny ang sumulat. Pero imposible, may cellphone naman siya. Kahit old model at puro gasgas na'y nakare-recieve pa naman ng text. Natatawagan pa. Lalo niyang binilisan ang paglakad.
Tanaw na niya ang kanilang barung-barong nang may isang delivery van siyang nasalubong. Papaalis na iyon at mukhang sa bahay nila galing. Napakunot-noo siya nang mabasa ang Giant Manufacturing Co. Ltd sa side ng delivery truck.
Hindi ba't Taiwanese bicycle manufacturer iyon? May branch iyon sa Tuguegarao City at kilala sa buong Pilipinas at ibang karatig bansa.
Kapag pumupunta siya sa siyudad ng Tuguegarao ay pumapasok siya sa malaking shop na nagtitinda ng mga bisikleta. Hindi para bumili. Dahil wala naman siyang perang pambili, e. Binibistahan lang niya ang iba't ibang disenyo ng mga bisikletang gawa ng Giant. Nangangarap kasi siyang makabili ng bagong bisikleta. At may prospect na siyang bisikleta noong huling pasok niya sa Giant. Kaso mahal. Pero paunti-unti ay nagtatabi siya ng kaunting halaga sa kaniyang sahod para mabili iyon.
Magtitiis muna siya sa lumang bisekleta niya. Speaking of her old buddy. Hindi pa naibabalik sa kaniya. Lintik na Hunter na iyon, ano na kayang ginawa doon?
Ang sabi nito sa kaniya noon, ipinakuha raw niya ang bisikleta sa driver ng mga Montana at kaniya raw susuriin ang pinsala n'on matapos ang aksidente. Kaso mag-iisang linggo na'y hindi pa rin ito naibabalik sa kaniya. Ni anino ng Hunter na iyon, hindi na niya nakita pa. Paano nga naman niya ito makikita, e, hindi naman siya pumapasok sa trabaho? Pero sana pinuntahan siya nito sa kanilang bahay at sinabi sinabi kung ano na ang nangyari sa 'old buddy' niya. Alam naman nito kung saan siya nakatira dahil ito ang naghatid sa kaniya pauwi pagkatapos ng pagkaaksidente niya.
Naisahan yata siya ng lalaking iyon. Kinarnap na yata ang kaniyang bisikleta.
Carnap? Grabe ka, Ianira. Ang tindi mong magisip ng masama tungkol kay Hunter. Sa mukha at porma ba nito'y mukhang carnapper? Kuh! Makapamintang ka, wagas. Nahiya naman ang Lamborghini ng lalaking iyon sa rakrakodora mong service.
Napangiwi siya sa dipensa ng isang bahagi ng isip.
Ano nga ba ang mapapala ni Hunter sa sinisimot na ng kalawang na bisikleta?
"Ate!" malakas na tawag ni Kiara nang marating niya ang bahay.
"Nasaan ang delibering sinasabi mo?"
"Nasa silong, ate. Mabuti pa puntahan mo at bistahan. Ang ganda at mukhang manahalin pa. Ang suwerte mo, ate." Bakas ang kakaibang kislap sa mga mata ng kapatid. Kinutuban siya sa sinabi nito. Suwerte? Kailan pa siya dinalaw ng suwerte. Sa kahit anong bagay, lagi siyang sawi. Babaeng ito talaga, mahilig baliktarin ang katotohanan. Aminado naman siyang may pagka-Malas siya pagdating sa mga bagay sa buhay na nais niyang makuha. Tulad na lang sa lalaki, malas siya sa pag-ibig. Sa lotto, gano'n din. Laging sawi ang mga tinatayaan niyang numero.
"Ma'no ba kung sabihin mong malas ako? Hindi naman ako magagalit, e," wika niya.
Ngumisi si Kiara. "Siguro sa ibang bagay, oo, ate. Pero ngayon para kang nagwagi sa lotto. JACKPOT!"
"Hindi ako tumaya ngayon."
"Kahit huwag ka nang tumaya sa lotto, panalo ka pa rin, ate."
"Naku, ikaw a, tantanan mo ako sa mga kalokohan mo. Naamoy ko lang ang dala kong suman, kung ano-ano nang papuri ang sinasabi mo. Kahit hindi mo ako bolahin, Kiara, matitikman mo pa rin itong suman ni Sabina. Kuh! Ikaw pa kahit hindi para sa iyo, kinakain mo."
Bahagyang nalukot ang kanina'y maliwanag na mukha ng kapatid.
"Grabe ka naman, ate. Parang hindi kita ate kung makapamintang ka."
"Bakit? Hindi ba totoo naman? Parang walang ebidensya, a. Dios ko katawan pa lang, alam nang may pagka-buldozer ka sa hapag," pangaasar niya sa kapatid.
"Lagi ko na lang akong dina-down dahil sa size ng katawan ko. Pero kahit na hindi ka sinungaling, ate, hindi pa rin maikakaila ang katotohanang mas maganda ako sa iyo." Diniinan pa ni Kiara ang pagbigkas sa 'maganda'.
Lumabi si Ianira, halatang ayaw sung-ayunan ang kapatid. Totoong maganda si Kiara, kaso natatabunan ang kagandahang iyon ng malaki nitong katawan. Bata pa ito sa edad na deysi-sais pero kung titingnan ay parang kaedad na niya. Iyon ay kung hindi siya titingman nang maigi sa mukha.
"Ewan sa iyo. Kailan ka ba napingasan ng kayabangan? Siya nga pala, dumating na ba si inay?"
"Oo, ate. Nasa loob, kausap ang boyfriend mo."
Nanlaki ang mga mata ni Ianira. Boyfriend?! Aba'y kailan pa siya nagkaroon ng boyfriend? Mayroong nagiisang lalaki siyang pinatulan noon. Pero matagal na iyon. At alam namam ng pamilya na wala na sila ng manlolokong si Jonas.
"Ano 'ka mo, Kiara. Boyfriend?"
"Oo, ate. Kanina pa siya rito. Siya ang nagbigay ng regalo sa 'yo. Bistahan mo na sa silong ang regalo niya."
Bago pa siya makahuma'y mabilis na siyang tinalikuran ng kapatid at pumanaog sa loob ng bahay.
Naku, Ianira, ginantihan ka lang no'n. Bulong ng isip niya. Pikon kasi si Kiara kapag inaasar niya ito tungkol sa katabaan.
Kibit-balikat siyang nagtungo sa silong ng bahay para tingnan ang idiniliber na sinabi ni Kiara. Napasinghap siya nang makita ang bagong bisikletang naro'n. Ang kintab... ang ganda.
Mas maganda pa ito kaysa sa pinagiipunan niyang bibilhing bisikleta. Hinaplos niya ito. Mukhang mamahalin. Pero muli siyang napakunot nang sumagi sa isip ang sinabi ng kapatid. Mukhang hindi ganti ang sinabi nito kanina. Boyfriend raw at nasa loob ng kanilang bahay, kausap ang kanilang ina.
Kumaripas siya patungo sa loob-bahay. At gano'n na lamang ang panlalaki ng kaniyang mga mata nang masino ang kausap ng ina. Si Hunter. Kampante itong nakaupo sa silyang yari sa kawayan habang kausap ang kaniyang ina.
Ano'ng ginagawa nito rito?
Kunot-noo niyang hinagod ito ng tingin. Nakasuot lang ito ng abuhing walking shorts na tinernuhan ng kulay puting fitted men's shirt. Hindi niya maiwasang mapalunok dahil sa ayos ni Hunter. Mas lalo itong gumuwapo sa kaniyang paningin sa sinpleng porma nito. Parang balaglag ang puso niya nang dumako ang mga mata niya sa mukha nito. He caught her fiesting on him. Nakapagkit nanaman sa labi nito ang makakalag bra nitong ngiti.
Saglit siyang napako sa kinatatayuan, tanging sa mukha ni Hunter ang nakatutok ang kaniyang mga mata.
"Oh, anak, nandiyan ka na pala? Halika't kanina ka pa hinihintay ng guwapong binata rito."
Kung hindi pa nagsalita ang inay niya'y hindi pa siya matitinag.
Biglang tumino ang utak niya. Salubong ang mga kilay na lumapit sa mga ito.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" malamig niyang bungad sa bisitang lalaki nang makatalikod ang ina. Nagpaalam ito sa bisita at may aasikasuhin daw sa kusina.
"I brought you your bicycle, I guessed?" Bakas pa rin ang kakaibang kislap sa mga mata nito. At kung para saan at ano'ng dahilan ng kislap na iyon, hindi niya alam. Malay niya kung ano'ng trip ng lalaki?
"Wala akong biniling bisikleta," madiin niyang wika.
"I bought it for you. Alam kong kailangan mo ng service papunta sa Cafe." Kalmado pa rin ang tinig nito at wari hindi apektado sa pagsusuplada ni Ianira.
"Wala akong pambayad, kaya hindi ko matatang..."
"Take it as a birthday present."
"Ano?!" bulalas niya, "present? Hindi ko birthday. At hindi ako sanay na nireregaluhan."
Nagkibit-balikat si Hunter. "Next month is your twenty seventh birthday, tama? Advance gift ko na sa iyo."
Takang tiningnan niya ito. Next month nga ang kaniyang biryhday. Pero paano nito nalaman? Pati edad, alam?
"Kanino mo nalaman?" Mapanghinalang titig ang ibinigay niya.
"Kay Spike."
Hindi na siya magtataka kung bakit alam ni Spike o ng mga Montana ang kaarawan niya. Pareho ang petsa ng birthday nila ni Xander Montana. Ang ina'y kawaksi sa mansion at hindi lingid na malapit ito sa buong pamilya Montana. Minsan ay nasabi nito sa kanila dahil nga pareho sila ng kapanganakan ni Xander.
Pero bakit pinagkainteresang alamin ang birthday niya?
"Ang lumang bisikleta ko, nasaan?"
"Wala na," deretsong sagot ni Hunter. Hindi naman totoong pinakuha niya ang ragrag nitong bike. Ang totoo'y binalikan niya iyon at itinapo na lamang. Naisip niyang bilhan na lamang ang babae ng bago. Nagtataka siya kung paano nito natiis sakyan ang gano'n kalumang bisikleta sa mahabang panahon.
Hindi kaya pudpod na rin ang pang-upo nito katulad ng upuan ng bisikleta?
Saktong tumalikod ang babae para ayusin ang bangkong uupuan. No. She has a rounded butt. Maganda ang umbok ng pang-upo nito. Hindi pudpod, hindi flat na katulad ng gulong ng bike nito. Lihim siyang napangiti.
"Ano'ng nginingiti-ngiti mo diyan?"
Mataray na mukha ni Ianira ang sumalubong pag-angat niya ng tingin.
"Wala. Naisip ko lang kung bakit mo tiniis ang gano'ng klase ng service?"
Lalong nalukot ang mukha ng babae, "Hindi ako mayamang katulad mo. Kung nakakaya mong bumili ng mga mamahaling gamit at sasakyan, huwag mo akong itulad sa iyo. Hindi mo ba pansin kung gaano ka-pobre ang nakatira sa bahay na ito?" May pang-uuyam sa tinig ni Ianira. Ang linaw naman na kasi ng rason kung bakit luma na ang bike niya'y hindi pa rin napapalitan, itatanong pa?
"Pansin ko. Kaya nga binilhan kita ng bago."
"Ano 'to kawanggawa? Sabi ko nang wala akong perang pambayad. Ibalik mo na lang ang bisikleta ko. Hindi ko kailangan ng bago."
"I told you, you need it."
Nakakairita ang lalaking ito. Mapilit.
Ayaw niyang magkaroon ng utang sa mga mayayaman. Karamihan kasi sa mga mayayamang nagpapautang, nagpapaporsyento ng malaki.
"Bakit ba marunong ka pa sa akin? Sinabi ko nang..."
"Dahil itinapon ko na ang bulok mong bisikleta," walang preno nitong tapat kay Ianira.
"Ano?!" Nanlaki ang mga mata niya sa nalaman. "Sino'ng may sabing itapon mo?"
"Ako."
Aba't namalsopo pa ang kunehong ito.
"Bakit?"
"Because you need a new one. Luma na nga sasakyan mo pa? Hindi kaya mas matigas na ang kalyo sa puwet mo niyan kaysa sa palad mo?"
Namula nang husto ang mukha ni Ianira. Magkahalong hiya at galit ang kaniyang naramdaman sa sinabi ni Hunter. Nakalimutan yata ng lalaki na nasa pamamahay niya ito?
Pakiramdam niya'y lumaki ang ulo niya sa mga sandaling iyon.
Wala sa sariling tumayo siya't sinugod ng sampal si Hunter. Pero bago pa dumapo ang kaniyang palad sa mukha nito'y nasalo na iyon ng lalaki't marahas siyang hinila. Napasubsob tuloy siya sa matipunong dibdib nito. Siya namang balik ng ina mula sa kusina at may dalang bandehado ng suman, kasunod si Kiara na may dalang dalawang baso ng tubig.
"Ay, Dios na mahabagin!" Muntik-muntikan nang mabitawan ni Aling Malena ang dalang bandehado ng pagkain.
"Ay, ang sweet!" Para namang kinikiliti sa singit na komento ni Kiara.
Nagpumiglas si Ianira at akmang tatayo nang bumulong si Hunter.
"Ganyan ka ba magpasalamat kapag nakatanggap ng regalo?"
Nagpanting ang taynga niya. Para makaganti na hindi nahahalata ng ina ay isang pinong kurot sa tagiliran ang iginawad dito. Nakita niya ang pagngiwi nito. Wari iniinda ang sakit ng kaniyang kurot. Paano'y pinagtagal niya iyon. Naisahan siya nito sa harap ng ina't kapatid, puwes, patas na sila.
"Hindi ko tatanggapin ang regalo mo. Iyong iyo lang, kaya huwag na huwag ka na muling magpapakita sa akin, puwede? Ibalik mo ang bisikleta ko. Alam kong lumang luma na pero wala kang pakialam kung gagamitin ko pa." Mahina at tanging sila lang ang nagkakarinigan. Pero kung gaano kadiin ang pagsasabi niya sa mga katagang 'yon, mas mariin pa ang kurot niya sa tagiliran nito.
Lintik na babaeng ito. Ang sakit mangurot.
Pakiramdam ni Hunter ay malalapnit na ang kaniyang balat sa kurot ni Ianira. Pero dahil sa lambot ng dibdib ng dalaga na nakalapat sa matigas niyang dibdib ay kaagad yaong napawi at napalitan ng ginhawa. Hindi na baleng malapnit ang balat niya basta ba ganito ang posisyon nila. Aba'y sige lang. Napangiti siya at pilyong dumako ang mga mata sa dibdib ng dalaga. Medyo maluwag ang neckline ng blusa nito at bahagyang nalilis ang ukab no'n kaya nasuwerteng nasilip niya ang makipot nitong cleavage. Bigla siyang nakaramdam ng kakaibang init dala ng tanawing iyon. Iba ang hatid sa kaniya ng pagdidikit ng kanilang katawan ni Ianira
"Ehm!" malakas na tikhim ni Kiara ang nagpahiwalay sa dalawa.
"Naku, anak, boyfriend mo na ba itong kaibigan ni Señorito Spike?"
Nagpalipat-lipat ang tingin ng matanda sa dalawa. Nagtatanong ang mga mata nito pero bakas doon ang saya. Bagay na ikinainis lalo ni Ianira. Mukhang gusto naman ng kaniyang inay ang ideyang boyfriend niya ang lalaking bisita. Sasagot na sana siya nang maunahan siya ni Hunter, "Ang totoo po'y nanliligaw pa lang ho ako sa dalaga ninyo."
Hindi lang mga mata ang nanlaki kay Ianira nang marinig ang kasinungalingang sinabi ng lalaki sa ina. Pati butas ng ilong niya'y nanlaki dahil sa pagpupuyos ng galit.
Wala na bang magandang gagawin ang lalaking ito sa buhay niya? Hindi nito alam na mabilis maniwala ang inay niya.
Katakot-takot na tingin ang ibinigay niya rito.
"Ibalik mo ang lumang bisikleta ko para tapos na ang ugnayan natin. Kahit luma iyon, puwede ko ang pagkaperahan. Puwede pang i-per-kilo sa magbabakal," walang gatol niyang saad.
Bigla namang nasamid ang binata. Mabuti at maagap naman si Kiara, agad nitong iniabot ang dalang isang basong tubig.
"Grabe ka, ate, wala ka talagang palalagpasing basura." Si Kiara na halatang ikinakahiya ang ideya niya.
Binalingan niya ito't matalim na tiningnan sa mukha. Palibhasa wala itong alam sa paghahanapbuhay. Manghingi lang ng allowance ang alam kaya wala itong ideya kung gaano kahirap maghanap ng pera.
"Oh, ano ngayon ang masama sa sinabi ko? Hindi ba pera din iyon kung sakali? Kung itatapon, hindi na pagkakaperahan. Nahihiya ka sa sinabi ko pero hindi ka nahihiyang humingi ng baon mo sa amin ni inay. Isa pa, malaki ang naitulong no'n sa trabaho ko sa loob ng halos sampung taon. Katas iyon ng sahod ko noong tatlong buwan na ako sa Cafe, kaya ayaw gano'n na lamang ang pag-aalaga ko do'n," supalpal niya sa kapatid.
Mukhang tinamaan naman ito't hindi na muling nagsalita pa.
"I'll just pay for your old bicycle. I'm sorry. Sana tinanong muna kita bago ko itinapon."
"Hindi. Dapat ibinalik mo iyon sa akin. Ako ang magtatapon kung ayaw ko na, hindi ikaw. At huwag mo akong ma-ingles-ingles, puwede ba?"
Hindi maitago ang iritasyon sa tinig ni Ianira. Bigla namang sumeryoso ang mukha ni Hunter. Mukhang tinablan ito't napahiya sa ginawang pangingialam sa gamit ng dalaga.
Hindi man lang kasi siya nagisip na baka magagalit ito kung itatapon niya iyon. Malay din ba niyang gano'n kahalaga ang bisikletang 'yon sa dalaga?
"Hay naku, anak, pagusapan ninyo ni Hunter iyan ng masinsinan. Huwag kang mag-alburuto nanaman. Huwag mong pairalin agad iyang init ng ulo mo." Sumabad na si Aling Malena nang makitang umiral nanaman ang kasungitan ng anak.
Naiintindihan niya ang anak na panganay kung bakit madali itong magalit. Sa murang edad nito'y puro hirap na ang naranasan. Ito ang kasama niyang pumasan sa responsibilidad na dapat ay ang kaniyang asawa ang katuwang. Alam niyang laging stress si Ianira.
"Kiara, halika muna't tulungan akong tiklupin ang mga kurtinang pinalabhan ni Donya Adelfa," tawag ng Ginang sa bunsong anak. Agad naman itong tumalima matapos dumampot ng dalawang balkot ng suman. Bahagya pa nitong tinapunan ng tingin ang guwapong panauhin ng kapatid bago tuluyang sumunod sa ina.
"Babayaran ko na lang ang lumang bike mo. Sorry sa pangingialam sa gamit mo," sinserong ani Hunter.
"Mapapatawad lang kita kung maibalik mo iyon sa akin. Hindi ko iyon pinababayaran dahil ayaw kong mawala iyon nang basta-basta." Matigas pa rin ang anyo ng dalaga habang nakikipagpaligsahan ng titig sa lalaki.
Unang nagbaba ng tingin si Hunter. He was guilty about Ianira's bicycle. Bakas ang pagsisisi at pagkapahiya sa mga mata nito.
"I will... ahm, titingnan ko kung magagawan ko pa ng paraan para maibalik iyon sa iyo. Sorry ulit, Ianira." Kung kanina'y napakasaya nitong magsaluta, ngayon ay malamig pa sa yelo ang tinig. Matapos ay tumayo na ito't nagmartsa patungo sa pintuan. "Aling Malena, aalis na ho ako!" May kalakasang paalam nito sa ina ni Ianira na nasa loob ng silid.