ISANG katakot-takot na sermon at pagbabanta ang tinamo ni Jagger mula sa tiyuhing si Aurelio nang marating ang Lighthouse Cafe. Sa kamalasan ay nataon pang naroon ito matapos ang katarantaduhang ginawa niya. Ang bilis namang umabot dito ang balita. Ngunit hindi sa sinabi ng tiyuhin kaya uminit ang kaniyang ulo, kundi sa pag-walk out ni Lily matapos siyang bigyan ng mag-asawang sampal. Aminado naman siyang kasalanan niya ang nangyaring aksidente. Hindi man niya sinadyang makadisgrasya, kasalanan pa rin niya ang nangyari sa babaeng nakabisikleta kanina. Kung tumigil sana siya't tinulungan ang babae, malamang bawas sa kasalanan at iwas guilt. Kaso huli na nang maisip niya. He hit the woman and run away. Damn him. Kung napuruhan niya ito' siguradong pagsisisihan niya habambuhay. Mabuti na lamang at may puso si Hunter at ito ang sumaklolo sa babae. Ngayon ay tinalo pa niya ang gisadong karne sa harap ng tropa.
"What the heck, Jagger!" Si Spike. Katulad ng amang si Aurelio ay bakas ang galit sa mukha nito. "Paano kung mas malala ang pinsalang inabot ng anak ni Aling Malena? Kahit kailan talaga, pareho kayo ni Cade, eh. Mga tarandtado sa karera."
"Oh, ba't pati ako kasali sa sermon mo, bro? Hindi naman ako isa sa sumagasa kay Ianira, eh." Si Cade, ang bunsong Montana na kadarating lang kaninang madaling araw. Walang pasabi na uuwi ito. Inakala nga ng buong pamilya na nasa Estados Unidos pa ito at wala pang balak na uuwi sa Pilipinas. Ang nakapagtataka'y biglang dumating sakay ng private jet nito.
"Huwag ka nang umangal diyan. Mas okey nga't dumating ka nang may kahati ako sa sermon." Alanganing ngumiti si Jagger. Alam niya kasing galit talaga ang pinsang si Spike.
"Tado ka kasi, pinsan. Nakaangkas ka lang ng sexy, parang iyo na ang kalsada. Tapos ngayong nagkaproblema, balak mo akong bahagian," wika ni Cade.
"Pareho kayo!" mataas at madiing ayuda ni Don Aurelio. "Kapag hindi kayo titigil sa kabulastugan ninyo, ipapatapon ko kayo palabas ng Cagayan at kahit kailan ay hindi na puwedeng umapak pa rito sa Cape Montana!"
"Papa naman, kadarating ko lang, balak na ninyo akong ipatapon? Si Jagger na lang, huwag ako. Siya naman itong may kasalanan. Wala akong alam sa nangyari," pagtatanggol ni Cade sa sarili. Dapat nga welcome party ang sasalubong, e, kaso mukhang masasangkot pa siya sa isyu ng pinsan.
"Kahit na, Cade. Magkatulad kayo ng kulay ni Jagger. Walang alam kundi magbigay ng sakit ng ulo sa pamilya." Si Don Aurelio.
Aray talaga! Ang walanghiya kasing pinsan,e. Kasalanan ni Jagger kung bakit pati mga kalokohan niya'y naalala ng ama.
"Ikaw, Jagger, pasalamat ka't hindi malala ang inabot ni Ianira. Dahil kung hindi, kakalimutan kitang pamangkin ko." Katakot-takot na titig ang ibinigay ng Don kay Jagger.
"Hindi na po mauulit, tito. I'm really sorry," malumanay na wika ni Jagger. Kailangan niyang tanggapin ang kasalanan para tigilan na siya sa sermon.
"Hindi ako ang dapat mong hingan ng tawad, Jagger. You have to apologize to Ianira as soon as possible."
"No worry po. I will apologize to her right away."
"You must thank Hunter, dude. Ikaw kasi. Tsk!" palatak ni Storm. Prenteng naka-de-kuwatro sa isang silya. Nakakumpol sa isang lamesa ang mga kaibigan at saksi sa paninisi sa kaniya ng mag-amang Montana.
"At dapat mag-sorry ka rin sa angkas mong sexy kanina. Halatang basted ka na sa kaniya. Sayang, seksi pa naman. Akalain mo, hindi pa nagiging iyo... nawala na agad!" pagpaparinig ni Thunder, identical twin ni Storm. Ngingisi-ngisi pa ito. Bagama't nang-aasar ang tono nito at halatang pinagtatawanan siya ni Thunder, may punto naman ang mayabang na Santillana.
Damn. Totoo ang sinabi ni Thunder, siguradong wala na talaga siyang pag-asa kay Lily. Sa inasta nito kanina'y siguradong na-turn off na ito sa kaniya nang tuluyan. Tsk! Malas talaga ng araw!
Hindi naman malala ang tinamong pilay ni Ianira, pero kung makaalalay sa kaniya ang lalaki ay tila nabaldado na siya nang tuluyan. Hindi kaya nananantsing ito? Biglang sumahi ang ksmalisyosohan ag pagdududa sa kaniyag isipan at tininganan sa mukha ang lalaki. Wala namang bahid ng salitang 'mapagsamantala' sa mukha nito. Bagkus salitang 'guwapo' ang nakasulat doon. Hindi namang literal na nakasulat, pero iyon ang nakikita niya. Ang obserbasyon niya.
Hindi nga lang niya mabatid sa sarili kung bakit kanina pa siya puri nang puri dito. Mabuti na lamang at kahit pa'no kontrolado niya ang kalandian. Nasisikil pa niya ang pag-alpas ng papuri sa bibig niya.
Napalunok siya nang makitang gumalaw ang adams apple nito. Ay! Ang hot lang. Hindi naman sa ngayon lang siya nakakita ng guwapo. Sa totoo lang, ang Cape Montana ay maraming nananahang guwapo't siksik na abs. Mga mestiso pa ang marami, half-blood Filipino, half- blood- foreigner. Pero ang lalaking ito ang halos magpatulo ng laway niya. Halata rin sa mukha at tindig nitong hindi siya purong Pilipino. Brown ang mata ng mga Pinoy, samantala ang lalaki ay deep blue. Matatas nga lang itong magsalita ng wikang Filipino, kaya masasabing Pinoy ito, pero wala sa anyo nito.
Ano kayang lahi ang isang ito? Ang mga magkakapatid na Montana ay half-Italian, half Filipino. Ito kaya?
"Baka pasukin ng langaw ang bunganga mo."
Tila lumundag palabas ang puso niya. Oh my gulay! Wala sa oras niyang naitikom ang bibig. Nakakahiya siya. Baka sa katititig dito'y hindi na niya namalayang tumulo ang laway niya. Huwag naman sana. Mabilis niyang pinahid ang gilid ng mga labi, malay ba niya kung tinuluan nga siya ng laway. Eew.
"Saan ang bahay ninyo?" tanong nito nang makalabas sila ng klinika.
Napaangat siya ng mukha rito. Medyo nailang siya nang mabatid na titig na titig ito sa kaniya. "B-bakit?" Parang tanga lang. Imbes na sumagot ay nagtanong din.
"Ihahatid na kita. Baka hindi mo pa kaya ang..."
"Kaya ko na. Natakot lang ako sa dugo kanina. Tsaka gasgas lang naman at malayo pa sa bituka ko ang galos." Kahit na may nag-uudyok sa isip na pumayag na siya sa alok nito'y nahiya naman siya. Kahit paano, uso pa naman sa kaniya ang salitang 'hiya'. Ayaw niyang makaabala sa lakad nito. Talaga? E, 'di ba isa siya sa dahilan kung bakit ka napadpad sa klinika? Bakit ayaw mong makaabala, e, ikaw nga ang inabala ng herodes na ito? Udyok ng isang panig ng utak.
"I insist. I will drive you home."
Wow! Spoke- in- dollar pa.
Napasinghap siya nang walang paalam na hinawakan siya sa kamay at hinila patungo sa sport car nito. Ang init talaga ng palad nito. Nakakapaso. Parang anumang sandali'y masusunog ang mga kalyo niya sa palad. Bigla siyang nahiya nang maalala kung gaano kagaspang ang mga palad niya at kung gaano kakapal ang kaniyang mga kalyo sa kamay. Muli siyang inatake ng hiya dahilan para marahas niyang bawiin ang kamay mula rito.
Kunot-noong tumingin ito sa kaniya.
"You have a rough hand," anito sa seryosong tono, bagama't may simpatya sa mga mata.
Aba't mapamintas ang lalaking ito. Alam naman niyang magaspang ang palad niya, pero nainsulto pa rin siya. Lalo at sinabi pa sa kaniya mismo.
Napangiwi si Ianira.
"Iyan ang gusto ko, magaspang. Masipag ang mga kamay na ganyan."
Ang pagpupuyos ng kalooban ay napalitan kaagad ng saya. Gusto? Hinaplos ng kilig ang puso niya. Parang lumaki pa ang isang taynga niya. Aba, bibihira ang lalaking pupuriin ang babaeng may magaspang na palad na tulad niya.
Tumingin siya sa mga asul na mata nito. Sensiridad ang mababanaag doon. Lumunok siya.
"Hindi naman masyadong masipag. Kailangan lang talagang magtrabaho nang magtrabaho para may malamon." Sa wakas ay natagpuan niyang muli ang boses.
"E, 'di tama ako. Masipag ka." Sumilay ang matamis na ngiti sa mga labi nito.
Tila kumislap pa sa kaputian ang mga ngipin nitong pantay-pantay. Parang modelo ng toothpaste na close-up sa kaputian at ganda ng mga ngipin.
"Hindi naman. Kailangan lang magsumikap para sa pamilya."
Pilit niyang inignora ang epekto sa kaniya ng ngiti nito. At kailangan na niyang dumistansya sa lalaking ito.
Manloloko rin ito katulad ng tatay at Ex mo.
Paalala ng kaniyang isip.
"Salamat pala sa pagtulong sa akin. Hayaan mo, kapag nakuha ko ang sahod ko sa susunod na linggo, babayaran ko ang nagastos mo."
"Don't mention it. May kasalanan ako kung bakit ka naaksidente. Dahil sa karera namin ng kaibigan ko, naaksidente ka. Hindi ako nagpapabayad. Tulong ko sa iyo iyon. At apology na rin."
Nagkibit balikat siya. Ayaw nitong bayaran niya ang nagasto, e, ayaw rin niyang ipilit. Dagdag pa sa alalahanin niyang bayarin next week kung ipipilit niya. Tutal tinakbuhan siya ng kaibigan at ito mismo ang umako ng kasalanan ng kaibigan, wala talagang salitang 'utang' sa nangyari.
"Mukhang uulan kaya ihahatid na kita sa ayaw at gusto mo. Ayaw kong habulin ng konsensya kung nagkasakit ka pa."
Lihim na nagpapasalamat si Hunter sa Itaas dahil biglang kumulimlim. Kanina'y tirik na tirik na ang araw, pero biglang sumama ang panahon nang palabas na sila sa klinika. Ayos. Mukhang ayaw pa silang paghiwalayin ni Lord. Kahit abutan sila ng malakas na ulan sa daan at makulong sa loob ng Centenario niya, ayos na ayos sa kaniya. Basta kasama lang ang magandang babaeng ito.
Lihim na napangiti si Hunter. May kung anong kapilyuhan ang biglang naisip.
Dagling nawala ang hiya kay Ianira. Tama lang naman na lulubusin ng herodes na ito ang pagtulong sa kaniya. Kung hindi dahil sa kabulastugan nila ng kaibigan, hindi mangyayari ito sa kaniya. Walang utang.
Wala na siyang kiyeme nang pagbuksan siya nito ng pinto, agad siyang sumakay sa kotse nito. Agad rin itong umikot sa kabila at umupo sa katabi niyang driver seat. Itinuro niya ang daang patungo sa kanilang bahay at pumikit. Hindi para umidlip. Maaga pa para antukin siya. Pero mas mainam na pumikit siya para hindi siya matuksong pagnasaan ng tingin ang lalaking nagmananeho. Hindi niya maaatim na matiklo siya ulit nitong titig na titig at animo na-starstruck.
Ang hindi niya alam, ang lalaki naman ang nag-e-enjoy na pasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa. Panakanaka siyang sinusulyan nito sa tabi. Mabagal ang pagpapatakbo niya ng kotse kaya malaya niyang bistahan ang kagandahang nasa kabilang car seat. Kung magmulat lang sana ang dalaga ay tiyak na pati kuko nito sa paa'y maasiwa. He was staring at her like she was a goddess. Why not? Maganda ito. Iyong ganda na kahit hindi ma-makeup-an ay lutang pa rin. Natural na ganda ang taglay ni Ianira.
Ianira. Tila musika ang pangalan ng babae sa pandinig ni Hunter habang paulit-ulit na binibigkas iyon sa isipan. Bagay na bagay rito ang pangalan. Pasalamat siya dahil kinailangan ng doktor na alamin ang pangalan ng pasyente–dahil doon ay napag-alaman niyang Ianira Ignacia ang pangalan nito. Mukhang mahal kasi rito ang pangalan, ayaw sabihin nang tanungin niya. Nakikita niya sa aura nito ang isang babaeng nahubog sa kahirapan ng buhay. Mababatid na galing ito sa maralitang pamilya dahil sa suot nitong luma at kupas na duster. Saglit na naglumikot ang kaniyang imahinasyon. What she'll look like if nabihisan at naayusan ito nang maayos?
Mula sa simpleng gandang mala-Jennifer Winget--- sa gandang Doutzen Kroes.
What an amazing transformation! Ngunit kung papipiliin siya kung alin sa dalawa ang gusto niyang aura ni Ianira, mas pipiliin niya ang una. Ang mala-Jennifer Winget beauty nito ay perpekto sa kaniyang panlasa. Simpleng pakabog sa dibdib. For him, hindi na kailangan ng babae ng transformation. She is a beauty that captures any man's eye.
Agad niyang binawi ang mga mata mula rito nang bigla itong magmulat. Kitang kita nito mula sa gilid ng mata ang pagkunot-noo at pagtataka sa mukha nito.
"Hindi ito ang daang sinabi ko," mariin nitong wika. Hindi inaalis ang mapanghinalang tingin sa kaniya.
"I know," sagot niya. Talagang sinadya niyang huwag sundin ang direksyong sinabi ng dalaga. "Would you mind if I will treat you for breakfast first before dropping you home?"
Oh c'mon, Hunter, ganyan ba ang mag-invite ng binibini para sa isang breakfast? Nanunudyo ang isang bahagi ng isip niya. Ngayon lang niya ginawa iyon sa isang babae. Ang isang Hunter Del Carlo ay nagbibigay imbitasyon sa babae para sa isang Romantic Dinner Date, hindi simpleng breakfast. At lalong hindi nagiimbita nang huli. Matapos niyang iliko ang daan patungo sa Montana Restorante, saka siya magpapaalam sa babae na itre-treat ito sa breakfast. Paano kung ayaw dahil kumain na ito? O kaya gusto nang umuwi't magpahinga para hindi niya na makulit? Napangiwi siya sa isiping 'yon. Sana lang pumayag ito. The truth is he want to stay a 'lil more with her. Gusto lang muna niyang pagsawahin ang mga mata sa magandang mukha nito.
Bakas ang pagtanggi sa mga mata nito nang kapwa sila matigilan at magkatinginan. Lihim na nagtatalon ang puso ni Hunter nang makarinig ng tunog kung saan. He was save by the sound.
"You can't say 'no'. Gutom ka. Mukhang hindi ka pa nag-agahan." Si Hunter na muling nagpokus sa pagmamaneho.
Ngalingaling kurutin ni Ianira ang sarili. Pahamak na tiyan. Nakarinig lang ng libreng pagkain, nag-ingay na. Napahiya tuloy siya sa lalaki. Gustuhin man niyang ikailang kumain na siya, hindi na niya ito mapapaniwala. Buking na, e.
"Salamat na lang Mister, pero..."
"Call me Hunter. I'm Hunter Monte Carlo," putol nito't pagpapakilala sa sarili. Saglit siya nitong sinulyapan at mabilis ring ibinalik ang atensyon sa kahabaan ng kalsada.
"May pagkain sa bahay namin. Sayang naman kung mapapanis iyon dahil walang kakain."
Pakipot pa siya. Ang totoo nama'y sinimot nina Kiarra at Kaian ang laman ng kaldero nila kaninang umaga. Kulang pa nga ang isinaing ng nanay niya dahil said na ang laman ng latang bigasan.
Ngayon kung uurong ang lalaking ito sa breakfast treat na alok, siguradong gabi na malalamnan ang tiyan niya. Sigurado namang may pagkaing iuuwi ang nanay niya, pero gagabihin na ang dating. Kapag hihintayin pa niya ang pagkaing dala ng ina, baka sa ospital na ang bagsak niya at hindi sa klinika. Lintik kasi ang dumisgrasya sa kaniya. Kung hindi dahil sa aksidente, malamang nasa trabaho na siya't nalamnan na ang sikmura niya.
Bahala na. E, 'di uminom siya ng tubig. Hindi maganda ang pakiramdam niya sa lalaking ito. Paano ba'y sobrang lakas ng dagundong ng dibdib niya at kanina pa hindi makahinga nang maluwag. Kaya gusto na niyang umuwi at mawala sa tabi ang dahilan ng pagwawala ng puso niya.
"Hindi naman tayo magtatagal, e. At kung inaalala mo ang mga bulaklak na nasira, huwag ka nang mag-alala... tinawagan ko na si Spike para magtawag ng ibang pipitas ng bulaklak."
Napamaang siya. Ay ang bait lang. Sa ginawa nitong tulong sa kaniya'y labis-labis nang kabayaran sa perwisyong nagawa sa kaniya. Ang katotohanang hindi naman ito ang nakaaksidente sa kaniya ay tila sundot ng hiya iyon kay Ianira. Hindi siya dapat pinag-aaksayahan ng oras ng lalaking ito. Hindi dapat nito akuin ang kasalanan ng tarantadong kaibigan.
"Pero..."
"We're here," putol nito sa kaniyang pagtutol.
Saka lang niya napansing nasa harap na sila ng magarang Montana Restorante na katapat lang ng Lighthouse Cafe na pinapasukan niya. Nauna itong bumaba ag inalalayan siya nito sa baywang paglabas niya ng kotse. Nahagip ng kaniyang mga mata ang grupo ng kalalakihang nasa labas ng Lighthouse Cafe. Batid niya ang mapanuksong tingin ng mga ito, kaya naman ay inakma niyang palisin ang kamay ni Hunter sa kaniyang baywang. Pero ang hudyo, lalong humigpit ang pagpulupot ng matigas nitong braso sa kaniya. Nag-init ang kaniyang mukha. Hindi man niya aipatin ang sarili sa salamin, alam niyang dinaig pa niya ang alimangong nilunod sa kumukulong mantika sa kapulahan.
Lalo na siyang nailang nang sabay-sabay na magpalakpakan ang mga ito.
"Kung ayaw mong tuhurin kita, bitiwan mo ako," mahina ngunit mariin niyang banta sa lalaki.
Pero sa halip na bitawan siya ay inilapit ang mukha sa kaniya at bumulong ng, "Hinahalikan ko sa bibig ang babaeng magaling manuhod. Try it nang makapuntos ka sa akin." Matamis pa itong ngumiti at kumindat sa kaniya bago siya hinila nito palapit sa umpok ng mga kalalakihan. Hindi siya nakahuma, parang kabayong nirendahan ng amo at masunuring sumunod dito.
"Good job, Hunter! Hindi ka nagkamaling tumulong." Napatingin si Ianira sa lalaking nagsalita. Mapanukso ang ngiting nakapagkit sa labi nito habang nakatingin sa kaniya. Tila kinikilatis siya nito. Bakas iyon sa singkiting mga mata. Pamilyar sa kaniya ang guwapong lalaki. Malimit niyang nakikita ito sa Lighthouse Cafe, pero hindi niya kilala sa pangalan. Mukha lang.
"Maghanap ka rin Ryu. Masamang mainggit sa kapwa babaero."
Kilala niya ang nagsalita. Si Cade Montana, ang bunsong anak ng mag-asawang Montana. Dumating na pala ito?
"Saan si Jagger?" Biglang sumeryoso ang anyo ni Hunter, hindi na katulad nang si Ianira ang kaharap. Sa tinig nito'y kababakasan ng galit at panganib.
Nagkatinginan ang limang kalalakihan. " Malamang nanunuyo na ulit matapos ma-left and right ni Lily." Si Thunder na nakapamulsa habang sinusundan ng tingin ang maganda at seksing babaeng dumaan sa tapat nila.
"Tell him not to show his face to me at baka..."
Hindi na nito naituloy ang sasabihin. Sabay-sabay na napatingin ang mga lalaki kay Ianira. Dios na tiyan naman, e. Mas malakas at mas mahaba pa ang pagiingay nito ngayon kumpara kanina.
"At baka 'gutom' lang 'yan," dugtong ni Cade. Halatang pigil ang pagtawa.
Napangiwi si Ianira nang hilain siya ni Hunter papasok sa Montana Restorante. Paano'y dinig na dinig pa niya ang tawanan ng mga lalaki. At sigurado siyang siya ang dahilan ng tawanang iyon—one-hundred-percent. Pahamak kasing tiyan.