Episode 02
Agatha Beatrix's Silario
Hanggang ngayon abot langit pa rin ang inis ko sa taong naka-encounter ko kagabi. Dalawang matapobre pero mas matapobre ang isa. Sana lang at hindi ko na makita pa ang pagmumukha niya. Salamat na rin sa perang isinaboy niya sa mukha ko.
Hindi naman kasi ako tanga para magpabebe pa. Mahirap ang buhay ko at gipit na gipit ako kaya bakit ko iiwanan sa kalsada ang libo-libong pera na hinagis niya sa mukha ko? Dahil sa pera niya kaya nabayaran ko ang apartment na inuupahan namin pati ang utang namin sa tubig at kuryente.
"Agatha! Buti maaga kang dumating," sambit ng bartender ng bar namin. Si Pio, na kasabayan kong magtrabaho dito sa bar. Parehas kaming dalawang taon na ang tagal dito.
"Bakit?" tanong ko sa kanya at naupo sa harap ng bar counter.
Alas-quatro pa lang ng hapon at mamayang ala-singko ang bukas ng bar namin. Wala pang customer na nagkalat kaya paupo-upo na muna ako.
"Balita ko may nakaaway ka raw sa daan," aniya.
Napairap ako kay Pio dahil kalalaking tao pero sobrang chismoso. Ito na naman tuloy ako at naiinis sa sobrang gigil ko sa lalaking 'yon. Todo asa pa naman ako na tutulungan niya ako tapos pinuri ko pa siya sa isip ko pero mas matapobre pala.
"Chismoso mo!" anas ko sa kanya.
Hinawi ko ang maikli kong buhok at inayos ang spaghetti strap kong top. Napahawak ako sa hita ko na kalahati lamang ang natatakpan. Isang hapit na hapit na short ang suot ko sa pambaba. Ganito ang suotan ng mga waitress dito lalo na ang mga VIP waitress.
Ang VIP waitress ay ang mga waitress na pwedeng-pwede na e-table ng mga customer o kaya naman ay iuwi basta ba magbabayad sila ng malaki. Sa sobrang laki ng pangangailangan ko kaya pumasok ako dito bilang VIP waitress.
"Sa'yo lang naman ako natuto na maging chismosa," aniya pa.
Pinanlakihan ko siya ng mata at bahagyang dumukwang. Inabot ko ang buhok niya at sinabutan ko sa gigil ko. Mainit na nga ang dugo ko sa nangyari kahapon tapos dinagdagan pa ng isang 'to.
"Ako pa talaga hah?!" anas ko sa kanya. "Tanga, mas chismosa ka!"
Aminado akong chismosa ako pero hindi naman ako katulad niya na harap-harapan nagtatanong. Chismosa ako pero hindi mo ko mahahalata dahil palihim akong kumakalap ng impormasyon pero ang isang 'to malala e.
"Kwento mo na kasi. Parang hindi tayo magkaibigan hah—"
"Tanga! Hindi talaga tayo magkaibigan!" sambit ko ng hindi na siya pinapatapos sa pagsasalita niya.
Sobrang init talaga ng ulo ko ngayon at mukhang malapit na ang dalaw ko kaya mas lalo pang umiinit ang ulo ko.
"Ang sakit mo naman magsalita. Hindi raw kaibigan pero kapag magpapalibre ka ng pamasahe sa akin, kaibigan mo ako?" sarcastic na saad niya.
Napakamot na lamang ako ulo dahil napakadrama niyang tao. Kaya minsan ang boring kasama ng mga tao dito e. Puro na lang drama.
"Para kang tanga diyan, alam mo ba 'yon? 'Di bagay sa'yo," prangkang saad ko kay Pio.
Sa bar na 'to ako ang may pinaka konting kasamahan dahil sa sobrang prangka ko magsalita o kaya naman ay sobrang dumi ng bibig ko. Mabuti na lang talaga at may mga tao pa rin na kayang makatiis sa akin.
"Tanga ka ng tanga diyan. Kailan ba mawawala sa'yo ang pagsasabi ng tanga?" tanong niya sa akin.
Napailing ako sa kanya dahil wala naman akong pinatay kapag nagmumura ako. Akala mo talaga napakaperpekto niya kung makasita sa akin.
"Kung kailan ka mawawala tsaka ako matitigil," nakangiting sambit ko sa kanya.
Bigla naman sumama ang kanyang mukha at kumatok pa siya sa ibabaw ng bar counter.
"Katok-katok hoy! Baka mamaya mamatay na nga ako," kabadong saad niya.
Grabe ang isang 'to. Paano ko ba naging close si Pio? Hanggang ngayon pala na niniwala pa siya sa katok-katok na 'yon.
"Ngapala, kwento mo na kasi 'yong nangyari sa'yo kahapon," saad niya na naman.
Para pa lang isang ari ang isang 'to. Sobrang tigas din at hindi talaga lalambot hanggang hindi naaabot ang rurok ng kaalaman.
"Kapag ba kinuwento ko sa'yo, ano ang makukuha ko?" nakangiting sambit ko. "Syempre magsasayang ako ng laway kakakwento sa'yo kaya maganda kung may kapalit ang pag kwe-kwento ko."
Itinaas ko ang dalawang kamay ko at ipinatong ko ito sa ibabaw ng bar counter. Pinagdikit ko ang palad ko at kiniskis ito habang may isang matamis na ngiti sa labi ko.
"Limang daan kapalit ng kwento ko sa'yo tapos chika ko na rin sa'yo ang issue tungkol sa manager ng bar natin. Gusto mo 'yon?" nakangising saad ko sa kanya.
Tahimik lang ako pero sobrang dami ko talagang alam tungkol sa mga katrabaho ko lalo na sa manager namin na alam ko ang issue.
"Negosyante ka na pala ngayon, Agatha."
Natulos ako sa kinauupuan ko ng marinig ko ang boses ng manager namin. Nanginig sa takot ang mga tuhod ko dahil mukhang narinig ng manager namin ang sinabi ko.
"Banyo muna ako," bulong sa akin ni Pio at mabilis na nawala.
Napakagat ako sa dila kong napakadaldal. Hindi sana 'to mangyayari kung hindi lang ako naging maingay. Hindi ko tuloy alam kung dapat ba kong lumingon sa manager namin o magkunwari na lamang na nahimatay.
"Anong chismis ba 'yon, Agatha?" Naramdaman ko ang pag-upo ng manager kong babae sa tabi ko. "Sa akin mo i-kwento at babayaran kita ng isang libo. Dinoble ko na dahil mukhang malaki ang pangangailangan mo."
Dahan-dahan kong nilingon ang manager namin na dalawang taon lamang ang tanda sa akin. Ang manager namin na may sekretong relasyon sa may-ari ng bar kahit na may asawa na ang may-ari ng bar.
"Ang ganda mo yata ngayon, Ms. Hessa. Sobrang fresh n'yo at mas lalo ka yatang bumabata. Nahihiya na tuloy akong dumikit sa'yo dahil baka isipin pa nila na magkapatid pa tayo," kunyaring malungkot na saad ko.
Inilalayo ko siya sa tanong niya dahil baka mawalan pa ko ng trabaho nito. Sana pala hindi ko na lang kinausap si Pio. Ang ayos-ayos ng trabaho ko dito pero mukhang delikado ngayon.
"Dalagang-dalaga ang itsura mo at mukha ka pang virgin. Wala ka bang boyfriend, Ms. Hessa?" tanong ko pa.
"Alam mo, Agatha... Hindi mo ako madadaan sa ganyan mo!" Mabilis akong napatayo sa sobrang gulat ko sa pagsigaw niya.
Napahawak ako sa dibdib ko sa sobrang kaba. 'Wag naman sana mawala ang trabaho ko.
"Sorry po, Ms. Hessa. Wala naman po talaga kong i-kwe-kwento kay Pio. Sinabi ko lang po 'yon para bigyan niya ko ng pera dahil kailangan na kailangan ko talaga ng pera. 'Wag n'yo po akong tatanggalan ng trabaho," pagmamakaawa ko sa manager ko.
Sasapukin ko talaga si Pio kapag nakita ko siya mamaya. Kung hindi dahil sa kanya, hindi sana ako na-corner ng manager namin ngayon. Lagot ako nito kay Ayeza kapag nawalan ako ng trabaho.
"Patawarin n'yo po ako, Ms. Hessa. Hindi na po mauulit, pangako ko. Hindi ko na po kayo gagamitin para magkapera ako," hinawakan ko ang kamay ni Ms. Hessa.
Mas nakakakaba pa 'to kesa nang nasagasaan ako ng motor kahapon. Baka hindi na ko makauwi sa bahay kapag nawalan ako ng trabaho dahil sa kahihiyan. Bakit ba kasi sunod-sunod ang pagiging malas ko?
Sigurado akong may malas na hatid sa akin ang matapobreng lalaking 'yon. Simula ng makilala ko siya kahapon, sunod-sunod na ang pagiging malas ko sa iba't ibang bagay.
"Sino ba ang nagsabing aalisin kita?" Inalis niya ang kamay kong nakahawak sa kanya at tumayo na rin sa harapan ko. "Isa ka sa mga magagaling na VIP waitress kaya bakit ko aalisin ang alaga ko?"
Natanggalan ako ng isang mabigat na batong nakapatong sa balikat ko dahil sa sinabi ni Ms Hessa. Akala ko talaga uuwi na kong luhaan dahil nawalan ako ng trabaho e. Diyos ko, mapapatay talaga ako nito ni Ayeza kapag nalaman niyang nawalan ako ng trabaho. Buti na lang talaga.
"Salamat naman po kung gano'n, Ms.Hessa—"
"Pero maglilinis ka sa parking lot kapalit ng ginawa mo. Anong akala mo mabait ako?" Tumaas pa ang kilay nitong nagmamatapang sa akin.
"May trabaho po ako—"
"Wala akong pake. Ikaw ang maglinis at magsinop lahat ng kalat sa parking lot kung mahal mo ang trabaho mo," matigas na sambit nito sa akin. "Chismosang 'to. Ako pa talaga ang kinalaban," dagdag pa n'ya at basta na lamang akong tinalikuran.
Napasabunot ako sa buhok ko sa sobrang inis. Kung hindi ko lang talaga siya manager baka sinabunutan ko na siya. Ang sarap talagang manapak ngayon.
"May araw ka rin sa akin. Yabang mo e kabit ka lang naman ng boss natin," bulong ko pa sa sarili ko.
Masama man ang loob ko pero nagsimula na kong maglakad patungo sa parking lot ng bar na pinatratrabahuhan ko. Mamaya talaga, malilintikan sa akin si Pio. Siya talaga ang may kasalanan dito dahil kung hindi dahil sa kanya baka hindi ako maglilinis ngayon.
"Nakakainis pa rin!" Sobrang lakas ng bawat paglakad at talaga namang maririnig ng lahat ang bawat pagyapak ng sapatos ko sa tiles. "Naka-heels ako tapos taga pulot lang ng basura?! Ahhh!"
Tinulak ko ang pintuan at lumabas na ng bar. Padabog kong sinara ang pinto. Napabuntong hininga ako habang iniikot ang mga mata ko sa kabuuan ng parking lot. Sobrang laki ng parking lot namin at ang dami pang basurahan na dapat linisin.
"Lord, bakit ganito? Sana naman makarma si Ms. Hessa. Kahit hindi na dahil sa pinaglinis niya ako. Gusto ko lang makarma siya dahil nakisawsaw siya sa may taong pamilyado na," bulong ko sa hangin.
Huminto ako sa paglalakad ng makarating ako sa tapat ng unang basaruhan. Parang gusto ko agad na masuka dahil nagkalat ang suka sa takip nito.
"Kadiri talaga ang mga tao dito. Mayayaman pero ganito," iritadong saad ko.
Maglalasing tapos hindi naman pala kaya. Parang mga tanga. Sana kasi binibigay na lang nila 'yong mga pera nila at hindi na umiinom ng alak. Nakakasira kaya ng katawan ang alak. Pwede mo pang ikamatay.
"Boss, negative. Peke ang mga baril na ibinenta sa atin!"
Napatalon ako sa kinatatayuan ko ng marinig ko ang isang pagsigaw kasabay ng pagkasa. Dahan-dahan akong naglakad papalapit sa isang kotse at sumilip kung saan nagmumula ang sigaw.
Bawat paghakbang ko ay walang kaingay-ingay. Kung gaano ako kaingay kanina, gano'n naman ako katahimik ngayon.
Inilapat ko ang kamay ko sa bandang likuran ng kotse at dahan-dahang sumilip. Nanlaki ang mga mata ko at napatakip kaagad sa bibig ko ng makita ko ang napakaraming lalaki na nagtututukan ng baril.
Hindi pa 'yon ang ang nakakuha ng atensyo ko dahil may isang lalaking nakatayo sa gitna. Ang lalaking pinanggigilan ko simula kagabi.
"Alam niyong ayaw na ayaw ko na niloloko ako, Mr. Shin pero ginawa mo pa rin," malamig na saad ng lalaking matapobre.
Hindi lang pala siya basta matapobre dahil mukhang delikadong tao rin siya. Sobrang daming lalaki na may armas sa likod niya kumpara sa Mr. Shin na tinatawag niya.
"Mr. Sylvester—"
"Ahhh!" Malakas na sigaw ko ng bigla na lamang iputok ng lalaking matapobre ang kanyang baril. Saktong-sakto ito sa noo ni Mr. Shin.
Napatingin silang lahat sa gawi ko kaya mabilis akong tumakbo papalayo sa kanila. Hindi ko ininda ang pagkakatapilok ko basta tumakbo ako palayo sa kamatayan ko.
"Huli ka!" sigaw ng isang lalaki sa akin kasabay ng paghablot niya sa buhok ko.
Napahawak ako sa kamay ng isang lalaki na nakahablot ng buhok ko sa sobrang sakit.
"Bitawan mo ko! Wala akong nakita! Pakawalan mo ko!" sigaw ko at nanalangin na sana may makarinig sa akin.
"Boss, anong gagawin ko dito?" tanong ng lalaking may hawak sa buhok ko at hinarap ako sa kabilang gawi.
Nanginig ako sa takot ng makita ko ang isang demonyo. Ang taong walang pagdadalawang isip na pumatay. Ang taong hindi ko pinapangarap na makabangga o makilala.
"P-Pakawalan n'yo n-na ko. H-Hindi po ako magsasalita. H-Hindi a-ako magsusumbong s-sa mga p-pulis," mahinang saad ko.
Nagtawanan naman silang lahat maliban sa demonyong nasa harapan ko. Seryoso pa rin ang mukha niya habang nakatingin sa akin. May hawak pa rin siyang baril sa kanang kamay niya kaya mas lalo pa akong natakot. Alam kong kaya niya kong barilin basta-basta tulad na lamang ng pagbaril na ginawa niya sa lalaki kanina.
"Bobo pala nitong babae na 'to," natatawang saad ng may hawak sa buhok ko. "Sa tingin mo may maniniwala sa'yong pulis? At isa pa hawak ni boss sa leeg ang mga pulis!" Napuno na naman ng malalakas na tawanan ang mga kalalakihang 'to.
Kung ito man ang huling araw ko, sana maging maayos ang buhay ni Ayeza at ng anak niya. Mamatay man akong virgin pero kailangan kong tanggapin.
"Bitawan mo siya," walang ganang saad ng demonyo sa harapan ko.
Pero mas lalo lamang nadagdagan ang takot na naramdaman ko. Ganitong-ganito rin siya kahapon at inakala ko pa ngang tutulungan niya ko pero mas masama pa pala siya kesa sa nakabunggo sa akin.
"Ako ang bahala sa babaeng 'to," sambit pa niya na may malademonyong boses.
Binitawan ng lalaki ang buhok ko at ang demonyo naman ay nagsimulang maglakad pa palapit sa akin. Sobrang bilis ng t***k ng puso ko sa takot. Takot sa katotohanang ito na nga ang huling araw ko.
"Sana tumanda akong mag-isa?" tanong niya sa akin.
Parang gusto ko na lang matabunan ng lupa o kaya naman ay madaanan ng tsunami ngayon. Akala ko wala lang sa kanya ang huling sinabi ko pero tandang-tanda pa pala n'ya.
"N-Nagsisi a-ako na s-sinabi ko 'yon sa'yo," utal-utal na sambit ko.
"Hindi mo na kailangan magsisi dahil siguradong hindi ako tatanda mag-isa. Isasama kita sa buhay kong mala-impyerno."
Ikinasa nito ang hawak niyang baril at itinutok sa noo ko. Nanlaki ang mga mata ko at bigla na lamang nagdilim ang paningin ko.