Chapter 2: Dalisay na Kaluluwa

2029 Words
Lunes. Hindi mapakali ang lahat dahil sa espesyal at unang araw na ito ng linggo. Lumabas ako sa pinagtataguan dahil sa wakas ay nagdesisyon na akong makihalubilo sa mga tao. Agad ko rin pinagsisihan ang aking pasya dahil mataas na ang sikat ng araw. Ayaw kong nasisinagan ng araw. Sadyang isa akong night person, este, night angel. Ang mga tao ay lumalakad nang matulin patungo sa iba’t ibang mga direksyon ngunit hindi ko maintindihan kung saan nga ba talaga sila patungo. May mga nagkakabanggaan pa at nag-uunahan sa pila. Sa tagal kong nabubuhay ay napatunayan ko rin naman na kahit gaano pa kalayo ang kanilang marating, iisa lang naman ang destinasyon ng mga mortal. Ito ay ang “kamatayan”. Wala itong pinipili na edad, kasarian o estado pa sa buhay. Kung nakakapagsalita lang sana ako, sasabihan ko sila na mag-relax lang sa buhay, magpakasaya at kumain ng sandamakmak na ice cream. Ang bait ko, hindi ba? Sa dami kasi ng mga naibaon ko nang buhay pa sa ilalim ng lupa ay iisa lamang ang pagsisisi nila… Sana raw ay kumain pa sila ng maraming cake. Habang ako ay tahimik na nakikiusyoso sa mga taong abala, napansin ko na tinitingnan na ako ng mangilan-ngilan. Sa pamamaraan ng pagtingin nila sa akin, pakiramdam ko ay parang mayroon akong tatlong mata at sungay. Naiintindihan ko naman sapagkat sa aking sitwasyon, walang mag-aakala na isa akong anghel. Mula ulo hanggang paa ay nanlilimahid ako sa dumi at dugo. Ang aking kasuotan ay noong 1900s pa at iyon ay punit-punit at kumupas na. Marahil ay kailangan ko na ng makeover. Hiyang-hiya naman ako. “Taong-grasa. Mga walang gawang matino,” may pandidiring binulong ng isang babaeng naka-rebond ang buhok kaya mas lalo akong nagdamdam. Sumakay siya sa magarang kotse at sa isa pang pagkakataon, tinignan niya muli ako nang may panlalait. Bahagya akong nakaramdam ng awa sa sarili. Nang dumaan ang kotse niya sa aking harapan, nasulyapan ko ang kalunus-lunos na kalagayan ko mula sa itim na salamin ng sasakyan. Sa dami ng pinsala ko sa katawan, tila ba isa akong kandila na unti-unti nang nauupos. “Kulang ka lang sa ligo at exercise,” pangungumbinsi ko sa sarili na ako ay isa pa rin na makisig at malakas na anghel. “Tama! Umayos ka, Terrence. Magbalik-alindog ka na!” Sa maniwala man o hindi, ako ay isang magandang lalaki. Ang mga kababaihan na masuwerteng nasilayan ang tunay kong anyo ay magsasabi na napakaamo ng aking mukha na parang walang gagawing kalokohan. Kaakit-akit daw at nangungusap ang luntiang kong mga mata na para bang ako ay santo. Isa akong mandirigmang anghel kaya natural na matipuno rin ang pangangatawan ko at makisig ang dating. Pinagpapantasyahan ako ng mga taong babae at iba pang mga nilalang sa sanlibutan. Nakakataba ng puso pero ikinayayamot ko rin kung sumusobra na ang pagpapapansin nila sa akin. Madalas ay nagbabalatkayo na lamang ako na isang lalaking medyo may edad na o kaya bata na pitong taon upang makaiwas na lamang sa problema at sakit ng ulo. "Ang yabang mo naman!" batid ko na mapapabulalas ng sinumang makakarinig sa akin. Sorry naman. Hindi ko kasalanang maging gwapo. Teka, huwag niyo akong i-bash at batuhin ng tsinelas lalo na 'yun nakaapak ng dumi ng aso. Seryoso... Mahirap talagang maging pogi at habulin. Tanungin niyo man si Uno Emir Semira (Karakter ni Awtor sa librong Semira Boys Series) Isa talagang mabigat na pasanin sa aming mga kalalakihan ang kagwapuhan! Sa ‘di kalayuan ay nakita ko ang isang magandang babae na may malusog na dibdib at napakaikling palda. Ang aking napakatalas na mga mata na madadaig pa ang pinakamodernong microscope ay madaling napansin ang mga binti niya. Ang mga binti. Maganda ang hubog ng nga binti niya. Makinis pa at walang peklat o balbon... Panginoon ko! Ano ang nangyari sa mga nakalipas na panahon at ang mga kababaihan ay wala na halos saplot! Maraming kalalakihan, kasama ako, ang nakapansin sa kanya at siya ay halatang natutuwa sa atensyon na ibinibigay sa kanya. Hindi na dapat ako makialam kung ano man ang suot niya Sa katunayan, natuwa pa ako sa magandang tanawin. Hindi ko mapigilan ang sarili na tumingin muli hanggang sa isang napakatabang lalaki ang bumangga sa akin. Labis ko na pinanghinayangan na nawala sa aking paningin ang kaakit-akit na babae nang tumawid na siya sa kanto. “Sino ba ang pesteng ito?” yamot na naitanong ko. Iniangat ko ang paningin upang makita ang pangit at bastos na lalaki. Sa isang iglap ay rumehistro sa isipan ko ang lahat ng kasamaang nagawa niya. "Sobrang katakawan sa lahat ng bagay, pagtataksil sa asawa, paglason ng paunti-unti sa maysakit na ina, pagnanakaw ng lupa na pamana ng magulang sa mga kapatid at pagpapabaya ng mga anak...” Ang kanyang mga kasalanan ay kitang-kita ng inyong lingkod... Ako. Minura niya ako at itinulak. Dahil ako ay nanghihina pa sa aking mga sugat, ako ay nasadlak sa sementadong daan. Umalis siya kaagad at hindi man lang humingi ng paumanhin. Nakiramdam ako kung mayroon man na mabuting tao ang tutulong sa akin. Sa kamalas-malasan ay dinaanan lamang nila ako at pinagtawanan pa. Wala na talagang pag-asa ang mga tao. "Masunog ka," isinumpa ko siya sa aking isipan habang abot siya ng paningin ko. Sa isang iglap ay nagliyab siya at naging abo. Nagsigawan at nagkagulo ang mga tao upang iligtas ang walang kwenta nilang mga buhay. Umupo ako sa isang tabi at pinanood ang nakakaaliw na eksena na may ngiti pa sa aking mga labi. Lumutang sa ere ang enerhiyang nagmula sa kanya. Kapag namamatay ang isang tao, nilalabas ng mortal niyang katawan ang life force na maaaring maipasa sa iba pang nilalang. Maaaring maisalin ito sa mga naghahangad lamang ng karagdagang lakas o sa mga nanghihina na katulad ko. Mga ilang sandali ko rin iyon na pinagmasdan hanggang sa napagdesisyunan ko nang ayawan ang enerhiya ng lalaki. Hindi ko kasi type. Hinayaan ko na lamang na maipasa iyon sa isang daga na nasagasaan ng kotse. Muli itong nabuhay at kumaripas ng takbo papasok sa isang marumi at mabahong kanal. Napatawa na lang ako nang mahina subalit napatigil din kaagad nang kumirot ang aking tadyang. Nagpunta ang mga pulis sa lugar ng krimen ngunit hindi nila matukoy kung aksidente o foul play ang nangyari sa biktima. Nagsidatingan ang media people pero umalis din kaagad dahil wala naman silang makuhang impormasyon. Sa pagkakaalam lang ng mga saksi, bigla na lamang siyang naging abo. I am so proud of myself. Matuto kayo sa akin. Kung may planong gumawa ng krimen, wala dapat bakas ng kahit ano. Nararapat na malinis ang lahat na kahit pa si Sherlock Holmes ay imposibleng malutasan ang kaso. Nagpatuloy ang pamumuhay ng mga tao, kanya-kanya silang punta sa mga trabaho o kung saan pa man nila naisin. Ako naman ay naiwan na nag-iisip kung bakit nga ba talaga ako lumabas. A! Naaalala ko na! Akala ko ay nagkaka-memory gap na rin ako! Naghahanap pala ako ng susunod na mabibiktima. Dahan-dahan akong tumayo pero napaupo rin kaagad. Bigla akong napangiwi nang may mabali sa mga buto ko sa may tagiliran. “Bakit hindi ako gumagaling nang lubusan?" naisip ko habang pinipigilan ang sariling mapaluha. "Marami na akong napaslang na masasamang tao upang makuha ang kanilang llife force pero hindi pa rin ako umaayos kahit isang daan at dalawampung taon na ang lumipas.” Pinikit ko ang mga mata at namaluktot dahil sa sakit na nararamdaman. Kailangan ko na kaagad ng mapagkukuhanan ng lakas. Kaunting oras na lamang ang natitira sa akin kaya nararapat lamang na makahanap na ako ng kasuklam-suklam na tao! Oo, namimili naman ako ng mga biktima. Kahit papaano ay may konsiderasyon pa rin ako sa mga mababait na tao at mga bata. Paborito ko na tapusin ang mga mamatay tao, mga nanggagahasa ng mga babae at mga magnanakaw. Ngunit sa aking kundisyon, ako ay natutukso nang kumitil ng buhay ng kahit sino pa man. "Uy, ayos ka lang ba?" Narinig ko na tanong ng babae na may mataas at matinis na boses. Napatingala ako sa kanya at nakita ko sa kanyang mukha ang pag-aalala. Sa dinami-dami ng mga taong dumaan, siya lamang ang pumansin sa akin. Pangkaraniwan ang kanyang itsura ngunit ang una ko na napansin sa kanya ay ang napakalinis at kumikinang niya na kaluluwa. Ang nakita ko lamang na malaking kasalanan na nagawa niya ay ang paglayas mula sa kanyang bahay at pagsisinungaling upang hindi na siya sapilitang pauwiin. Naiintindihan ko. Masyado na siyang inabuso at sinaktan ng kanyang pamilya kaya niya nagawa iyon. Binuksan niya ang bitbit na bag at inilabas ang isang bote ng tubig. "Heto, inumin mo," panuto niya sa akin. Lumuhod siya sa harapan ko, hinawakan ang aking maruming mga kamay at pinahawak ang bote sa akin. "Wait ka lang, ha. Babalik ako. Magrereport lang ako kay Boss tapos dadalhin kita sa ospital, OK? Ang dami mong sugat.” “Huwag kang aalis diyan!" mariin niyang sinabi sa akin bago siya tumayo siya at tumakbo papunta sa loob ng building. Ako ay nagulat at hindi makapaniwala sa ‘di pangkaraniwang kabutihan na ibinigay sa akin ng isang tao. Tinignan ko ang bote ng tubig at nakasulat doon ang "Life Pure". Kakaiba. Parang may ipinapahiwatig sa akin. Ironic ba? Hindi ako naniniwala na may isang buhay na walang bahid ng dumi. Ngunit ngayon, napatunayan ko na ako ay nagkakamali. Isa siyang dalisay na kaluluwa. Bihira ang klase niya at ayaw ko na magkaroon ng ano mang koneksyon sa kanya. Kahit na ako ay pinahihirapan ng aking mga pinsala, nagpumilit akong makaalis. Nawala na sa isip ko ang planong makahanap ng mabibiktima. Hiniling ko na lang na sana ay makisama ang aking katawan at walang buto o laman ko pa ang mabali at mapunit. Narinig ko ang nagmamadaling yabag ng kanyang mga paa na papalapit. Nakalimutan ko ang sakit na aking nararamdaman at mabilis akong nagtago sa isang makipot na eskinita. Naglakad siya pabalik-balik at nagtanong sa mga dumadaan kung nakita raw ba nila ako na nakaupo doon sa sulok. Umiling sila at nayamot pa sa kanyang pangungulit. Nakita ko sa mukha niya ang panghihinayang at napakamot na lang siya ng ulo habang pabalik sa building. Sa pag-aakalang hindi na niya ako hahanapin, unti-unti akong lumabas sa pinagkukublian ko. Subalit, sa isa pang pagkakataon ay lumingon siya papunta sa aking direksyon. Nagulat ako dahil parang alam niya na naroon ako. Mabuti na lamang at may dumaan na kotse at naitago ako. Sinamantala ko ang pagkakataon upang tumakbo palayo. Ang puso ko ay puno ng kaba at kung hindi ako si ako, malamang aakalain ko na magkaka-heart attack na ako. "Tama ang aking ginawa, " pinilit ko na kumbinsihin ang sarili. Naglakad ako muli subalit nakakailang hakbang pa lamang ako ay napahinto na. Ramdam ko pa rin ang epekto ng kaluluwa niyang napakaganda at busilak. Napakasarap sa pakiramdam nang dumampi ang balat niya sa akin. Daig ko pa ang nakapagpa-spa at massage nang dumampi ang kamay niya sa hapo kong espiritu. Sa isang iglap ay nagkaroon ako ng pagnanasang siya ay mapasaakin. Sandali, hindi ako manyak! At hindi rin ito love at first sight. Mas lalong hindi ako pabebeng umaasa na nahanap ko na ang nakatadhana para sa akin! Mga tangang tao lamang ang naniniwala sa "forever at destiny"! Siya ay sadyang kanais-nais sa mga nilalang na katulad ko dahil siya ay "one in a million". Kahit tuksong-tukso na akong balikan siya at akitin upang sumama sa akin, nagpasya akong huwag nang magtangkang lumapit pa sa kanya. Ang dalisay na kaluluwa na ito ay hindi nararapat na madawit sa isang anghel na suwail na katulad ko. Bakit ba ako biglaang nag-aalala sa babaeng iyon samantalang tanggap ko na sa aking sarili na napakasama ko? Ayaw ko na sanang makihalubilo at magpakita ng kahit anong emosyon sa mga tao ngunit heto siya, bigla na lamang niyang ginising ang nagpapakabato kong puso. Napahawak ako sa aking dibdib at napailing. “Tama na ang isang pagkakamali, Terrence…” Nagpatuloy akong naglakad palayo sa kanya. Ngunit... Bakit ako nakakaramdam ng matinding kalungkutan?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD