"Kamatayan dapat ang hatol sa nagawa mo, Terrence."
Nais ko man sabihin ang lahat ng hinanakit sa aking puso ay pinili ko na lamang na manahimik at isawalang-bahala ang kanyang mga paliwanag. Marahan niyang hinawakan ang aking mukha upang magtagpo ang aming mga mata. Gayunpaman ay ibinaba ko pa rin ang aking paningin sapagkat ayaw ko nang makita ang mga mapanghusgang titig ng mga katulad kong anghel na kasalukuyang nagmamatyag sa kalagayan ko.
Ang duguang katawan ko na walang saplot ay punong-puno ng marka ng latigo mula sa aming pinuno. Gustuhin ko man na matakpan ang sarili ay hindi ko magawa dahil puwersahan na nilang itinali ang aking mga kamay at pakpak ng mga bakal na kadena. Sinigurado nila na hindi ako makakawala kahit hinang-hina na ako sa mga sugat na natamo.
“Buhay pa ba?” binulong ng isang kerubin sa katabi niya. “Parang naubusan na ng dugo!”
“Oo, pero kawawa naman. Ayan ang napapala kapag sumusuway sa ating mga batas kaya huwag natin siyang tutularan.”
Nang mga panahong iyon ay ramdam ko ang pag-iisa at kawalan. Kinuha na nila ang lahat sa akin, maging ang kasuotan na pansangga ko man lamang sana sa lamig sa patutunguhan ko. Kahit ang kakaunting dignidad na natitira sa kalooban ko ay nanganganib na rin na mawala nang tuluyan.
"Magsalita ka, kapatid ko. Sabihin mo sa akin ang sama ng loob mo," sinambit niya gamit ang isipan upang hindi na kami marinig ng iba pang mga anghel. Bakas sa ekspresyon niya ang pagsisisi dahil sa nagawa at batid ko na handa siyang tanggapin ang lahat ng panunumbat na magmumula sa akin kung 'yun lang ang paraan upang mas gumaan ang pakiramdam ko.
Pinili ko nang hindi kumibo. Pinigil ko ang sarili na tumangis at isumbong ang kalupitan na ginawad sa amin ng konseho ng langit, na mismong si Ama ang nagtatag upang panatilihin ang kaayusan sa kaharian Niya. Kung ituring nila kaming mas mababa ang ranggo na mga anghel, para lamang kaming mga nilalang na walang kanya-kanyang isip at pakiramdam. Kapag kami ay sumuway, may nakaabang kaagad na mabigat na parusa kaya lahat kami ay napupuwersang sumunod sa mga batas.
"Iniligtas lamang kita. Mas makakabuti na iyan ang kaparusahan mo,” pagpapatuloy ng kinikilala kong pinuno at kapatid. “Hindi ko maatim na tuparin ang kahilingan mo na patayin na lamang kita. Umaasa ako na pagbalik mo sa langit, maaayos din natin ang lahat. Kahit gantihan mo ako dahil sa mga latigong natanggap mo mula sa akin, tatanggapin ko basta ang hiling ko lang ay bumalik ang samahan natin katulad nang dati..."
Kahit na nanlalabo na ang aking paningin dahil sa dami ng nawalang dugo, nagawa ko pa rin na tingnan siya nang masama. Alam ko na nakita niya sa mga mata ko ang poot. Gulat, awa at lungkot ang bumahid sa kanyang mukha. Mas nanaisin ko na mamatay kaysa maitakwil at maranasan ang ganitong klase ng kahihiyan.
Ang tanging kasalanan ko ay ang magbigay ng awa sa tao. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit ako pinaparusahan katulad ng isang kriminal!
"Balang araw ay mauunawaan mo rin." Iyon ang huling mga salita na narinig ko bago ako tuluyang ipinatapon at ikinulong sa impyerno.
Napabalikwas ako pagkagising.
Kinapa ko ang aking likod upang siguruhin na matagal nang gumaling ang mga sugat na natanggap noong ako ay naparusahan mahigit dalawang libong taon na ang nakalilipas. Pinahid ko mula sa aking pisngi ang luhang hindi ko inaasahan na papatak nang dahil lamang sa isang masamang panaginip.
Kinusot ko ang aking mga mata at humikab pa dahil nabitin ako sa pagtulog. May mga dumaan na marurumi at mababahong daga sa aking kanan subalit hindi ko na sila pinansin dahil sa pagod na nararamdaman.
Pinagmasdan ko ang aking kapaligiran at mukhang mapayapa naman ang lahat. Pilit ko na kinumbinsi ang sarili na isa lamang iyon na malungkot na alaala ng aking nakaraan at hindi na babalikan pa. Napabuntong-hininga ako at muling humiga sa sahig.
Hate na hate ko talaga ang mga bangungot.
Nakakasawa.
Nakalipas na iyon at ayaw ko ng balikan.
Ayaw ko nang masyadong ma-stress at mag-emote.
Hindi ba pwedeng masayang mga bagay naman ang dumalaw sa aking paghimlay?
Sana ay mapagbigyan naman ako sa mga nakakatuwa at nakakaaliw na tanawin katulad ni Jollibee na sumasayaw?
O kaya, mga naggagandahan na mga babae sa Miss Universe?
Makatulog na nga lang ulit at baka mapanaginipan ko na sila sa swimsuit competition.
Siguradong mag-eenjoy pa ako roon.
"Kakaiba ka talagang mag-isip, Terrence!" pagsaway ko sa aking sarili na may pilyong ngiti. "Sige, kahit 'yun naka-gown na lang sila pero mataas 'yun slit para makita ko ang mga binti nila."
Ipipikit ko na sana ang aking mga mata nang makarinig ako ng kalabog. Bumukas ang ilaw at may mga lalaki na pumasok. Sumilip ako sa maliit na siwang mula sa aking pinagtataguan. Hawak nila ang dalawang batang babae na nanginginig sa takot.
"Mga kuya, pakawalan niyo na po kami," pagmamakaawa niya.
Dinig ko ang pagsusumamo ng isang dalagita na may edad na labing-anim sa mga taong dumukot sa kanya at sa nakababatang kapatid niya na babae. Naka-uniform pa sila at sa lagay nila ay maaaring kinuha lamang sila habang pauwi galing sa eskwelahan. Halos mapasubsob sila sa sahig dahil sa lakas ng pagkakatulak ng mga bumihag sa kanila.
Isang grupo ng kalalakihan na may iba't-ibang edad ang nagbato sa may paanan niya ng mga upos na sigarilyo. Umupo sila sa mga nagkalat na silyang kahoy at ngumisi na parang mga demonyo.
Ang papangit nila, sa totoo lang.
Hindi na nga sila nabiyayaan ng kagandahan, sadyang napakasama pa ng mga ugali!
"Sumayaw ka!" utos nila na may kasabay na tawanan.
"Palayain niyo na po kami. Kung gusto niyo, may pera ang aking ama..."
"Hindi namin kailangan ang pera!" sigaw ng isang lalaki na may itim na jacket. "Sumayaw ka at maghubad. Iyon lang ang gagawin mo."
"Huwag po..."
Tumayo ang isang lalaki na may malaking pangangatawan at sinabunutan ang kanyang buhok. Sinimulan niya na punitin ang damit ng babae.
"Masyado kang maarte!"
Umiyak ang dalagita, nagpumiglas at nakiusap ngunit walang awa ang lalaki. Sinampal pa siya nito sa mukha, dahilan upang pumutok ang kanyang labi at mapaupo sa sahig.
"Ate!" lumuluhang pagtangis ng nakababata. Lalapit na sana siya upang damayan ang kapatid ngunit pinigil siya ng isa pang lalaki na may hawak na bakal na tubo.
Habang walang laban na pinagmamasdan na hinahatak patayo ang kanyang ate, siya ay taimtim na nagdasal upang sila ay mailigtas sa kasamaan.
"Diyos ko! Iligtas mo po kami!" narinig ko na pagsusumamo niya habang hawak ang kwintas na may palawit na krus.
Naging mabuti ang langit sa kanya dahil ako ay naroon sa tamang lugar at panahon.
Ang katotohanan ay wala akong pakialam sa magkapatid.
Joke lang. Huwag niyo muna akong tawaging “maldito”!
Meron naman din pala akong pakialam.
Nakukunsensya naman ako na pabayaan silang mapagsamantalahan ng mga lalaking salot sa lipunan!
Kumukulo ang dugo ko sa mga mabababang uri ng tao na kayang abusuhin ang kahinaang pisikal ng mga babae at mga bata. Imbis na alagaan ay nagagawa pa nilang saktan at halayin. Sana ay namatay na lamang sila sa sinapupunan ng kanilang mga ina kung ganito lamang pala ang gagawin nila.
Gayunpaman ay aminado ako na ang pangunahing rason kung bakit nais kong makialam ay nakikita ko ang buhay at lakas na dumadaloy sa katawan ng lalaking may malaking pangangatawan. Kailangan ko siya upang ako ay gumaling sa mga pinsala na natamo nang ako ay nakipaglaban sa mga demonyo at fallen angels na katulad ko, mahigit isang daang taon na ang nakakalipas.
Maramot na kung maramot ang dahilan ko pero kailangan ko talaga ng karagdagang enerhiya.
Tumayo ako mula sa kinauupuan, desidido na sila rin ay pagbayarin sa pag-iistorbo sa tahimik kong pamamahinga.
Kapag nga naman sinuswerte at minamalas.
Maswerte dahil mayroon akong mabibiktima at malas dahil sa totoo ay gusto ko lamang matulog pa sana kahit kaunti. Kaming mga anghel ay bihira lamang matulog pero iyon ay tunay na nakakaginhawa sa aming pakiramdam.
"Sino ka?" tanong ng lalaking mapalad na napili ko. Marahil ay nagulat sila sa paglapit ko nang biglaan at walang imbitasyon. Dahil hindi pa ako makapagsalita, ngumiti lamang ako sa kanya. Nais ko man na sabihan silang "pangit", walang tinig na magmumula sa akin sapagkat may butas pa ang aking leeg. Nahiwa kasi ito noon nang may tangang anghel na humamon sa akin ng away sa purgatoryo. Hindi man ito kaaya-aya sa akin ay mas malas pa rin siya dahil tuluyan ko namang napugutan ang kanyang ulo.
Itinulak at pinakawalan niya ang dalagita. Siya ay tumakbo papunta sa kanyang kapatid at nagtungo sa isang sulok.
"Anong kailangan mo?" muli niya akong tinanong. Kitang-kita ang takot sa kanyang mga mata. Siguro ay alam ng kanyang kaluluwa ang malagim na pangyayaring naghihintay sa kanya. Huminto akong maglakad sa harap niya at tinignan siya mula ulo hanggang sa paa. Nakita ko ang lahat ng kanyang mga kasalanan.
Mula sa pagnanakaw at pagpatay, siya ay nararapat na masunog sa impyerno!
Nais ko siyang ibaon ng buhay. Ang paghuhukay ng lupa at paglilibing ng mga taong humihinga pa ay aking hilig. Ngunit, dahil ako ay wala ng oras at tinatamad pala ako, kukunin ko na lamang ang kanyang enerhiya.
Kailangan ko iyon upang ako ay mabuo ulit.
Sa isang kisapmata ay hinatak ko at binali ang kanyang leeg. Ang kawawang nilalang ay hindi man lamang nakasigaw o nakalaban. Ang kanyang enerhiya ay mabilis na nailipat sa akin, dahilan upang gumaling ang mga bali sa aking katawan.
Nais kong magdiwang!
Napakasaya ko nang mga oras na iyon!
Ngunit mukhang hindi masaya ang kanyang mga kabarkada. Sila ay nagalit ngunit mas natakot sa ginawa kong kahindik-hindik. Inilabas nila ang kanilang mga b***l at ako ay kanilang inasinta.
Napakabobo at napakahangal ng mga taong ito.
Kung sila sana ay tumakbo na lang, malamang ay buhay pa sila ngayon. Ang mga bala nila ay walang epekto sa akin. Idinura ko lamang ang mga bala kaya sila ay mas lalong natakot sa akin.
Isa-isa ay ginawa ko na aliwan ang pagbali ng kanilang mga leeg. Labis kong ikinatuwa ang enerhiya na kanilang inilabas at inilipat sa akin.
Ang lalaki na nakasuot ng itim na jacket ay tinawag akong, "Diablo".
"Talaga? Thank you ha!" sabi ng kakaiba kong isipan.
Bilang pasasalamat at gantimpala, siya ay aking pinahirapan muna sa pamamagitan nang pagdurog ng kanyang mga buto bago ko siya tuluyang pinatay. Karapat-dapat lang sa kanya dahil siya ang may pasimuno sa pagkuha ng mga inosenteng babae at ilan pang mga bata na hindi pa rin nahahanap ng mga magulang nila hanggang ngayon. Sa kasawiang-palad, pinaslang na ang mga anak nila. Kulang pa ang aking ginawa upang makaganti.
Sa loob ng dalawang minuto, mga walang buhay, duguan at walang kwentang mga tao ang nakapaligid sa akin.
Alam ko na ako ay napakasama.
At, ipinagmamalaki ko iyon.
Well, "slight" lang.
Bad ako pero hindi evil.
May puso naman ako kahit papaano.
Lumapit ang dalagita sa akin nang walang alinlangan at tiningnan ako ng buong tiwala at walang kamalayan.
Ignoranteng babae.
Ikinaiinis ko nang labis kapag ako ay tinitingnan ng ganoon.
"Sir, kayo po ba ay...isang anghel?"
Napaisip ako bigla kung ako nga ba ay tunay na anghel. Ang uri ko ay kilala bilang nilalang na kasing bait ng isang sanggol at napakaamo tulad ng paru-paro.
Subalit, hindi ako katulad ng inaasahan niya.
Isa nga akong anghel ngunit ako ay ipinagtabuyan sa langit.
"Thank you po," sinambit niya sa akin. Dahan-dahan pa niyang hinawakan ang aking mga kamay at halata sa kanyang mukha ang tuwa. Siya ay nanalangin sa Panginoon ng pasasalamat.
Nagdasal siya sa Diyos na walang awang nagparusa sa akin ng dahil lamang sa isang pagkakamali. Sa loob ng libo-libong taon, nawala sa akin ang karapatan na manatili sa langit at ipinahiya ng lubusan dahil sa awang aking ipinamalas sa mga anak ng lintik na katauhan.
Sa napakahabang panahon, ako ay patuloy na nagtanong ng "Bakit?" ngunit ni isang sagot ay wala akong narinig mula sa Kanya.
Malamang ay nakalimutan na Niya ako.
Lahat ng masasama at mapapait na alaala ay muling bumalik sa aking isipan na puno ng galit.
Paulit-ulit na lang.
Nakakapagod.
Tinalikuran ko ang dalagita, binuksan ang pintuan, at tumakbo palayo sa kawalan.