Malakas ang ulan at malalim na ang gabi.
Walang dumadaan na kahit anong pampasaherong sasakyan na patungo sana bahay na tinutuluyan ko. Sa kakalakad ko ay nasira pa ang suwelas ng suot na sapatos. Kanina naman ay bumaligtad naman ang payong ko dahil sa lakas ng hangin. Napabuntong-hininga na lang ako dahil sa mga hindi kaaya-ayang mga pangyayaring sinusundan ako kanina pang umaga.
Hay naku. Ang malas ko naman!
Nawalan pa ako ng trabaho. Akala ko, nagkaintindihan kami ni Boss kaninang umaga. Ang saglit na pagkawala ko sa aking station ay nagdulot ng pagkasisante ko. Pinalagi pa niya ako hanggang alas-diyes upang mapagsilbihan ang mga nagpapakulay at nagpapa-rebond ng mga buhok. Iyon pala ay huling gabi ko na sa parlor na pinapasukan ko bilang isang assistant hairdresser.
Hindi bale, may kaunti pa naman akong savings kaya makakapag-survive pa ako hanggang makahanap na ako ng bagong trabaho.
Hiling ko na sana ay may mag-hire sa akin kaagad. Ang pera na naitabi ko ay sapat lamang para matustusan ang mga pangangailangan namin ni Tita Watty ng anim na buwan. Nagtitipid talaga ako dahil may mga maintenance medicines na ang mabuting tao na nag-ampon sa akin. Medyo may edad na kasi siya at maliit lang ang kanyang pensyon. Maswerte kami at may bahay kami kaya bawas sa gastusin na ang renta. Ang dasal ko lang ay wala sanang magkasakit sa aming dalawa o may emergency na dumating kasi hindi na kakayanin ng budget ko.
“Kaya mo ito, Annie! Laban lang!” pagpapalakas ko na ng loob upang hindi ako tuluyang umiyak sa kamalasang mas malupit pa sa ulan na bumasa akin.
Maya’t maya ay may dumaan na jeepney kaya umasa ako na makakasakay na rin. Masakit na ang mga binti ko dahil sa maghapong pagtayo sa parlor at medyo mahapdi na ang talampakan ko dahil sa kakalakad sa magaspang na semento kaya uwing-uwi na talaga ako.
"Wait! Kuya! Hintay! Kuya!" sinigaw ko.
Tumakbo pa ako upang habulin ang sasakyan. Desperado na akong makauwi kaya kahit na sumabit pa ako, papayag na ako.
Dumaan lamang ang jeepney at aksidente pa akong natalsikan ng putik nang mapadaan ang gulong nito sa bahang parte ng kalsada. Pinahid ko ang dumi sa aking mukha habang pinagmamasdang lumalayo ang kaisa-isang pag-asa ko upang makauwi. Nangilid na ang luha sa aking mga mata. Pakiramdam ko nang mga oras na iyon ay ako ang pinakamalas na babae sa buong mundo.
Pero kahit na iyak na iyak na ako to the highest level, pinilit ko na lamang na pagtawanan ang nangyari sa akin. Ganyan naman talaga ang buhay, kailangan lang matutong maging optimistic. Ayaw ko ngang magkaroon ng wrinkles nang dahil sa stress!
Tumingin ako sa suot na relo. Mag-aalas dose na ng madaling araw. Kaya pala kanina pa kumakalam ang aking sikmura, dalawang oras na akong palakad-lakad sa kalye at hindi pa ako naghahapunan. Malamang, almusal na ang kakainin ko. Bibili ako ng maraming pandesal at keso sa malapit na panaderya para pagsaluhan namin ni Tita Watty mamaya.
Inisip ko na lang din na pagkatapos nang pakikibakang ito, matagal naman ang magiging bakasyon ko. Pabulong akong umawit upang maaliw na lamang ang sarili.
Habang tinatahak ko ang maputik at baku-bakong daan, bigla kong naalala ang lalaki na nakita ko noong umaga.
Kumusta na kaya siya?
Kanina ko pa siya iniisip, sa totoo lang. Parang ang dami niyang mga pasa at sugat, at wala siyang tinutuluyan na bahay. Napakalungkot ng luntian niyang mga mata. Nang magkatitigan kami, may bumulong sa isipan ko na tila ba humihingi ang espiritu niya ng tulong. Hindi niya makakaila na pagod na pagod na siya.
Kung malas ako, marahil ay mas kapus-palad siya.
Kawawa naman.
Mabalikan ko nga sa makalawa at kapag nakita ko siya ulit ay talagang ipapagamot ko siya at dadalhin sa malapit na DSWD*.
(Department of Social Welfare and Development)
Nabaling ang aking atensyon sa isang malakas na kaluskos. Nangilabot ako at nanlamig ang pakiramdam. Umihip pa ang malamig na hangin kaya nabahala ako na baka lalagnatin pa ako. Hindi malayong mangyari dahil kanina pa ako basang-basa sa ulan.
Binilisan ko lalo ang paglalakad dahil kakaiba na talaga ang feeling ko. Parang may mga matang nakamasid sa akin. Natumba pa ang isang basurahan at sa aking pagkagulat ay napatili ako ng malakas. Kumaripas ng takbo ang dalawang mga pusa na may mga dala-dalang tirang pagkain.
"Buti naman," bulong ko sa sarili. "Akala ko ay aswang."
Aswang?
Ano ba ang mga iniisip ko?
Malamang ay dala lang ng gutom ito!
Mga ilang sandali lang ay may narinig akong mga yabag na nagmumula sa likuran ko. Mabilis ako na lumingon, ngunit wala naman akong nakita na tao. Nilabas ko ang sandata na tear gas. Palagi kong baon iyon dahil masyado nang delikado ang mundong ginagalawan ko.. Mahirap na at baka may masamang loob na balakin pang ako ang maging biktima.
Aba, lalaban ako!
Hindi nagpapatalo si Hope Annie Mercedes!
Nagpatuloy ako sa paglalakad, alerto sa aking paligid.
Kampante na sana ako na guni-guni lamang ang nararamdaman subalit may narinig akong sumipol. Mas lalo akong kinabahan dahil sabi ng mga nakakatanda, huwag daw titingin o lilingon kapag may ganoon. Kapag ginawa mo iyon ay may masamang elemento na gagambala o sa kamalas-malasan ay kukuha pa sa iyo. Kahit tuksong-tukso na akong lumingon ay sinikap ko na ituon ang atensyon sa mga poste ng ilaw. Muli ay narinig ko ang mas malakas na sipol, dahilan upang mapatakbo na ako sa takot.
Tila ba namalikmata pa ako nang lumitaw mula sa kadiliman ang apat na lalaki at isang babae na naka-hoodie jacket. Hindi ko inaasahan ang biglaan nilang presensya. Sa tulin ng aking takbo ay hindi ako nakapreno kaya aksidenteng nabangga ko ang babae.
Hihingi na sana ako ng pasensya ngunit hinatak niya ang buhok ko. Nanlilisik ang mga matang hinila pa niya ako sa madilim na parte ng kanto.
"Sandali," pagpigil ko sa kanya. Alam ko naman kasi na nasaktan ko siya kaya imbis na lumaban, sinikap ko na magpakahinahon. "Huwag ka nang magalit, Sister. Hindi ko sinasadya. Sorry na."
Imbis na bumitiw ay mas lalo niyang hinigpitan ang hawak niya sa aking buhok. Sumakit ang batok ko dahil kakaiba ang lakas niya. Nais ko man gamitin ang tear gas, nag-alangan na ako dahil tila ba maling galaw ko, siguradong mababali ang aking leeg.
"Kapag nga naman lumapit ang pagkain sa atin," pahayag niya sa mga kasama. “Amoy masarap, parang bagong lutong dinuguan at puto!”
Tumawa ang mga lalaki at dinilaan pa ang kanilang mga labi. Nagtaka ako dahil wala naman akong dala na dinuguan at puto. Ang tanging pagkain na dala ko ay isang pirasong mint candy kaya mas lalo akong nagduda sa pahayag ng malditang babae.
Kahit na madilim pa ay kaagad kong napansin na may kakatwa sa kanilang itsura.
Ang puputla nila.
Hindi kaya sila...
Bampira?
Imposible!
Kathang-isip lamang sila.
Atsaka sa lahat ng tao sa Pilipinas, bakit ako pa ang nanaisin nilang kainin?
"M-Miss. Ang sakit na ng anit ko. Pwede mo ba akong pakawalan na, please? Sige na. Ililibre ko na lang kayo ng food. O, kung gusto niyo, nandito ang separation pay ko. Sa inyo na. Kahit pa buong bag ko. Ayan!" kabang-kaba na inalok ko.
Iniabot ko ang mga gamit ko sa kanila bilang panuhol. Kinuha ng babae ang bag at may pangungutyang inobserba iyon. Luma na kasi iyon at hindi kapani-paniwala na may laman iyon na dalawampung libong piso.
“Twenty thousand pesos ang nasa loob niyan. Kahit mag-Jollibee kayo magdamag, ayos na ayos!” paniniguro ko pa sa kanila.
"Madaldal ang isang ito. Tapusin na kaya natin?" suhestiyon ng lalaking may tattoo pa ng anghel sa leeg.
"Huwag! Gusto ko, sariwa pa ang dugo niya, " pagkontra ng katabi niya habang pinagmamasdan ako nang may pagnanasa.
Tama ang hinala ko!
OMG!
Oh my Gulay!
Sila ay mga bampira!
Nanigas ang buong katawan ko na para bang ako ay nagyelo. Kahit na magpumiglas ako, batid ko na na-corner na ako at imposible nang makatakas. Nagkataon pa naman na malalayo ang mga bahay sa kanto na dinadaanan ko kaya walang makakarinig kahit magsisigaw ako.
Ang tanging masasabi ko na feeling ko noon ay…
Takot na takot ako!
Nginig to the bones!
Sa pagkakataong iyon, ang iniisip ko lang ay si Tita Watty.
Paano na siya kapag nawala na ako?
Ang pag-asa ko na lamang ay ang magdasal sa Diyos. Alam ko na kahit ano pa ang pagsubok na dumating sa aking buhay ay ginagawan Niya ng paraan na makabangon ako. Umaasa ako na ipapadala Niya ang isa sa mga anghel at ililigtas ako sa pagkakataong ito.
Kahit gulong-g**o na ang aking isipan, naalala ko pa rin ang isang panalangin na turo ng aking ina na idasal daw kapag nasa oras ng peligro.
“Angel of God, My Guardian dear,
To Whom, His love commits me here
Ever this day be at my side
To light and guard, to rule and guide.
Am-“
Hindi ko pa natatapos ang dasal nang matumba ang babae na may hawak sa akin. May kutsilyong bumaon sa kanyang likod at tumagos sa kanyang dibdib. Bigla na lang siyang nagliyab at naging abo. Nagulat ang mga natitira sa mga bampira at nawala ang atensyon nila sa akin. Ako naman ay parang naging estatwa sa kinatatayuan ko.
"Babae, huwag kang tumayo riyan at manood," narinig ko na may bumulong sa aking isipan. “Magtago ka.”
"Sino ka?" bulong ko rin sa kanya. "Guardian Angel ko? Ikaw ba 'yan? Sa wakas, magkakakilala na tayo! Isasalba mo ba ako? O, susunduin mo na? Huwag naman muna, please..."
"May pagkatanga ka pala. Hindi. Kaya nga pinapatago kita, may magliligtas sa iyo."
Ay!
Ang harsh!
Oo nga pala!
Tama nga naman ang kakaibang narinig ko kahit multo pa iyon o ano man na nilalang na hindi ko nakikita.
Na-amaze kasi ako nang sobra-sobra kaya na-starstruck ako!
Mabilis akong nagtago sa ilalim ng nakaparkeng kotse. Nanginginig ang buong katawan ko habang pinagsisiksikan ang sarili sa pinagkukublian. Mula roon ay nasisilip ko ang galaw ng mga paa nila na para bang naglalaban sila. Biglang may gumulong na pugot na ulo sa may harap ng aking mukha. Tinakpan ko ang bibig upang hindi humiyaw sa sindak. Nakabukas pa ang mga mata niya at para bang nakatitig pa sa akin. Umusog ako papalayo habang pinipigil ang sarili na masuka.
Sana ay bangungot lang ang lahat ng ito!
Pagkatapos ng ilang minuto ay nagliyab ang apat na katawan na bumagsak sa daan. Isang pares na lang ng mga paa ang nakikita ko at papalapit ang mga iyon sa direksyon ko. Dahil sa hindi ko alam kung kakampi o kalaban ang natira, nag-alinlangan ako na lumabas. Gumapang ako para sikretong tumakas nang malalakas na kamay ang humila sa akin palabas.
Hindi ko na napigilan na sumigaw ng napakalakas at napakatinis.
"Eeek! Mommy! Help!"
Napabitaw ang lalaking humatak sa akin. Maging ang mga paniking nananatili sa katabing puno ay nagsiliparan palayo. Tinakpan ng tagapagtanggol ko ang kanyang mga tainga at napaluhod pa sa kalsada na para bang nasaktan ko siya ng sobra.
Teka, kilala ko siya!
Siya ang lalaki na nakaupo sa isang sulok ng building na pinapasukan ko ng trabaho!
"Ikaw? Ikaw nga!" masaya kong pagbati.
Lumuhod ako at tinapik-tapik ang mga balikat niya.
"Alam mo ba na kanina pa kita hinahanap?" sunud-sunod na nilahad ko sa kanya. "Akala ko kung napaano ka na! Pero, ang galing mo ha! Siguro ikaw 'yun sinasabi nila na mga "hunter ng evil" katulad ng mga nakikita ko sa TV. Tapos naka-disguise ka ng ganyan...alam mo na...hehehe! Marunong ka bang mag-kungfu? O kaya karate?"
Tumango-tango lang ang lalaki at nilagay ang kanyang hintuturo sa kanyang mga labi na para bang pinapatahimik niya ako.
Ngunit hindi ko talaga makontrol ang aking bibig sa sobrang galak.
"Salamat! Hehehe! Mag-celebrate tayo! Dapat bonggacious!"
"Shhhhhh..." pag-awat na niya sa akin.
Napasimangot pa siya habang tinatanggal ang mga kamay ko na nakahawak pa rin sa kanya.
Nakaramdam ako ng hiya nang makita ang reaksyon niya.
Bakit kasi ang ingay ko at sadyang malakas ang matinis ko na boses? Sabi nga ng mga classmate ko noon, parang nakalunok ako ng microphone noong bata pa ako kaya kahit na nasa kabilang silid na raw ako, dinig na dinig pa rin ang pagsasalita ko.
"Paano ba kita mapapasalamatan, Kaibigan?" tinanong ko siya habang sinisikap na hinaan ang tono ng aking pananalita.
Umiling lamang siya at nanatiling tahimik. Dahan-dahan siyang tumayo ngunit napaupo rin muli. Sa kalagayan niya ay napaghalata ko na hinang-hina na siya. Kumapit ako ulit sa mga braso niya upang maalalayan siya.
"Napagod ka yata," pag-aalala ko. “Halika, maupo ka muna sa tabi.”
Tuluyan nang nawalan ng malay ang misteryosong lalaki na nagligtas sa akin. Dahil sa tangkad at bigat niya, ako rin ay napahiga sa semento nang siya ay mapahandusay.
“Gising!”
Tinapik ko pa ang mga pisngi niya upang masiguro na nahimatay na nga talaga siya. Nang hindi siya gumalaw ay pinakinggan ko naman ang kanyang paghinga. Mukhang maayos naman ang lagay niya ngunit marami siyang pinsala sa katawan kaya kailangang maipagamot kaagad.
“Paano ko siya tutulungan kung walang ibang mga tao na narito?” pagpa-panic ng stressed na stressed ko ng isipan.
Tinantya ko ang layo ng kanto mula sa kinaroroonan namin. Sa estima ko, kung tatakbuhin ko nang mabilisan, mga sampung minuto na lang at aabot na ako sa pamilihan ng siyudad. Siguradong may mga nakaabang ng mga taxi roon at makakahingi na ako ng tulong.
Buong lakas ko siyang hinila papunta sana sa ligtas na parte ng daan. Pero may kabigatan si Mamang Hunter kaya isang hatak pa lamang ay napaupo na ako. Nang subukang iusog siya muli, nadulas naman ako at napahiga pa sa dibdib niya.
“Ano ka ba, bato?” pagtataka ko na. “Lagot na…”
Pinagulong ko ang dalawang basurahan upang ipangharang sa tapat niya. Madalang na ang pagdaan ng mga sasakyan ngunit siniguro ko pa rin na hindi nila siya masasagasaan. Hinubad ko ang suot na pulang jacket at binalabal sa katawan niya.
"My friend, diyan ka lang, ha. Babalik ako. Huwag kang bibitaw," binilin ko sa kanya kahit alam ko na hindi na niya ako naririnig.
Tinanggal ko ang nasirang mga sapatos at nagsimulang tumakbo. Habang papalapit nang papalapit ang natatanaw kong liwanag sa siyudad, mas lumalaki ang pag-asa kong maililigtas ang lalaking tumulong sa akin.
Sa bungad pa lamang ng pamilihan ay nakaparke na nga ang mga jeepney at iba pang pampasaherong mga sasakyan. Humahangos pa ako nang kinatok ang bintana ng isang taxi.
"Kuya, para mo ng awa, tulungan mo kami. Emergency!"
“Ha? Bakit?” pag-uusisa niya.
“’Yun kaibigan ko po, nahimatay sa may kanto,” mangiyak-ngiyak na tugon ko.
"Anong nangyari, may sakit ba?"
"Wala po. May mga nakalaban siya na..." natigilan pa ako dahil siguradong hindi siya maniniwala na mga bampira ang umatake sa amin. "Ano po, may nakalaban siyang masasamang loob!"
“Sumakay ka na, Hija,” panuto niya. Mabilis na binuksan ng butihing driver ang kanyang kotse upang ako ay tulungan.Tinawagan din niya ang mga kasamahan upang umalalay.
"Mystery Man, kapit lang!" sigaw ng aking isipan habang patungo kami kung saan siya nakahandusay.