Napakadilim.
Kinurap-kurap ko ang mga mata upang mas maging malinaw ang nakikita ko sa paligid. Mula sa kinahihigaan, natanaw ko ang niyebe na paunti-unting bumababa sa kinaroroonan ko.
Pinilit ko na bumangon ngunit ako ay napahiga muli. Nang subukan ko na igalaw ang mga kamay, napansin ko na ako pala ay pinapalibutan ng mga kadenang bakal. Naramdaman ko ang matinding lamig na nanuot sa hubo't h***d kong katawan. Umihip ang malakas na hangin kaya mabilis na umakyat ang yelo mula sa aking paa hanggang sa ulo. Nahirapan akong huminga pero alam ko na hindi ginaw ang kikitil sa aking buhay.
"Ano ang nangyayari?" pagtataka ko habang pilit na ginigising ang aking diwa.
A, naaalala ko na.
Mahigit dalawang libong taon na ang nakalilipas, ipinakulong at ibinaon pala ako nang buhay sa pinakailalim at pinakamalamig na parte ng impyerno. Marahil ay iisipin ng nakararami na maswerte ako at hindi sa nagbabagang apoy ako pinadala kung saan ang mga makakasalanang kaluluwa ng mga tao ay nananatili. Ang katotohanan ay pareho lamang nakakapaso ang sobrang init at lamig.
Kumirot ang mga sugat sa aking likod na resulta ng isang libong latigo mula sa aming heneral. Napapikit na lamang ako ng mga mata nang maramdaman na patuloy pa rin ang paglabas ng sariwang dugo na nanggaling sa aking mga pinsala. Binali rin ang mga pakpak ko bilang parusa.
Kahit ako ay lubos na nahihirapan at nasasaktan, buong pwersa ko na iginalaw ang katawan ko upang makaupo man lang. Parang umikot ang aking sikmura kaya ako ay napasuka ng dugo. Kahit na madilim at nanlalabo na ang aking paningin, pinagmasdan ko na dumaloy ang pulang likido sa lupa. Para akong inosenteng bata na litong-lito pa rin sa mga pangyayari. Nang umusog ako nang kaunti para makasandal sa pader ng kulungan ay nahatak ang aking pakpak. Isang impit na iyak ang lumabas sa aking bibig. Pinigil ko ang sarili na humiyaw.
"Masakit po," pagsusumbong ko na tila ba kaharap ko lamang ang aming Tagalikha. Nanginig na ang kalamnan ko dahil sa magkahalong pighati, hapdi, lamog, sugat at panghihinang nararamdaman. "Napakasakit po..."
Masamang-masama ang loob ko.
Hindi lang dahil sa hatol, mga pinsala at kahihiyan.
Itinakwil ako ni Ama.
HIndi ko inaasahan na pahihintulutan Niya na gawin ng konseho sa akin ito.
Akala ko ay mahal Niya ako.
Alam ko, na alam Niya, na mahal na mahal ko Siya.
"Akala ko po ba ay tinuruan mo kaming maging mapagmahal at mas maunawain sa mga nilikha Mong mortal? Pero ito ang nangyari sa akin, nang dahil sa pag-aaruga at awa ko sa isang hamak na tao, pinarusahan Mo pa ako!"
Bumalik sa aking alaala ang isang babaeng inalagaan ko. Mula pagkasilang hanggang sa paglaki ay ako ang nagsilbing gabay niya. Sa kasamaang-palad, pinili pa rin niya ang maging masama dahil nasilaw siya sa kapangyarihan at makamundong kayamanan. Nang mapupunta sana sa impiyerno, ipinagtanggol ko siya laban kay Kamatayan upang mabigyan ng pangalawang pagkakataon.
Pangalawang pagkakataon at buhay na sinayang niya...
At paulit-ulit na bumabagabag sa aking kunsensya habang ako ay nasa impiyerno!
HIndi sana ako naparusahan kung noon pa man ay hindi ko pinairal ang aking puso.
"Bakit ba ang puso ko ang aking kahinaan?" tinanong ko Siya.
Pumatak ang sunod-sunod na mga luha sa aking mga mata ngunit hindi ko man lamang mapahid ang mga iyon dahil nakatali ako.
"Bakit po?"
Bakit?
Nagkamalay ako nang maramdaman na may pumupunas sa mga pisngi ko. Sa pagbukas ng aking mga mata, nasilayan ko ang babae na iniligtas ko kaninang madaling-araw. Bakas sa mukha niya ang pag-aalala.
"Gising ka na pala," sinabi niya sa akin habang hinahaplos ang platinum blonde kong buhok na naging tsokolate na ang kulay dahil sa putik. "May masakit ba sa iyo?"
Umiling lang ako bilang tugon. Ngumiti siya sa akin at marahang pinisil ang kanan kong balikat.
"Kung may kailangan ka, huwag kang mahiyang magsabi, ha."
Tumango ako at pinilit na ayusin ang sarili. Pasimple kong pinahid mula sa pisngi ang ilang patak pa ng mga luha upang hindi niya isipin na iyakin ako.
Nakakagaan ng loob na makita ang maaliwalas niyang mukha. Sa pagdikit ng kamay niya sa aking balat, nawala na parang bula ang kalungkutang idinulot ng masamang panaginip. Pasikreto ko pa siyang sinulyapan nang iabot niya ang baso ng tubig sa akin upang inumin. Malugod ko iyong tinanggap at kahit hindi namin gawaing mga anghel ang uminom, lumagok ako nang kaunti upang hindi siya magdamdam kung tatanggi man ako.
Tumayo siya upang hawiin ang kurtina sa bintana. Pumasok ang liwanag kaya mas nagningning ang dalisay niyang kaluluwa sa paningin ko.
Nakakahumaling.
Ano ba ang mayroon siya?
Sa katunayan ay hindi siya maganda.
Hindi rin naman pangit, basta, hindi siya kagandahan. May mga mata, ilong at bibig naman siya. Wala naman mali kasi bumagay ang mga iyon sa bilugin niyang mukha. Pantay at walang dungis ang kayumanggi niyang balat.
Ewan ko.
Baka mataas lamang ang sukatan ko sa kagandahan.
Siguro...
Biniyayaan naman siya ng hourglass na figure. Kahit na maluwag ang suot na mga damit, nakikita ko pa rin ang hubog ng kanyang katawan. Kung hindi ako nagkakamali ay 34-24-34 ang vital statistics niya. Sa estima ko ay nasa 5'6" ang height niya pero kahit hindi pang-Miss Universe o modelo ang tangkad niya ay nagmumukha pa rin siyang long-legged.
Pwede na rin.
Maganda siguro ang mga binti niya kapag naka-shorts.
"Ano ba ang iniisip mo, Terrence?" pagsaway ko sa sarili. "Baka isipin niya ay "p*****t" ka kaya magtigil ka na!"
Ang totoo ay tinitingnan ko lang naman kung ano ang maganda sa kaniya sa panglabas na anyo. Hindi talaga siya artistahin. Mas lalong malayo siya sa kagandahan ng unang tao na babae na nakapagpatibok ng aking puso na si...
Bianca Ann Torres.
Pangalan pa lang kaakit-akit na.
Sa ngayon ay ayaw ko na siyang pag-usapan pa.
Broken-hearted pa ako.
Mahiwaga ang hindi kagandahang babae na ito. Hindi ko siya matiis iwanan at walang alinlangan ko pang ibinuwis ang aking kaligtasan at buhay para sa kanya.
Kahit na ako ay isang anghel, hindi ko masasabi na imortal ako.
Kami ang pinakamataas na antas ng mga espiritu, pangalawa sa Diyos, kaya hindi kami basta-basta mapapatay ng ibang nilalang. Ngunit pwede kaming tapusin ng aming mga kauri, gaya lamang ng pagkitil ng tao sa kapwa niya. Kapag naubos ang taglay naming lakas na nakukuha mula sa langit at nawalan kami ng pag-asang mabuhay, maari rin kaming maglaho.
Oo, namamatay ang mga anghel dahil sa desperasyon at sobrang kalungkutan.
Parang suicide iyon sa amin kaya noong nasa impiyerno pa ako, lahat ng posibleng pag-aaliw sa sarili ay ginawa ko upang hindi ako malagutan ng hininga. Nagawa ko na ang maglaro sa niyebe, makipagkuwentuhan sa naliligaw na mga demonyo, umawit, sumayaw, tumula at dilaan ang yelo na parang ice cream para lang maialis sa isipan ko ang lumbay.
Hindi kami katulad ng mga tao na kapag pumanaw na ay may mga kaluluwa pa. Na kay Ama kung nais Niya pa kaming buhayin muli. Sa pagkakaalam ko ay iilan lamang ang sinwerteng anghel na binuhay niya kaya kami rin ay aminadong takot na mamatay.
Dahil sa itinakwil ako at labis na nanghina sa pagkakakulong sa impyerno, kailangan ko nang mapagkukuhanan ng enerhiya kaya ako nangunguha mula sa mga hayop at halaman. Mas malakas ang nasa tao kaya sila ang paborito kong biktimahin. May dangal din naman ako kaya ang mga pinapaslang ko ay ang mga napakasamang tao lamang.
Sa kalagayan kong kalunus-lunos, hindi ko ipagkakaila na kung minsan ay gusto ko na rin tumigil sa paglaban upang mabuhay at tanggapin ang kapalaran kong maglaho na. Tutal, wala naman nang umaasa sa akin at kung mamatay man ako, tapos na rin ang paghihirap ko.
Bilang itinakwil, hindi lamang ang panghihina ang malaki kong problema. Nariyan ang paghahamon ng iba pang fallen angels na katulad ko upang maagaw ang katiting na kapangyarihang nagmumula sa akin. May iba naman na kinainggitan ako noon kaya nais lamang akong pahirapan at gantihan.
Hindi ko talaga maintindihan ang takbo ng mga isipan nila. Nais ko lamang manahimik ngunit nariyan sila palagi, handang guluhin at awayin ako. Imbis na magtulungan kami, gusto pa nila akong idamay sa miserable nilang buhay. Kahit matagal na kaming napalaya mula sa impiyerno, pakiramdam ko ay isa pa rin akong preso.
Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, kahit pagod na ako sa ganitong klase ng buhay, may nag-uudyok pa rin sa kalooban ko na magpatuloy.
Marahil, may purpose pa talaga ako.
Ang babae ba na may dalisay na kaluluwa kaya ang aking "purpose"?
Sana nga.
Natutuwa talaga ako sa presensya niya ngayon at nais ko siyang yakapin!
Sandali, ang bilis ko naman.
Hindi nga ito love at first sight!
Basta, masaya ako na nagkakilala kami. Parang nabuhayan ako ng loob sa unang pagkakataon pa lamang na nagkita kami.
"Maayos na ba ang pakiramdam mo?" pag-uusisa niya. Hindi ko pa rin kayang magsalita kaya tumango na lamang ako at ngumiti.
Pumasok ang isang lalaking janitor. Umikot-ikot siya may higaan ko at nilampaso ang sahig. Hindi ko na siya pinansin dahil nakatuon ang isang daang porsyento ng aking atensyon sa babaeng nasa may harapan ko.
"Ano kaya ang pangalan niya?" naitanong ko sa sarili. Kung maaari ko lamang sanang gamitin ang kapangyarihan kong kausapin siya gamit ang isipan katulad ng ginawa ko kanina nang ipinagtanggol siya laban sa mga bampira, gagawin ko. Nais ko talaga siyang makakuwentuhan upang mas makilala ko pa siya.
"Oo nga pala, ako si Annie." pagpapakilala niya sa kanyang sarili na para bang narinig niya akong nagtanong. "Ikaw? Ano ang name mo?"
Annie.
Napakagandang pangalan.
Kahit na alam kong wala pa rin akong boses ay sinubukan ko pa rin ibuka ang aking bibig. Umasa ako na mababasa niya ang katagang bibigkasin ko kahit wala pang tinig.
"Ter-"
Napatigil ako bigla nang may maramdamang tila bubuyog na tumusok sa akin.
Anak ng tipaklong!
May nakahila pala ng dextrose ko!
Dumaloy ang dugo sa aking kamay at namantsahan ang puting sapin sa higaan.
Ang mga emosyon ko ay nagkahalu-halo. Sa kadahilanang higit na matalas ang aming pandama kumpara sa tao, ganoon din ang aming emosyon. Kailangan namin ng malakas na kontrol sa sarili dahil kung hindi ay maari kaming makapagdulot ng malaking pinsala.
"Kuya, nahatak mo ang dextrose," paninita ni Annie. "Pakitawag naman ang nurse para maibalik."
"Aba, malay ko riyan," pagsusungit pa nito at pagpapanggap na walang nagawang pagkakamali.
Sa sobrang inis ko ay nagdilim na ang aking paningin at hinatak sa kwelyo ang kaawa-awang janitor na hindi inaasahan ang pag-atake ko. Napatili si Annie at tumakbo sa may pintuan upang humingi ng tulong. Inihagis ko ang lalaki sa kama. Balak ko lang sana siyang ilampaso sa sahig ngunit sinipa niya ako sa ibaba ng aking baywang.
Lintik ng mga lintik!
Aie!
Ay!
아야!
*いです!
**!
Ouch!
Aray!
Sa palagay ko ay tumigil ang paghinga ko!
Nasa batas naming mga mandirigmang anghel na huwag na huwag gagawin iyon.
No hitting below the belt...
Iyon ang batas na mas matanda pa kaysa sa ten commandments na binigay ni Ama kay Moses!
"Lagot kang tao ka!" hiyaw ng naghuhurumintado kong isipan. "Pagbabayaran mo ang kapangahasan mo sa akin!"
Kinuha ko ang kumot at ipinalupot sa kanyang leeg. Nagdalawang-isip pa ako kung tatakutin lamang siya o tutuluyan na dahil nakita ko sa mga kasalanan niya ang aksidenteng pagkahatak naman ng oxygen mula sa isang pasyente kaya namatay. Katulad ng ginawa sa akin, pinagsawalang-bahala lamang din niya iyon. Kung sana humingi siya ng tulong sa mga nars o doktor, buhay pa sana ang bata at teenager na ngayon.
Muntik ko na siyang nalagutan ng hininga kung hindi ako pinigil ng tatlong lalaki na nars at isang residenteng doktor. Natumba kami sa sahig at nagbuno. Nakita ko na may pumasok na isa pang nars na hawak ang isang tray. Gumapang ako papunta sa direksyon niya at pinatid siya. Nahulog ang dala niya sa sahig at nagkalat ang iba't-ibang uri ng mga gamot.
Mabilis ko na naabot ang syringe na naglalaman ng malinaw na likido at itinusok sa leeg ng nars na pumipigil sa akin. Wala man dalawang segundo ay bumitiw siya at nakatulog nang napakahimbing.
Pampatulog pala ang balak nilang isaksak sa akin!
Ano pa kayang balak nilang padaluyin sa mga ugat ko?
Sinikap kong makatayo upang bitiwan na nila. Napaurong ang doktor at nars nang tangkain akong lapitan dahil kinuha ko naman ang bakal na upuan. Balak ko na ihampas iyon sa ulo ng sinumang maglalakas-loob lumapit.
"Huwag, Kaibigan, tama na." Hinawakan ni Annie ang aking mga kamay mula sa aking likuran. "Hindi ka nila sasaktan. Tahan na."
Tinignan ko ang mga tao sa paligid. Silang lahat ay nakanganga at may bahid ng takot ang mga mata. Ang isa sa mga nars ay tumawag sa labas ng karagdagang security.
Naramdaman ko ang pagyapos niya sa akin ng mahigpit.
Niyakap niya ako.
Hindi ba ako nilalapastangan ng babaeng ito?
Marahil ay hindi naman siya manyak katulad ng mga nagbabasa raw na mga babae sa...Wattpad ba iyon?
Sa katunayan ay nakapagpakalma ang ginawa niya sa akin. Sa tagal ko nang nabubuhay, siya lang ang bukod tanging tao na nakapagparamdam ng pag-aalala sa isang katulad ko.
Ibinaba ko ang upuan ngunit nanatili ang masamang tingin ko sa mga tauhan ng ospital. Isang maling galaw ay baka hindi ko mapigilang mabasag ang mga mukha nila.
Dahan-dahan niya akong hinila pabalik sa higaan at inalalayan na umakyat pabalik doon.
"Pasensya na po. Ako na po ang bahala sa kanya," paghingi ng paumanhin ni Annie. "Na-trauma po kasi siya...sorry po talaga..."
Ako rin ay nakunsensya dahil sa kaguluhang nadawit pa siya. Nais ko man humingi ng pasensya ay hindi ko naman masabi. Tinitigan ko na lamang siya nang may pagsusumamo upang iparating sa kanya ang pagsisisi ko. Biniyayaan kaming mga anghel ng mga matang nangungusap kaya nagbakasakali pa rin ako na maiintindihan niya ang pinahihiwatig ko.
Laking-gulat ko nang sumagot siya.
"OK lang. Pagod lang 'yan kaya magpahinga ka muna," tugon niya sa akin.
Inayos niya ang kumot sa aking katawan at marahan na hinawakan ang aking braso.
"Friend, may ibibigay lang sila na gamot, ha. Para sa ikakabuti mo rin. Huwag kang mag-alala, babantayan kita."
Tumango ako kahit mabigat pa rin ang loob ko sa mga nars at doktor. Kanina lamang ay maihahalintulad ako sa mabangis na halimaw pero isang yakap lamang mula sa kanya, napaamo niya ako na parang kordero.
Marahil, siya nga talaga ang purpose ko sa buhay.
Maingat na lumapit sa akin ang pinakamatipunong nars. Hinawakan ni Annie ang aking kamay upang ako ay kalmahin.
"Ibabalik lang ang dextrose mo. Medyo masakit lang, parang kagat ng langgam, OK? Kaya mo yan," pagpapakita niya ng suporta sa akin.
Hindi ko naman talaga kailangan ng pagpapalakas ng loob niya.
Sa dinami-dami ng laban na dinaanan ko, wala lang ang maliit na karayom sa akin. Mataas naman ang pain tolerance ko. Nagulat lang talaga ako sa tao na nakahugot ng dextrose mula sa aking kamay at pagsipa niya sa mala-anghel kong p*********i.
Hanggang ngayon ay nararamdaman ko pa rin ang sakit!
At, pamamanhid!
Ang iniisip ko lang ng mga oras na iyon ay:
Papatayin ko siya!
Papatayin ko siya!
Papatayin ko siya!
Nakadagdag pa sa galit ko ang mga nakitang kasalanan mula sa kanya kaya nakalimutan kong magtimpi at muntikan pa siyang nakitilan ng buhay.
Magpasalamat siya at naroon si Annie. Kung hindi ay baka inapakan ko pa ang ulo niya at ikinalat ang utak sa puting sahig. Ayaw ko lamang masaksihan ng babaeng may dalisay na kaluluwa ang marahas kong pag-uugali kaya banayad pa ang parusang nagawa ko.
Pero, sana ay hindi magalit sa akin si Annie.
Masama lang talaga akong gulatin.
Minsan ay ginulat ako ng nakakatanda kong kapatid na si Gabriel. Siya ang anghel na mahilig magdala ng kung anu-anong balita at tsismis. Gustong-gusto niya akong biruin dahil mabait at medyo tatanga-tanga pa ako noon. Habang masayang pinapastol ko ang mga dinosaur na mapayapang kumakain ng mga dahon, inihagis niya sa akin ang isang dambuhalang T-Rex. Sa gulat ko ay nakapagpalabas ako ng malaking pagsabog.
Kaya ayan...
Extinct na ang mga dinosaurs.
Parte na lamang sila ng kasaysayan.
Ibinalik ng nars ang dextrose sa aking kamay. May kinuha siya na bagong syringe at sa pagkakaalam ko ay pampakalma iyon. Hinayaan ko na lang siya na isama ang gamot sa dextrose kahit wala naman epekto sa akin ang gamot ng mga tao.
Upang hindi mapagdudahan, nagkunwari na lamang akong natutulog.
Inayos ni Annie ang aking buhok na mas naging magulo dahil sa pakikipagbuno ko kanina. Umalis na ang mga tauhan ng ospital at naiwan kaming dalawa sa loob ng silid.
Akala ko ay nainis na si Annie at nagsisisi na dinala pa niya ako sa ospital. Binalak ko pa na tumakas na lamang mamaya o kinabukasan para hindi na ako maging pabigat pa sa kanya.
Hindi ko inakala na lubos na makakadama ng kapayapaan ang aking puso nang bumulong pa siya sa akin nang napakalambing.
"Alam ko na maraming gumugulo sa isipan mo. Paggising mo, maaayos din ang lahat. Pag-usapan natin. Ngayon lang tayo nagkakilala pero parang feeling ko, matagal na kitang hinihintay. Parang close na tayo kaagad," maligaya niyang deklarasyon.
"Iba ka, my friend. Ginayuma mo yata ako," pagbibiro niya pa sa akin. "Joke lang. Basta, magaan ang loob ko sa iyo."
Pinigil ko na ngumiti kahit umaapaw na ang kaligayahan sa aking puso. Sa oras na iyon ay napatunayan ko sa sarili na siya lamang ang taong kayang baguhin ang maldito kong puso at isipan.
Iba ang saya at kapayapaan na idinudulot niya sa akin.
Hindi ko siya matitiis.
At, hindi ko na siya kayang iwanan.