Chapter 5: Ang Liwanag ni Terrence

3966 Words
"Ma'am, pwede na raw siya i-release bukas. Wala naman makita na problema sa kanya ang mga doktor. Yun mga sugat naman niya ay hindi malalim, kaya nang linisin ng betadine," instruksyon ng isang babaeng nars sa amin. "Pero bakit hinang-hina pa siya? Baka po kailangan pa ng ibang mga test," mungkahi ni Annie. "Nag-iinarte lang siguro yan. Pwede na nga kayong umuwi ngayon." Narinig ko na sinabi ng isa pang nars. Kilala ko ang boses na iyon. Siya ang masungit at salbahe na Senior Nurse na wala nang ginawa kungdi pagalitan ang mga mas nakababatang katrabaho at ipahiya ang mga pasyenteng kapos sa pera. "Lahat ng mga test negative. Ano pa ba ang problema? Magpasalamat nga kayo at hindi na tataas pa ang bayarin niyo." "Ma'am ako na po ang bahalang kumausap sa kanila," pagsaway ng kumakausap na nars sa amin bago pa man siya umepal. Napansin niya ang masamang pakikitungo ng katrabaho kaya napailing-iling na lamang siya at sinikap na palubagin ang kalooban namin. "Nag-advance naman sila sa bayad kaya walang problema kahit magtagal pa sila hanggang bukas." "Tatlong araw na sila rito. Saan mo ba kasi nakita ang lalaki na iyan?" Tumaas na ang boses niya nang marinig ang pangangatwiran ng batang nars. Nakapamaywang pa niyang pinagsabihan si Annie upang makumbinsing umalis na nga kami. "Ang masasabi ko lang, hija, ay huwag mo ng pinag-aaksayahan ng panahon ang pulubing iyan..." "Hindi siya pulubi. Kaibigan ko po siya," pagkontra ni Annie sa masasakit na salita ng Senior Nurse. "Magbabayad naman po ako kaya sana po, huwag niyo naman kaming ipagtabuyan. Ang nasi ko lang naman po ay masiguro na wala na siyang dinaramdam." "Weh? Kaibigan? E 'di mo nga alam ang pangalan niya! Ang dumi niya at ang baho! Nanggulo pa siya! Nakakahiya sa ibang mga pasyente," mataray na pagdadahilan pa niya habang pinandidilatan ng mata ang mahinahong kausap na si Annie. "Kung gusto niyo, lumipat na lang kayo sa Charity Ward!" "Lecheng nars ka," tahimik na napamura na ako habang tinititigan siya mula ulo hanggang paa. "Tinawag mo pa akong mabaho..." "Marumi?" "Nakakahiya?" "Malaglag sana ang palda mo!" Sa isang sumpa na nagmula sa akin ay naganap na nga ang hindi kaaya-aya. Nabahiran pa ng kasalanan ang mga mata ko nang makita ang bikini niya na may disenyong pulang polka dots. Marahil ay naka-sale iyon kaya binili niya kahit hapit na hapit naman iyon. Mas lumitaw ang mga bilbil niya sa baywang at mga pata nang dahil sa sobrang sikip ng underwear niya. "Ay, ang palda ko! Nahulog!" napatili siya. Pinagtawanan siya ng nakababatang nars habang tinuturo ang panloob niya na kahiya-hiya. "Bakit ka tumatawa? Huwag mong ipagsasabi sa iba!" "Ewan ko po. Bahala kayo riyan!" humahalakhak na tugon ng kausap. "Aba't ikaw! Wala kang galang!" Magsasalita pa sana siya subalit nagbago na ang isip niya nang may ibang dumaang mga pasyente at mga bisita sa may bungad ng pintuan at nagsimula nang mag-usyoso. Mangiyak-ngiyak na tumakbo siya palabas dahil sa kahihiyan. Marahil ay ikukunsiderang kapilyuhan ang aking nagawa... Subalit... Mabait pa ako niyan. Mabuti at hindi ko siya hinayaang mahulog sa hagdanan at magkalasug-lasog ang katawan niya katulad ng mga inosenteng sanggol na ipinalaglag niya. Alam ko ang madilim na sikreto niya. Nangongontrata siya ng abortion sa may Quiapo Church sa halagang sampung libong piso. Walang kunsensya at sa harap pa ng Simbahan siya naghahasik ng lagim. Kung maayos lang sana ang kalagayan ko at hindi kasama ang babaeng may dalisay na kaluluwa, marahil ay naisunod ko na siya sa aking mga biktima. Ang talagang gusto ko na isa-isahin na ibaon sa lupa ay ang malalanding lalaki at babae na gagawa ng milagro sa gabi pagkatapos ay hindi kayang panindigan ang resulta ng kapabayaan nila. Ganyan naman ang mga mabababang uri ng tao. Magpapakasarap, pagkatapos, kapag nagbunga ay tatakbuhan ang responsibilidad. Hindi sapat ang dahilang, "Hindi namin kayang buhayin ang bata." o kaya ay "Ayaw ko pang magkaanak." Sana ay naisip muna nila iyon bago sumiping o kaya ay hindi nagpadalus-dalos nang dahil lamang sa tawag ng laman. Ang lahat ng desisyon ay may kaakibat na resulta. Iyon ang katotohanang ayaw tanggapin ng mga tao kaya paulit-ulit na lamang silang nadadapa. Kaawa-awang mga inosente. Gaya nga ng sinabi ko, may kunsiderasyon ako sa mga bata dahil wala silang mga kasalanan. Kahit ano pa ang paliwanag ng agham at ilan pang makapanibagong mga paniniwala ang lumitaw, ang mga pumapatay ng mga sarili nilang mga anak ay mas masahol pa sa pinakamasamang mga nilalang. "Ms. Annie, pagpasensyahan niyo na ang aming Senior Nurse. May pinagdadaanan kasi silang mag-asawa. Hindi kasi sila magkaanak. At, balita ko may problema sa matris. Ayan, bitter," pagpapaliwanag na ng butihing nars sa amin. Marahil ay sinadya na rin ni Ama na hindi siya mabiyayaan ng mga anak. Kung kaya niyang pumatay ng walang laban na mga sanggol, higit pa ang kasamaang kaya niyang gawin hindi lamang sa iba, maging sa sarili niyang dugo't laman. "Sige po, mauna na ako. Ang sa akin lang ay mas maganda kung sa bahay na lang siya magpahinga. Negative naman po kasi ang mga test kaya malabo ang chance na malalang sakit 'yan," paniniguro niya sa amin habang nakangiti. Binitbit na niya ang basket na may dalang mga gamot na para sa mga susunod na pasyenteng dadalawin niya. "Pupuntahan kayo ni Doc mamaya para icheck-up siya ulit. Sabihin niyo kung may iba pa siya na nararamdaman." "Ok po. Thank you." pagpapasalamat ni Annie sa mabait na nars. Lumakad siya pabalik sa akin. Hinawakan niya ang aking kamay at masayang sinabi, "Ayan, makakauwi na pala tayo. Good news, hindi ba? Isasama kita sa bahay namin. Hindi iyon palasyo pero komportable ka." "Uuwi na raw kami!" tuwang-tuwa pang sinigaw ng kakatwang isipan ko. Napangiti ako sa magandang mungkahi niya. "Isasama niya ba talaga ako sa bahay nila? Gusto ko nang magkaroon ng tahanan!" "Sandali..." pagpigil ko pa rin sa pagkasabik. Tila kasi isa akong ulila na naghahanap ng matutuluyan sa inaasal ko. Aminado ako na simula nang maitakwil ay hindi na ako nagkaroon ng permanteng matutuluyan. May ilan akong mga naging kaibigan subalit upang umiwas na maging pabigat, kusa na akong umaalis. "Baka naman, naaawa lamang siya sa akin..." malungkot ko pa rin na naisip. "Bakit ka na-sad?" pagtatanong niya. Kumunot ang noo niya habang pinagmamasdan ako. "May masakit pa ba?" Umiling lamang ako bilang tugon at pinilit na ngumiti upang hindi na siya mag-alala pa. Napagdesisyunan ko nang sumama, kahit ano pa man ang dahilan niya. Bahala na... Ang nais ko lamang ay may mauwian sa ngayon! "Friend, lalabas lang ako saglit." pagpapaalam niya. Umupo siya sa tabi ko at tinapik-tapik ang aking balikat. "Bibili lang ako ng masusuot mo. Dapat mas gwapo ka kapag ni-release ka na bukas. Patunayan natin sa senior nurse na masungit na pangrampa at saksakan ka nang pogi! Isang supermodel!" Napatawa ako bigla nang walang tunog sa sinabi niya. Pakiramdam ko.ay ako ang pinakamagandang lalaki sa buong sansinukob sa pamamaraan nang pagpuri niya. Tutal ay sinabi na niya na gwapo ako, paninindigan ko na talaga! "Pagkabalik ko, papaliguan kita!" Nawala na parang bula ang ngiti ko at napaubo pa. Hindi ko inaasahan na binabalak pala niya akong paliguan. Inang mahabagin! Wala pala akong nanay... Basta! Ayoko! Hindi maaari! "Ayos ka lang?" tanong niya habang hinahagod ang aking likod. "Malamig yata ang aircon." Hininaan niya ang aircon at sinalat ang aking noo. "Wala ka naman lagnat. Mabilis lang ako. Promise! See you, my friend!" Kumaway pa siya bago lumabas ng pintuan. "Ano ang nararapat ko na gawin?" Seryosohang pagpaplano ko na. "Tumakas na kaya ako?" "Hindi mo pala kaya kasi naubos ang lakas mo!" bigla ko rin naalala. Magpanggap na lang kaya ako na natutulog hanggang bukas? Hindi feasible... Dapat kapani-paniwala ang mga palusot ko! A! Alam ko na! Uunahan ko na siya. Sa tantya ko ay mahigit isang oras naman siyang mamimili kaya kakayanin ko nang maligo mag-isa. Tama! Dahan-dahan akong bumaba mula sa kama. Malakas ang loob ko na gawin ang binabalak pero napahinto ako nang marinig na lumagitik ang mga buto ko. Masakit pa rin ang aking mga kasu-kasuan at nararapat na kumilos nang makupad. Nagsisi pa tuloy ako kung bakit nakipagbuno pa sa mga nars noong nakaraang araw. Naubusan pa tuloy ako ng lakas kung kailan kinakailangan ko! Gumapang ako papalapit sa may pintuan ng banyo. Humawak ako sa may doorknob upang makatayo. Iyon pa lang ang ginagawa ko ay hinihingal na ako. Nagtungo ako sa may paliguan at umupo sa nakasaradong inodoro. Mga ilang sandali pa akong naghabol ng hininga. Mula sa aking kama papunta sa banyo ay inabot na ako ng mahigit beinte na minuto. Inabot ko ang tabo na nakasabit sa itaas ng lababo. Pagkaangat ko ay nahulog iyon at tumalbog papunta sa may pintuan. Napa-facepalm na lamang ako dahil alam ko na magsisimula na naman ako sa masakit na proseso ng paglalakad papunta at pabalik. Kinailangan ko ng maraming tiyaga sa kalbaryong kinakaharap. Muli ay gumapang na naman ako na parang kuhol makuha lamang ang pinakaaasam na tabo. Umupo muli ako sa may inidoro. Binuksan ko ang gripo at hinintay na mapuno ng tubig ang timba. Tinanggal ko na ang suot na hospital gown at sinimulang basain ang aking buhok. Kinapa ko ang sabon na nasa tabi ko. Pagkahawak ko ay dumulas naman iyon papunta sa may pintuan... Na naman! Kapag nga naman minamalas. Ano ba 'yan! Back to zero. Maglalakad na naman ako papunta at pabalik! "Friend!" narinig ko na sigaw ni Annie mula sa labas. Imposibleng hindi ko siya maririnig dahil napakalakas at umaalingawngaw ang ang boses niya. "Where are you?" "Nai-lock ko ba ang pinto?" natataranta kong naitanong sa sarili. Lagot. Hindi! Sa abot ng aking makakaya ay naglakad ako papunta sa may pintuan. "Panginoon. Ama ko." pananalangin ko na. Bati na po tayo kung hindi niya ako makikita na walang damit. Kakalimutan ko na ang isang libong latigo sa aking likod. At, ang libo-libong taon na nasa impyerno ako! Magpapakabait na po ako. A... Hindi po ako sigurado doon sa huling pangako... Pwedeng next time na lang po? "Hello!" pagati niya sa akin sabay bukas ng pinto. Mukhang hindi nakikinig si Ama sa akin. Ganoon ba katindi ang galit Niya sa akin at ilalantad pa ako sa isang mortal? Mabuti na lamang at nakakita ako ng tuwalya na nakasampay. Saktong pagbukas ng pinto ay naibalabal ko iyon sa aking katawan. "A-Anong ginagawa mo riyan?" may pagkabahalang naitanong niya. "Halika, tulungan na kita." Lumakad siya papalapit sa akin ngunit sa kamalas-malasan ay naapakan niya ang sabon. "Inay!" nasigaw siya. Bigla kong hinatak ang kanyang mga kamay upang makabalik siya sa balanse. Napaaray siya sa higpit ng aking pagkakahawak. "K-Kaibigan. Masakit. Pakibitiwan na ako," pakikiusap niya habang nakangiwi. Kung minsan ay hindi ko kontrolado ang aking lakas. Nabigla rin ako kaya napalakas ang paghatak ko sa kanya. Alam ko na magiging mga pasa ang parte na nahawakan ko sa kanya kaya nag-alala ako lalo. "Pasensya na," nasambit ko. "Hindi ko sinasadya." Sa katunayan ay hindi dapat ako humihingi ng paumanhin. Isa akong anghel. Tao lamang siya at kung tutuusin ay mas mababa ang antas sa mga nilalang na nilikha ni Ama. Gayunpaman ay heto ako, nababagabag kung nasaktan ko ba siya. Nais ko man siyang pagalingin ay imposible dahil sa panghihina ko at hindi pa niya dapat malaman na isa akong anghel. "Wow! Nagsalita ka na sa wakas!" maligaya niyang pahayag. Tila ba sa isang iglap ay nakalimutan na niya ang sakit na naramdaman kanina lamang. Hinaplos lang niya ang braso at kaagad na naging masaya na naman siya. "I like! Hehehe!" Teka... Nakakapagsalita na nga ako! Halleluiah! "Ang ganda ng boses mo! Pwede kang maging singer." Masaya niyang tinapik-tapik muli ang aking mga balikat. "Tara, nandito na rin naman tayo, papaliguan na kita." Umiling ako at lumayo. Napahagikgik siya nang dahil sa pag-iwas ko. "Ayaw ko," pagsusumamo ko na parang paslit. Tinalikuran ko na siya at nagsumiksik pa ako sa likod ng pinto upang hindi niya mapilit. "Huwag kang mag-alala. Naging caregiver ako dati sa Home for the Aged, 'yun Golden Years. Ako ang nagpapaligo sa mga lolo at lola. Kaya walang malisya!" paniniguro niya sa akin. "Don't be shy!" Nagpunta siya sa may paliguan at nagmasid. "May heater ba rito? Wait lang ha." Walang malisya? Hindi ako naniniwala. Ang mga isipan ng tao ay puno ng malisya at pagnanasa lalo na kapag nakakakita ng maganda. Kahit na walang utak ang nilalang na iyon ay nagugustuhan pa rin siya ng nakararami at mas pinagbibigyan sa mga hinihiling niya. At, anong malisya ang mabubuo sa mga lolo na kulubot na katulad ng prunes? Iniinsulto ba niya ako? Subukan ko nga siyang tuksuhin? Batid ko naman na kahit marungis ako, mapapansin pa rin niya ang kagandahan ng katawan ko. Tignan natin kung anong magiging reaskyon niya sa gagawin ko. "Pero bad 'yun, Terrence," pag-awat na naman ng kunsensya ko. "Ganito na lang, kunwari may ipapakuha ka sa kanya sa labas. Pagkatapos, i-lock mo ang pintuan!" Oo nga naman. Napakatanga ko naman at ngayon ko lang naisip! Unti-unti akong naglakad patungo sa kanya upang isakatuparan ang balak. Pero hindi yata nakikiayon ang pagkakataon at tila ba may sariling buhay ang lintik na tuwalya. Bigla na lamang itong dumulas pababa bago ko pa man nasalo. Dadamputin ko na sana iyon ngunit kaagad naman bumalik ang atensyon ni Annie sa akin. Nabitawan niya ang tabo na hawak at napatili pa nang impit. Napalunok siya at namula ang kanyang mga pisngi. Sabi na nga ba... Kapareho rin siya ng iba. Puno ng malisya ang isipan! Itinuon niya ang kanyang tingin sa sahig at lumapit sa akin. "Napakaganda mo," pagbati niya habang pinupulot ang tuwalya mula sa sahig. Pinatong niya sa mga balikat ko ang tela. "Kung ano man ang nakita ko, secret natin 'yun, Kaibigan!" Naramdaman ko kaagad ang katapatan ng kanyang mga salita at malinis na hangarin. "Tara. Paliguan na kita para mas umusbong ang "beauty" mo! Ay, handsomeness pala, hehehe!" "Sigurado ka ba na gusto mo akong paliguan?" Tinakpan ko ang dapat ikubli gamit ang aking mga kamay at nagsumiksik lalo ako sa sulok ng banyo. Kaagad ko na pinagsisihan ang aksidenteng paglalantad ng katawan sa babaeng busilak ang puso. "Ako na lang. Kaya ko naman. Sobra na ang pag-aalaga mo sa akin." pagdadahilan ko ngunit ang totoo ay gusto ko ng humiga sa sahig at matulog ng isang taon dahil sa sobrang panghihina. "Magkaibigan na tayo, hindi ba? Kaya aalagaan kita! Halika na!" Inilahad niya ang kanyang kamay sa akin. Nag-alinlangan ako ng panandalian ngunit para siyang magnet na humahatak sa akin. Pagkahawak ko sa mga palad niya ay naitaguyod ang pagtitiwala ko sa kanya. Tiwala. Ito ang bagay na hindi ko kayang ibigay kahit kanino pa man sa napakahabang panahon. Kahit pa kay Ama. Hindi ako makapaniwala na isang tao ang makapagparamdam muli sa akin ng ganoon. Inalalayan niya ako pabalik at pinaupo. Nahiya ako hindi lamang dahil sa wala akong saplot kundi dahil sa palagay ko ay hindi ako karapat-dapat sa kabutihan na ibinibigay niya sa akin. "Ano nga ba ang name mo?" tanong niya. "Terrence," mahina kong tugon habang nakayuko dahil hiyang-hiya talaga ako. Baka akalain niya na isa akong "Burlesk King" o kaya ay "Bomba Star" dahil sa pangyayaring hindi ko naman ginusto. Mabuti na lang at likas sa kanya ang pagiging maunawain at alam niya kung paano pagaanin ang aking kalooban. "Napaka-cool na pangalan! Parang napakabanal! Napakatalino! Napakalinis ng puso!" "Ganun ba?" naitanong ko dahil sa totoo ay hindi ko masyadong gusto ang aking pangalan. Sa wikang Latin, ang ibig sabihin ng Terrence ay "puso". Parang hindi nababagay ang kahulugan sa isang mandirigmang anghel na katulad ko. Araw-araw ay kinukumbinsi ko ang sarili na OK na rin ang pangalan kaysa sa nagtatapos sa "el" na mayroon ang mga "bigtime" na kapatid na sina Michael, Gabriel, Raphael, Uriel, Sealtiel, Jegudiel at Barachiel. Pero hindi rin mawaglit sa isipan ko na kaya yata ako lang ang nalihis ng landas sa kanila dahil kakaiba ang pangalan ko. "Trulalu! Ang ganda ng name mo!" A. Siguro maganda nga ang pangalan ko. Sa sobrang ganda ng pangalan ko, ang lakas makagwapo! Nagsimula siyang pabulain ang sabon at umawit. "Teeny, tiny, itsy bitsy bubbles...in the drain!" Sa una ay nangilabot ako sa tinis ng kanyang boses at kakatwang nursery rhyme. Sa katagalan ay napagtanto ko na maganda naman ang tinig niya kahit ginagayang umawit na parang bata si Betty Boop. Susunod naman niyang kinanta ang theme song nina Snow White at si Little Mermaid kaya pakiramdam ko ay sirena na rin ako, este, nasa Disneyland na ako. "Hehe! Galing kong kumanta, ano?" tuwang-tuwa na pinahayag pa niya. "Pampatanggal stress sa mga lola 'yan kapag pinapalitan ko ang mga diaper nila!" Hindi na lang ako kumibo sa mini concert niya dahil sa totoo lang ay natutuwa ako sa alaga na ibinibigay niya sa akin. Hinaplos niya ang aking mukha upang linisin. Binigyan niya ako ng napakatamis na ngiti. Kahit na ako ay hindi makatingin nang diretso sa kanya, hindi ko napigilan ang sarili na suklian din siya ng ngiti. "Napakagwapong lalaki," pahayag ng isang babae. Pareho kaming lumingon ni Annie sa may pintuan. Nakalaan ang atensyon namin sa isa't isa kaya hindi na namalayan na may nakapasok ng ibang tao sa banyo. Isang matandang babae na naka-shades ang bumati sa amin. Naka-makeup siya at magara ang pananamit. "Tita Watty!" masayang pagbati ni Annie. "Pabigla-bigla naman po kayong pumasok! Wait lang po kayo sa may labas, may pinapaliguan lang ako saglit." "E, ituloy mo lang. Maganda nga na narito ako kasi lalaki pala 'yan nililinisan mo. Sasamahan na kita," pagdadahilan niya. "Atsaka parang apo ko na rin 'yan, wala sa akin 'yan!" "Bakit kayo nagpunta pa rito, Tita?" pagtatanong niya habang inuulit ang pagsha-shampoo sa buhok ko na nanlagkit na sa putik. "Ang rayuma niyo po. Naku! Baka sumumpong na naman!" "Apo, mas malakas pa ako sa kalabaw. Nag-aalala na rin ako sa iyo kasi ilang gabi ka nang narito sa ospital. Kailangan mo ba ng tulong?" "Hindi na, Tita. Mabilis lang ito." "Siya ba ang sinabi mo na nagligtas sa iyo?" pagtatanong niya sabay sandal sa pader. "Opo, Tita." "Ngayon lang ako nakakita ng ganyan kagandang lalaki. Saan lupalop ba siya nanggaling?" "Tama! Hindi ko nga inaasahan na mukha siyang anghel. Flawless! Ang ganda ng mga green eyes, parang hindi totoo! Tapos, may platinum blonde hair ka pala, Terrence! Hindi ko masabi kung saang bansa ka nanggaling. Pero, malupit ka! Nagtatagalog ka! Beauty and brains ka!" "Talaga?" naitanong ko muli dahil maski ako ay hindi makapaniwala sa mga papuri niya sa akin. "Yes!" Naniniwala ako sa iyo, Annie. Ano man ang mga papuri mo sa akin, malugod kong tatanggapin. "Ang sexy naman niya," walang kiyemeng deklarasyon naman ni Watty. Inangat niya ang suot na salamin at mas mataimtim akong tinitigan. "Look o! May abs, may muscles! Tingnan mo naman o, yummy talaga 'yan. Hala ka, Apo! Wala kayang maghahabol na babae riyan? 'Yun tipo na Possessive Man siya, nagkukunwaring mahirap tapos tutuksuhin ka lang? O kaya, naghahanap siya ng mate niya, pagkatapos tatangayin ka para sapilitang pakasalan?" "Naku, Tita, nasusobrahan na po kayo sa kakabasa ng w*****d at Dreame. Ano po ba 'yan mga Possessive Men na 'yan? Di ko po gets!" "Hay naku Annie baby ko, sila yun malalaki...mahahaba...malulusog...inches...makatirik-mata...parang..." "Parang siya!" pagtukoy niya sabay turo sa akin na mga bula lamang ang tanging suot sa katawan. Pinili ko na hindi na pakinggan ang ilang mga bastos na salitang lumabas sa bibig ng matandang babae at baka magdilim ang diwa ko. Bigla na lamang akong napatakip sa aking harapan. Inagaw ko mula kay Annie ang tabo at pinantapal pa iyon nang dahil sa kahihiyan. Bakit ba ang bilis ng mga kababaihan na sukatin...mga manyak talaga! Lapastangan kang matanda ka! Para siyang ipis na bigla na lamang lumilitaw sa banyo, lilipad sa may harapan, at sisilipan pa ako! Aminado ako na mabigat din ang loob ko sa kanya sapagkat nakita ko mula sa sa kanya ang mabibigat na kasalanang nagawa. Nakita ko na noong kabataan niya ay pumapatol siya sa mga may asawang mayayaman. Ang pinakamasamang ginawa niya ay ang pagpapalaglag ng kanyang anak. Bakit ba sa lahat ng mag-aampon kay Annie ang maruming babae na ito? "Tita, huwag niyo na pong pagnasaan si Terrence. Huwag mo siyang pansinin. Ganyan lang talaga siya magsalita kasi dati siyang p**n Star!" pagpapalubag ni Annie sa kalooban ko nang mahalatang hindi ako kumportable sa presensya ng lola. "Hoy! Ikaw bata ka! Nag-pose lang ako nang sexy noon," pagkontra ni Watty. "p**n Star o Sexy Star, hindi po ba pareho iyon?" "Hindi. Ang tawag sa amin ay mga Pin-up Girls!" Nakita ko na umikot ang mga mata ni Annie. Umiling-iling siya. "Nag-aartista siya noon kaso hindi sumikat," binulong niya sa akin. "Maganda kasi ang katawan ko noon. Sexy. Kaya laman ako ng mga sikat na kalendaryo." "Opo, Tita. Isa po kayong diyosa. Paborito ko ang picture niyo na dalawang dahon at bulaklak lang ang damit niyo." "May mga nag-offer nga sa akin ng mga daring movies kaso inayawan ko kasi ang pangit ng mga makakatambal ko," may pagmamalaking inaalala niya ang nakalipas na mga dekada. "Pero kung katulad ng lalaking iyan, na biniyayaan ng lubos, baka pumayag ako." "Tita! Pasaway ka! Huwag mo siyang pakinggan, Terrence." Binabalak ko na ang katapusan ng mundo nang mga oras na iyon dahil sa mga pahayag niya na hindi naaangkop para sa isang anghel. Tutal naman ay tuksong-tukso na akong lipulin ang sangkatauhan sapagkat isa sila sa mga dahilan ng pagkakawatak-watak naming mga anghel at pagkatakwil, marahil iyon na ang tamang panahon upang isakatuparan ang plano ko! Ngunit... Ililigtas ko si Annie. Siya lang ang isasalba ko sa lahat ng sangkatauhan. "Pero hindi kaya siya malulungkot kung mag-isa na lamang siyang tao?" pag-aanalisa ko pa. "Baka malungkot at mainip naman siya kung puro aso't pusa lamang ang kausap. Huwag na nga lang muna!" "Biro lang, Terrence," pagbawi na ng matanda sa mga panunukso kanina lamang. "Huwag kang mapikon, ha? Hinahangaan ko lang ang kagandahan mo. Ituring mo ako na iyong lola pero tawagin mo akong "Tita" para feeling ko bata pa rin ako. Hintayin ko kayo roon." Kumaway siya at lumabas. Nakahinga ako nang maluwag dahil kung titigan niya ako mula ulo hanggang paa ay para akong masarap na pagkain. Hindi ko namalayan na napasandal na pala ako kay Annie at nabasa ko ang damit niya. Kaagad akong lumayo at tumalikod sa kanya. "Sorry," paghingi ko ng paumanhin. "Giniginaw ka ba? Kaunting tiis na lang." Umiling ako at patuloy na yumuko. "Ayan, tapos na!" Pinunasan ni Annie ang aking buhok at katawan. Pakiramdam ko ay isa akong sanggol na iniingatan niya. "Kumusta ang feeling mo?" Hindi ako nakasagot. Lumingon ako sa direksyon niya at mas lalong kuminang ang dalisay na kaluluwa niya sa aking mga mata. "Salamat, Annie," bigla ko na lang nasabi. "Maraming salamat." Ayan na naman ako. Pinaiiral muli ang aking puso na madaling nabihag ng isang mortal na babae. Anu-ano na ang mga nasasabi ko. Marahil, nanghihina lamang ako kaya hindi na rin alam ang mga ginagawa ko. "Walang anuman, Terrence." Sa pagpapaligo niya sa akin ay hindi lamang dumi ang nawala sa katawan. Naisama ng tubig ang kalahati ng pagod, galit at lungkot na matagal nang nakatago sa aking puso. Kailangan ko siya. Marahil ay madamot ang aking desisyon. Hindi ko siya pakakawalan. Dahil... Siya ang aking liwanag.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD