CHAPTER 1 BODEGA

2389 Words
NAKARAAN Nagising ako sa malakas na ingay ng bagay na tila nabasag. "Ma'am, p-pasensya na po kung nagising ko po kayo." Nakita ko ang isa sa aming mga kasambahay sa gilid ng aking kama na aligaga sa pagdampot ng mga bubog sa sahig. "Ano bang ginagawa mo rito?" inis kong tanong sa kanya dahil naistorbo niya ang masarap kong pagtulog. "P-pinadala po sa akin ni Madam Brunette itong bagong laba niyong mga damit. P-pasensya na po kung natabig ko ang family frame niyo. Lilinisin ko na lang po," sabi niya at nagmadaling lumabas ng aking silid. Siguro ay kukuha ng panlinis. Napatingin ako sa nabasag na bagay sa sahig. Nangunot ang aking noo nang makita kong family frame namin ito nila Mama at Papa. Tuluyan na akong bumangon at bumaba mula sa aking kama. Hindi ko maintindihan kung bakit bigla akong tinamaan ng munting kaba sa dibdib. "Ma'am, lilinisin ko na po," sabi ng kasambahay na ngayon ay may dala ng walis at tambo. Kinuha ko ang basag na frame at tinanggal doon ang picture. "Ouch!" napadaing ako nang madaplisan ng matalas na bubog ang aking hintuturo. "Naku Ma'am, nagdurugo po ang daliri niyo!" Biglang nag-panic ang aming kasambahay nang makita niyang kaagad sumirit ang dugo sa aking daliri. "Pakikuha na lang ng cotton at alcohol," kalmadong utos ko sa kanya. Taranta naman siyang sumunod at binuksan ang isa sa aking mga drawer para kunin ang aking medicine kit. Pumasok naman ako sa bathroom at itinapat ko ang aking daliri sa gripo habang umaagos ang tubig nito. "Ma'am, heto na po." Kaagad kong kinuha sa kanya ang medicine kit at inilabas ang alcohol. Ibinuhos ko ito sa aking sugat. Muli akong napadaing dahil sa hapdi nito pero muli ko ring binuhusan at hinipan upang mabawasan ang hapdi nito. Matapang kaya akong babae. Mani-mani lang ito sa akin. Pagkatapos ay tinapalan ko na lang ng band-aid. Hindi naman gaanong malaki ang sugat. Paglabas ko ng bathroom ay malinis na aking silid. Wala na ang mga basag at maayos na rin ang aking kama. Itinabi ko na lang sa drawer ang aming family picture at lumabas ng silid. Naabutan kong abala ang ibang mga kasambahay sa paglilinis ng mansion. Nagtungo ako sa kusina at nakita kong abala din ang aking Yaya sa pagtitimpla ng orange juice. "Oh, gising ka na pala. Halika at may ginawa akong mirienda," nakangiti niyang saad nang makita niya ako. Ipinaglagay niya ako ng orange juice sa isang baso gayundin ng fried banana at fried kamote sa platito na nanggaling sa aming mga pananim sa farm. At saka favorite ko ang mga ito. "Dumating na po ba sila Mama at Papa, Yaya?" tanong ko kay Yaya na ngayon ay nagliligpit na ng kanyang mga pinaglutuan habang ako naman ay nagsisimula nang kumain. "Wala pa pero siguro ay malapit na rin silang makauwi. Nami-miss mo na agad sila eh kahapon lang naman sila umalis." Humaba ang aking nguso. Nasa Manila kasi ngayon sila Mama at Papa at nakikipag-negotiate sa isang kumpanya na binabagsakan ng aming mga produktong pananim. "Sana nga po sumama na lang ako eh. Hindi pa po ako nakakarating ng Manila. Gusto kong makita ang buhay doon. Ang sabi nila, masaya daw doon, maraming mga tao, sasakyan, maraming building, maingay, maraming pasyalan na gaya ng mga nakikita ko sa tv," nakanguso kong sabi dahil palagi na lang nila akong iniiwan dito hacienda. Ni minsan ay hindi pa nila ako inilalabas. Hindi ko nga sila maintindihan kung bakit nila ako ikinukulong dito eh hindi naman masaya dito. Puro katulong ang mga kasama ko. "Akala mo lang masaya doon. Hindi mo kilala ang mga tao doon. Doon naglipana ang mga masasamang tao. Iniingatan ka lang ng mga magulang mo dahil sakitin ka noong bata ka pa at nag-iisa ka lang nilang anak. Ayaw ka lang nilang makasagap ng polusyon sa Manila. Kasarap nga dito sa atin at sariwa ang hangin samantalang doon ay napupuno na ng usok na nanggagaling sa mga sasakyan at mga pabrika," mahabang paliwanag ni Yaya at paulit-ulit ko na rin 'yan naririnig sa kanila. "Eh bakit po kung maraming masasamang tao doon eh doon pa rin sila tumitira? Bakit hindi sila umalis doon? Siguro lahat sila masasama?" "Hay naku, ikaw talagang bata ka. Kung ano-anong sinasabi mo." "Hindi na po ako bata, Yaya. 18 na ako eh dalaga na kaya ako." Mas lalo nang humaba ang aking nguso. Palagi na lang nilang sinasabi na bata pa ako. Eh 'di sana hindi na lang ako nag-debut no?! Para hindi ko naisip na dalaga na ako! "We're here! Princess?!" Nanlaki ang aking mga mata nang marinig ko ang malakas na sigaw ni Papa na nagmumula sa living room ng aming mansion. "Papa!" Napatayo ako at tumakbo palabas ng kusina. Nang makita ko si Papa sa pinto ng mansion ay kaagad ko siyang sinalubong at niyakap ng mahigpit habang sa kanyang likuran ay si Mama na tila bigat na bigat sa mga dala niyang paperbag. "Aaaacckk! N-sasakal ako, P-princess." Kaagad akong bumitaw kay Papa nang marinig ko siyang nahihirapan sa paghinga at pagsasalita. "Ang oa mo, Papa! Sa baywang mo lang naman ako yumakap ah!" sabi ko habang hinahampas siya sa kaniyang dibdib. Tumawa naman ng malakas si papa. Sinalubong ko din si Mama at humalik sa kanyang pisngi. "Kaya nga nahirapan akong huminga kasi inipit mo ang tiyan ni Papa," sabi niya habang ibinababa na niya ang kanyang bitbit na maleta sa center table ng sala. "Kumusta ka dito, Princess ko?" tanong ni Mama habang nakayakap pa rin sa akin. "Naiinip ako dito, Ma. 'Di niyo na naman ako isinama," nakanguso kong sagot kay Mama. Bumitaw na rin ako sa kanya at kinuha ang mga bitbit niyang paperbag. Naupo ako sa sofa at sinimulan ang mga itong buksan. Sigurado akong mga damit na naman ang laman ng mga ito na pinamili nila sa mall. Ni hindi pa nga ako nakakapasok ng mall eh. Hindi ko alam kung ano ang pakiramdam kapag nasa loob ng mall. Sa malayong probinsya ng San Villa Rocque kami nakatira. Dito matatagpuan ang malawak naming Hacienda na pinamamalahaan nila Mama at Papa. At kapag wala sila ay may mga katiwala sila na doon ipinapaubaya ang pamamalakad lalo na sa aming malawak na bukirin. Malayo kami sa kabihasnan. Malayo sa Bayan. At dito lang ako nagkakapaglaboy sa loob ng buong Hacienda kasama ang mga katulong, katiwala at mga farmers. Nakakalabas din naman ako at iyon ay kapag papasok ng eskuwelahan pero bantay-sarado pa rin ako ng mga guwardya kaya wala pa rin akong takas. Pakiramdam ko nga ay nakakulong ako sa selda. "Pasensiya na anak, hayaan mo sa susunod ay isasama ka na talaga namin. Pero alam mo 'nak, mas okay ka dito eh. Hindi maganda sa'yo ang polusyon doon," sabi ni Mama habang naghuhubad ng kanyang shoes. Hindi na lang ako sumagot. Kahit naman anong gawin ko, hindi pa rin masusunod ang gusto ko. Wala din naman akong magagawa. Binuksan ko na lang ang mga paper bag at inisa-isang tingnan ang mga pinamili nila para sa akin. Hindi naman na ako nasisiyahan sa mga ibinibigay nila sa akin. Ang lahat ng ito ay puro materyal na bagay lang. Gusto kong maranasan ang mamasyal nang kasama sila kahit wala ang mga ito. "Ferdinand!" Sabay-sabay kaming napalingon sa pinto ng mansion at bumungad doon si Brunette na akala mo ay si Madam Minchin dahil sa kanyang hitsura. Ang taray-taray kong makatingin. Para bang manlalapa ng tao. "M-may problema sa bodega," sabi niya habang humahangos. "What happened?!" sigaw ni Papa at kaagad silang tumakbo palabas ng mansion kasama ni Mama. Kararating pa lang nila pero trabaho na kaagad ang gagawin nila. *** "Tubig! Madali kayo!" dinig kong sigaw ni Papa mula sa malayo. Lumabas ako at tinanaw ang nangyayari sa bodega na nasa 'di kalayuan. Napanganga ako nang makita ko ang makapal na usok at apoy na halos nasa kalahati na ng bodega ang nasusunog. Naroroon ang mga inaning palay na ibabagsak sa bayan! Matapos nitong ipagiling ay magiging bigas na ang mga ito at pagkatapos ay ididiretso paluwas ng Manila para naman ibagsak sa mercado. Nagkakagulo ang mga tao at nagtutulong-tulong sa paghahakot ng tubig para isaboy sa nangangalit na apoy. Tumakbo ako sa mas malapit na lugar. Gusto ko sanang tumulong sa mga ginagawa nila. "Princess, huwag kang lumapit! Bumalik ka sa mansion!" sigaw ni Mama sa akin nang makita niya ako. Hindi na ako nakakilos sa aking kinatatayuan at wala na akong nagawa kun'di ang panoorin sila at ipagdasal na sana ay maapula kaagad nila ang sunog dahil pawis at dugo ang pinuhunan diyan ng aming mga trabahador. Sa hindi sinasadya ay napatingin ako sa mga puno ng mayayabong na mangga na hindi nalalayo sa kinaroroonan ng bodega. Dalawang lalaki ang nakita kong nagmamatyag sa nangyayari sa bodega. Bahagya silang nagkukubli kaya naman ibang hinala kaagad ang tumakbo sa utak ko. Natigilan ako nang ang isa sa kanila ay lumingon sa akin. Nakita ko kung paano din sila natigilan. Kinabahan ako nang makita kong humakbang sila patungo sa aking kinaroroonan. Sa takot ko ay tumakbo ako pabalik sa mansion. Umakyat ako sa ikalawang palapag at nagkulong sa aking silid. Hindi ko sila kilala. Ngayon ko lang sila nakita dito. Baka may bagong ipinasok na tauhan si Brunette na siyang pinagkakatiwalaan ng aking mga magulang. *** Nagising akong madilim na ang paligid. Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako sa kaiisip. Bumangon ako at lumabas ng aking silid. Natanaw ko sa isang bahagi ng mansion ang aking mga magulang habang kausap ang ilang mga taong tumulong kanina sa pag-aapula ng apoy sa bodega. Marurumi ang kanilang mga suot at mauuling. Napatay kaya nila ang sunog? Nailigtas kaya nila ang mga palay? Paano naman kaya nasunog ang bodega namin? Lumabas ako ng mansion at tinanaw kong muli ang bodega. Wala na akong makitang apoy kaya lang, hindi ko din maaninaw ang bodega dahil madilim na ang paligid. Babalik na sana ako sa loob nang may marinig akong mahihinang tinig na para bang nag-uusap ng pabulong. Hinanap ko ito kung saan nagmumula at pinakinggan ng mabuti. "Kalahati lang muna 'yan. Hintayin niyo na lang ang kasunod kapag nakakuha na ulit ako. Kailangan nating maging maingat." Parang tinig iyon ni Brunette. Sino naman kaya ang kausap niya? Mas lumapit pa ako sa pinagmumulan ng tinig. Nagkubli ako sa malapad na pader at sinilip ang likurang bahagi ng mansion. Hindi ko gaanong maaninag ang mga mukha ng taong kausap niya sa dilim pero sigurado akong mga lalaki ang mga tao base sa tinig ng kanilang mga anino. "Kailan naman 'yong kasunod?" Tama ang hinala ko. Tinig nga ng isang lalaki ang kausap niya. "Basta, hintayin niyo na lang ang tawag ko sa susunod. Umalis na kayo," mariing utos naman ni Brunette sa kanila. Nagmadali na akong umalis at bumalik sa loob ng mansion. Umupo ako sa sofa at nakita ko ang pagpasok ni Brunette. Hindi niya ako napansin dahil nagpatuloy siya sa paglalakad hanggang sa kinaroroonan nila Mama at Papa. Sino naman kaya ang mga taong kausap niya kanina? At ano iyong pinag-uusapan nila? Matagal ko ng pinagmamasdan si Brunette. Kakaiba ang kanyang mga kilos sa tuwing nawawala dito sa mansion sila Mama at Papa. Kung umasta siya ay para siyang amo. Mas mahigpit pa siyang mamalakad kaysa sa aking mga magulang. Si Brunette ay 42 years old na base sa naririnig kong usapan ng mga kasambahay dito. Halos magkasing edad sila ng aking mga magulang at anak daw si Brunette ng isang kaibigan ng lolo kong sumakabilang buhay na. Inampon ng lolo ko si Brunette dahil ulila na sa buhay at nakasabayan ng Papa ko sa paglaki. Naririnig ko pa nga sa tsismisan ng mga kasambahay na mga bata pa lang daw si Brunette at Papa ay malaki na ang pagkakagusto nito sa aking ama. Ang kaso ay ibang babae ang nagugustuhan ni Papa at iyon ay si Mama. Hindi na nag-asawa pa si Brunette at ang naririnig kong usapan ng aming mga kasambahay ay dahil ayaw daw nitong umalis dito sa mansion. Pero minsan daw ay may nakikita silang trabahador na pumapasok sa silid nito sa pagsapit ng gabi. Grabe talaga mga kasambahay namin. Ang daming alam. Minsan ay nakikita kong napakasama ng tingin ni Brunette sa Mama ko lalo na kapag nakikita niyang naglalambingan sila ni Papa saanmang bahagi ng mansion. May gusto pa kaya siya kay Papa? Sorry na lang siya dahil mas maganda ang Mama ko! Hmp! Ilang minuto pa ang lumipas at natapos din ang usapan ng aking mga magulang at ng mga trabahador. Pinakain muna sila bago umuwi. "Papa, kumusta po ang bodega? Nasunog po ba lahat?" tanong ko kay Papa sa kalagitnaan ng hapag-kainan. "Hindi naman, Princess. Nasa kalahati lang ang nasunog. Mabuti at nailigtas pa ang kalahati ng mga palay. Ang kaso ay malaki pa rin ang nawala sa atin," malungkot na sagot ni Papa. "Mga nasa ilang kaban po kaya ang nawala, Papa?" "Hindi ako sigurado pero kung susumahin sa kalahati ng buong bodega ay nasa isang libong kaban ang mabilis natupok ng apoy. Mabilis kasi kakalat ang apoy lalo na at palay pa ang mga ito at marami-rami ring dayami ang nagkalat doon." Bakas ang pagkalugi sa mukha ni Papa. Malaki ang nasayang kaya nakakapanghinayang talaga. Sino kaya ang may kagagawan niyon? Kawawa naman ang mga magsasaka dahil pinaghirapan nila ang mga iyon tapos masusunog lang ng ganoon kadali. Hindi man lang napakinabangan. "Tama na Ferdi, wala na tayong magagawa. Magpasalamat tayo at naisalba pa natin ang iba at walang nasaktan sa mga tauhan natin," sabi naman ni Mama na alam kong pinakakalma niya si Papa. "Pero kailangan nating malaman ang naging dahilan kung bakit nasunog ang bodega. Hindi iyon basta-basta na lang masusunog kung walang naging dahilan o taong may kagagawan nito," sagot muli ni Papa habang nakatiim-bagang at nakakuyom ang kanyang mga kamao sa ibabaw ng mesa. "Papa," tawag ko sa kanya kasabay ng paghawak ko sa kanyang kamay. Kaagad namang lumambot ang kanyang hitsura. "Huwag mo na kaming intindihin, Princess. Kami na ang bahala dito," sabi ni Papa sa akin at saka kami nagpatuloy sa aming pagkain. Sa kalagitnaan ng aming pagkain ay napalingon ako sa pinto ng kusina na nasa 'di kalayuan. Para bang may aninong mabilis na dumaan doon. Parang pigura iyon ni Brunette. Saan na naman kaya iyon nanggaling?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD