CHAPTER 2 PROMISE

2441 Words
Kinabukasan, naging mas lalong abala sila papa at mama dahil sa pangyayaring naganap kahapon. Pina-imbestigahan nila ang nangyaring pagkasunog ng bodega. After ng umagahan, pinili kong maglakad papuntang rancho. Siguradong naroroon na si Eric para magpakain ng mga kabayo, ang anak ng isang naming trabahador. Nagsuot ako ng pants na minsan ko lang ginagawa sa tuwing nagbabalak akong mangabayo dahil mas feel ang naka-long dress sa bahay. Noong nabubuhay pa ang lola ko, ang sabi niya ay bawal daw makita ang mga hita naming mga babae. Dapat tagong-tago. Bawal makita ng mga kalalakihan kaya nasanay na rin ako sa ganitong kasuotan. Malayo pa lang ay natanaw ko na si Eric sa kuwadra at abala sa pagpapakain. "Eric!" sigaw ko sa kanya at mabilis akong nanakbo palapit sa kaniyang kinaroroonan. Agad naman siyang napalingon at napangiti nang ako ay makita niya. Matanda lang siya sa akin ng dalawang taon at naging magkaibigan na simula pa noong kami ay mga bata pa lamang. "Dahan-dahan! Baka madapa ka!" sigaw niya rin. Ako naman ay tatawa-tawa lang. Para siyang kuya ko kapag pinag agalitan ako. "Mangabayo tayo!" tuwang-tuwa kong sabi habang hinihimas ko na sa ulo at leeg si Chuchi ko. Ang kabayo kong regalo sa akin ni papa noong nag-debut ako. Puting-puti ang kulay niya, 'yon daw ang bagay sa akin sabi ni papa. "Maya-maya ng konti. Katatapos lang niya kumain," sabi niya habang inaayos na ang tali ni chuchi. Pumasok siya sa loob at inilabas din ang isang kulay brown na kabayo. Ang paborito niya ding gamitin. "Kumusta na sila sir Ferdinand at Ma'am Abie? Nabalitaan ko 'yong nangyari kahapon sa bodega." "Ayon, busy sila ngayon pina-i-imbestigahan nila 'yong nangyaring pagkasunog ng bodega. Tingin mo Eric, sino kaya ang may pakana niyon? Paano naman 'yon masusunog kung walang gumawa?" tanong ko sa kanya. Pero kibit-balikat lamang ang tangi niyang isinagot. "Ewan ko. Mahirap naman kaagad na magbintang kapag wala kang matibay na pruweba." Napatingin naman ako sa kanya. "Ibig sabihin ba, may pinaghihinalaan ka?" tanong ko at mas lumapit pa ako sa kaniya ngunit nagtaka ako nang bigla siyang umiwas sa akin. "Wala, kalimutan mo na 'yong sinabi ko." 'Di ko maiwasang magtaka sa lalaking ito. Dati-rati ay binubuhat pa niya ako. Lalo na kapag naglalaro kami noon. Nagyayakapan pa kami. Lagi niya akong pinapangko at pinasasakay sa kaniyang likod. Samantalang ngayon, pakiramdam ko ay iniiwasan niya ako. Minsan ay tinanong ko sila mama kung may sakit pa ba ako kasi naiisip kong baka meron pa at ayaw niya lang mahawa kaya naman umiiwas siya sa akin. Napasimangot na lang ako. "Oh, nagkakandahaba na naman 'yang nguso mo. Sasabitan ko 'yan ng kaldero," tatawa-tawa niyang sabi at sumakay na sa kaniyang kabayo. "Heh! Galit ka ba sa akin, Eric?" tanong ko sa kanya kasabay nang pagsakay ko rin sa aking kabayong si chuchi. Hindi na rin niya ako inaalalayan! Katwiran niya ay malaki na daw ako at kaya ko nang sumakay sa kabayo ng mag-isa! Nakakatampo na talaga siya. "At bakit mo naman naisip 'yan? Eh 'di hindi na sana kita kinakausap ngayon kung galit ako sa iyo. Ha!" sabi niya at sinimulan na niyang palakarin ang sinasakyan niyang kabayo. "Eh bakit umiiwas ka sa akin? Wala naman na akong sakit ah. Para kang nandidiri sa akin," aniko kasabay naman nang mahinang paghampas ng aking mga binti sa katawan ni chuchi para magsimula na rin siyang maglakad. "Bakit naman ako iiwas? Eto nga at magkasama na tayo. Miss na miss mo talaga ako lagi eh no?" sabi niya nang hindi naman sa akin tumitingin. "Eh, basta pakiramdam ko gano'n 'yon!" sigaw ko na. "Sus, pakiramdam mo lang 'yon. Tara karera!" Bigla na niyang pinatakbo ng mabilis ang kaniyang kabayo. "Hoy! Antayin mo 'ko! Ho! Ho! Bilisan mo, chuchi!" Kumapit akong mabuti sa kaniyang tali at at muli kong inihampas ang aking mga binti sa kanyang katawan para mas bumilis siya. Tumakbo din naman siya ng mabilis. "Bilisan mo! Mahuli talo!" sigaw ni Eric na ngayon ay malayo-layo na ang agwat sa akin. "Baligtarin naman natin! Mahuli panalo! Para maiba naman!" sigaw ko din habang mabilis na tumatakbo si chuchi. "Papangkuhin kita kapag nanalo ka!" sigaw niya na ikinabilog ng aking mga mata! "Chuchi! Bilisan mo! Papangkuhin niya tayo kapag nanalo tayo!" sigaw ko kay chuchi sabay hampas sa pisngi ng kanyang pang-upo. Ang tigas ng pwet ni chuchi! Nakarating kami sa dulo ng hacienda. Sa dulo na ito ay matatagpuan ang pinakamataas na falls dito sa probinsya namin. Bumaba kami ng kanya-kanya naming kabayo at itinali muna ang mga ito sa isang punong narra. As usual, talo ako. Kainis. Ang bilis talaga ni Eric magpatakbo. Ayaw niya talaga akong pangkuhin! "Maligo tayo!" yaya ko kay Eric. "Next time na lang, masama ang panahon. Nakita mo don sa dulo oh. Sobrang dilim ng langit. Siguradong malakas na ulan 'yan," sabi niya sabay turo sa dumidilim na dulong kalangitan. Narito kami sa ituktok ng mataas na falls. Bangin naman ang nasa ibaba, malawak at malalim na tubig ang binabagsakan. May mahabang ilog dito sa itaas na mula sa kabundukan. At bumabagsak naman dito sa ibaba na tinatawag na falls. Tinatalon namin ito palagi ni Eric noong kabataan pa namin. Pero ngayon ay bihira na lamang. Palagi ko siyang inaaya pero malimit na niya akong tanggihan. Ano kayang problema niya sa akin? Nakakainis na siya ah. "Eric, may girlfriend ka na ba?" bigla kong naitanong. Baka kasi meron na kaya niya ako iniiwasan at baka magselos ang kaniyang girlfriendm sa akin. Bigla naman siyang nasamid at naubo. "Ikaw pala ang may sakit eh! Kaya mo ba ako iniiwasan? Magpagamot ka na agad sa doctor. Baka lumala 'yan!" Kaagad akong lumapit sa kanya at hinagod-hagod ang kaniyang likod. Itinaas niya naman ang kanan niyang kamay na parang sinasabi niyang okay na siya kahit patuloy pa rin naman siya sa kanyang pag-ubo. Huminto na rin ako ngunit muli na naman siyang lumayo sa akin. Napahaba na naman ang aking nguso. "Ikaw pala ang may sakit eh. Dapat sinabi mo agad! Hindi naman ako lalayo eh." Tumingin naman siya sa akin habang natatawa. "Wala akong sakit, okay. At oo, may girlfriend na ako," sabi niya habang nakatitig sa akin at nakangiti. "Hah! Sabi ko na nga ba eh. Kelan pa? Bakit hindi mo sinasabi sa akin? Ikaw ha, naglilihim ka na sa 'kin," nakanguso kong sabi sa kanya. "Di ba, kilala mo na siya?" "Ha? Sino?" nagtataka kong tanong. Baka classmate niya. "Hindi mo talaga kilala?" "Hindi. Sino nga?!" naiinis ko nang tanong. "Si Avriah. Mendez. Villiantes," sabi niya habang taimtim na nakatitig sa akin. Huh? Avriah Mendez Villiantes? Bigla akong napamulagat. "Eh ako 'yon ah!" "Girlfriend. . . . . . . . . babaeng kaibigan. Ikaw talaga," nakangiti niyang sabi kasabay nang paggulo niya sa aking buhok. "Tse!" sigaw ko sa kanya. Ayon pala 'yon. *** "Kasalukuyang itinataas ang signal number four sa buong lalawigan ng Visayas. Pinag-iingat ang mga naninirahan na malapit sa kabundukan dahil sa nagbabantang pagguho ng kalupaan-" "Papa, kailangan po ba talagang umalis kayo ngayon? Baka naman po pwedeng palipasin niyo muna ang sama ng panahon," pagpupumilit ko kay papa at mama na naghahanda na para sa pagpunta ng city. Dito pa rin naman 'yon sa probinsya namin pero malayo pa rin. Bibiyahe sila ng mga apat na oras bago makarating doon. "Anak, huwag ka nang mag-alala. Your mom and I will be back soon. There was something really important that we had to fix there dahil sa nangyaring pagkasunog ng bodega. May pinaghihinalaan na kami kaya kailangang maresolba agad ito." Ha? May pinaghihinalaan na sila. Sino kaya? "Sino po, papa?" "Saka mo na malalaman pagbalik namin ng mommy mo, okay?" sagot niya bago humalik sa aking noo. "Huwag kang aalis, Princess. Huwag ka munang lalabas ng bahay. Hindi ka pwedeng maligo sa ulan," sabi naman ni mama at nag-kiss din sa aking cheeks at nag-hug pa. Tumango na lang ako sa kanila. Hinatid ko sila sa pinto ng mansion. Muli silang yumakap sa akin. "Huwag ka nang mag-alala, ha. Babalik agad kami ng daddy. I love you, Princess ko," huling paalam ni mama at muling yumakap sa akin ng mahigpit at humalik sa aking pisngi. "Aalis na kami, Princess. 'Yong mga bilin namin sa 'yo ni mommy, ha. I love you," sabi naman ni papa. Yumakap at naka-ilang halik din siya sa aking noo at ulo. "Mag-iingat po kayo, papa, mama. Balik po kayo kaagad ha." Kumaway na lamang ako sa kanila bago sila tuluyang sumakay ng kanilang kotse. Sumakay na rin ang driver namin na magdadala sa kanila sa bayan. Ngunit bigla akong napatitig sa kanya. Napakunot ang aking noo dahil hindi siya pamilyar sa akin. Parang hindi naman siya si mang Roger na driver namin ah. Tinangka ko silang lapitan ngunit bigla na lamang bumuhos ang napakalakas na ulan. Bawal akong magpa-ulan dahil mabilis ako magkasakit. Medyo may kadiliman ang paligid dahil sa sama ng panahon at malakas na naman ang ulan. Actually, noong isang araw pa malakas ang ulan noong saktong pagdating ko dito sa mansion mula sa pangangabayo namin ni Eric sa buong hacienda. Nagsimula nang umandar ang sinasakyang kotse nila mama at papa. Kumaway akong muli sa kanila pero hindi ko alam kung bakit sobrang bigat ng aking pakiramdam. Hindi ko maintindihan ang aking nararamdaman. Gusto ko silang pigilan ngunit nakaalis na sila at alam kong walang planong magpapigil si papa. Wala sa sarili akong napatingala sa kanang bahagi, sa ikalawang palapag ng mansion. Natanaw ko doon si Brunette na nakamasid din sa pag-alis nila mama at papa. Maya-maya ay lumingon din siya sa akin. Bigla na lamang akong nanghilakbot nang matanaw ko siyang nakangisi habang nakatitig sa akin. Nagtaasan ang mga balahibo ko sa katawan. Agad akong tumakbo papasok ng mansion at nagkulong sa aking silid. 'Di ko talaga maiwasan na hindi matakot kay Brunette lalo na sa tuwing umaalis sila mama at papa. Nag-iiba ang ugali niya sa tuwing wala ang aking mga magulang. Palagi siyang nakasinghal at palaging pinagagalitan ang mga kasambahay namin. Gano'n din sa mga trabahador at sa akin. Ang dilim-dilim lagi ng aura niya at napakasungit. Para siyang nagiging demonyo! *** Kinatanghalian ay nagpadala na lamang ako ng pagkain sa aking silid. Ayokong lumabas dahil ayokong makita si Brunette. Ngunit pagsapit ng hapon ay napilitan na rin akong lumabas. Sumilip ako sa labas ng bintana at nakikita ko kung gaano kalakas ang hangin at ulan. Ilang mga puno na ang natanaw kong nangatumba na sa mga dulong nasasakupan ng hacienda. Nagtungo ako sa kusina para maghanap nang makakain. Mas nakakagutom kapag ganito ang panahon. Alas singko na ng hapon, siguradong gagabihin nang uwi sila papa o kung hindi sila makakauwi ngayon ay siguradong matsi-check in na lamang sila sa mga maliliit lang na hotel doon sa city. Naabutan ko ang mga kasambahay na abala sa paghahanda ng hapunan. Nagtaka ako nang makita kong napakarami ng kanilang mga inihahandang putahe. "Nagugutom ka ba, iha?" tanong ni yaya na kalalabas lamang mula sa banyo ng kusina. "Opo, yaya. Ano pong niluto niyo?" Umupo ako sa harapan ng hapag-kainan. "Eh ano pa nga ba, eh 'di ang paborito mo." Inilabas niya ang paborito kong pritong saging na hinog. "Wow! Thank you, yaya!" Biglang namilog ang aking mga mata at nilanghap ang napakabangong pritong saging na inihayin niya sa aking harapan. "Yaya, bakit nga po pala maraming inihahandang pagkain? May bisita po bang darating? Eh masama po ang panahon ah." "Si Brunette ang nagpahanda ng mga iyan. May kaibigan daw siyang darating na mula pa sa bayan." "Ah gano'n po ba." Parang wala pa naman akong natatandaang nag-imbita ng bisita si Brunette dito sa mansion. At bakit naman ngayon pa kung kailan kasagsagan ng bagyo? Pagkatapos kong kumain ay naisipan kong sumilip sa likod ng bahay. Tanaw mula dito ang kalawakan ng hacienda at ang bodega na nasa 'di kalayuan na kama-kailan lang ay muntik nang maging abo lahat, pati na rin ang mga palay namin. "Siguraduhin niyo lang na maganda ang ibabalita niyo." "Areglado na, boss. Wala ng problema." "Siguraduhin niyong walang ebidensyang makakalap ang pulisya kapag natagpuan na nila ang krimen." May naulinigan akong mga tinig na parang nag-uusap sa 'di kalayuan sa aking kinaroroonan. Sinundan ko kung saan nagmumula ang mga ito. Habang naglalakad ako ay palakas naman nang palakas ang mga naririnig kong tinig ngunit nagulat ako nang bigla na lamang may humigit sa akin. "Helfjdhhsbahdhxhzjjzjfhfh," tinangka kong sumigaw ngunit mabilis niyang nasarhan ang aking bibig gamit ang malaki niyang kamay. Niyakap niya ako mula sa likuran kung kaya't hindi ako makagalaw. Nanlaban ako! "Sssshhh. Huwag kang maingay, si Eric 'to," mariin niyang bulong sa aking tainga at doon ko pa lamang siya nakilala. Eric? "Huwag kang magsasalita," bulong niyang muli at kaagad naman akong tumango. Tinanggal niya ang pagkakatakip niya sa aking bibig, maging ang pagkakayakap niya sa akin. Hinila niya ako sa ibang parte ng mansion. Patingin-tingin siya sa paligid at para bang ingat na ingat sa bawat niyang pagkilos. Hindi ko malaman kong bakit para siyang balisa. Hindi siya makatingin sa akin ng tuwid. "May problema ba?" tanong ko sa kanya. Hinawakan ko ang magkabila niyang pisngi para matigil siya sa pagbaling-baling sa paligid. Hinawakan niya rin naman ang mga kamay kong nakahawak sa kanya. "Mag-iingat ka lagi. Magdoble-ingat ka," bulong pa rin niya. Kumunot ang aking noo sa kaniyang sinabi. Hindi ko siya maintindihan. "Ano bang sinasabi mo?" mahinang tanong ko sa kanya. Lumingon-lingon siyang muli sa paligid. Nasa may tagong sulok naman kami ng mansion kaya hindi naman kami basta-basta makikita dito. Siya naman ngayon ang humawak sa magkabila kong pisngi. "Basta, makinig ka sa akin. Ano man ang mangyari, ihanda mo ang sarili mo at lumayo ka kay Brunette. Hangga't maaari, huwag kang lalabas ng kwarto mo. Palagi mong ikandado kapag nasa loob ka lalo na sa gabi." Naramdaman ko ang panginginig ng kanyang mga kamay. "H-hindi kita maintindihan." Hindi ko talaga siya maintindihan. Para bang binabalaan niya ako. Kinakabahan ako sa kaniyang mga sinasabi! "Basta sundin mo na lang ang mga sinasabi ko, okay. Sundin mo 'ko. Para sa iyo 'to." Tumango na lamang ako kahit wala akong maintindihan. "Malapit naman nang umuwi sila papa eh," aniko na lang para matigil siya sa nakakakabang sinasabi niya. Tinatakot niya 'ko! Hindi siya sumagot at napansin ko ang pag-iwas niya ng tingin sa akin. Maya-maya ay muli rin siyang bumaling sa akin at bigla akong niyakap ng mahigpit. "Kahit anong mangyari, nandito lang ako. Pangako." Narinig ko siyang sumisinghot. Umiiyak ba siya? Medyo nanginginig din ang kaniyang katawan. Ngayon ko lang din napansin na basang-basa pala siya. Galing siya sa ulan? At basa na rin ako!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD