Lumipas na ang tatlong araw. Humupa na rin ang bagyo pero hanggang ngayon ay hindi pa rin dumarating sila papa at mama.
Masyado na akong nag-aalala. Paulit-ulit na ang ginawa kong pag-contact sa mga phone nila pero hanggang ngayon ay out of coverage pa rin sila.
Ilang gabi na rin akong hindi nakakatulog ng maayos dahil palagi ko na lang nararamdamang parang kinakalikot ang seradura ng aking pinto sa kwarto sa tuwing sumasapit ang hating-gabi.
Kinabukasan pa lang ay na-ikwento ko na kaagad kay Eric ang ginawang kamanyakan ng lalaking bisita ni Brunette kaya naman ng araw ding iyon ay nilagyan kaagad ni Eric ng double lock ang pinto ng aking silid.
Binilinan niya rin akong iharang ang lahat ng mabibigat na bagay sa pinto gaya ng mesa or cabinet bago ako matulog at huwag akong mawawalan ng patalim sa ilalim ng unan. Para anuman ang mangyari ay may proteksyon akong magagamit.
Iniisip ko pa lang na gamitin ang patalim na 'yon sa tao ay hindi ko kakayanin pero kailangan kong gawin dahil sa palagay namin ay nanganganib ang aking buhay sa panahon ngayon.
Bakit ba kasi hindi pa umaalis ang lalaking 'yon? Ang sabi niya ay magpapalipas lamang siya ng bagyo at aalis din pero hanggang ngayon ay mukhang wala pa rin siyang planong umalis.
Hindi na rin ako gaanong lumalabas ng silid ko sa araw para hindi ko makita ang lalaking 'yon.
Napapansin ko din na parang nababawasan ang mga kasambahay namin kada araw. Dati-rati ay nasa kinse sila pero ngayon ay parang apat na lamang ang aking nakikita.
Hindi ko rin gaanong nakikita si yaya Miding ko. Ang sabi ng isang kasambahay na aking napagtanungan ay palagi daw inuutusan ni Brunette na magtungo sa bayan.
Bakit naman si yaya pa ang inuutusan niya ay may edad na 'yon?
Asan na ba kayo mama, papa?
Muli akong napakislot nang makarinig ako nang malalakas na busina ng sasakyan sa labas.
Huh?
Agad akong napatakbo sa terrace ng aking silid.
Papa! Mama!
Ngunit muli lamang akong nadismaya nang ibang sasakyan ang natanawan ko sa labas ng 'di kalayuan na gate ng mansion. Pero napakunot ang aking noo nang makilala ko ang sasakyan.
Mobile car 'yon ah.
Dumagundong ang kaba sa aking dibdib. Anong ibig sabihin nito? Bakit may pulis?
Natanaw ko si Brunette na naglalakad na patungong gate. Nabuksan na ni mang Ambo ang gate at nakapasok na ang dalawang unipormadong pulis.
Nagsisimula na silang mag-usap ngunit wala naman akong madinig dahil malayo sila sa aking kinaroroonan. Narito ako sa terrace ng aking silid sa ikalawang palapag ng mansion.
Pero mas lalong lumakas ang kabog ng aking dibdib nang makita kong tumingala sila sa akin. Ayokong mag-isip ng masama ngunit parang iba ang ibig sabihin ng mga tingin nila sa akin.
Mabilis kong binuksan ang pinto ng aking silid at halos takbuhin ko na ang hagdan pababa kahit nangangatog ang aking katawan at mga tuhod.
Naabutan ko pa sa sala ang manyak na lalaki na nakangisi sa akin.
Mabilis ko siyang nilampasan.
Para siyang demonyo!
Nang makalapit na ako sa mga pulis na nasa gate ay kaagad din silang bumaling sa akin.
"Kayo po ba si Miss Avriah Villiantes? Anak ni Mr. Ferdinand and Mrs. Abiegail Villiantes?" tanong ng isang pulis sa akin.
Agad naman akong tumango.
"Opo. Bakit po? Ano pong nangyari?"
Nakatutok lang ako sa kanila. Si Brunette ay nasa aking gilid lang at tahimik na nakikinig.
"Maaari po ba kayong sumama sa amin?" sagot naman ng pulis.
"H-ha? B-bakit po? S-saan po tayo pupunta?"
"Basta sumama na lang po kayo? Malalaman niyo rin pagdating doon."
Lumingon ako kay Brunette pero sa mga pulis lang siya nakatingin.
"Sasama kami," sagot niya sa mga pulis.
Wala na kaming inaksaya pang oras. Namalayan ko na lamang na sakay na kami ng sasakyan ng dalawang pulis at binabagtas na namin ang daan patungo sa kung saan man nila kami dadalhin.
Hindi ako mapakali sa aking kinauupuan dito sa backseat. Para na akong hihimatayin sa sobrang kaba. Tinamaan na ako ng matinding nerbyos.
Saan kami dadalhin ng mga pulis na ito?
***
Isang oras ang lumipas bago kami nakarating ng bayan at huminto ang mobile car sa tapat ng isang hospital.
Hindi matigil sa pagkabog ng malakas ang aking dibdib. Nanghihina ang aking mga tuhod at parang hindi ko kakayaning maglakad.
"Tara na po," sabi ng isang pulis.
Sumama kami ni Brunette sa kanila na nananatili ring tahimik. Ngunit hindi kami sa entrance ng mismong hospital pumasok na ipinagtaka ko.
Umikot kami sa likod at doon pumasok. Natigilan ako nang mabasa ko ang nakasulat sa itaas ng pinto.
Morgue?
Naging triple ang lakas ng kabog ng aking dibdib. Parang ayoko na. Panay na ang aking iling. Hindi ko kayang pumasok dyan. Alam ko kung nasaang lugar kami!
Sobrang panghihina at panginginig ng katawan ang aking nararamdaman sa mga. Parang ano mang oras ay magdidilim ang aking paningin.
Hinawakan ako ni Brunette.
"Halika na. Nakakahiya sa mga pulis."
Hinila ako ni Brunette papasok sa loob.
Hindi. Hindi. Hindi.
May nakita akong ilang mga nakahiga sa loob ng isang silid. Nakabalot na sila ng kulay green na kumot.
Wala akong ginawa kundi ang umiling lang nang umiling.
"Nakikilala niyo po ba ang mga gamit na ito?" tanong ng pulis habang ipinapakita sa akin sa isang mahabang mesa ang ilang gamit.
May isang handbag, attache case, maleta, mga relo at cellphones.
Bumagsak na ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. Napaluhod na ako sa sahig at napatakip na ang dalawang palad ko sa aking bibig.
Hindi. Hindi. Hindi. Hindi.
Hindi totoo 'to. Hindi totoo 'to!
"Natagpuan ang sasakyan ni Mr. and Mrs Villiantes sa ibaba ng bangin kaninang madaling araw ng mga ilang residenteng nakatira sa ibaba ng burol. Sabog na at nagkalat na ang ibang parte ng sasakyan dahil sa pagbagsak nito at pagsabog......Ipagpaumanhin niyo po pero kasama sa pagbagsak at pagsabog ang dalawang katawan na sakay ng naturang sasakyan."
Hindi na ako nakakilos sa aking kinaluluhuran.
Kung panaginip lang po itong lahat, parang awa niyo na! Gisingin niyo na 'ko!
"Narito po ang dalawang katawang natagpuan namin sa loob ng sasakyang sumabog."
Halos wala na akong marinig. Ayaw ko nang pakinggan ang sinasabi nila. Ayaw ko nang tingnan ang dalawang katawang tinutukoy nila.
Napatulala na lang ako sa kawalan. Hindi ko magawang kumilos mula sa aking kinaluluhuran.
"Halika na," tinig ni Brunette at kamay niyang humawak sa magkabila kong balikat.
Pilit niya akong itinatayo.
Nang magtagumpay siya ay mabilis niya akong iniharap sa dalawang katawang nakabalot pa ng dalawang kulay green na kumot at nakahiga sa mesang gawa sa cemento.
Walang pag-aalinlangan niyang tinanggal ng mabilis ang dalawang kumot na nakabalot sa dalawang nakahigang bangkay.
At dito na tuluyang gumuho ang aking mundo nang masilayan ko na ang dalawang mukhang nagbigay sa akin ng buhay at nagluklok sa mundong ito.
Biglang umikot ang paligid ko, nanghina ang aking katawan at nagdilim ang aking paningin.
Namalayan ko na lamang na bumigay na ang aking katawan at dalawang malalakas na braso na lamang ang naramdaman kong sumambot sa akin.
Nabanaag pa ng aking nanlalabong paningin ang walang buhay niyang mga mata at puno ng awa para sa akin.
Eric
Bago tuluyang nagdilim ang aking mundo.
Sana ay huwag na lang akong magising.
***
Nakarinig ako ng malalakas na busina ng sasakyan mula sa labas. Mabilis akong tumayo at halos takbuhin ko na ang bintana.
Baka sila mama at papa na 'yan!
Pero agad din akong nadismaya nang hindi ang sasakyan ng aking mga magulang ang aking natanaw sa labas ng gate. Kulay itim ito at mukhang may kalumaan na.
May natanaw akong lumabas ng mansion at mabilis na tinungo ang gate. Nakapayong ito kung kaya't hindi ko kaagad nakilala ang taong ito. Si mang Ambo naman ay naroroon na rin at kasalukuyan nang binubuksan ang gate.
Pumasok ang sasakyan at nagpatuloy hanggang sa garahe. Hindi kaya siya na ang bisita ni Brunette? Sino naman kaya iyon?
Gabi na at malakas pa rin ang bugso ng hangin at ulan. Wala pa rin sila papa. Kanina ko pa sila kino-contact sa mga phone nila pero out of coverage silang pareho at hindi ko na maiwasang mag-alala.
Gumagapang na ang pangamba sa aking dibdib pero pilit ko itong pinapalis.
Sana maayos silang nakarating sa city at makababalik din sila ng maayos dito sa mansion.
Napapitlag ako nang makarinig ako ng sunod-sunod na katok sa pinto ng aking silid. Nagsimulang kumabog ang aking dibdib at mangatal ang aking katawan.
Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit palagi na lang ganito ang aking nararamdaman. Hindi ko maiwasang kabahan at matakot dahil sa mga sinabi sa akin ni Eric kanina.
Bakit niya ako pinag-iingat kay Brunette? May gagawin ba siyang masama sa akin?
Inilapat ko muna ang aking kanang tainga sa nakapinid na pinto. Pinakiramdaman ko kung sino ang nasa labas.
Muli itong kumatok ng marahan.
"Iha, Princess, kakain na," tinig ni yaya ang aking narinig na ikinahinga ko ng maluwag.
Kaagad kong binuksan ang pinto.
"Yaya."
"Oh, halika na at kakain na. Dumating na ang bisita ni Brunette."
"S-sige po."
Kaagad akong sumunod sa kanya pababa sa kusina.
Pagdating doon ay nabungaran ko si Brunette at ang lalaking hindi pamilyar sa akin ang mukha. Kasalukuyan na silang nakaharap sa hapagkainan.
May kalakihan ang kanyang pangangatawan. Siguro ay nasa edad kwarenta na siya mahigit. Magka-edad siguro sila ni Brunette. At ngayon ay nakatitig na siya sa akin habang naglalakad ako palapit sa lamesang puno ng iba't ibang klaseng putahe.
Isa lang ba ang bisitang ito? Eh bakit ang daming pagkain?
"Oh, ayan na pala siya. Siya ang nag-iisang anak ni Ferdinand at Abie. Napakagandang dalaga, hindi ba? Avriah ang pangalan niya," pagpapakilala sa akin ni Brunette sa lalaking kaharap ko sa lamesa.
"Tama ka, napakagandang dilag. Maputi at makinis ang balat. Hindi ka nga nagkamali nang pagtawag sa akin," sagot naman ng lalaking nakangisi sa aking harapan.
Nangingilabot ako sa uri ng kaniyang pagkakatitig sa akin. Masyadong malagkit at para bang pati kaluluwa ko ay nakikita niya.
Lumingon ako sa paligid at hinanap si yaya ngunit wala siya, maging ang lahat ng kasambahay ay hindi ko makita.
Nasaan na kaya sila?
"Wala ka bang tiwala sa akin? Kailan ba ako pumalpak?" Napabalik ang aking paningin kay Brunette nang muli siyang magsalita. Sabay silang nagtawanan sa isa't isa habang nakatitig sa akin.
Ano bang pinag-uusapan nila?
"Avriah, siya naman si Elvish, ang matalik kong kaibigan. Nagmula pa siya sa malayong bayan at dito na muna siya mananatili sa mansion ng mga ilang araw hanggang sa huminto ang bagyo."
Hindi ako sumagot at tumungo na lang ako sa aking pagkain.
"May gusto ka bang sabihin?" tanong niyang muli sa akin.
"Wala po," mahinang sagot ko.
"Baka ayaw niya ako dito. Hindi ko naman ipipilit ang sarili ko. Maaari naman akong umalis," sagot naman ng matandang hukluban. Kinukunsensya ba niya ako?
"Hindi, hindi. Welcome ka dito kahit anong oras at kahit kailan. At isa pa hindi na kita papayagang umalis dahil masama pa rin ang panahon. Baka kung anong mangyari sa iyo sa labas....Avriah..." Pinanlakihan ako ng mga mata ni Brunette.
Tumango na lang ako dahil wala rin naman akong magagawa. "Opo. D-dito na po muna kayo."
Kaagad na napangiti ang matandang lalaki.
"Huwag ka nang mag-Po sa akin. Pakiramdam ko tuloy ay ang tanda-tanda ko na," aniya sa malungkot na tinig.
Gusto kong masuka sa mga sinasabi niya. Anong akala niya sa sarili niya ka-edad ko lang?
Hindi ko siya pinansin at sinimulan ko na lang kumain kahit nawalan na ako ng gana dahil sa mga kasama ko sa mesa.
"Hayaan mo na siya. Ganyan talaga 'yan, tahimik pero pasasaan ba't puro pangalan mo na lang ang sasambitin niyan sa mga susunod na araw," bulong ni Brunette sa lalaki na siyang nagpakabog ng husto sa aking dibdib.
Napahigpit ang pagkakahawak ko sa kutsara at tinidor. Nangatal ang aking katawan.
Dinampot ko ang baso sa aking harapan na naglalaman ng tubig para sana ay inumin sa pagbabaka-sakaling kumalma ang sarili ko. Ngunit nagulat ako nang bigla na lamang may bagay na kumiskis sa aking binti na alam kong parte ng katawan ng taong nasa aking harapan.
Nabitawan ko ang hawak kong baso, tumalbog ito sa aking kandungan at tuluyang nalaglag sa sahig na lumikha ng malakas na ingay dahil sa pagkabasag nito.
Nakaramdam ako ng hapdi sa aking paa at segundo lang ay sumirit ang dugo mula sa aking balat na nahiwa ng bubog.
"Ano ka ba namang, bata ka?! Bakit ibinagsak mo ang baso?! Linisin mo 'yan!" sigaw sa akin ni Brunette ngunit hindi ko pansin dahil sa lakas ng kabog ng aking dibdib at pangangatal ng buo kong katawan.
Mabilis akong tumayo para sana ay linisin ang sahig.
"Ano ka ba naman? Bakit siya pa ang paglilinisin mo? Meron naman dyang mga katulong. Hayaan mo na siya. Siguro ay naiilang pa siya sa presensya ko. Pasasaan ba't masasanay din siya," nakangising sabi ng matandang lalaki habang nakatitig pa rin sa akin.
"Oh, sige na. Kumain na tayo." Bigla namang kumalma si Brunette.
Tinawag niya ang isa sa mga kasambahay para sila na ang maglinis ng nabasag.
Bakit ba wala sila sa paligid?
Siguro ay pina-stay muna sila ni Brunette sa dirty kitchen para hindi sila makasama dito at masaksihan ang kababuyan ng dalawang halimaw na ito.
Natapos na lamang ang hapunan namin nang hindi ako nakakain ng maayos dahil sa mga matang matamang nakatitig sa akin.