Pabaling-baling sa higaan si Mae. Mailap ang dalaw ng antok sa kan’ya ng gabing iyon. Paulit-ulit na bumabalik sa kanyang balintataw ang nangyari kanina lalo na ang eksena ni Jacob kasama ang napaka-sexy na dalaga na ayon dito ay girlfriend daw nito. Nilukob man siya ng inis kay Jacob dahil sa lantarang pag-aalipusta nito sa kan’ya ay hindi pa rin niya maiwasang makadama ng kakaiba sa dibdib, ang estrangherong kurot sa kanyang damdamin na hirap siyang bigyan ng apilyedo kung ano iyon.
Tumayo siya at bumaba upang magtimpla ulit ng gatas. Bitbit sa magkabilang kamay ang dalawang tasa na wala nang laman ay tinungo niya ang kusina. Nilagay niya sa lababo ang dalawang tasa at kumuha ng panibago, muling nagsalin ng mainit na tubig roon at saka nilagyan ng asukal at powdered milk.
Tahimik na ang buong bahay. Tulog na ang kanyang mga magulang maging ang mga kasambahay rin. Pito silang lahat na nakatira sa bahay ng magulang niya, kasama na roon ang tatlong kasambahay na babae at isang family driver. Subalit mas maraming araw ang inilagi niya sa kanyang condo kaysa rito. Umuuwi lamang siya rito kapag nababagot sa sariling unit o ‘di kaya ay may importanteng okasyon at mahalagang kailangan.
Upang hindi makalikha ng ingay ay maingat siya sa kanyang mga galaw. Pagkatapos magtimpla ng panibago ay nilisan niya agad ang kusina at bumalik sa kanyang silid. Nilapag muna niya sa side table ang bitbit na tasa upang maibsan ang init bago niya ito inumin ulit. Bahagyang madilim ang kanyang silid, sa tulong ng kaunting liwanag ng lampshade at liwanag ng buwan mula sa labas na pilit lumalagpas sa puting kurtinang nakatabon sa glass window niya ay naaninag niya kahit papano ang kabuuan ng kanyang silid.
Tila may kung anong humihila sa kan’ya upang tumungo siya sa kanyang bintana. Walang pag-aalinlangang hinawi niya ang kurtina roon. Pagkabukas pa lang niya ng sliding window ay ang malamig at preskong hangin ng gabi ang agad na sumalubong sa kanyang makinis at magandang mukha. This is a perfect night indeed. Inilibot niya ang kanyang paningin sa labas. Maging ang buong village ay tahimik na rin at iilang bahay na lang ang may ilaw na nakabukas. Tumingala siya sa kalangitan at napangiti nang makita roon ang nagkikislapang mga bituin. Ramdam niya sa sandaling iyon ang tunay na buhay ng inang kalikasan. Tila nakapagpahinga ito sa usok mula sa mga sasakyan na buong araw nakipagbunuan sa kalsada. Maging sa kapusukan ng mga tao na pilit itong winawasak. Kay sarap damhin ang katiwasayan sa ganitong mga pagkakataon.
Napahaplos siya sa sariling mga braso nang maramdaman ang mabining pag-ihip ng malamig na hangin. Sariwa at malinis iyon, walang anumang halo ng alikabok at usok mula sa mga sasakyan sa siyudad. Hindi niya maiwasang pakawalan ang isang malalim na buntong hininga na kanina pa niya nais na mailabas.
Hindi niya mawari kung bakit tila siya nakaramdam ng lungkot at pangungulila. Tila may mabigat na bagay siyang iniinda sa kanyang kalooban. Ipinikit niya ang mga mata, subalit muli ay rumehistro lamang doon ang intimate scene nina Jacob at ng babaeng kasama nito kanina sa opisina. Wala sa sariling napabalik siya sa kama at padaskol na umupo roon. Mabilis niyang kinuha ang tasa ng gatas saka ininom ang laman nito.
“Damn! I gotta be crazy,” inis na bulalas niya sa sarili. Kanina pa niya nais makapagpahinga sapagkat bukas ay maaga pa ang pasok niya pero nakatatlong tasa na siya ng gatas ay hindi pa rin siya dalawin ng lintik na antok.
Simula nang masilayan niyang muli si Jacob ay niyanig nito nang pagkatindi ang mundo niya, ang isip at lalong-lalo na ang kanyang puso. Inaamin niyang apektado siya sa pakikitungo nito sa kan’ya dahil hindi siya sanay sa ganoong pagtrato nito. Nasanay siya sa dating masayahin, masigla at malambing na Jacob na walang ibang gawin kung hindi ang suportahan siya at ibigay ang lahat na makapagpapasaya sa kan’ya. Subalit sa kasamaang palad ay sinaktan lang niya ito, hindi naging maganda ang huling pag-uusap nila kaya aasahan pa ba niya ang mainit na pakikitungo nito sa kan’ya sa muli nilang pagkikita?
Absurd!
Sa uri pa lang nang paninitig nito sa kan’ya ay mahihinuha na kaagad ang disgusto nito na animo’y ayaw siyang masilayan. Sa tuwing nagkakasalubong nga sila ay tila nais niyang agad na lamunin ng buhay sa lupang kinatatayuan o ‘di kaya ay may kakayahan sana siyang maglaho na parang bula upang hindi sila magpang-abot, pero kailangan niyang ipakita ang katatagan lalo pa’t may dignidad siyang ipinaglalaban.
Kapag may meeting sila sa conference room ay hindi man lang siya tinapunan nang tingin nito kahit isang beses, as if she doesn’t exist. That’s been a favor for her though, mas mabuti na nga rin ‘yon para bawas sa stress dahil sa oras na pinapansin naman siya nito ay puro kamalian lang naman ang hinahanap o nakikita nito sa kan’ya.
'Di katagalan ay medyo nakaramdam na rin siya ng antok. Tumayo siya upang kunin ang librong nakalagay sa shelf para mas lalo pa siyang antukin. Nagbasa siya ng ilang minuto hanggang sa napagpasyahang umidlip na. Before she went back to bed ay nilingon muna niya ang wall clock para sana i-check ang oras pero napalatak siya nang mapagtanto na mag-a-alas tres na ng madaling araw.
“Holy s**t!” tanging nasambit niya dahil sa gulat. Nagmadali siyang pumunta sa kama at nagtalukbong sa kumot, mabuti na lang ay agad siyang nakaidlip.
“Ma’am Mae, gising na po. Ma’am?” pukaw sa kan’ya ng kasambahay na si Jelay.
“Hmm. Bakit?” sagot niya sa ilalim ng kumot. Mas lalo pa niyang isinubsob ang mukha sa unan sa tindi ng antok. Bihira lang kung pumasok si Jelay sa kanyang silid, maliban na lamang kung may importanteng kailangan ito sa kan’ya.
“Wala po ba kayong pasok ngayon? Alas otso na po ng umaga, Ma’am,” muling saad nito. Bahagya pa siya nitong niyugyog nang mahina sa balikat.
‘Walang pasok. Alas otso. Alas otso,’ pag-uulit niya sa isipan upang i-absorb ang sinabi ng kasambahay.
“What?!” Napabalikwas siya ng bangon at nag-double check sa wall clock. “Holy God! Anong nangyari, bakit ‘di ko narinig ang pag-alarm ng cell phone ko?” puno ng kaba na sambit niya. Sa isang iglap ay tuluyan nang nawala ang kanyang antok subalit napalitan naman ito ng kalabog sa dibdib. Mabilis niyang kinuha ang cell phone, only to find out that it was drained.
“Crap!”
Inis na binalibag niya ang cell phone at napasabunot sa kanyang buhok. Makaraan ang ilang segundo ay naging mabilis ang kanyang naging kilos. Kumaripas siya nang takbo sa banyo para maligo. Wala pa atang sampung minuto ay tapos na siya at nagkukumahog sa pagbihis. Hindi na niya naisipan pang mag-almusal dahil mas lalo na naman siyang male-late. Isang kasuklam-suklam na sermon na naman ang bubungad sa kan’ya ngayon pagpasok ng opisina. Tahimik niyang dasal ay sana wala pa roon ang kanyang mabangis na amo na si Jacob.
Subalit waring hindi umabot sa langit ang lihim niyang dalangin kanina sapagkat kabaligtaran ng kanyang inaasam ang nangyari pagkatapos niyang mag-time in. Isang madilim na anyo ni Jacob ang nakaabang sa kan’ya sa hallway. Halos mabingi na siya sa lakas ng tambol sa kanyang dibdib. Pasekreto niyang iniksamen ang sarili kung ito ba ay dahil sa kaba na mapapagalitan siya o dahil sa presensya nito na nakaka-intimidate? He was so handsome in his business suit with a black leather wrist watch. His broad shoulders were inviting in her eyes, na para bang nag-anyaya ng isang mainit na yakap.
‘Seryoso ka, Mae? Nakuha mo pa talagang magpantasya sa lagay na ‘yan? Mukha ka na ngang bibitayin patiwarik ng amo mo sa dilim ng mukha, kaya mag-ayos ka!’ lihim na sermon niya sa sarili.
Sa nakikita niyang mukha ng kaharap ay tila handa na itong lumamon ng buhay na kaaway. Naging isang linya na ang makapal nitong kilay. Gumagalaw ang panga nito at mariin ang pagkalapat ng mga labi. His eyes say how deeply mad he is right now.
Lahat ng mga mata sa opisina ay nakatuon sa kanila, naghihintay ng susunod na kaabang-abang na mangyayari. Inihanda na niya ang kanyang sarili sa magaganap that’s why she remained still, facing him calmly and released her very own genuine smile.
“Good morning! Sir Jacob,” magalang niyang sabi kahit pa hindi niya alam ang isasagot nito.
Yumuko ito at tiningnan ang relo sa bisig saka umiling.
“How could you greet me good morning, Miss Ramos, when in fact it’s almost afternoon?! Are you even aware na hindi ito ang tamang oras sa pagpasok ng mga matitino at responsableng empleyado sa kompanya ko? Mabuti pa pala ang ibang mababa ang katungkulan dito sa kompanya ay maagang dumating, samantalang ikaw na dapat ay nagsu-supervise ang siyang nagpapakita kung gaano ka ka-incompetent. I really wonder kung paano mong naabot ang posisyon mo ngayon gayong mas marami naman ang mas deserving sa posisyon mo,” puno nang dismaya at pang-uuyam na sabi nito sa kan’ya. Wala pa ring nagbago sa mukha nitong hindi maipinta simula nang mabungaran siya nito.
Uminit ang mukha niya sa pagkapahiya dahil sa sinabi nito na narinig ng lahat. Maging ang banayad na pag-init ng kanyang tenga ay hindi nakaligtas sa kanyang pakiramdam. May ilang nagbubulungan at tinaasan siya ng kilay, may ilan ring tila natatawa. Pero mas marami ang tila nakisimpatiya sa kan’ya at matalim ang tinging ipinukol sa kaharap, ilan sa mga ito ay napapailing na lang.
“My sincere apology, sir. It’s just that-“ napahinto siya sa dapat na sasabihin. Muntikan pa niyang mapabatid dito na madaling araw na siyang nakatulog dahil sa pang-uukupa nito sa kanyang isipan kaya na-late siya ng gising.
“Spell it out!” matigas nitong sabi.
“I- I’m j-just not feeling w-well, sir. I am so sorry for not being here on time,” pagsisinungaling niya. She’s lost of words. Sana matapos na ang sandaling ito dahil hindi niya alam kung hanggang kailan niya matitiis ang pakiharapan ito.
“Go to the clinic and get checked. Secure a medical certificate and pass the result to me ASAP!” malamig nitong sabi na agad tumalikod kahit ‘di pa tapos magsalita.
Naiwan siyang natulala sa sinabi nito. Tama ba ang narinig niya? Medical certificate? Pusang gala naman! Isang kasinungalingan na nga ang kanyang nasimulan at mukhang muli pang masundan na naman sa pagpunta niya ng clinic ngayon. Naiiyak siya na ewan.
Huminga siya nang malalim. She has to do this. She has no choice but lie to the company nurse and doctor. Ano na naman kaya ang sasabihin niya? Wala sa oras na naihilamos niya ang kamay sa mukha habang tinatahak ang kanyang departamento.
“Mars! Anong nangyari sa mukha mo? Sobrang putla mo, para ka pang naiihi na ewan. Akala ko pa nga ay hindi ka na papasok dahil almost 10 na,” mabilis na umaligid sa kan’ya si Judy.
“Na-late kasi ako ng gising. Tapos inabangan pa ako sa hallway ng amo natin kanina, nadagdagan pa ang problema ko nang pina-secure ako ng medical certificate,” saad niya at pasalampak na umupo sa ergonomic chair.
“Ha? Anong medical certificate? Bakit? Para saan?” sunod-sunod na tanong nito. Bakas sa mukha nito ang labis na pagtataka.
“Kasi kanina, wala akong masagap na sasabihin sa kan'ya bilang alibi kung bakit ako na-late, eh. Alangan namang sabihin kong late na akong natulog? Eh, ‘di dagdag sermon na naman ‘yon! Kaya sinabi ko na lang na not feeling well ako. Kaso hiningan naman agad ako ng medical result,” puno nang panlulumong saad niya. Hinilot niya ang sintido dahil sa bahagyang pagsakit niyon. “Wala akong sasabihin sa nurse at doctor, Judy!” naiiyak niyang sabi.
Hindi sumagot si Judy. Titig na titig lang ito sa kan’ya habang tahimik at malalim na nag-isip. Pagkatapos ng ilang minuto ay bigla itong pumitik sa hangin.
“Alam ko na! How about dysmenorrhea? Na may kalakip na nausea? Oh, ‘di ba ang taray? Alangan naman i-check pa nila ‘yan kung talagang naka-napkin ka nga?” nakangisi itong sumagot sa kan’ya at pumalakpak na tila na-excite pa.
Napa-isip siya sa sinabi nito. Pwede. Malamang ay makakalusot na nga siya sa sinabi nitong paraan. Siguro ay hindi na busisiin pa ni Jacob ang rason na iyan dahil hindi naman siya makaka-relate. Ngumiti siya at tumango saka nagpasalamat kay Judy.
Nabuhayan siya ng loob. Mabilis at nakangiti niyang tinungo ang clinic upang agad na makakuha ng medical certificate. Minadali pa naman siya ng mabangis niyang amo.
‘This is not a bad day after all. There’s so much to do today with the positive vibe along with me. It’s still a long long day,’ anang isip niya.