By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
----------------------------------
Malayo-layo na sa bahay nina Carlo ang bago naming tirahan. Ipinangako ko sa aking sarili na limutin ko na siya. Mas lalo ko pang pinag-igihan ang aking pag-aaral. Ibuhos ang lahat ng panahon ko sa mga gawain sa eskuwelahan at pagtulong sa aking inay.
Subalit hindi ganoon kadali ang lahat. Naroon pa rin kasi si Carlo sa eskuwelahan at magkaklase pa kami sa lahat ng subjects. At lalo na kapag nakikita ko silang dalawa ni Irene na parang mga love birds ng campus, mistulang nang-iinggit. Tila pinipiga ang aking puso.
May mga nangungutya rin. Ang iba, nagtatanong kung bakit hindi na kami palaging nagsasama ni Carlo at nawala na ang aming makasaysayan at pinagkakaguluhang "love team" na kinakikiligan ng mga estudyante. Maraming nalungkot at nanghinayang. Marami kasing nakaalam at sumubaybay sa kuwento namin ni Carlo at sa biglaang pagpasok ni Irene sa eksena. Ngunit marami ring estudyanteng kumampi sa akin, lalo na iyong mga nakaalam kung paano ako binubully ni Carlo noong una, at kung paano siya tumino nang dahil din sa akin. Ngunit ang isinagot ko na lang sa mga nagtatanong ay, "Ganyan lang talaga, hindi mo maiwasan ang pagbabago. Masakit mang isipin ngunit iyan ang totoo. Sa buhay, ang lahat ay may pagbabago. At kasali na rito ang pagbabago ng isang love team." Ang pakunsuwelo ko na lang sa sarili ay na kahit papaano, natulungan ko si Carlo na magbago. Sa ganoong paraan, may naramdaman pa rin akong saya sa aking puso.
Hanggang sa nag-fourth year college kami at tuluyan nang naghiwalay ang aming mga landas. Hindi na kami classmates. Ako na mismo ang umiwas.
Lumipas pa ang mga araw, patuloy pa rin ang aking pagtitiis. Para akong tino-t*****e at hindi pa rin makapag move on.
Second semester nang nabalitaan ko ang nangyari kay Carlo. Muli na naman daw siyang naging pasaway. Hindi na pumapasok sa klase, nagbabarkada muli, at kung anu-anong g**o ang kinasasangkutan.
Medyo na-guilty rin ako. Ngunit wala akong magawa dahil isinara ko na ang pinto ko para sa kanya. Ayokong masangkot muli sa buhay niya. Sa isip ko, sapat na ang minsan na naging bahagi siya ng buhay ko. Tama nang sa isang dako ng buhay niya ay natulungan ko siya. At lalo na't graduating ako. Ayokong masira ang aking magandang record sa school. Gusto kong makamit ang honors sa aking pagtapos.
Ngunit sadyang mapaglaro ang tadhana. Tinunton ng mommy ni Carlo ang aming tinitirhan at kinausap ako at ang aking inay na tulungan ko ang anak niya dahil graduating nga si Carlo at gusto nilang makapagtapos ang kanilang anak. Mahirap ang kanilang pakiusap. Subalit, dahil sa malaking utang na loob namin sa kanila, at sa pakisuyo na rin ng aking ina, hindi rin ako nakatanggi. "Anak... para sa ikabubuti ng isang tao ang gagawin mo. Huwag mong pagdamutan. Minsan, may pagkakataon talagang kailangan nating magsakripisyo para sa ikabubuti ng iba. Mahirap ngunit kapag tagumapay ka, magiging masaya ka na rin sa bandang huli. At isa pa, mabubuting tao sila, anak. Tinulungan nila tayo..." Ang payo pa ng aking inay.
Tama rin naman ang inay. Sa isang banda, ako ang nakapagpatino kay Carlo at sayang naman kung dahil lamang sa pansarili kong naramdaman ay hayaan ko na masirang muli ang buhay niya. At malaki ang naitutulong nila sa pagdugtong pa sa buhay ng aking ina, pati na rin sa ibang gastusin ko sa eskuwelahan. Kaya napilitan akong sumang-ayon sa pakiusap ng mommy ni Carlo.
Gabi nang unang pagtira ko sa kanila. Nauna akong dumating galing sa eskuwelahan. Ang usapan namin ng mommy ni Carlo ay magpanggap akong tutor at personal na assistant niya. Nang dumating si Carlo sa bahay at nakita niya ako, kitang-kita ko sa kanyang mga mata ang pagkagulat. Ngunit imbes na kausapin ako, inismiran lang niya ako at dumiretso sa kanyang kuwarto. Sa porma ng kanyang paglalakad ay halatang nakainom siya.
Sinundan ko siya. Kumatok ako ngunit dahil hindi siya sumagot, kusa kong binuksanan ang pinto. Hindi naka-lock ito kaya diretso na akong pumasok at tumayo sa gilid nito.
Nakaupo siya sa gilid ng kanyang kama, naka uniporme pa ngunit bukas ang tatlong butones ng kanyang polo. Sa harap naman niya ay ang basurahan na ginawa niyang sukahan, ang kanyang mukha ay basa ng laway at may dumikit na mga durog na pagkaing isinuka niya. Nang ibinaling niya sa akin ang kanyang tingin, bakas sa kanyang mga mata ang galit. "Bakit ka pumasok?" ang galit na tanong niya habang pinahid ng kanyang kanang kamay ang kanyang bibig.
"G-gusto lang kitang makasusap eh."
"Tungkol saan?" Tumayo siya at tinumbok ang kanyang kabinet. Nang nasa harap na siya nito, hinubad niya ang uniporming polo shirt atsaka ang kanyang pantalon at underwear. Hinugot niya ang isang nakatuping tuwalya atsaka itinapis ito.
"N-nag-apply kasi ako bilang t-tutor mo. At tinaggap naman ako ng mommy mo." Ang sambit ko.
"Hindi ko kailangan ng tutor, ok? At lalo nang hindi bakla na katulad mo." Ang sambit niyang patuloy lang sa kanyang ginagawa at hindi lumingon sa akin.
Mistula namang tinusok ang aking puso sa sinabi niyang iyon. Napapikit na lang ako, hindi magawang sumagot agad. Iyong bang sobrang pagtimpi at ibinulong sa sariling, "kaya mo iyan Chris. Kaya mo iyan."
"Bakit hindi ka nakasagot? Masakit ba?" ang tanong niya uli.
"B-bakit ka ba galit sa akin?"
"Hindi ako galit sa iyo!" ang bulyaw niya sabay talikod at pumasok sa shower.
Sinundan ko siya sa bukana ng shower. "Kung ganoon, kanino ka galit?"
Hindi na siya sumagot. Narinig ko na lang ay ang ingay ng tilamsilk at pagbagsak ng tubig mula sa shower.
Tinungo ko ang ibabaw ng kanyang kabinet kung saan nakapatong ang kanyang mga notebooks. Kukunin ko na sana ang mga ito nang mapansin ko ang laruang sundalong nakatayo sa unahan ng mga collections niya. Hindi ko mapigilang hindi titigan ito. May mga alaalang nanumbalik sa aking isip. Ang paghahaplos ko sa kanya kapag dumating ako galing sa eskuwelahan, ang pakikipag-usap ko na animoy isang tao siya, ang pag-aalaga ko sa kanya. At ewan ko rin ba, pakiramdam ko ay tila may pananabik rin siya sa akin. Parang tuwang-tuwa siyang nakita ako roon sa kuwarto ng kanyang amo.
Binitiwan ko na lang ang isang malalim na buntong-hininga.
"O ba't nandito ka pa? At anong ginagawa mo d'yan?" ang tanong ni Carlo. Natapos na pala siya sa kanyang paliligo.
Bigla akong napalingon sa kanya. "Eh... k-kinuha ko ang mga notebooks mo."
"At bakit mo naman pinakikialaman ang mga gamit ko?"
"M-magto-tutor ako sa iyo, 'di ba?"
"Di ba sinabi kong hindi ko kailangan ng tutor? Bingi ka ba?"
"S-sabi kasi ng m-mommy mo eh."
"Pwes, doon ka kay mommy magtutor! Di kita kailangan dito. Baka siya... kailangan niya ng tutor!"
Mistula akong natunaw talaga sa mga sinabi niya. Parang gusto ko nang sumuko. Napatitig na lang ako sa kanya habang nanatiling nakatayo, hawak-hawak ang mga notebooks. "Bakit ka ba nagkaganyan?" ang tanong ko na lang.
"Anong nagkaganyan? Dati pa naman akong ganito, 'di ba?!"
"Dapat ay nag-aaral ka at hindi naglalasing dahil graduating student ka!"
"Wala kang pakialam!"
"May pakialam ako dahil kaibigan kita!"
"Oww? Kaibigan? Bakit ako, sinabi ko sa iyo noon na kaibigan kita at ayaw kong magbago ka. Nakinig ka ba? Kusa mo akong tinalikuran. Ni-ho ni-ha, wala! At ngayon, dahil sa pera ng mommy na ibinayad sa iyo, kaibigan agad? Binayaran ka lang, kaibigan na uli tayo? Ganoon???"
Tila nasamid naman ako sa narinig. "N-nahiya na ako Carlo..." ang sagot ko na lang.
"At ngayon, hindi ka na nahiya? Dahil sa pera na ibinayad sa iyo, nawala bigla ang hiya mo? Ganyan ka ba? Mukhang pera?!"
At doon, hindi ko na napigilan ang aking sarili. Nag-init ang aking tainga sa aking narinig. Isang malakas na sampal sa kanyang mukha ang aking pinakawalan.
(Itutuloy)