By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
----------------------------------
Napahawak siya sa kanyang nasampal na pisngi.
Akmang susuntukin na sana niya ako. "Sige, bugbugin mo ako! Ganyan ka naman di ba? Ganyan ang pagkatao mo! Ganyang kababa ang pagtingin mo sa akin! Ngayon, gusto kong malaman mo na nagpunta ako rito hindi dahil sa pera. Walang bayad ang pagpunta ko rito. Ang mommy mo ang kusang nakiusap sa akin at ng aking inay na tulungan kita. Dahil mahal ka ng mga magulang mo! Dahil gusto nilang makatapos ka sa iyong pag-aaral! At dahil naisip ko rin na dapat tulungan kita kung kaya ako narito! At hindi iyan dahil sa pera! Iyan ay dahil kaibigan kita! Dahil ayaw kong mapariwara ang buhay mo! Putanginaaa! Nilulon ko ang kahihiyan na pumunta rito sa kabila ng alam mo ang pagkatao ko, sa kabila nang alam mong mahal kita, sa kabila nang alam kong ipinagkalat ninyo ni Irene sa eskuwelahan na bakla ako at nagnanasa sa iyo! Dahil sa kagustuhan kong maituwid ang buhay mo. Dahil kaibigan kita – KAIBIGAN! Hindi dahil sa pera! At hindi ko kailangang pahirapan ang sarili ko nang dahil lamang sa pera dahil sanay akong mabuhay sa hirap! Mas gugustuhin ko pang hindi makakain ng tatlong beses sa isang araw kaysa ipagsiksikan ko ang sarili ko sa iyo upang magkapera lang! Kaya huwag mong mabanggit-banggit na ang pagpunta ko rito ay dahil sa pera! HINDI LAHAT NA MAHIHIRAP AY MUKHANG PERA!!!" ang pagsisigaw ko.
Nahinto siya sa tangka sana niyang pagsuntok sa akin. Napaupo siya sa kanyang kama, ang dalawang kamay ay itinukod sa kanyang ulo.
"Hindi ako katulad mo na pera ang ginawang puhunan upang makamit ang luho o ambisyon. Ang puhunan naming mga mahihirap ay tiyaga, sipag, dangal, pagsisikap, at prinsipyo upang makamit ang pangarap namin sa buhay!"
Hindi pa rin siya kumibo. Nakita kong nakayuko siya, tila umiiyak.
"Kung ayaw mong magsalita. Uuwi na lang ako. Hindi na ako babalik pa at hinding-hindi na mapgpapakita pa sa iyo. Mahirap gisingin ang taong nagtutulog-tulugan. Mahirap kausapin ang taong nagibingi-bingihan."
Ibinagsak ko ang mga notebooks niya sa sahig at tinumbok ang pinto ng kuwarto niya upang lumabas na ng, "Chris... payag na akong magpa-tutor sa iyo." Ang narinig kong sambit niya.
Nahinto ako at nilingon siya. Bumalik uli ako sa loob ng kuwarto, nanatiling nakatayo sa harap niya at tiningnan lang siya.
"S-sorry..." sambit niya habang nanatiling nakayuko pa rin.
At doon na ako nahimasmasan. Umupo ako sa tabi niya. "Sorry din..." ang sambit ko.
Niyakap nya ako. Humagulgol siya. Hindi ko alam kung para saan ang pag-iyak niyang iyon. Niyakap ko na lang din siya at hinaplos-haplos ang kanyang likod. Napaiyak na rin ako. Nag-iyakan kami.
"S-salamat..." ang sambit niya.
"Saan?"
"Sa palagi mong pag-intindi sa akin. Sa kabaitan mo. Sa mga sakripisyo mo para sa akin."
"Wala iyon..."
"Napakasuwerte ko na nagkaroon ng kaibigang tulad mo."
Hindi ko na sinagot pa ang sinabi niya. Tumayo ako at pinulot ang nagkalat na notebooks sa sahig. "Magsimula na ba tayo?"
"Puwede bang magkuwentuhan na lang muna tayo? Parang getting-to-know sa tutor ko. Di ba ganyan naman dapat?" Ang biro niya. Nakangiti na siya.
Napangiti rin ako. "Sure." At inayos ko kunyari ang sarili at, "I'm Christopher Lara, your tutor." Sabay abot sa aking kamay sa kanya.
"Carlo Reyes..." ang sagot din niya habang tinanggap ang aking pakikipagkamay.
At nang mapansin ko ang namumula pa niyang pisngi na nasampal ko, hinaplos ko ito, "M-masakit ba ang pagsampal ko?"
Hinyaan lang niya ang aking kamay na humahaplos sa pisngi niya. Hindi niya iginalaw ang kanyang ulo. "Masakit, grabe ka palang manampal"
"Sorry na..."
"Ok lang iyon. Sa sampal mo ako natauhan eh." Sabay bitiw ng isang ngiti.
Hindi na ako nakasagot pa. Kahit papaano, may tuwa akong nadarama. Pakiramdam ko, sa kabila ng mga ginawa, siya pa rin ang best friend ko.
Sa gabing iyon ay wala kaming ginawa kundi ang magkuwentuhan. "Sorry sa talaga sa lahat... lalo na iyong hindi ko pagsabi sa iyo tungkol sa amin ni Irene. Natatakot kasi akong mag-iba ka na... magalit ka, magdamdam."
"Ayos lang iyon. Tapos na iyon at wala na tayong magagawa pa roon. Ang importante, heto, magkaibigan tayo muli. Pasensya ka na rin na hindi ko sinabi sa iyo na... b-bakla ako, at may naramdaman para sa iyo. Ang sakit lang kasi."
Binitiwan niya ang isang pilit na ngiti. Tinitigan ako at pagkatapos, inakbayan. "Ok lang iyon. Wala sa akin iyon. Magkaibigan pa rin naman tayo, di ba?"
Tumango ako.
"Best friends?" sambit niya.
"Best friends..." sagot ko.
"Iyan ang pinakamahalaga..."
Niyakap niya ako. "Toy...?" sambit niya, pahiwating na ibalik namin ang aming tawagan.
Niyakap ko rin siya. "Toy..." sagot ko rin.
At iyon, nagkamabutihang-loob kami ni Carlo. At imbes na magturuan kami ng leksyon, inubos namin ang oras sa kuwentuhan sa gabing iyon.
Nasa pintuan na ako ng kuwarto niya upang bumalik na sa aking kuwarto sa ground floor nang tinawag niya ako. "Toy..." Nang nilingon ko siya, iniabot siya sa akin ang toy soldier. "Ibalik ko na siya sa iyo..."
Napangiti ako. Tiningnan ko ang toy soldier na tila sa paningin ko ay tuwang-tuwang nakangiti sa akin. Parang nagmistulang inunat niya ang kanyang mga kamay upang kargahin siya, kagaya ng isang batang gustong magpakarga sa magulang. At baling kay Carlo, "S-salamat..." ang sambit ko.
Lumipas pa ang ilang araw at nakita ko na naman ang sigla ni Carlo sa kanyang pag-aaral. Kakaiba na nga lang ang setup namin dahil hindi na nga kami magkaklase, may Irene pa siyang palaging kasama. Naintindihan ko naman iyon. Kahit nasasaktan akong tingnan sila, tiis-tiis din pag may time. Kung matuloy na mag-iisang-dibdib sila, bagay na bagay naman silang tingnan. Parehong may hitsura, matangkad, parehong artistahin ang mga postura, parehong anak-mayaman. Sport lang ang peg ko. Pero tanggap ko ang role na iyan. Alam kong hindi ako greencross. Sa buhay niya, hindi ako puwedeng pampamilya; hanggang pang sport lang talaga.
(Itutuloy)