By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
----------------------------------
Isinilid ko na sa aking bulsa ang toy soldier at aalis na sana sa lugar nang biglang may narinig akong tawag. "Chris!"
Nang nilingon ko ang pinagmulan ng boses, nakita ko si Carlo. Naka-black suit pa siya at may puting rosas sa kanyang kanang dibdib.
Gulat na gulat ako sa aking nakita. "Anong nangyari?" ang tanong ko.
"Hintay nang hintay ako sa iyo sa bahay ninyo. Hindi ko sinipot ang kasal namin ni Irene..."
Tila nasabugan naman ako ng bomba sa aking narinig. "H-ha??? Bakit???"
"Nalaman ko kung kung ano ang ginawa nila sa iyo. Nalaman ko ang dahilan kung bakit hindi ka na nagto-tutor sa akin. Alam ko na kung bakit hindi ka sumipot sa kasal namin. Nagalit ako sa kanila..."
Natahimik ako sandali, hindi alam kung matuwa o mainis. "Diyos ko naman Carlo! At ngayon gusto mong ako na naman ang mapahamak! Gusto mo bang ako naman ang guguluhin ng mga magulang mo at ni Irene?! Nanahimik ako, Carlo. Ayaw ko nang gulo... Dahil lang pinagsabihan ako kung kaya ay hindi mo sinipot ang kasal? Ano ba naman iyan?! At ako, ano ang sasabihin nila sa akin? Ang labo mo naman o!!!" ang pagdadabog ko pa.
"Nalilito ako Toy eh... Nainis dahil sa ginawa nila."
"Kahit naman wala silang ginawa sa akin eh, hindi pa rin ako sisipot sa kasal mo! Alam mo ba kung bakit? Ha?"
"B-bakit?"
"Dahil masakit! Dahil parang pinupunit ang puso ko sa sakittt!" at humagulgol na ako.
"K-kaya nga, lalo lang akong na-guilty eh. K-kaya hindi ko na lang sinipot..."
"Ang ibig kong sabihin, magpakasal ka, tanga! At huwag mo akong i-expect na dadalo! Manhid ka ba? s*****a ka ba? Hindi mo ba naramdaman ang naramdaman ko?"
"N-nalilito ako, Toy... Naiinis."
"Nalilito ka. Nainis. Tapos... ako naman itong gi-gyirahin nila. Ano ka ba Toy... mag-isip ka naman."
"Mag-usap lang tayo Toy, please. Kahit sandali lang."
"At pagkatapos nating mag-usap, anong mangyayari?"
"Bahala na... pagbigyan mo na ako, please? Hindi ko talaga alam ang aking gagawin."
At wala na akong nagawa kundi ang pagbigyan siya. Dinala niya ako sa isang hotel.
"Ngayon, ano ba iyang gusto mong sabihin?" ang tanong ko nang nasa loob na kami.
"Toy... gusto kong manghingi sa iyo ng paumanhin. Dahil sinabi ko kay Irene ang tungkol sa iyo. Kasalanan ko kung bakit nabulgar ang lahat. Nagtiwala ako sa kanya sa una. Akala ko kasi, kaibigan ko siya. Litong-lito kasi ako sa panahong iyon. Wala akong mapagsabihan sa naramdaman ko. Hindi ko alam ang gagawin."
"Bakit? Ano ba ang naramdaman mo?"
"Nang sinabi mong b-bakla ka at may naramdaman para sa akin, nalito ako sa aking sarili. Hindi na kita mawaglit-waglit pa sa isip ko. Palagi kitang hinahanap. M-mahal din kita eh. Noon pang bago may nangyari sa atin, masaya ako kapag kasama kita. Hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya kapag nariyan ka sa tabi ko. Kaya nang gabing inanyayahan kita sa kuwarto ko, sinadya ko iyon. At iyong sinabi sa hula na may lihim akong mahal, ang unang naisip ko ay ikaw. Ngunit ayaw kong ma-develop sa iyo dahil alam kong magagalit ang mga magulang ko kapag pipiliin kita. Natatakot ako. Ayaw kong magalit muli sa akin ang aking mga magulang. K-kaya hayun, dahil sa sobrang pagkalito ko, hindi ko napigilan ang sariling sabihin kay Irene ang lahat. Sa panahong iyon, siya ang naisip kong lapitan. Akala ko, mapagkakatiwalaan ko siya. At iyon ang simula ng kanyang galit sa iyo. Hindi niya matanggap na mahal kita. Toy... patawarin mo ako." At humagulgol na siya.
Hindi ko lubos maisalarawan ang aking nadarama sa aking nalalaman. Gusto kong matuwa at magpunyagi ngunit parang gusto ko rin siyang pagsasampalin dahil sa nangyaring gusot, at dahil sa kanyang marupok na paninindigan. "A-anong plano mo ngayon?" ang nasambit ko na lang.
"Hindi ko alam. Gusto mo... aalis tayo? Magtanan tayo, Toy?"
"Toy... hindi pagtatanan ang sagot sa problema mo."
"Anong ibig mong sabihin?"
"Nand'yan na iyan. Binuntis mo si Irene. Panindigan mo. Dapat ay maging responsable ka."
"P-paano ka? Paano tayo?"
"Wala naman talagang tayo, Toy, di ba? Hindi naman naging tayo. Kung may nangyari man sa atin, walang kinalaman iyon sa pagmamahal. Iyon ay bunga lamang ng ating pagiging lasing. At si Irene... nabuntis mo siya. Siya ang nararapat para sa iyo."
Natahimik siya nang sandali. Hindi makatingin-tingin sa akin. "I-ikaw ang gusto kong makasama, Toy."
"Ako ang gusto mong makasama? Tapos binuntis mo siya?!" ang sarkastiko kong sagot.
"N-nalito ako, Toy eh. L-lasing ako noon."
"At ang alak na ngayon ang may kasalanan?"
"Patawarin mo na ako, Toy. Sige na, please. Aalis tayo pagkatapos ng graduation. Magsama tayo."
"Saan tayo pupunta? Paano tayo mabubuhay?"
"Basta kaya natin iyan, Toy... Mabubuhay tayo."
"Kakayanin kaya ng aking inay kung iiwan ko siya?"
"I-isama natin siya, Toy."
"Mahal mo ba si Irene?" ang tanong ko na lang. Hindi na ako nakipag-argumento pa.
"Hindi ko alam. Nalito ako eh."
"Alam kong mahal mo rin siya, Toy... Hindi mo siya mabuntis kung hindi mo siya mahal. Hindi mo masasabi sa kanya ang sikreto ko kung hindi mo siya mahal. Naintindihan ko. Kaya hindi ako sang-ayon na magtanan tayo."
"A-anong gagawin ko?"
"Pakasalan mo siya. Panindigan mo ang iyong responsabilidad at tapusin ang iyong pag-aaral. At ako, tapusin ko rin ang aking pag-aaral. Candidate ako for summa c*m laude. Hindi ko papayagang masira ang abot-kamay ko nang pangarap. At ikaw, abot-kamay na lang din ang pangarap ng mga magulang mo para sa iyo na magkaroon ng asawa't anak at makapagtapos ng pag-aaral. Huwag mong sirain ang oportunidad na mapasaya mo sila. Huwag mong sirain ang mga pangarap nila. Huwag mong sirain ang buhay ni Irene at ng isang inosenteng anghel na walang kinalaman sa mga nangyari sa ating buhay. Dapat mo silang panagutan. Hindi natin makamit ang tunay na kaligayahan kung sa likod ng ating gagawin ay may mga taong nagdusa, nalungkot, at natapakan."
Natahimik siya. Nag-isip. "Bakit? Ayaw mo ba akong ipaglaban? Ayaw mo bang panindigan ang pagmamahal mo sa akin?"
"May katuturan ba? May laban ba ako? Papayag ba ang konsyensya mo na masaya tayong magsama habang may mga taong natapakan? Na may isang inosenteng bata na buong buhay na magdusa? Ikaw ba ay ipinaglaban mo ako bago dumating si Irene?"
"Inaamin ko naman na nagkamali ako eh. Ngunit hindi ko maaatim na masaktan ka pa, Toy. Malulungkot ako."
"Puwes, nang niligawan mo si Irene at binuntis mo siya, matinding sakit na ang naramdaman ko. Wala nang hihigit pa sa sakit na iyon. Kaya ko na ang kahit anong sakit na darating pa sa aking buhay."
Natahimik siya. "P-puwede bang kahit sa pagkakataong ito, pagbigyan mo na lang ako?"
"A-ano iyon?"
"G-gusto kong maulit muli ang nangyari sa atin sa loob ng aking kuwarto noong gabing nalasing tayong pareho..."
At iyon. Pinagbigyan ko siya. Nagyakap kami, naghalikan na parang wala nang bukas; na parang iyon na ang katapusan ng lahat. Binigyang-laya namin ang nag-uumapaw na init ng aming mga pagnanasa, ang ang matinding pananabik. At ilang beses ding naulit ang lahat... saksi ang munting kuwarto ng hotel na iyon sa aming mapait na kuwento ng pagmamahalan.
(Itutuloy)