By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
----------------------------------
Nalimutan ko na sana ang tagpong iyon nang sa araw ng pasukan, nagulat ako nang makita ko si Carlo sa aming klase. Hindi ko kasi akalain na sa unibersidad na iyon siya mag-aaral, at classmate ko pa. Sabagay state university naman ang aming paaralan at mataas ang standard. Ngunit ang mag-classmate pa kami, hindi ko siya inaasahan.
Akala ko ay maging normal pa rin ang takbo ng aking buhay sa kabila ng pagsulpot ni Carlo sa aming klase. Ngunit habang tumatagal at dumarami ang kanyang kaibigan, lalo naman siyang yumayabang at iyon nga, hari na yata ng mga bully. At ako na yata ang pinakapaborito niyang binibiktima.
Isang araw, maaga akong pumasok sa klase. Nagulat na lang ako nang may nabasa ako sa blackboard, malaki ang pagkasulat. "CARLO DUWAG! MATAPANG KA LANG DAHIL SA MGA BARKADA MO! MAGSUNTUKAN NA LANG TAYO! LALAKI SA LALAKI!" Nagtawanan ang ibang mga estudyanteng nakabasa. Siguro natuwa na may matapang na gumawa noon.
Maya-maya lang, dumating si Carlo. Biglang natahimik ang lahat. Natakot. Nilingon ko siya upang tingnan ang kanyang reaksyon sa nakasulat sa blackboard. Ngunit nagkasalubong ang aming mga tingin at mistulang nag-aalab sa galit ang kanyang mga mata. Hindi ko alam kung bakit.
"Sa Botanical Garden tayo!" Ang pasimple niyang utos nang pabulong nang makalabas na kami sa klase at dinikitan ako. Halatang galit ang kanyang boses. At dahil sa takot, sinunod ko ang utos niya.
Walang katao-tao ang botanical garden. Agad niya akong kinaladkad patungo sa likod ng toilet building. Tagong-tago na kasi roon. Nang naroon na kami, kinuwelyuhan niya ako at puwersahang itinulak. Bumagsak ako sa damuhan. "Tangina mo! Duwag pala ha? Sige magsuntukan tayo! One-on-one!!!" ang sigaw niya.
"Carlo hindi ako ang nagsulat..."
"Anong hindi! Bakit iba ka kung makatingin sa akin kanina?! At sino bang ibang taong puwedeng magsulat ng ganoon sa klase natin ha?!!!" sigaw niya sabay tadyak naman niya sa aking tagiliran.
Nasa ganoon akong pagmamakaawa sa kanya nang nakita ko sa likuran ni Carlo ang dalawang estudyanteng lalaki na ang isa ay may hawak-hawak na patalim.
Itinuro ko kay Carlo ang dalawang estudyante sa kanyang likuran at akmang tatayo. "Carlo! May ta—" ang sigaw ko. Ngunit hindi ko natapos ang aking sasabihin gawa nang pagsuntok niya sa aking mukha.
"Anong mayroon?! Anong mayroon?! Lalaban ka ha?! Lalaban ka?! Kahit sinong demonyo pa ang nariyan, hindi ako natatakot! Tangina moooo!!!" ang sigaw niya. Sa sobrang galit niya ay wala talaga siyang pakialam sa kanyang paligid.
Nang nakita kong iniunat na ng isang lalaking may hawak na patalim ang kanyang kamay at akmang sasaksakin si Carlo, doon na ako pilit na tumayo. At kung gaano kabilis akong natumba sa pagtulak niya sa akin ay siya ko ring bilis sa paghila nang puwersahan kay Carlo upang maiwasan niya ang saksak. "Huwaaaggggg!!!" ang sigaw ko.
Sa sobrang bilis ng pangyayari, ang sunod kong naalimpungatan ay ang pagkatumba ni Carlo sa damuhan... at ang pagbaon ng patalim na para sana kay Carlo – sa aking tiyan.
Kitang-kita ko sa mukha ng dalawang estudyante ang matinding pagkagulat, natulalang nakatingin sa akin. Dahan-dahan akong natumba, hawak-hawak ko pa rin ang hawakan ng patalim na nakabaon sa aking tiyan. "Arrgggggghhhh" ang ungol ko.
Agad nagsitakbuhan ang dalawang estudyante habang nalugmok ako sa lupa, hawak-hawak sa aking kamay ang hawakan ng patalim. Pakiwari ko ay iyon na ang aking katapusan. Naramdaman ko na ang sakit at nahirapan akong huminga.
"Shittt! Tangina! Huwag mong hugutin iyan at bubulwak ang dugo!!!" ang narinig kong sigaw ni Carlo. At baling sa dalawang estudyanteng nagtatakbo, "P***NG INA NINYOOOOO! AKO ANG HARAPIN NINYOOOOO!!!" habang pilit na kinarga niya ako sa kanyang mga bisig.
Iyon na ang huli kong natandaan. Hindi ko alam kung saan niya ako dinala, kung ano ang ginawa niya sa akin. Nawalan na ako ng malay.
"Anak... kumusta ka na." ang narinig kong boses na tila nanaginip lang ako. Nang iminulat ko ang aking mga mata, nakita ko ang inay na nakaupo sa isang silya sa gilid ng aking kama. Medyo disoriented pa ang aking utak. Ngunit nang inikot ng aking mga mata ang paligid at nakita ang dextrose na nakalambitin lagayan nito sa gilid ng aking kama at ang dulo nito ay nakakabit sa aking pupulsuhan, doon ko napagtanto na nasa loob ako ng isang kuwarto ng ospital. At muling nanumbalik sa aking isip ang huling mga pangyayari.
"Na-operahan ka na anak. At ligtas ka na."
"N-nay, uuwi na lang tayo. B-baka ang mahal-mahal na ng babayaran natin dito."
"Huwag kang mag-alala, anak. May sumagot sa gastusin...."
"S-sino po 'Nay?"
"Ang mga magulang ni Carlo. Hayan pala si Carlo, o..." turo ng inay sa kanyang likuran. Naharangan pala niya ito. Inusog niya ang kanyang upuan. "Kagabi pa iyan siya rito. Dito na natulog." Dugtong ng inay.
"Hi..." ang sambit ni Carlo nang nagkasalubong ang aming mga tingin, binitiwan ang isang ngiti. Nakaupo siya sa isang silya sa may dingding ng kuwarto.
"H-hi..." ang sagot ko.
Iyon lang. Pagkatapos, tumayo siya at lumapit sa amin. "Aalis na po muna ako. Papasok pa po ako sa eskuwelahan." Ang pagpapaalam niya sa inay. At baling sa akin, binitiwan niya ang isang ngiti, lumapit sa aking kama at marahang tinapik ang aking pisngi, "Pagaling ka tol..." At tuluyan na siyang lumabas.
Iyon ang kauna-unahang pagkakita ko kay Carlo na ngumiti. Iyong ngiting walang bahid na pangungutya o pang-aasar; iyong ngiting walang halong pananakot. At iyong pagtapik niya sa aking pisngi, tila may kakaiba akong naramdaman. Excitement ba, tuwa... hindi ko lubos maisalarawan.
Eksaktong isang linggo, pinayagan na akong muling makabalik sa eskuwela. Bagamat malalim ang sugat na natamo ko, himala naman na walang internal organs ang natamaan. Iyon nga lang, bawal pa akong magtatakbo, o magbuhat ng mabibigat na bagay. Napag-alaman kong ang dalawang estudyanteng nanaksak ay naimbistigahan, sasampahan ng kaso, at i-expel sa unibersidad.
Sa oras ng aking break, sa botanical garden ako nagtungo. Umupo ako sa isang bangko, abala sa pag-aaral sa mga na-missed na leksyon. Nasa ganoon akong ka-seryosong pagbabasa nang biglang may tumabi sa aking inuupuang bangko. "Hi..." sambit niya.
Nang nilingon ko, si Carlo pala. "H-hi!" ang sagot ko rin at ipinagpatuloy muli ang aking pagbabasa. Hindi ko siya kinibo. Sa isip ko kasi, baka may hinihintay lang siyang kaibigan doon.
Maya-maya, nagsalita uli siya. "Salamat sa pagsagip mo sa akin..."
"Ok lang iyon." Ang sagot ko. Hindi pa rin ako lumingon sa kanya.
"B-bakit ang bait-bait mo sa akin?" tanong niya uli.
Hininto ko ang aking pagbabasa at tiningnan siya, "Eh... h-hindi naman dahil 'ikaw' iyon. Kahit kanino mangyari ang ganoon, ang ginawa ko ay gagawin ko pa rin."
"Kaya nga... bakit ang bait-bait mo?"
"Tinatanong pa ba iyon? Dahil iyan lang ako. Iba ako, iba ka rin. Iyan lang. Hindi ko lang akalain na masaksak pala ako."
"Kaya nga. Alam kong nakita mo ang dala nilang patalim kung kaya mo ako itinulak. Pero sinagip mo pa rin ako."
Hindi na ako sumagot. Ipinagpatuloy ko pa rin ang pagbabasa.
"Ako kasi, kapag galit sa isang tao, hahayaan ko siyang mapahiya, mabugbog, mapahamak..." dugtong niya.
"Hindi naman ako galit sa iyo eh."
"Sa kabila ng mga ginagawa ko sa iyo? Hindi ka pa rin galit sa akin?"
At doon, tuluyan ko nang isinara ang aklat na binabasa. "Ang sabi ng inay, ang galit daw ay walang mabuting maidudulot sa tao. Isa raw itong pagpapakita ng pagmamataas. Minsan daw ang pagmamataas ay nakakasira rin sa integridad ng tao. At sa mga kagaya naming mahihirap, hindi bagay na magkimkim kami niyan. Hindi bagay na magtanim ng galit. Kasi, kung mahirap na nga kami at may kinikimkim pang galit, lalo lamang naming pinahihirapan ang aming mga sarili... At kahit galit ako sa isang tao, foul na iyon kapag hinayaan ko siyang mapahiya, mabugbog, o mapahamak. Walang kinalaman ang galit ko sa pagtulong ko sa isang tao."
"Ang bait mo pala talaga."
"Ang inay ko ang mabait." Ang biro ko.
Napangiti siya. "Grabe... sa hindi na mabilang na kasalanan ko sa iyo, hindi ko na alam kung paano ako makakabawi. Lalo na iyong pagsagip mo sa buhay ko."
Binitiwan ko ang isang pilit na ngiti. "Wala iyon..."
"Gusto ko, maging magkaibigan na tayo... Magsimula."
Hindi ko siya sinagot. Para kasing "too good to be true". Ngunit may tuwa itong dulot sa puso ko.
Inabot niya sa akin ang kanyang kanang kamay habang tinitigan ako, "Carlo. Carlo Reyes."
Tinanggap ko ang pakikipagkamay niya. "Christopher Lara..." sagot ko.
(IItutuloy)